Avellana, Daisy H.

0
Si Daisy H. Avellana ay isang artista sa entablado, direktor at manunulat. Ipinanganak siya sa Roxas City, Capiz noong Enero 26, 1917. Itinaas niya ang lehitimong teatro at ang sining ng pagtatanghal sa isang bagong antas ng kahusayan sa pamamagitan ng pagtatanghal at pagganap sa mga bagong produksiyon ng mga klasiko at banyagang dula at sa panghihikayat sa pagtatayo ng mga grupong pandulaan at propesiyonalisasyon ng teatrong Filipino sa bansa. Katuwang ang kaniyang butihing asawa, isa ring Pambansang Alagad ng sining na si Lamberto Avellana at iba pang artista, itinayo nila ang Barangay Theatre Guild noong 1939 na naging daan upang maging popular ang teatro at sining ng pagtatanghal sa bansa, gamit ang radyo at telebisyon.

Gumanap siya sa mga dulang Othello (1953), Macbeth in Black (1959), Casa de Bernanda Alba (1967) at Tatarin. Higit siyang tumatak sa maraming manonood dahil sa kaniyang mahusay na pagganap bilang Candida Marasigan sa entablado at pelikulang ”Portrait of the Artists as Filipino” ni Nick Joaquin. Kabilang sa kaniyang mga idinerehe ay ang Diego Silang (1968), at Walang Sugat (1971). Ilan sa mga kaniyang mga sreenplays ay ang Sakay (1939) at Portrait of the Artist as Filipino (1955).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here