Ayala, Joey

0

Isa sa mga pinakamahuhusay na musikero ng ating panahon si Jose Iñigo Homer Lacambra Ayala. Ipinanganak siya noong 1 Hunyo 1956 sa Bukidnon. Nagtapos si Joey ng AB Economics sa Ateneo de Davao at walang sawang nagpatuloy sa paglinang ng kanyang husay sa larangan ng musika. Kasama siya sa pagkakatatag ng bandang Bagong Lumad na isa sa mga nagdulot ng pagbabago sa alternatibong musika ng Pilipinas. Gumagamit siya ng mga katutubong instrumentong pangmusika sa paglikha ng mga awit.

Ilang ulit nang nanalo ang mga awit na kanyang isinulat sa KATHA Music Awards, Metropop Songwriting Contest at iba pang patimpalak sa musika sa loob at labas ng Pilipinas. Taong 1992, nang bigyan siya ng Gawad ng Pagkilala ng Komisyon sa Wikang Pilipino dahil sa paglikha ng mga awiting mayaman sa pagpapahalagang moral sa wikang Filipino at paglalapat ng musika sa pamamagitan ng katutubong mga instrumento. Tunay ngang ang kanyang mga likha ay nakatutulong sa pagpapayabong at pagpapaunlad ng wika at kalinangang Pilipino.

Noong 1970 hanggang 1980, aktibo siyang lumikha ng musikang inilapat sa ilang rock opera at concert tulad ng Sa Bundok Ng Apo, May-I, May-I ng PETA, Nukleyar I at Nukleyar II. Siya rin ang nagcompose at namuno sa direksiyon ng musika, nagsulat ng script at umarte sa audio-visual production na Lansangan noong 1978.

Kakarampot lang ang nakakaalam na kuwentista rin si Joey. Ang kanyang mga maiikling kuwentong ay nagtamo ng gantimpala sa Philippines Free Press Annual Literary Award at The Carlos Palanca Award for Literature, Carlos Palanca Memorial Foundation. Si Joey ay naging National Fellow for Poetry and Songwriting ng UP ICW noong 1998.

Ilan pa sa mga parangal na kanyang tinanggap ay ang Datu Bago Award mula sa pamunuang bayan ng Davao, ang The Outstanding Young Men (TOYM) Award mula sa The Philippine Jaycees para sa “humanitarian efforts directed towards the two objectives of art – as relevant socially-oriented medium and as aesthetic principle” at noong kabataan niya, ay ang Gerry Roxas Leadership Medal.

Sa kasalukuyan, tumutugtog at lumilikha pa rin siya ng pagkaririkit na mga awitin. Makikita, maririnig at makakausap pa (pag break) si Joey Ayala sa Conspiracy Garden Café (#59 Visayas Avenue, Quezon City) tuwing Biyernes ng gabi. 

Mga album:

  • 16 Love Songs
  • Basta Say Saging
  • Encantada
  • Raw
  • Lumad sa Syudad
  • Magkabilaan
  • Mga Awit ng Magdaragat
  • Mga Awit ng Tanod Lupa
  • Panganay ng Umaga
  • Sita at Rama
SHARE
Previous articleAn Lim, Jaime L.
Next articleAgustin, Jim Pascual

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here