Defante-Gibraltar, Maria Luisa S.

0

MARIA LUISA S. DEFANTE-GIBRALTAR. Ipinanganak noong 31 Enero 1944 sa Lungsod Bacolod. Unang nalathala ang kaniyang maikling kuwento sa magasing Hiligaynon noong 19 taong gulang lamang siya at isang batam-batang guro sa elementarya. Nagtapos siya ng kursong edukasyon sa La Consolacion College. Magmula noong 1976 nanirahan siya at nagturo sa Guimbal, Iloilo, ang lugar ng kaniyang napangasawang si Ciriaco Gibraltar. 

Mayroon na siyang walong nobela, komiks at tuluyan, sa magasing Yuhum: Si Emelie, Si Nelie (1999-2000); Tunay nga Tag-iya (Tunay na May-ari, 1993-1995);Sa Tagsa Ka Dughan (Sa Bawat Puso, 1986-1987); Salut sa Villa Morgana (Salot sa Villa Morgana, 1986-1987); Mga Anghel sang Mansion Monteasul (Mga Anghel ng Mansiyon Monteasul, 1981); Mansion Monteasul (1978); Nasalapuan nga Langit (Natagpuang Langit, 1979); at Mansion del Muerte (Mansiyon del Muerte, 1987). Mayroon siyang kolum sa magasing Hiligaynon na pinamagatang Sa Aton Puluy-an(Sa Ating Tahanan). Libo-libo na ang nasulat niyang mga sanaysay at maikling kuwento. Noong 2003, inilathala ng University of San Agustin Publishing House ang kaniyang kalipunan ng mga maikling kuwentong pinamagatang Ang Babaye sa Lunok kag iban pa nga mga Sugilanon nga Indi Mapatihan Apang Matuod (Ang Babae sa Balete at iba pang mga Kuwentong Hindi Kapani-paniwala Subalit Totoo). Bilang isang magaling na guro, ginawaran siya ng Metrobank Outstanding Teacher noong 2003.

SHARE
Previous articleDalisay, Jr. Jose Y.
Next articleDimzon, Alain Russ