Coroza, Michael M.

0

Kasalukuyang Associate Professor sa Kagawaran ng Filipino, School of Humanities, Ateneo de Manila University, nagtuturo ng Panitikan (Kasaysayan at Kritisismo), Malikhaing Pagsulat (Tula), Pagsasaling Pampanitikan (Teorya at Praktika), at mga Araling Pangwika sa gradwado at di-gradwadong paaralan. Nagtapos ng AB Philosophy sa Unibersidad ng Santo Tomas, M.A. Literature (Filipino) sa Ateneo de Manila, at Ph.D. Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. 

Premyadong makata, mananaysay, tagasalin, at editor, kasapi at dating pangulo siya ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), kasalukuyang Kalihim Pangkalahatan ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), kagawad sa lupon ng Wika ng Kultura at Agham (WIKA, Inc.), pangalawang tagapangulo ng Samahan ng mga Tagasalin (SALIN), kasapi ng Filipinas Institute of Translation (FIT), at anim na taóng nanungkulan bilang kasapi ng Konsehong Tagapagpaganap ng Pambansang Komite sa Wika at Salin ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA). 

Inilathala ng UST Publishing House ang kaniyang mga aklat ng tula na Dili’t Dilim (1997) at Mga Lagot na Liwanag (2002) na kapuwa naging finalist sa pagkakamit ng National Book Award ng Manila Critics Circle. UST Publishing House rin ang maglalathala ng kaniyang salin at suri sa unang Balagtasan sa Espanyol (justa poetica) nina Manuel Bernabe at Jesus Balmori, ang El Recuerdo y el Olvido (Gunita at Paglimot). Inilathala ng Lampara Books ang kaniyang mga kuwentong pambata, ang Imbisibol Man ang Tatay (2009) at Ang Mga Kahon ni Kalon (2010). May palagiang kolum siya tungkol sa tula at pagsulat ng tula, ang Haraya, sa Liwayway, ang malaganap at pinakamatagal na pambansang lingguhang magasin sa Wikang Pambansa.

Naging panauhing tagapagpanayam na siya sa maraming pambansa at pandaigdigang kumperensiya ukol sa wika, panitikan, at pagsasalin. Siya ang host ng palatuntunang panradyo na “Harana ng Puso” na tumanggap ng Gawad Francisco Balagtas mula sa Komisyon sa Wikang Filipino noong Abril 2010 dahil sa pagbuhay at pagpapalaganap nito ng dakilang pamanang pangmusika at pampanulaan ng Filipinas. Naririnig ito tuwing Linggo ng gabi, ikawalo hanggang ikasiyam, sa DWBR 104.3 FM. Siya rin ang tanging nakababatang makata na nakikipag-Balagtasan kay Teo T. Antonio, ang anak ng Hari ng Balagtasan na si Emilio Mar. Antonio.

Bukod sa walong ulit na pagkakamit ng mga pangunahing gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, pinagkalooban siya ng Gawad Francisco Balagtas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong Abril 2005 dahil sa masugid na pagtataguyod niya ng wika, panitikan, at kulturang pambansa. Noong Oktubre 2007, tinanggap niya mula sa maharlikang pamilya ng Thailand ang Southeast Asia Writers Award (S.E.A.Write Award). Kaugnay nito, pinagkalooban siya ng National Commission for Culture and the Arts ng Ani ng Dangal Award noong Pebrero 2009.

SHARE
Previous articleCo, Mikael de Lara
Next articleCarbo, Nick