Siy, Beverly Wico

0

Si Beverly Wico Siy o Bebang Siy ay ipinanganak sa Quirino, Maynila noong 10 Disyembre 1979. Nagtapos siya ng BA Malikhaing Pagsulat sa Filipino (cum laude) sa UP Diliman. Mahigit dalawang taon siyang naging manunulat at mananaliksik sa Creative Collective Center, Inc., isang NGO na nagtataguyod ng karapatan ng kababaihan. Isa sa mga proyekto nito ang P.S.R. Pag-ibig, Seksuwalidad at Relasyon radio program sa DZME 1530 khz kung saan naging co-anchor ni Dra. Sylvia Estrada-Claudio si Bebang. Tumagal nang mahigit dalawang taon ang PSR at sumahimpapawid din ito sa DYHP 1640khz, ang nangungunang radio station sa Cebu at sa DZBF Marikina. Kasabay ng PSR ay ilang mga pampanitikang proyektong pinamunuan ni Bebang. Ito ang TEXTANAGA, DALITEXT at DIONATEXT, mga pambansang patimpalak sa tula hatid ng UP ICW, NCCA, FIT at UMPIL.

Ang kanyang mga akda ay nailathala na sa mga publikasyon sa loob at labas ng akademya. Ilang beses siyang nanalo sa mga patimpalak sa unibersidad noong college days niya at, finally, nakasungkit siya ng karangalang-banggit sa Talaang Ginto ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 2002 at Filipino Readers Choice Award Essay Anthology noong 2012.

Naging fellow na si Bebang sa UP at UST Writers Workshops at naging aktibong bahagi ng pamunuan ng UP Writers Club, LIRA, UMPIL at FWGP.

Nag-aaral ng Panitikang Filipino si Bebang sa Filipino Department ng UP Diliman at masugid siyang copyright advocate para sa mga manunulat na Filipino.

Sa kasalukuyan, isa siyang freelancer na manunulat, editor, proofreader, tagapagsalin at tagapagsalita sa mga writing workshop at book event. Isa rin siya sa mga mananaliksik ng panitikan.com.ph. Maaaring makipag-ugnayan sa kanya sa beverlysiy@gmail.com o sa 0919-3175708.

 

Bibliyograpiya:

Mingaw (sa ilalim ng sagisag-panulat na Frida Mujer), Philsprint Publishing, 2006.

It’s A Mens World, Anvil Publishing, 2011.

Marne Marino, Vibal Publishing, 2013.

Nuno sa Puso I at II, Visprint, Inc., 2014.

It’s Raining Mens, Anvil Publishing, 2014.

 

 

SHARE
Previous articleSantos, Benilda S.
Next articleSyjuco, Cesare A.X.