Patron, Elena M.

0

Tatlong dekada nang nagsusulat si Elena M. Patron, at masisilayan ang gayuma ng kanyang panulat sa mga akdang Kapatid Ko ang Aking Ina (1969) na nagkamit ng gawad sa Famas (1970); Sleeping Beauty (1972) na sinubaybayan ng halos kalahating milyong tagahanga ng Aliwan; Blusang Itim (1981) na kumita sa takilya para sa Seiko Films; Ako si Emma, Babae (1975) na isinapelikula noong 1977; Nagbabagang-luha (1987); Oras-oras, Araw-Araw (1986); at Kislap sa Dilim (1988).

Naging staffer ng Liwayway si Patron noong 1959-1962 bago dinibdib ang pagsusulat ng panitikan sa komiks. Tinatayang 300 nobela at mahigit 500 maiikling kuwento sa komiks ang kanyang nasulat. Noong 1983, kabilang si Patron sa iilang manunulat na nagpasimula ng romance novel sa wikang Filipino na bumangga at nagpataob sa romance novel sa Ingles na kumalat sa bansa. Ang “pangunahing babaeng humawi ng landas sa panitikang komiks sa Filipinas” ayon sa American Journal, tinanggap ni Patron ang Gantimpalang Manuel L. Quezon sa Panitikan noong 1993.