Reyes, Gremer Chan

0

Ipinanganak si Gremer Chan Reyes noong 17 Hulyo 1931 sa Lungsod Cebu. Ilang beses nanalo ang kaniyang mga maikling kuwento sa patimpalak ng grupo ng mga Sebuwanong manunulat na Lubasan sa Dagang Bisaya o LUDABI: “Patay nga Kalibotan” (Patay na Daigdig, 1960); “Sa mga Tingog sa Ulan” (“Sa mga Tinig sa Ulan, 1962); “Tinagoan sa Dagat” (Lihim ng Laot, 1967); at “Sayonara, Major Mataizo (1967). Ang kaniyang mga akda ay nalathala sa mga publikasyong Bag-ong Suga at Bisaya. Nanalo ng unang gantimpala ang kaniyang maikling kuwentong “May Baybayon ang Pikas Bahis sa Lawod” sa patimpalak ng pahayagang Sun Star noong 1992. 

Ang kalipunan ng kaniyang mga nagwaging akda na Gagmay’ng Tingog sa Protesta (Maliliit na Tinig ng Protesta) ay isinalibro noong 2005. Inilathala noong 2009 ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) ang kaniyang libro ng mga maikling kuwento sa Sebuwano na Men at Sea and Other Stories na inedit at isinalin sa Ingles ni Hope Sabanpan-Yu. Noong 2010, tumanggap siya ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas o UMPIL, at ng Gawad Taboan mula sa NCCA.