Quindoza-Santiago, Lilia

0

Si LILIA QUINDOZA SANTIAGO ay naging “Makata ng Taon” ng 1989 sa bisa ng kanyang tulang “Sa Ngalan ng Ina, ng Anak, ng Diwata’t Paraluman.” Premyado din ang kanyang mga koleksiyon ng tula: ang “Dung-aw at iba pang tula” (1977), “Ordinaryo” (1990), at “Mga Larawang Pisikal” (1995). Ang mga tulang ito ay kasama sa dalawang aklat ng tula na nalimbag na, ang Kagampan (Pregnant, Kalikasan Press, 1989) at Asintada (U.P. Press, 1997). Kuwentista rin siya at may koleksiyon ng maikling katha, Ang Manggagamot ng Salay-Salay at iba pang kuwento (Kalikasan Press, 1989) at editor ng iba’t ibang libro at mga sulatin. Ang kanyang nobelang “Ang Kaulayaw ng Aguila” ay nagwagi ng Grand Prize sa nobelang Filipino sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.

Si LQS ay anak nina Victorino Quindoza ng Sta. Cruz, Marinduque at Buena Cadanilla ng Solano, Nueva Vizcaya, at kabiyak ng makata-mang-aawit na si Jesus Manuel Santiago, ina ng apat na anak na sina Haya Pag-asa, Halina Mandala, Balagtas Himigbayan at Daniw Plaridel. Ipinanganak sa Manaoag, Pangasinan ngunit lumaki at nag-aral sa Lungsod ng Baguio, napagsasanib niya sa kanyang mga sulatin ang usapin ng kababaihan kaugnay ng mga katutubo, mga taga-Iloko at iba pang etnolinggwistikong grupo sa Pilipinas. Nagturo siya ng panitikang Pilipino at malikhaing pagsulat sa U.P., at naging Associate for Fiction sa Likhaan: Sentro ng Malikhaing Pagsulat, U.P. Diliman, Quezon City.

Noong 2004, pinagkalooban siya ng GAWAD Balagtas ng Unyon ng  mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) at nagkamit din siya ng Outstanding Professional Service Award mula sa U.P. Alumni Association. Noong 2005, naging Fulbright Visiting Professor siya sa Old Dominion University (ODU) sa Norfolk, Virginia U.S.A.

Siya ay naka-base ngayon sa Hawaii, U.S.A.

SHARE
Previous articleQuemada, David V.
Next articleQueaño, Nonilon V.