O’ Hara, Mario

0

Isinilang noong 19 Abril 1946 sa Zamboanga, Mindanao si Mario O’ Hara. Isa siyang premyadong director, prodyuser at manunulat ng pelikulang Filipino. Ang kaniyang pelikula noong 2004, Babae sa Breakwater, ay nagtampok sa usapin ng kahirapan sa Maynila at nagtagumpay sa panlasa ng mga kritiko. Bilang manunulat ng dulang pampelikula, napabantog siya sa Lumuha Pati Mga Anghel (1971), Cadena de Amor (1971),Tatlo, Dalawa, Isa (Hello Soldier, 1974), Mortal (1975), Tatlong Taong Walang Diyos (1976), Insiang (1976), Rubia Servios (1978) Kasal (1980), Kastilyong Buhangin (1980), Babae sa Bubungang Lata (1988), Sisa (1998), at Pangarap ng Puso (2000). Bilang direktor ng pelikula, napatanyag siya sa Mortal (1975), Tatlong Taong Walang Diyos (1976), Bulaklak ng City Jail (1984), Bed Sins(1985), Sindak (1999), at Pangarap ng Puso (2000). Bilang manunulat ng dulang pantanghalan, ang kanyang Ang Palasyo ni Valentin ay nagwagi ng unang gantimpala sa National Centennial Literary Contest, Kategoryang Zarzuela noong 1998. Nakamit niya ang 1984 Metro Manila Film Festival Best Director para sa Bulaklak ng City Jail; 1995 Urian Awards for Best Director para sa Fatima Buen Story; 2000 Young Critics’ Award for Best Director para sa Sisa; at ng 2000 Young Critics’ Award for Best Screenplay para sa Sisa.