Queaño, Nonilon V.

0

Bukod sa pagiging mandudula, si Nonilon V. Queaño ay isa ring makata, kuwentista, at kompositor ng musika. Ilang ulit siyang nagkamit ng gantimpala sa Palanca, CCP Literary Contest, Palihang Aurelio Tolentino, Talaang Ginto ng Surian ng Wikang Pambansa at Timpalak Panitik ng UP.

Heto ang ilan sa mga premyadong dulang isinulat niya: Ang Katutubo, Ang Pagbabalik ng Musikero, Basurahan, Alipato, Ang Magsasaka, nang Pista sa Aming Bayan, Hawla, Ang Bangkay, at Bahay-Bahayan. Lumilikha rin siya ng mga awit na napatampok hindi lamang sa mga pagtatanghal ng kanyang dula mismo kundi sa ilang mga konsiyertong pangmusika sa Metropolitan Theater sa Maynila, sa Baguio, sa mga tribo ng Bulubundukin, at sa iba pang lugar sa bansa. Nakasulat siya ng ilang kuwento bago pumalaot sa pagsulat ng dula at may iniingatang ilang dulang pampelikula.

Kabilang sa mga karangalang kanyang tinanggap ay ang titulong “Playwright-in-Residence” sa UP Baguio at isang gawad-karangalan sa Panitikan nang tanghaling isa sa natatanging mamamayan ng Tayabas, Quezon –lugar na kanyang sinilangan. Si Noni ay naging kasapi ng GAT, UP Writers Club at LIMBAG (Lipunan ng mga Manunulat sa Baguio). Nagturo siya sa UP Baguio at kasalukuyang nagtuturo sa UP Diliman.

Mula sa Ang Katutubo at Dalawa pang dula ni Nonilon V. Queano (New Day Publishers, 1983).