Ang Bata sa Pagtuklas ng mga Bayani: Ang Pagkabata ng Bayani sa mga Etnoepiko ng Pilipinas

0

Ang Bata sa Pagtuklas ng mga Bayani: Ang Pagkabata ng Bayani sa mga Etnoepiko ng Pilipinas

ni Eugene Y. Evasco

Kailangan ng bata ang titingalaing bayani. Ito ang kadalasang hinahanap ng mga kritiko at magulang  kapag tinitimbang ang halaga ng akdang pambata. Sa musmos na kamalayan ng mga mambabasa, mahalagang makatagpo sila ng karapat-dapat na bayaning gagabay sa pag-unlad ng kanilang kultura at mga halagahan. Ilang magulang na ang natatakot sa pagbaling ng kanilang anak sa mga huwarang bayani buhat sa popular na daluyan ng kultura tulad ng telebisyon, pelikula, at komiks. Paliwanag nila’y bukod sa banyaga ang bayani, marahas at mapanghamak ang bayaning kinahuhumalingan ng mga bata ng kasalukuyang panahon. Sa mga resulta ng ilang pag-aaral, lumilitaw na nakahihigit ang mga artista sa pelikula’t telebisyon, mga mananayaw at mang-aawit, at ang barkada bilang huwarang sasandigan ng mga bata. Nalalayo na ang mga bata sa kanilang magulang, tagapag-alaga, at guro bilang kanilang huwaran. Ang nakapanlulumo pa, naiulat sa dokumentaryong Super Size Me (2004) ni Morgan Spurlock, higit na kilala ng mga bata sa kasalukuyan ang mga imahen mula sa fastfood (e.g., Wendy at Ronald McDonald) gayong `di nila matukoy ang identidad sa larawan ni Hesukristo.

Mahalaga ang tungkulin ng bayani sa panitikan. Nagtatampok ito ng mga unibersal na panghalina, nagpapalaganap ng mabuting halagahan, at naglalaan ng huwaran para sa mambabasa. Ayon pa kina Manjari Singh at Mei-Yu Lu, pinauunlad nito ang pang-unawa ng bawat mamamayan sa mga atas ng lipunan. Taglay ng bayani ang mga katangiang karapat-dapat tularan ng mambabasa. Dahil dito, may kapangyarihan ang panitikan na likhaing muli ang lipunan at ipagpatuloy ang kinagisnan nitong mga halagahan. Dagdag pa ni B. Davis, “They have been useful for thousand of years to the people for whom they serve as an idealized human, a sort of ‘super’ person, capable of dealing with problems that surpass normal humans and their abilities” (sipi kina Singh at Lu).

Dalawang tungkulin ang natukoy nina Singh at Lu kaugnay ng mga bayaning tampok sa panitikang pambata. Una, tungkulin ng bayani na maging halimbawa ng mga unibersal na katangian. Tinutukoy nito ang mga katangiang pinahahalagahan sa mga lipunan, sa iba’t ibang panahon—kagitingan, pagmamalasakit, tiyaga, paniniwala sa sarili, at optimismo. Sa pamamagitan ng isang bayani, makikita ang iba’t ibang paraan kung paano dapat harapin ang mga hamon sa lahi, etnisidad, uri, at relihiyon. Sa pagtatampok at pag-aaral ng iba’t ibang danas ng mga bayani, mailalatag sa mambabasa ang mga estratehiya sa pagdulog sa mga hamon at suliranin.

Ikalawang tungkulin ng bayani sa panitikang pambata ay ang pagiging huwaran nito sa mambabasa. Sa tungkuling ito, marapat na taglay ng bayani ang katatagan at iba pang mainan na katangiang makatutulong upang maigpawan ang mga hamon sa buhay. Habang kumikilos ang bayani sa kuwento, napauunlad ng mga mambabasa ang kanilang halagahan. Sa bawat tagumpay ng bayani, lagi itong nakapagtatatak ng mensahe sa mambabasa: karapat-dapat itong tularan.

May mahalagang pag-aaral si Loline M. Antillon kaugnay ng Agyu, ang etnoepiko ng mga katutubong Bukidnon at Manobo. Idiniin sa kaniyang pag-aaral ang pagiging panlipunang dokumento ng isang epiko. Samakatuwid, naitatala ang kasaysayan sa anyong pampanitikan na “pinaiikot sa isang bayani. Sa buhay at pakikipagsapalaran ng bayaning ito, itinala nila ang kanilang pakikibaka, ipinadama ang lungkot at saya, ipinagdiwang ang tagumpay, tinanggap ang mga kabiguan, ipinahayag ang mga pagpapahalaga, ipinagtanggol ang mga paniniwala at pananampalataya, at inilagak ang mga katangiang sumasalamin sa kanilang pagkatao at lipi” (Antillon 1991: 4). Idinagdag pa, gayong umiikot sa buhay ng isang bayani ang epiko, ito ay “kolektibong katauhan, pag-aari at tradisyon ng liping lumikha sa kaniya” (Antillon 1991: 4).

Natuklasan rin ni Antillon ang kaibahan ng mithiin sa pakikipagsapalaran ng bayaning si Agyu kumpara sa mithiin ng mga bayani sa ibang epiko ng bansa. Kung ang kadalasang mithiin ng bayani ay maghanap ng mapapangasawa, ipaghiganti ang ama, o sumuong sa digmaan, katangi-tangi si Agyu dahil tinuklas niya ang Nalandangan, ang lupang pangako para sa kanilang lahi. Naitala sa bawat kompletong episodyo ng epiko ang paniniwala na mas mainam “mamuhay nang naghihirap ngunit malaya kaysa masagana ngunit alipin naman” (Antillon 1991: 10). Mangyari, sa ganito ring sentimiyento umiikot ang pakikipagsapalaran at paglalakbay ng pamilya at lahi ni Agyu mula pagkaalipin tungo sa maalwang buhay sa paraiso sa lupa. Inihalintulad rin ng naturang mananaliksik ang Nalandangan sa kahalintulad na konsepto ng lupang pangako sa Bibliya at sa Utopia ni Plato. Pinatatunayan niya ang pagkakahawig ng tatlo sa banghay at istruktura ng naratibo, “bagay na magpapagunita sa paniniwala ni [Carl] Jung na may isang kolektibong memorya na dumadaloy sa kamalayan ng tao o ng isang lahi” (Antillon 1991: 5). Natukoy sa pananaliksik ang paglalarawan sa lupang pangako ng epikong Manobo. Kasama sa paghihiraya sa Nalandangan ang konsepto ng pananagutan sa paraiso: kailangang mapangalagaan ito upang mapanatili ang biyayang handog nito. Maihahalintulad ito sa isang ipinagtatanggol na kuta na “ang mga puno ng bahay ay pinagkabait-kabit ng mga rattan ngunit pinahigpit ang kapit sa isa’t isa sa pamamagitan ng laway ng mga sawa” (Antillon 1991:21).  

Tungkulin, gamit, at kabuluhan para sa kasalukuyang panahon ang mga natukoy ni Joi Barrios sa kaniyang pag-aaral ng mga etnoepiko sa Pilipinas. Naisa-isa niya ang mga halagahang nakalakip sa mga pahina ng nailimbag na bersiyon. Ayon kay Barrios, ang pagbibigay-halaga sa mga bayani ng epiko ay “pagbibigay-halaga na rin sa mga katangian ng katapangan at kagitingan, mga bagay na mahalaga para sa patuloy na pagkabuhay ng isang komunidad” (Barrios 1991; 35). Natukoy rin niya ang mga litaw na tema ng pagtutulungan, damayan, at pakikiramay sa mga epiko. Aniya, “Ang problema ng isa ay problema ng buong komunidad” (Barrios 1991: 36) kung kaya hindi nakikipagtunggali at nagtatagumpay ang isang bayani sa epiko nang nag-iisa. Dahil lantad ang kolektibong pagkilos at pakikipaghamok, nangangailangan ang bayani sa epiko ng tulong ng mga kapatid, anak at kapanalik (Barrios 1991: 42)  Dagdag pa rito ang pagpapahalaga sa pagkilos, paggawa ng paraan at pananalig sa sariling gawa (Barrios 1991: 37).

Sa huli, inilatag ni Barrios ang kaniyang interpretasyon sa tungkulin ng mga bayani sa etnoepiko. Aniya:

Ang bayani’y hindi namamatay pagkat ang ating bayani ay hindi iisang tao kundi maraming bayani na kumikilos bilang isa…Ang bayani’y hindi namamatay pagkat laging may handang magbuwis ng buhay para sa iba…Ang bayani’y hindi namamatay hangga’t buhay ang kaluluwa ng pakikibaka. Ito ang diwa, ang esensya, ang dahilan ng pakikipagtunggali. Hangga’t naniniwala ang mga bayani ng ating bayan na sila ang nasa matwid, hindi sila mawawalan ng pag-asa. (Barrios 1991: 43)

Kaugnay sa pag-aaral ng dalawang Pilipinong iskolar ukol sa mga bayani at mga epiko, mahalagang ibahagi ang Deconstructing the Hero: Literary Theory and Children’s Literature (1997), isang imbestigasyon ni Margery Hourihan kaugnay sa namamalasak na konsepto ng bayani sa panitikang pambata mula sa Estados Unidos, Britanya, at sa Europa. Sa kaniyang pag-aaral ng mga texto, gamit ang mga naunang pag-aaral nina Vladimir Propp at Joseph Campbell ukol sa narrative functions ng kuwentong-bayan at monomyth, natukoy ang hulmahan ng kuwento ng isang bayani sa anyo ng paglalakbay at pakikipagsapalaran:

  • The hero is white, male, British, American or European, and usually young. He may be accompanied by a single male companion or he may be the leader of a group of adventurers.
  • He leaves the civilized order of home to venture into the wilderness in pursuit of his goal.
  • The wilderness may be a forest, a fantasy land, another planet, Africa or some other non-European part of the world, the man streets of London or New York, a tropical island, et cetera. It lacks the order and safety of home. Dangerous and magical things happen there.
  • The hero encounters a series of difficulties and is threatened by dangerous opponents. These may include dragons or other fantastic creatures, wild animals, witches, giants, savages, pirates, criminals, spies, aliens.
  • The hero overcomes these opponents because he is strong, brave, resourceful, rational and determined to succeed. He may receive assistance from wise and benevolent beings who recognize him for what he is.
  • He achieves his goal which may be golden riches, a treasure with spiritual significance like the Holy Grail, the rescue of a virtuous (usually female) prisoner, or the destruction of the enemies which threatens the safety of home.
  • He returns home, perhaps overcoming other threats on the way, and is gratefully welcomed.
  • He is rewarded. Sometimes this reward is a virtuous and beautiful woman.

(Hourihan 1997: 9-10)

Mula sa pagsusumang ito ni Hourihan, nabanggit niya ang mga katiwalian at mga negatibong representasyon sa mga ganitong tipo ng kuwentong pinag-aralan niya. Lantad sa pagbubuod niya ng mga naenggkuwentrong teksto ang pangingibabaw ng mga puting Europeo at ang pagsasantabi sa kababaihan. Binansagan niya ang mga teksto bilang pangunahing katha (master story) ng sibilisasyong Kanluranin na may malaking impluwensiya sa pandaigdigang panitikang pambata. Sang-ayon sa may-akda, nakaangkla ang kuwentong ito sa kamalayang Kanluranin at nagsilbing batayan ng mga pinakapopular at pinakamatagumpay na produkto sa industriya ng pagbibigay-aliw. Ito ang peligro sa pananaig ng ideolohiyang Kanluranin sa iba’t ibang kultura sa daigdig. Dagdag pa niya:

It has always glorified the patriarchy. Now it is a disabling story, naturalizing the exploitation of the environment, the domination of  non-European peoples, the marginalization and subordination of women, the wanton slaughter of animals for use and amusement, and the use of force and violence to achieve these ends. It depicts this behaviour as natural, rational and good, as the struggle of the morally and culturally superior to achieve appropriate mastery. (Hourihan 1997: 233)

Sa nasabing pag-aaral, ipinapanukala ko ang muling pagbabalik sa limot at bibihirang teksto ng etnoepiko ng bansa. Mainam itong sagot sa kapangyarihang taglay ng banyagang kultura, bukod pa sa pagsusulong ng pambansang identidad. May dalawang antas ang pag-aaral na ito. Una, maituturing ang pananaliksik bilang pagbabakas sa konsepto ng batang bayani mula sa mga etnoepiko ng Pilipinas. Ihahanay rito ang mga maririkit at kagila-gilalas na kuwento ng pagkabata ng mga bayani o ng mga bata sa etnoepiko at mga prosang bersiyon sa epiko (tulad ng mantukaw ng mga katutubong Bukidnon). Layon din ng sanaysay na muling ipakilala sa mga bata at sa mga manunulat ng akdang pambata ang mga bayani buhat sa katutubo at etnikong anyong pampanitikan sa bansa, lalo pa’t ang modernong kabataan ang mga pangunahing biktima ng pandaigdigang kulturang popular sa taguyod ng Kanluran.

Sa pangalawang antas, binigyang-diin ang pagkabata ng mga bayani sa etnoepiko upang mapag-alaman kung paano hinuhubog ng mga sinauna at katutubong akdang Filipino ang pagkabata. Sa pamamagitan ng pagsasalansan, maikukumpara ito sa konstruksiyon ng pagbata sa panitikan noong panahon ng kolonisasyon. Patutunayan ding ang usapin ng karapatang pambata ay hindi bago sa lipunang Filipino; sapagkat matagal na itong isinusulong habang inaawit ang mga epiko at pasaling-dilang lumalaganap ang panitikang-bayan. Ilalarawan din na ang kapangyarihan ng mga batang bayani sa epiko at kuwentong-bayan ay nagpapahiwatig ng kalayaan ng kabataan at ng lipunan sa pangkalahatan.

Mahiwagang Pagsilang, Maalamat na Pagkagulang

Mahalagang elemento sa pagbubuo ng bayani ay ang kaniyang mahiwagang pagkakasilang. Tinutukoy dito ang pambihirang paglaki at mga katangiang eksaherasyon sa biolohikal na pag-unlad ng isang tao. Ang nakalakip na salamangka sa pangyayaring ito ay nagbabadya ng kagitingan at kadakilaan; nagtatakda ng pagkabayani sa epiko. Ayon pa kay Cecil M. Bowra, ang kakaibang kapanganakan ng bayani ay pangitain ng isang tagumpay (sipi kay Eugenio 2001: xvii).

Sa mantukaw (ayon kay Carmen Unabia, ito ay rendisyong kuwento ng epiko) ng katutubong Bukidnon, isinilang si Damanaas/ Baybayan mula sa dayap na natagpuan ni Banlak, kapatid ni Agyu, habang naliligo sila sa ilog. Hinati ni Banlak ang dayap na inaanod ng ilog; ang kalahati ay ikinuskos niya sa katawan, ang isa’y ipinaanod niya. Natagpuan ang kalahati ng isang dalagang pinahintulutan ng amang maligo sa ilog buhat sa pagkakakulong sa mataas na tore. (Sa paniniwalang Bukidnon, mataas ang halaga ng dalagang hindi pinatatapak sa lupa.) Ikinuskos ng dalaga ang kalahati ng dayap sa kaniyang buhok. Pagdating ng dalaga sa kaniyang tore, ikinabigla niya ang kaniyang pagdadalantao. Pagkaraan ng tatlong oras, nagsilang ang dalaga. Pagkasilang na pagkasilang, nilibot ng sanggol ang silid at hinanap ang kaniyang ingkong (lolo). Nais pala ng sanggol na bigyan siya ng pangalan, na hindi naman ipinagkait ng lolo. Tinawag siyang Damanaas. Pagkaraan, humingi si Damanaas ng bitag sa lolo para manghuli ng manok.

Sumusunod sa hulmahan ng buhay at kasaysayan ng bayani, na natukoy nina Otto Rank, Lord Raghan, at Johann Georg von Hahn, ang kasaysayan ni Damanaas na mas kilala bilang Baybayan. Nasa talaan sa ibaba ang pagkakahawig ng mga pangyayari:

  • Ang ama ay maharlika. Ama ni Baybayan ang kapatid ng bayaning si Agyu na si Banlak. Katuwang ni Agyu si Banlak sa mga pakikipagsapalaran sa bersiyong epiko at mantukaw.
  • Ang ina ay isang birheng nananahanan sa tore at hindi nakalantad sa balana.
  • Ang ina ay isang prinsesang anak ng Datu.
  • Supling si Baybayan ng marangal at itinatanging magulang.
  • Kagila-gilalas na pagdadalantao ng prinsesa.
  • Kinilala bilang “Damanaas” ang sanggol dahil kaloob diumano ito ng Diyos Magbabaya.
  • Nagtagpuan ni Damanaas ang kaniyang amang si Banlak.
  • Sa pagtatagpong iyon, nabiyayaan si Damanaas ng buhay na walang-hanggan at kinilala bilang Baybayan.
  • Kinilala si Baybayan ng taumbayan at binigyang-kapangyarihan bilang tagapayo.
  • Dinaig ni Baybayan ang haring si Dauban na nagmamay-ari ng malawak na palayan. Nanaig sa paligsahan ng pagtatanim si Baybayan—itinanim niya ang mahiwagang binhi ng palay na agad sumupling at nahinog ng malalaking butil.
  • Naging banal at hari si Baybayan sa pagkakalupig niya kay Dauban.
  • Narating ni Baybayan ang kalangitan, sakay ng salimbal.

Maihahalintulad ang pagkakasilang ni Damanaas kay Banna, bayani ng epikong Ullalim ng mga Kalinga. Naliligo rin ang isang dalaga ng Magobya sa batis nang natagpuan niya ang isang hiwang nganga (betel nut). Nginuya ito ng dalaga at buhat dito’y ipinagbuntis niya ang anak na si Banna. Biglaan ang paglaki ng sanggol nang matuklasan ni Banna, buhat sa tukso ng mga kababatang Agta at pagtatapat ng ina, na ang kaniyang amang si Dulliyaw ng Dulawon ay binihag ng mga tauhan ni Guwela sa kapatagan ng Sakbawan. Panata ni Banna na ipaghiganti ang sinomang lumapastangan sa ama niya.

Si Sandayo, bayani ng epikong Suban-on, ay buhat sa sinusuklay na buhok ng dalaga. Humingi si Salaong ng langis kay Datu Salaria. Sabi ni Salaong, “Pagkat susuklayin ko/ at pakikinisin ko/ buhok kong malago/ nang kumintab lalo” (Castro et al. 1983: 373). Binigyan naman siya ng ama ng “langis mula sa pitong bote.” Pinahid niya ito sa kaniyang buhok, “gamit ang langis/ sinuklay niya ang kanyang buhok/ nang walong ulit./ Walong ulit niyang sinuklay/ at siyam pa pagkatapos./ Sa ika-siyam na ulit/ may nalaglag na sanggol” (Castro et al. 1983: 373). Pagkaraan ng isang linggo, nakapaglakad na si Sandayo at saka lumaki naman sa loob ng isang buwan.

Si Kudaman naman, bayani ng epikong Palawan, ay tugon ni Nagsalad (panginoon ng mga Palawan) sa hiling ng mag-asawang Pipatuwan at isa sa pitong Binibini ng Ika-labing-apat na antas ng Kalawakan (Linamin at Anguringan). Ipinayo ni Nagsalad na kailangang awatin sa gatas ang isisilang na sanggol at ikulong sa pinid na silid (kutaq) sa loob ng pitong gabi. “Nakaraos sa pagsubok ang sanggol, at nagkaroon ito ng di-pangkaraniwang lakas. Siya’y pinangalanang Kudaman, ‘ang nasa pinid na silid'” (Maranan at Revel-Macdonald 1991: 62).

Sa epikong Ag Tobig nog Keboklagan (Ang Kaharian ng Keboklagan) ng mga Suban-on, mabilis lumaki ang anak na sanggol (Taake) ni Timoway kapag gabi, at lalong kumikisig kapag umaga. Noong pitong buwan pa lamang si Taake, umatungal ito at ginambala ang lahat sa bayan ng Sirangan. Nagsalita ang sanggol para alamin sa ina kung may ama siya, ang ano ang trabaho nito, ang mga gawaing pang-araw-araw, at ang tunay na dahilan sa pagkamatay ng ama. Pagkaraang malaman ni Taake ang buhay ng ama, ipinamana sa kaniya ng ina ang kagamitan sa pangingisda ng ama. Naging kilala ang batang Taake sa pangingisda dahil sa may kapangyarihan siyang makipag-usap sa mga isda at hipon. Sa kaniyang unang huli, nakalikom siya ng pitong bilao ng isda na inialay niya sa ina. Isang araw, humiling ang bata ng mainam na damit sa ina para hindi ito lumabas na kahiya-hiya kapag makatagpo ng mga dalagang Muslim o Bisaya habang nangingisda sa malayong dagat. Sa paglalakbay ni Taake, nakatagpo niya ang isdang sinlaki ng burol na may mga gintong kaliskis. Nabingwit niya ito pero nakipagbuno sa isda sa loob ng pitong buwan (Eugenio 2001: 478).

Kagila-gilalas din ang pagkasilang ni Labaw Donggon, ang bayani sa epiko ng Panay. Bunga ito ng pagiging mala-diyos ng bayani—anak siya ng diwatang si Anggoy Alunsina at ng mortal na si Buyung Paubari. Kilala ang bayaning ito bilang “Binata sa sinapupunan/ ni Anggoy Alunsina…Pagkasilang na pagkasilang/ Nabigla ang sanlibutan/ Kagyat na nagbinata/ Naging matipunong binata” (Castro et al. 1983: 128). Pagkaraan ding isilang, tatlong ulit pa itong nanligaw ng mga dalaga.

Ang kapangakan ni Tudbulul, ang bayani sa epiko ng mga T’boli, ay naglalarawan sa magiging buhay ng sanggol sa kaniyang paglaki. Kadakilaan ang ipinahihiwatig ng kaniyang pagkakasilang dahil kakambal niya ang mga sumusunod na gamit-pandirigma: sombrero, kalasag, mamahaling gong, at isang kabayo. Ayon kay Damiana Eugenio, ang epikong ng mga T’boli ay nagpapakita at nagbibigay-halaga sa mga kaugalian at paniniwala ng lipunang T’boli kaugnay sa pag-aaruga ng sanggol. Ito ang mga tinukoy na mga kustombre sa epiko:

  1. Chewing or cutting betel nut, accompanied by a woman, is part of the courtship custom.
  2. A father’s preference for a son to be his first-born, as expressed by Kemokul. “I have eleven good fortunes/ I was able to have a son/ In exchange for hoping for a baby girl.”
  3. The unusual birth of the hero. Various objects accompanied the birth of the child.
  4. Choosing a name for the child is a serious affair.
  5. A strong belief in omens; e.g. the wild pigeon is an omen bird.
  6. An equally strong belief in charms and amulets, chief of which is a tooth from the right side of a snake’s mouth.
  7. The great concern for what the child will inherit.
  8. The father’s eagerness to teach his infant son things that a boy should know-swim, trap a bird, make a kubol (trap), etc.
  9. There is tracing of the family tree of Tudbulul. He said that he “comes from the clan of blacksmith/ From Benati, the chief of thunder.”

(Eugenio 2001: 564)

Pinakapopular, batay sa elemento ng salamangka, ang pagkakasilang sa bayaning si Lam-ang ng mga Iloko. Hirap sa panganganak si Namongan. Hindi siya matulungan sa pagluluwal ng mga hilot na sina Tandang Marcos, Alisot, at Pas-hong. Ang tanging nakatulong sa pagpapaaank ay isang matandang babaeng hilot na may mapakalakas na daliri. Mahiwagang sanggol na lalaki ang isinilang. Pagkaraang mailuwal, nagsalitang agad ang sanggol: “Ay, mahal kong inang Namongan/ Kapag ako’y iyong pabibinyagan/ Lam-ang ang nais kong pangalan/ maging ninong ko si Tandang Gibuan” (Acacio 1969: 40). Pagkaraan ng binyagan, nagtaka si Lam-ang kung bakit wala ang ama sa kaniyang piling. Usisa ng sanggol sa ina, “Ay, itatanong ko aking ina/ Kung mayroon o wala akong ama/ kung anak ako sa pagkakasala/ o anak akong marangal at sinisinta” (Acacio 1969: 41). Tinugon naman ni Namongan ang anak—ang ama ng bayani ay nakikidigma laban sa mga Igorot. Nagpasiya si Lam-ang na hanapin ang kaniyang ama, gayong nag-aalala ang ina at tutol sa pasiya ng siyam na buwang anak. Ang ikinakatakot ni Namongan sa anak, “Ang paa mo’y tila pamaling kawayan/ Mga bisig mo’y tila karayom pa lamang” (Acacio 1969: 42).

Sa puntong ito, binaklas ng batang si Lam-ang ang nosyon na ang bata o sanggol ay walang-wala. Paniniwala ng marami, ang sanggol ay ipinanganak na blangko ang isip. Ngunit may mga pag-aaral na nagpapatunay na habang nasa sinapupunan pa lamang ang sanggol, umuunlad na ang isip nito. Kaya nga sa kasalukuyang panahon, nauso na ang pagpaparinig ng klasikal na musika at pagkukuwento ng magulang sa sanggol sa sinapupunan dahil ang buhay at pag-unlad ng tao ay hindi nagsisimula sa kaniyang kapanganakan.

Kagila-gilalas at Marilag na Kaanyuan

Nagpapahiwatig ng kadakilaan ang pisikal na kaayuan ng bayaning sanggol. Sa paggamit ng mga paglalarawan, naitatangi ang sanggol hindi bilang karaniwang tao kundi mahalagang tauhan sa epiko. Sa epikong Sandayo, ang batang bayani ay napakarilag na maihahantulad sa bulaklak at liwanag ng araw. Hindi rin pinupuri ng kaniyang magulang si Sandayo. Itinuturing itong pangit at walang halaga. Paniniwala ng mga Suban-on at ng mga taga-baryo sa Kabisayaan na kinaiinggitan ng mga masasamang espirito ang mga batang pinupuri (Castro et al 1983: 374). Gayunpaman, hiniling ng bata na bihisan siya ng ginintuang damit para maghitsurang datu. Ayaw ng batang magsuot ng lampin. At sa pagsusuot ng ginto, lalo itong naging maningning at maliwanag. Lalo pa’t “Alipato’y lumagapak/ sa ulo ni Sandayo.” At nagliwanag ang bata “tulad ng araw na bagong sumisikat/ sa bukang-liwayway…waring hindi siya/ tagalupa/ sintuwid ng puno/ tila anak ng Diwata/ tulad ng bulaklak na pambihira/ sa paningi’y kaaya-aya!” (Castro et al. 1983: 375).

Ganito rin ang pagkakalarawan sa batang si Labaw Donggon:

Siya’y naramtan ng pilak
Siya’y nabalot ng ginto.
May bandana sa ulo
Panyong maningning at burdado.
Di habi sa tinubuang lupa
Bagkus sa bansang banyaga.
Dahan-dahang pinulot
Ang putong na si Saramingku
May palawit na pilak
Na umaawit sa hangin
May puntas na maririkit
Na umaawit nang pagkatamis-tamis.
(Castro et al 1983: 129)

Pati ng batang bayaning si Bidasari ng mga Muslim sa Mindanao—“a daughter, like a flower/ more beautiful than statue of gold/ just like the tulip that the princess plucked.”

Tinig naman ang mahiwaga kay Lumalindaw, ang bayani sa epiko ng mga Ga’dang sa Mountain Province. Tulad ng ibang bayani, mabilis ang paglaki ng bayani. Ngunit kapansin-pansin ang lakas ng kaniyang tinig: kapag sumigaw siya, lalagpak ang lumilipad na ibon; kapag hihiyawan ng puno ng niyog, magbabagsakan ang mga buko. (Eugenio 2001: 71).

Dakilang Handog, Matuwid na Gabay

Maikakategorya sa dalawang uri ang pamanang maiaalay ng mga magulang sa epiko sa kanilang bayaning anak. Iyong una’y mga materyal na bagay. Si Sandayo’y binigyan ng mga ginintuang damit para maging datu at magmistulang anak ng diwata. Si Labaw Donggon nama’y biniyayaan ng mga yaman at damit mula sa malaking baul na nagngangalang Barugbugan Umbaw:

Bukasan, pakibuksan
Si Barugbugan Umbaw
Na may magagarang ukit
Ang mabigat na takip.
At pagkatapos doon
Ay maingat na piliin
Ang pinakatatagong kayamanan
Ang magilas na damit
Huwag sa kailaliman
O kaya’y sa kaibabawan
Kundi sa kalagitnaan
Huguting dahan-dahan
Ang barong may burda
Na sa katawan ko
Pambalot na magara.

(Castro et al. 1983: 128-129)

Handog naman kay Lumalindaw ay ayoding, isang kagamitang pang-musika na nagpapayo sa sinomang may-ari. Ito ang nagpabatid sa bayani na pumunta sa may gawing silangan, sa Manimbawan, para maghanap ng magandang dilag. Sa simula ng paglalakbay na ito, hinandugan ang bayani ng kaniyang ina ng mahiwagang bolo na tunay na pag-aari ng ama. Umaawit ang bolong ito kapag ikinukumpas at ang kinang ng espada’y bumubulag ng kaaway (Eugenio 2001: 71).

Kung si Taake’y pinamanahan ng gamit-pangingisda ng yumaong ama, sa kuwentong Darangen ng mga Maranao nama’y  pinangalanan muna ni Linog ang dalawang niyang anak na lalaki bago lumisan: Tominaman sa Rogong at Mangondaya’ Boisan. Pagkaraan, pinamanahan niya ang mga anak ng mamahaling bagay at ng dalawang agong na ginagamit para maghamon ng digmaan o para magbalita sa pagyao ng isang pinuno. Kapansin-pansin sa halimbawa na mahalagang ipamana ng ama ang kaniyang instrumento (lalo na’t iyong kaugnay sa sariling tungkulin o trabaho) para sa kaniyang anak. Pinagtitibay ng epiko ang ugnayan ng mga batang bayani sa kaniyang ama, lalo na’t ang ipapamana ay hindi lamang kasangkapan kundi ang husay, ang talino, at ang magiging tungkulin sa lipunan. Ang paghahandog ng mga materyal na bagay sa bayani ay paraan ng pagkilala at pagtanggap sa taglay nitong kapangyarihan at sa pagiging bahagi nito sa kultura at pamayanan.

Sa bahaging ito, lilitaw ang ikalawang uri ng handog/ pamana sa batang bayani. Ito’y ang edukasyong kultural at teknikal. Bagamat pinagpala sa kaanyuan, hiwaga, at potensiyal ang batang bayani, mahalaga pa ring maipasa ng magulang ang kanilang kagalingan. Pinagtitibay nito ang pakinabang ng bayani sa komunidad o sa lipunan. Pinalilitaw rin sa puntong ito na ang pagkabayani ay hindi lamang nadadaan sa salamangka. Mahalaga ang pagpapatalas ng utak, katwiran, pagkamalikhain, at kakayahan.

Sa kuwentong Darangen, naghabilin muna si Diwata Ndaw Gibon, ang kauna-unahang hari sa Bembaran, sa kaniyang mga anak. Inihabilin niyang dapat maging huwaran ang mga anak upang maging pinuno. Dapat ipamalas ang tapang at lakas para katakutan sila ng mga mamamayan. Hinding-hindi raw dapat gamitin ang lakas para pumaslang. Kasama rin sa habilin ang tamang asal sa pagiging hukom kapag may sigalot sa loob ng sariling hukbo; mahalagang ipagmalaki ang kanilang kampilan (espada) para makilala sila bilang Ayonan. Mahalaga rin daw na maging patas sa pagpapasiya; hindi ligtas ang kamag-anak sa parusa. Pinakamahalaga sa habilin ng hari ang pagpapahalaga sa pangangalaga ng mga materyal na kultura: mahiwagang sinturon na gayuma, tore ng mga prinsesa, kanilang tahanan, at ang agong na nagmula pa sa ninuno ng kaniyang asawa.

Sa Parang Sabil ng mga Tausug sa Sulu, tinuturuan ang bayaning si Urang Kaya Hadjiyula ng Banal na Koran ng kaniyang ina. Sa katunayan, tinatawag niyangDayang ang inang guro bilang paggalang. Naglalakbay pa ito mula Jolo hanggang Borneo para humiling ng ilmu (karunungan) mula sa guro doon at natatanging kaalaman sa ilmu pagkausugan para magkaroon ng proteksiyon sa pakikidigma. Nag-aral din siyang mangabayo.

Sa labis na galak ng ama, halos sunod-sunod ang plano sa edukasyon ng supling na si Tudbulul gayong kapapanganak pa lamang nito—pagkukuwento ukol sa bubuli sa dagat, paglangoy, pagbitag ng ibon, at paglikha ng kubol. Nais ng ama na maging dakila at kagalang-galang na mamamayan ang sanggol (Eugenio 2001: 572).

Batang Mandirigma, Bayaning Tagapagtanggol

Walang kinikilalang edad ang kabayanihan. Sa mga etnoepiko ng Pilipinas, ang paghulma sa mga batang mandirigma bilang tagapanggol ng bayan at tagapagligtas ng lahi ay patunay sa mataas na pagtingin at paggalang sa kakanyahan ng bata. Paraan din ang etnoepiko upang ibahagi sa mga makikinig—bata man o matanda—ang mahalagang katangiang dapat tularan mula sa mga bayaning pangkultura.

Sa epikong Agyu, hindi ipinagkait sa batang anak ng bayani ang makilahok sa pagtatanggol ng kanilang pamayanan. Tulad ng kaniyang ama, ang anak ay sumailalim sa ritwal-sayaw bago makidigma; sampung ulit na inikot ang lupain ng Tigyandang at siyam na ulit namang inikot ang sabang (junction) ng Muda’udan. Pagkaraan nito’y tinahak na ng bata ang dalampasigan para makidigma. Libo-libong kaaway ang napaslang ng bata sa loob ng dalawang araw. Pagkaraan ng apat na araw, napatahimik ang mga kaaway at makikita sa paligid ang mala-bundok na dami ng mga bangkay. Sabi pa ng batang mandirigma sa mga kalaban:

See my headress
look at my gear
it will be hard for you to wipe my country
of Matig’ayun na Yandang
Impossible for you to slaughter my people
at the junction of Mudan’udan.

(Castro et al. 1983: 59)

Tutol man ang amang si Salaria, sinuong ni Sandayo ang larangan ng digma. Katwiran ng ama, napakabata pa nito at hindi kaya ang paglalakbay; may tumutulo pang gatas mula sa kaniyang labi at hindi pa naawat sa pagsuso sa ina. Gayunpaman, ang inang si Bae Salaong ang nag-alay ng gintong espada sa sanggol na mandirigma. Sipatin natin ang sipi mula sa teksto:

He took the sword
And tucked it in his waist.
The sword of Sandayo
Dragged on the floor
Scraping the mat,
So small the child.
Sandayo strutted
Towards the door.
Brandishing the sword
His golden sword;
Seven times he hurled it,
And seven times he caught it.

(Eugenio 2001: 540)

Ganito rin ang kaso ng batang si Lam-ang. Nag-alala ang kaniyang inang si Namongan sa sanggol na anak na nagpasyang hanapin ang amang nakikidigma sa mga Igorot—“mga paa mo’y tila pamaling kawayan/ mag bisig mo’y tila karayom pa lamang/ Di pa malakas ang iyong katawan/ sa loob ng siyam na buwan lamang” (Acacio 1969: 42). Gayumpaman, tinungo pa rin ng sanggol ang lupalop ng Kaigorotan, dala-dala ang mga agimat na bato ng sagang (mailap na hayop na kahawig ng pusa na may matalas at maapoy na mga mata), bato ng tangraban(ibong malaki-laki sa pugo), bato ng ibong lawlawigan (maliksing ibong magaling umawit), at bato ng mailap na musang (uri ng pusang-bundok) (Acacio 1969: 43).

Sa epikong-bayan ng mga Bikol, hinandugan ng bayaning si Handyong ang kasama nitong kabataang si Bantong ng libong mandirigma bilang katulong sa pagpaslang kay Rabot, na kalahating-tao, kalahating-halimaw (Espinas 1996: 19). Binigyan ng pagkakataon ng nakatatandang bayani ang bata para patunayan ang halaga nito sa pagtatanggol ng bayan laban sa kaaway. Mahahalagang aralin naman sa pamumuno, pagiging hukom, at pakikidigma ang alay ni Haring Gibon sa mga batang anak nito sa mga kuwentong prosa mula sa Darangen. Sa Hudhud hi Aliguyon ng mga Ifugao, hindi lamang sinanay ang batang mandirigmang si Aliguyon sa pakikidigma, kundi hinanda rin ito bilang pinunong-espiritwal ng kaniyang hukbo.

Sa mantukaw naman ng mga Bukidnon, makulay na isinalaysay ang pakikidigma ni Binembi, batang anak ni Agyu. Hinahanap ng bata ang kaniyang ama at napag-alaman niya mula sa kaniyang mga tiyahin na ang ama at ang hukbo nito ay matagal nang hindi nakababalik mula sa labanan. Pagkaraan nito, nabulabog ang kababaihan ng Yandang. Sa bukana ng ilog, namasdan nila ang libo-libong mandirigmang nasa tabing-dagat ng Mudan-udan. Nabahala ang mga tiyahin ni Binembi dahil wala silang tagapagtanggol. Anila, “Mga kapatid, ano’ng gagawin natin? Walang naiwan ni isa mang lalaki dito sa Kuta. Lahat ay sumama kay Agyu sa digmaan.” Agad namang hinarap ng sanggol ang napipintong digmaan. Sabi ng sanggol, “Sabihin n’yo sa akin kung nasaan ang aking mga sandata.” Hiningi niya ito sa kaniyang mga tiyahin at maging ang baluti na iniwan ni Agyu para sa anak. (Lumisan si Agyu at nakidigma nang hindi pa isinisilang ang anak na si Binembi.) Agad namang isinuot ng bata ang kaniyang damit pandigma: ang baluting limbutung, balaraw, kalasag, at sibat. Nagpahanda pa siya ng nganga sa mga kapatid na babae ng ama. Sa pagnganga ni Binembi nito, lumaki siya nang lumaki. Pero hindi pa rin maitago ng mga tiyahin ang pag-aalala sa bata. Nakiusap itong huwag bumaba sa tahanan at makipaglaban. Sabi ng mga tiyahin, “Pakiusap Binembi, huwag kang bumaba at makipag-away. Nag-iisa ka lamang at bata ka pa upang makipaglaban.” Ngunit hindi pa rin nila mapigilan si Binembi ng Kapukaw, si Dayday ng Enaw-enaw. Pagtapak ni Binembi sa lupa, lumubog siya hanggang tuhod dahil sa bigat niya. Sumayaw pa siya ng saut, ang pandirigmang sayaw, bago harapin ang kaaway ng Nalandangan (Unabia 1996: 294-295).

Hindi naman mahuli ng mga kaaway ang maliksing si Binembi dahil sa mabilis nitong kilos na inihalintulad sa ibong layang-layang. Hindi naglaon, natuklasan ng hukbo ni Agyu ang pakikidigma ng kaniyang anak na sanggol sa Nalandangan. Nakilala niya ito sa mga gamit pandigma nito. Sabi ni Agyu sa kasama niyang mandirigmang anak, “A, `yon ay kapatid mo na hindi isinisilang nang tayo’y umalis. Nakakaawa naman ang iyong nakakabatang kapatid na nag-iisang nakikipaglaban sa libu-libong kaaway.”  Labis na nagalak si Agyu dahil naipagtanggol ng sanggol na Binembi ang lupang pangako at kababaihan laban sa kaaway. Sa katunayan, kalahati na ng bilang ng kaaway ang napatay ni Binembi.  Sa pagod ni Binembi sa digmaan, pinagpahinga ni Agyu ang bunsong anak sa baklaw (pulseras na nakalagay sa bisig). Sabi ni Agyu, “Anak ko, magpahinga ka muna sapagkat pagkakataon na naming makipaglaban.” Siya at ang kaniyang hukbo ang nakidigma sa natitirang kaaway (Unabia 1996: 296-297).

Pagtuklas ng Pangalan, Pagsaliksik sa Ama

Bakit nakikidigma ang mga batang bayani? Kagyat na matutukoy ang paghahanap at pagtatanggol sa ama ang pangunahing dahilan sa paglalakbay, pakikipagsapalaran, at pakikidigma ng isang bayani. Ito ang layunin ng mga sanggol na sina Lam-ang, Taake, Banna, Aliguyon, at Binembi. Pagkasilang na pagkasilang ng mga bayani, una nilang hinanap ang kanilang mga ama. Pagkaraang malaman ang sitwasyon ng magulang, magiting nilang hinarap ang hamon ng adbentura. Itinatampok sa bahaging ito ang pagpapahalaga ng mga kultura sa pinag-ugatan ng kanilang lahi, gamit ang simbolo ng ama.

Naiiba sa karamihan at kinamihasnan ang kuwento ni Pikasa. Nagsimula ang kaniyang adbentura hindi lamang para hanapin ang ama kundi upang alamin ang kaniyang tunay na pangalan at pinagmulan. Kahawig ito ng buhay ni Tudbulul, na sa pamamagitan ng epiko’y natukoy ang kasaysayang pampamilya niya—buhat sa lahi ng mga panday; mula kay Benati, ang pinuno ng kulog. Hindi man hayag, kumbensiyon sa bayani ng etnoepiko ang pagbibigay-halaga ng dakilang lahi o liping pinagmulan ng bayani. Mahalagang matuklasan ito habang bata pa ang bayani upang magsilbing inspirasyon sa kaniyang dakila ring tungkulin sa bayan.

Isinalarawan sa ikalawang bahagi ng kuwentong-bayang Bukidnon na Ang Kasaysayan ng mga Unang Tao sa Gitnang Mindanao ang pagsaliksik ng batang si Pikasa o Pikas Indahag (Ibig sabihi’y hati o may kapansanan dahil wala siyang tunay na pangalan at hindi niya batid ang tunay na ama) ng kaniyang identidad at pinagmulan. Mangyari, nagkaroon ng bawal na ugnayan sina Bai at Datu Dignanawan, habang nasa digmaan si Sultan Lambintuen, ang bana ng babae. Nagdalantao si Bai sa pagniniig na iyon at saka lumisan na ang lalaki at umuwi sa bayan niyang Palintauwan. Bilin ni Dignanawan sa buntis, kapag dumating ang tunay na asawa, “Ilagay niya ang kanyang sibat sa kaluban nito at ihinto na ang labanan hanggang lumaki iyang bata na iyong dinadala ngayon. Iiwanan kita ng pitong alipin, salapi at ginto. Sabihin ko kay Lambituen na hindi niya bibigyan ng pangalan ang bata sapagkat ang pangalan niya ay nandoon sa Palintauwan. Siya ay isang datu kaya’t alam niya ang ibig sabihin nito” (Unabia 1996: 275).

Batid ni Lambituen na hindi niya anak ang ipinagbubutis ng asawa. Hindi naman siya nagalit sa asawa at hinayaan pa niyang magpaliwanag sa pagdadalantao nito. Sinunod din niya ang bilin ng datu ng Palintauwan. At dahil hindi niya binigyan ng pangalan ang bata, binansagan ang sanggol na “Pikasa”. Tinawag din siyang “Pikas Indahag” ng mga tao sa bayan. Hindi nagtagal, humingi ang bata ng pahintulot sa kinagisnang ama upang hanapin ang tunay niya pangalan. Pinayagan naman siya ni Lambituen. Ipinaalam niyang matutuklasan ng bata ang kaniyang pangalan kay Datu Dignanawan sa Palintauwan. Ipinasuot pa niya sa bata ang limbutong, isang kasuotang pandigma at ang sibat. Dagdag pa ng datu, “Pero tiyakin mong magbalik ka dito bago magpitong araw. Kapag hindi ka nakabalik bago sumapit ang takdang araw na ito, nagpapahiwatig iyan na hindi ka kinilala at hindi ka tinanggap ng mga tao ng Palintauwan” (Unabia 1996: 276). Sumumpa pa ang datu na maghihiganti siya kapag nakaranas ng masamang pakikitungo ang bata buhat sa bayan ng Palintauwan.

Nang narating na ng bata ang bayan ng mga Maranao, itinuro sa kaniya ng isang isang tao ang bahay ng datu. Nagtagpo ang mag-ama at sinabi ni Dignanawan na siya ang tunay na ama at ang kaniyang pangala’y Aliga. Binigyan din ang binata ng tungkulin—“bantay ng apat na tribo, at tulad ng natumbang balite, walang makakaapak sa iyo” (Unabia 1996: 277). Inutusan ni Dignanawan ang anak na hubarin ang kasuotang Maranao at sa halip ay isuot ang kaniyang damit, ang damit ng isang Talaandig. Pagkaraan, nilisan ni Aliga ang bayan ng ama para tupdin ang utos ng kinagisnang ama. Nagpahatid naman ng handog na pitong kalabaw at pitong alila ang datu para sa mga Maranao.

Nakabalik na si Pikas Indahag sa bayan ng kaniyang ina. Nakilala naman siya ni Lambituen kahit nakasuot ito ng damit ng taga-Palintauwan. Ipinabatid ng binata ang natuklasan niyang tunay na pangalan at ang pagiging “lantung na magbabantay sa pintuan sa pagitan ng mga Maranao at Talaandig” (Unabia 1996: 278).

Sa kuwentong ito, mailalatag natin ang katutubong halagahan kaugnay sa pagkalinga ng bata—pinahahalagahan ang tunay na identidad; may karapatan ang bata na tuklasin ang pinagmulan; binibigyan ng karampatang paggalang ang isang “anak sa pagkakasala”, hinahandugan ang bata ng mga bagay (tulad ng sibat at kasuotang pandigma) na mahalaga sa pagpapaunlad ng kaniyang sarili; hindi isinisisi sa bata ang pagkakamali ng matatanda; at nabibigyan ng espesyal na tungkulin ang bata kaugnay sa kapayapaan ng magkakatunggaling bayan.

Ang Batang Bayani at ang Bayan

Bilang pagwawakas, mailalatag ang mga katutubo at etnikong paniniwala ukol pagkabatang Filipino batay sa mga epikong binasa. (1) Kapansin-pansing katangian ng mga sanggol o batang bayani ang kapangyarihang makapagsalita pagkaraan ng kanilang pagkakasilang. Si Lumalindaw, halimbawa, ay may mahiwagang tinig na kayang magpabagsak ng mga ibong lumilipad at ng mga buko mula sa puno. Ano ang sinasabi nito? Malay man o hindi ang mga manlilikha ng epiko, iginigiit nilang may tinig ang bata sa lipunan. Marapat pakinggan ang kanilang tinig dahil may angking kapangyarihan ito. Hindi dapat isinasantabi ang kabataan sa mga usaping pangkomunidad o pambansa. (2) Ang “pagpapalamuti” sa buhay ng mga bata sa epiko ay nagpapahiwatig na may kakambal na himala ang bawat supling. Sinasabi ring bawat bata ay mahiwaga. Nakaatang sa lipunan ang pagpapayabong ng himala at salamangkang taglay ng bawat sanggol. (3) Magugunita ring ang mga batang bayani sa epiko ay binibihisan ng kasuotang pilak at ginto, at inihahalintulad sa liwanag ng araw at pambihirang bulaklak. Inihahatid nito ang mensaheng nararapat iaalay sa mga bata ang lahat ng pinakamainam para sa kanilang ganap na pag-unlad. Nararapat sa bata ang lahat ng biyayang maaari niyang matanggap. (4) Idinidiin ng mga etnoepiko ang edukasyon at paghahasa ng katalinuhan at kaalaman ng mga batang bayani. Ang pagpapamana ng mga kagamitang mahalaga sa isang grupo o tradisyon tulad ng kalasag, sibat, at balaraw ay sumasagisag sa karunungang maipapamana sa pagpapatuloy ng isang lipunan. Inihahatid nito ang mensaheng hindi lamang sa pagbubuntis at pagluluwal natatapos ang pagiging magulang. Hindi natatapos ang tungkulin ng magulang at lipunan sa pagpapangalan sa bata. (5) Kahit sabihin ng mga magulang sa epiko na may gatas pa sa labi ang kanilang anak, ang paa ng bayani’y kawayan, o tila karayom ang kanilang mga bisig, binabasag ng epiko ang nosyong mahihina ang mga bata. Labis na kapangyarihan ang iniuugnay sa batang bayani, higit pa sa kakayahan ng isang karaniwang matanda. (6) At naisisilang lamang ang bayani kapag naihandog ang tamang patnubay, pananalig sa kanilang kakayahan, at naipamana ang karunungan. (7) Sapagkat ang bayani ay isinisilang, hindi ng kaniyang ina, kundi ng isang lahi o liping pinag-ugatan ng mga epiko.

Sa pag-aaral ng pagkabata ng bayani, pagdududahan kung dumaan nga ba sa yugto ng pagkabata ang bayani ng mga etnoepiko. Maaaring sabihin ng ilan na wala naman talagang yugto ng pagkabata sa buhay ng bawat bayani dahil taglay ng mga ito katangian ng matatanda—ang kagitingan, ang katapangan, ang kapangyarihan, ang pagmamalasakit sa bayan. Maaaring may magsabing pinagtitibay nito ang pagtingin sa mga bata bilang miniature adults. Ngunit dapat isaalang-alang na ang pag-uugnay ng mga kagila-gilalas na elemento sa batang bayani ay patunay sa pagpapahalaga ng katutubo, etniko, at prekolonyal na lipunang Filipino sa mga bata. Hindi ito isang anyo ng panghahamak o pagsasantabi sa yugto ng pag-unlad ng isang nilalang. Pinatutunayan din ng mga halimbawang nakalap at nasipi na kapwa may potensiyal at kapangyarihan ang bata at matanda sa lipunang Filipino. Hindi pag-aari ng mga matatanda ang malasakit sa bayan at ang kadakilaan.

Malaki ang pagkakaiba nito nang dumating ang mga mananakop sa kapuluan at nagpalaganap ng mga kolonyal na teksto. Sa pangunang suri, masasabing ang bata, bukod pa sa kababaihan, ay ang pangunahing biktima ng kolonisasyon. Ang mga bata ang naging ehemplo ng urbanidad batay sa pagkakahulma sa kanila bilang sibilisasdong indio. Bata rin ang naging kasangkapan upang ipatanggap sa nakararami ang mga aralin sa panlasa at kulturang Kanluranin. At dahil dito, sila ang pangunahing sektor ng lipunan na unang nahuhubog ang kamalayang kolonyal at namamanipula ang mga paniniwala. Bata ang naging proyekto ng mga mananakop sa pagbibigay ng sibilisasyon at kasangkapan sa pagpapalaganap ng relihiyon, gamit ang aparato ng edukasyon. Ang masama pa, bata rin ang unang sinisisi sa pagpapanatili ng kamalayang makadayuhan at kolonyal. Sa panitikang Filipino, matutukoy bilang biktima ng kolonisasyon ang mga batang sina Urbana, Feliza, at Modesto, sina Crispin at Basilio, sina Nena at Neneng, si Yeyeng na naging Miss Phathupats, at ang talambuhay ng dalagitang si Rosa na nilapastangan ng mga sundalong Hapon noong Digmaang Pasipiko. Ang mga natukoy ay magpapatibay sa paglupig ng mga kolonyalista sa kapangyarihan ng mga batang bayani sa katutubo at etnikong panitikan. Sapagkat sa kolonyal na panitikan ng bansa, ang mga bata ay pinatatahimik at pinipipi. Sila ang binabansot habang binubura sa kolektibong gunita ang kabayanihan nina Binembi, Lam-ang, Sandayo, Aliguyon, Lumalindaw, Taake, Kudaman, Labaw Donggon, atbp.

Sinasabi ng ilang kritiko at historyador na tatlong dekada lamang ang edad ng panitikang pambata sa bansa. Ngunit batay sa pagdukal ng mga limot at bibihirang bersiyon at transkripsiyon ng mga epiko ng kapuluan, maaaring mahango ang kumbensiyon ng panitikang pambata na may perspektibong Filipino. Makatutulong ang muling pagsasabuhay ng kuwento ng mga batang-bayani hindi lamang bilang tugon sa misrepresentasyon ng bata sa mga kolonyal at mala-kolonyal na teksto kundi paggigiit ng pagka-Filipino sa panitikang pambatang inaaakusahang hango sa estetika at impluwensiyang Kanluranin.

Mahalagang ibalik ang kapangyarihan ng bata buhat sa epiko tungo sa kasalukuyang produksiyon ng panitikan. Mainam ring ituro sa mga batang mambabasa ang tradisyon ng mga Filipino ukol sa ganitong uri ng mga kuwento. Mahalaga itong kapanabay na babasahin sa pagtalakay ng karapatang pambata at sa pagpapaliwanag na may natatanging pangangailangan ang bawat bata—pagkakaroon ng sariling pangalan, tungkulin, at lugar sa lipunan; sapat na pagkalinga; tamang edukasyon; at payapang pamumuhay. Mangyari, ang etnoepiko ay testamento sa pagkilala sa sanggol at bata bilang lehitimong miyembro ng isang lipunan. Sa pamamagitan nito, napagtitibay na nasa pambansang kaugalian ang  pananalig sa kabataan bilang potensiyal na bayaning magtatanggol ng lupang pangako, ang piraso ng paraiso sa lupa. Kung gayon, napapanahon nang bigyang pansin ang yugto ng pagkabata sa mga epiko dahil hitik ito sa kabayanihang magsusulong sa pagpapanatili ng lipunan at kultura.  Kailangang idiin na ang bayani, sa anumang panahon, sa anumang kultura, ay dumaan sa napakahalagang yugto—ang pagkabata.

Notes:

Unang nalathala sa Diliman Review, Vol. 52, Nos. 1-4 (2005), pp. 85-112.

Bibliograpiya 

Acacio, Angel A. Pagsasalin sa Pilipino ng Biag ni Lam-ang at Pag-aaral ng Matandang Kalinangang Iloko na Inilarawan sa Epiko. `Di nalathalang thesis, Dalubhasaang Normal ng Pilipinas, Manila (Nob. 1969).

Antillon, Loline M. “Ang Nalandangan sa Agyu: Isang Lupang Pangako,” nasa Gawad Surian sa Sanaysay, Gantimpalang Collantes 1989-1991 ni Aurora E. Batnag (pat.), Pasig: Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, 1991.

Barrios, Joi. “Kwentong Hindi Matapus-tapos, Bayaning Hindi Namamatay: Isang Kontemporanyong Pagbasa sa mga Etnoepiko ng Aking Bayan,” nasa Gawad Surian sa Sanaysay, Gantimpalang Collantes 1989-1991 ni Aurora E. Batnag (pat.), Pasig: Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, 1991.

Billiet, Francisco at Francis Lambrecht. Studies on Kalinga Ullalim and Ifugao Orthography. Baguio City: The Catholic School Press, 1970.

Campbell, Joseph. The Hero with a Thousand Faces. New Jersey: Princeton University Press, 1968.

Castro, Jovita V., Antolina Antonio, et al. Anthology of ASEAN Literatures: Epic of the Philippines. Quezon City: APO Production Unit, Inc., 1983.

 Daguio, Amador Taguinod. Hudhud hi Aliguyon: A Translation of an Ifugao Harvest Song with Introduction and Notes. `Di nalathalang thesis, Stanford University (Aug. 1952).

Darangen: In Original Maranao Verse with English Translation.Iligan: Mindanao State University, University Research Center, 1986.

Espinas, Merito C. Ibalong: The Bicol Epic Fragment. Manila: University of Santo Tomas Publishing House, 1996.

Eugenio, Damiana L. (pat.) Philippine Folk Literature: The Epics.Quezon City: University of the Philippines Press, 2001.

Hourihan, Margery. Deconstructing the Hero: Literary Theory and Children’s Literature. London and New York: Routledge, 1997.

Jocano, Felipe Landa. The Epic of Labaw Donggon. Quezon City: University of the Philippines Press, 1965.

McKaughan, H. Stories from Darangen. Manila: De La Salle University Press, 1995.

Manuel, E. Arsenio. Agyu: The Ilianon Epic of Mindanao. Manila University of Santo Tomas Publishing House, 1969.

Maquiso, Elena G. Ulahingan Series 1: An Epic of the Southern Philippines. Dumaguete City: Silliman University Press, 1977.

Maquiso, Elena G. Ulahingan Series 2: Ang Epic of the Southern Philippines. Dumaguete City: Silliman University Press, 1990.

Maranan, Edgar at Nicole Revel-Macdonald. Kudaman: Isang Epikong Palawan na Inawit ni Usuy. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1991.

Rank, Otto; Raglan, Lord; at Dundes, Alan. In Quest of the Hero.Princeton, New Jersey: Princeton University Press, 1990.

Singh, Manjari at Mei-Yu Lu. “Exploring the Function of Heroes and Heroines in Children’s Literature from Around the World,” Jan. 29, 2005. <http://reading.indiana.edu/ieo/digests/d183.html>

Unabia, Carmen C. at Victorino Saway (tagatipon at tagasalin).Tula at Kuwento ng Katutubong Bukidnon. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1996.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here