Paggunita sa Tanaga

0

Paggunita sa Tanaga
ni Virgilio S. Almario

Bukod sa mga bugtong at salawikain, maraming sinaunang maikling anyo ng tula sa Filipinas. Isa dito ang tanaga, na ayon sa vocabulario nina Noceda at Sanlucar (1754) ay isang uri ng tulang may napakataas na pagpapahalaga sa lipunang Tagalog:Poesia muy alta en tagalo, compuesta de siete silabas, y cuatro versos, llena de metaforas . Binubuo ang tanaga ng apat na taludtod at bawat taludtod ay may sukat na pipituhin. Sa loob ng naturang anyo, kailangang ganap na maipahayag ng makata ang nais sabihin sa pamamagitan ng matalinghagang pangungusap.

Umaabot sa 15 ang tanagang natipon at ginamit na halimbawa nina Noceda at Sanlucar sa kanilang bokabularyo. Isa dito ang nagpapahayag ng pagpapahalaga sa birtud ng kababaang-loob sa pamamagitan ng pagkokompara sa mga punong paho at doso:

Mataas man ang paho 
Malangba ang pagtobo 
Ang doso rin ang lalo,t, 
Hangini di maobo.

Isa pa ang tigib sa pagbibiro at siste dahil sa tila-musmos na paghamon ng marupok na lumot sa tibay ng tulos na kung tutuusi’y pagsasandigan niya ng sariling kapalaran:

Catitibay ca tolos 
sacaling datnang agos 
aco,i, momonting lomot 
sa iyo,i, popolopot.

Ngunit ang susunod ang maituturing na isang hiyas:

Nang ualang biring guinto, 
Doon nagpapalalo 
Nang magcaguinto guinto 
Doon nanga songmoco.

May dalawang talim ang naturang tula. Sa isang banda, isang bugtong ito hinggil sa palay. Gayunman, isang aral din ito sa hungkag at sa totoong karunungan. Ang taong kulang sa dunong ay karaniwang tulad ng namumutikas pa lamang na palay: palalo at nakatingala lagi sa langit. Sa kabilang dako, ang taong tigib sa karanasan ay tulad ng uhay na hitik sa butil: marunong yumuko at magpakababa.

Isang suwerte natin ngayon na natipon at nailimbag nina Noceda at Sanlucar ang mga naturang sinaunang tanaga. Sa loob ng mahigit sansiglo, waring nawala ito sa gunita ng taumbayan. Salamat at nitong makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, muling binuklat ni Ildefonso Santos ang aklat nina Noceda at Sanlucar at natuklasan ang tanaga.

Lumikha mismo siya ng ilang tanaga at inilathala nang may kalakip na paliwanag hinggil sa ginamit na katutubong anyo. Isa dito ang kaniyang paghalaw sa bugtong ng palay at nilagyan niya ng gayong pamagat:

Palay siyang matino, 
Nang humangi’y yumuko, 
Nguni,y, muling tumayo: 
Nagkabunga ng ginto!

Nabasa ni Federico Licsi Espino Jr. ang tanaga ni Ildefonso Santos at isinulat niya ang naturang tuklas sa isang artikulong Ingles sa magasin niyang pinaglilingkuran. Bukod dito, sinundan niya ang pagsisikap ni Santos; sumulat din siya ng tanaga, at isa ang sumusunod na “Muling Pagkabuhay”:

Dahan-dahan, ang langit 
Ay nagbababang-luksa; 
Unti-unti, ang binhi’y 
Nabubuhay sa lupa.

Nagsisulat din ng tanaga sina Rogelio G. Mangahas, Rio Alma, Lamberto E. Antonio, Pedro Ricarte, at iba pa nitong dekada 60. Pagdating ng dekada 70, ganap nang muling nabuhay ang tanaga sa hanay ng mga makata.

Ang Textanaga ang kaganapan ng naturang resureksiyon. Bukod sa inobatibong paggamit ng texting, pinalawak ngayon ng naturang kontest ang kamalayan sa tanaga hindi lamang sa mas malaking bilang ng kasalukuyang makata kundi maging sa henerasyon ng mga Filipinong limitado ang kaalaman sa sarili’t katutubong panitikan ng Filipinas.

Sa loob ng sambuwan at kaugnay ng pagdiriwang sa Pambansang Buwan ng mga Sining nitong Pebrero 2003, libo-libong lahok ang tinanggap ng mga tagapangasiwa ng Textanaga . Nanggaling ang mga lahok sa iba’t ibang dako ng Metro Manila bukod sa dumating mula sa Bulacan, Nueva Ecija, Pangasinan, Laguna, Batangas, Quezon, at Palawan. May nagwagi pang taga-Bicol. Ang higit na nakatutuwa, nilahukan ito ng mga guro, estudyante, klerk, negosyante, abogado, CPA, sundalo, pari, at mga tao mula sa sari-saring propesyon at gawain ngunit nabibigkis ng mithiing tumula.

Hindi naging sagwil ang pangyayaring hinggil lamang sa pag-ibig ang maaaring paksain ng bawat lahok. Itinatanghal sa mga nagwagi linggo-linggo ang mataas na uri ng pananalinghaga, gaya ng hinihingi sa tanaga. May hayag na mithiing pakatutubo, tulad sa:

Ay! Masaganang payaw 
Ang katawan mo, Mahal; 
At bul-ol akong bantay 
Sa mapintog mong palay.

Dili kaya’y malikhaing pagsangkap sa sinaunang paniwala, pamahiin, at gawain ng bayan, gaya sa:

Nag-almusal mag-isa, 
Kaning lamig, tinapa; 
Nahulog ang kutsara… 
Ikaw na sana, Sinta.

Malakas din ang simbuyong gamitin ang wika’t karanasan ng lungsod, gaya sa:

No virus ang computer
Puro sunshine ang weather, 
Parang life sa death after 
Pag tayo ay together.

Na kahit ipahayag sa karanasang lalawiganin ay hindi nawawalan ng masayang dating, gaya sa:

Puto lang ako Sinta- 
May init ng bibingka, 
Tamis ng maja blanca, 
Sapin-saping ligaya.

Bagaman may halimbawang mahihiwatigan ng tahimik ngunit mahiwagang paglurok sa bagay-bagay, sa paraang tinatawag na Silanganin, gaya sa:

Dinatnan kong tahimik 
Ang lawa at namingwit; 
Nasilip ka sa langit, 
Hinagkan ko ang tubig.

Walang kapantay ang biyayang dulot ng Textanaga sa popularisasyon ng tanaga at sa karugtong na pagkamalay ng sambayanan sa kulturang Filipino. Isang hakbang ito sa muling pagkabuhay din ng diona, dalit, at ibang maikling katutubong anyo ng pagtula o sa muling pamumulaklak ng balagtasan, dallot, o komposo sa entabladong Filipino. Kailangan ang ganitong danas bago tayo ganap na dapurakin ng cable TV, DVD, at mga bagong Hinete ng Globalisasyon.

Ferndale Homes 
28 Pebrero 2003

SHARE
Previous articleAlma, Rio
Next articlePagsulat ng Kuwentong Pambata

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here