SA AKING PINIPINTUHO: ISANG SAYAW NG PAGHUHUBAD

0

SA AKING PINIPINTUHO: ISANG SAYAW NG PAGHUHUBAD

Glecy C. Atienza

 

“Kung ibig mo akong makilala,

lampasan mo ang guhit ng mahugis na balat…

 

Kung ibig mo akong makilala,

sunduin mo ako sa himlayang dilim

at sa madlang pagsukol ng inunang hilahil

ibangon mo ako at saka palayain.”

•  Ruth Elynia S. Mabanglo

MATAGAL nang panahong napahinga ang mga kamay na ito. Walang lakas na kumikiliti dito upang humawak ng pluma’t tumulak sa pagsulat. Madalas, masarap na lamang tumanga sa malayo nang pinipilit ang sariling walang maisip. Walang kumplikasyong kailangang kalagin sa pagkakabuhol. Ligtas sa pagkakataong naniningil ng pagbabago.

Ngunit nanggising ang pagkakataon sa mga taong napapaidlip sa pagkakahapo. Pinapatid ng enkuwentro ang pagkakaidlip ng sentido. Kinakalabit ng kamalayan ang umiiwas sa katotohanan.

Kung bakit nang magkita tayo’y may tila salamangkang bumalot sa akin. Sa ibabaw ng usapang singhaba lamang ng paglagok ng isang bote ng beer ay bilis nating napanatag sa palitan ng karanasan. Dama ko ang pagtagos ng iyong mga titig sa aking katawan. At may kung anong lakas na nag-uudyok sa aking ibaling ang aking katawan saan ka man naroon. Ano’t ang sandaling pagdaiti ng katawan ay sapat na upang pahupain ang pagal na isipan.

Laman ka ng aking pangarap saan man ako humarap. Marami akong nais sabihin. Marami akong nais ibukas. Laksang bagay ang nais kong pagsaluhan natin.

Ngunit…

Matindi ang pangambang pumipigil sa akin. Paano kung sa gitna ng aking pangungusap ay bigla akong mawalan ng hininga sa magkahalong pananabik at pangamba? Paano kung sa gitna ng aking kuwento’y putulin mo na lamang ako’t sukat? Paano kung ako’y bigla mo na lamang talikuran matapos mong matuklasan ang mga sikreto ng aking kaibuturan?

Kaya nga ba’t inaari kong malaking tagumpay ang pagharap kong ito kahit sa papel man lamang. Nais kong makipag-ugnayan. Nais kong makipag-unawaan. Ngunit hindi sa paraang natatapos lamang sa isang gabi ng pagtungga ng beer. Lagpas pa sa palitan ng ngiti at lambingang nakakakiliti. Mahirap mang aminin sa sarili’y nais kong tuklasin mo ang kasuluk-sulukan ng pagiging ako. Lagpas sa kapangyarihan ng salita. Sa isang wikang kaya lamang unawain ng puso’t damdamin.

Inaanyayahan kita sa pagbubukas na ito. Hindi ko kayang magkuwento sa iyo nang harapan ngunit tiyak na may ibang paraan. Puede namang magkuwento nang pakilos – nakatagilid, nakaliyad. Maaaring bahagyang nakakubli ang mukha ngunit nakaharap ang katawan. Nakatalikod bagaman nangungusap ang likuran. Magkalayo ang katawan ngunit nabibigkis ng mainit na pag-uugnayan. Damhin mo ang sidhi ng damdaming aagos sa bawat kilos ng buto’t laman. Ganyan ang nais kong maganap sa palitang ito. Pakinggan mo ang bawat imbay at kilos ng aking katawan. Samahan mo sana ako sa pakikipagniig na ito.

Lagpas sa Guhit ng Makinis na Balat

Ika nga’y zero position.

Magsisimula tayo sa wala. Nababalot sa damit ang bawat parteng maselan. Nakalapat ang dalawang paa sa sahig, magkadikit. Tuwid ang katawan. Nakalaylay ang dalawang braso’t kamay sa tagiliran. Bagsak ang mga balikat, nakaalalay sa leeg at ulong tuwid. Latag ang tingin ng mga mata. Nakatutok sa iisang tuldok. Payapa. Payapang tingnan sa likod ng damit na pinagkukublihan. May isang regular na tiktak na bumabalot sa katahimikan. Umaalon-alon ang nakasampay na damit sa ritmo ng hininga ng payapang katawan.

Miminsan ko lamang titigan nang bung-buo ang aking katawan. Pinalaki ako sa paniniwalang maling tumititig sa katawan ng tao. At lalong mali ang tumititig sa katawan lalo’t kung iyo. Ngunit paminsan-minsan ay hindi ko mapigilang magnakaw ng sulyap upang masilayan ang aking katawan. Ang aking katawan. Matay ko mang isipin ay wala namang gasinong kulang sa katawang ito. Ano’t kung may pagkakataon lang ako’y gusto ko itong palitan?

Maliit lamang ako, mahaba ang katawang may kabilugan. Makinis ang balat, maitim ang buhok, mabibilog ang mga bisig at binti. Namumurok sa ilalim ng aking damit ang laman ng dibdib. Namimintog sa likuran ang laman ng balakang. Malinaw ang guhit ng mga kilay, mata, ilong, bibig, pisngi, baba. May kurbada kung saan kinakailangan. Di man siguro kagandahan ay biniyayaan pa rin ng kapansin-pansing katawan.

Sapul pagkabata’y agad na sa aking pinamukha na may mga dapat at hindi dapat sa pagturing at pangangalaga sa katawan ng babae. Pinananatiling malinis at mabango ang katawan – sa diwa at sa gawa. Laging inilalayo ang kamay sa katawan. Tinatakpan nang mahusay ang maseselang bahagi ng katawan. Pinag-iingatan ang balat. Pinag-iingatan ang pagkababae pagkat ito ang tanging handog na maibibigay sa tanging lalaking pakakasalan balang araw. Itong huli ang siyang laging sinasabi. Pakakaingat-ingat daw pagkat minsan lang na makuha ng iba’y di na muling maibabalik. Wasak na habang buhay. Isa itong malaking palaisipan. Kaya’t sapul pagkabata’y sinanay na kami sa kilos na magpapahalaga sa pagkababae. Bawal ang bumukaka, bawal ang magsuot ng manipis na damit. Bawal ang lumakad-lakad na parang kalabaw sa gitna ng kalye. Bawal magsuot ng maiikling shorts o anumang damit na makapupukaw ng pansin mula sa mga lalaki. Manatiling lagi sa loob ng bahay. Umuwi ng maaga. Sa loob ng bahay makasisiguro ang babaeng ligtas siya sa anumang kapahamakan.

Umayon ako sa karaniwang kalakaran sa lipunan sa pag-aakalang mapangangalagaang mabuti ang kalinisan at kabanguhan ng kaisa-isang katawan. Ngunit bakit sa pagmalas ko sa aking buong katawan ay di ko mapigilan ang panginginig ng aking mga balikat. Nararamdaman kong may nais ikubli ang unti-unting pag-arko ng aking katawan upang bumalik sa aking porma sa loob ng sinapupunan. Pilit na nagkukubli ang aking mukha. Binalot ng aking mga braso’t kamay ang nakatuping tuhod at binti. Latag ang tingin sa loob ng pagkakayukayok. Ngunit sa kaloob-looban ay hindi payapa ang pakiramdam. Kasamang kinukubli ng saplot ng nakayukyok na katawan ang karanasang bumasag sa kamusmusan.

Sunduin Mo Ako sa Himlayang Dilim

Sa sandaling umagos ang lakas sa aking mga laman at mag-udyok ng kilos ng katawan, ligalig na ang kaninang payapang katawan. May mga kuwentong umaalingawngaw sa bawat kilos ng ligalig na katawan. Mga kuwentong nagpupumiglas na maisiwalat nang malaya. Kaya’t unti-unti kong tutuklapin ang nakabalot na saplot. Bawat pagtutuklap ay isa na ring paghuhubad.

Hindi simpleng kilig ang nagtutulak sa pagkurap. Madalas ay napapakurap bilang proteksyon ng mata sa sobrang liwanag. Kung minsan ay sa pagkakapuwing. Ang sa akin ay kurap nang pag-aninag sa katotohanang sa dingding at hangin ko lamang kayang ibaling.

Taun-taon ay nagbabakasyon kaming mag-anak sa isang bahay ng pamilya ng tatay ko sa probinsiya. Kasama namin ang kamag-anakan ng tatay ko kaya’t talagang masaya. Maraming kalaro – bata’t matanda, lalaki’t babae.

Dito’y may natutunan akong isang kakaibang laro. Nilalaro namin ito sa isang kubo sa tabi ng dagat, kapag pinagsasama ako ni Tiyong. Masaya pagkat kalong-kalong niya kong palagi. Ginagaygay ng kanyang mga kamay ang maliit kong katawan. Himas-himas niya ang aking dibdib, binti at balakang. Dinadaliri niya ang aking pagitan. Habang ginagawa niya ito’y pinapahid niya ang kanyang harapan sa aking buong katawan. Lagi’t lagi ay pinaaalala niya na naglalaro lamang kami kaya dapat ay masaya. Ako ang nanay at siya naman ang tatay. Paulit-ulit niya itong binibigkas na parang dasal, isang sikretong di dapat banggitin kanino man pagkat baka pagalitan ako ng Nanay at hindi na pagsama ulit sa susunod na bakasyon. Titigil lamang siya kapag basa na ang kanyang likuran at harapan. Ganito ang larong natutunan ko nang ako’y limang taong gulang.

At habang nangyayari ang lahat ng ito’y tila mga pakpak ng paru-paro ang mga pilik-mata ko habang nakikiramdam sa nangyayari. Kinukubli ng kanang braso ang dibdib. Tumitibok ang puso sa ilalim ng palad. Maging ang hininga ay hindi ko makuhang pawalan. Hindi ko alam kung anong tawag sa larong iyon ngunit tiyak ko ang pakiramdam ko. Sa larong ito, nakilala ko ang pakiramdam na totoong di ko mawari.

Nauulit ang ganitong di mawaring pakiramdam kapag nauwi kami sa bahay. Mag-isa ako sa kuwarto namin. At upang mapawi ang takot sa dilim ay hinahayaan kong bukas ang tarangkahan ng pintuan. Tunay ngang wala akong dapat ikatakot pagkat lagi akong sinasamahan ng pinsan kong lalaki. Tinuruan din niya akong maglaro. Muling kumurap-kurap ang aking mga mata habang nakatitig sa dilim.

Nagpatuloy ang ganitong pakikipaglaro. Taun-taon sa probinsiya kapag bakasyon. Minsan, makalawa, makatlong beses sa isang linggo sa bahay. Paulit-ulit ang pakiramdam na hindi mawari. Hanggang sa pagtagal-tagal ay napalitan ang di mawaring-pakiramdam ng pananabik at kaligayahan.

Ito na ang simula ng mga araw at gabi ng di pagkakapalagay. Naliligo ako nang higit sa tatlong beses sa isang araw. Kuskos ako nang kuskos sa maseselang parte ng misteryosong bahagi sa aking pagitan. Hindi ako mapalagay sa pagsusuot ng putting uniporme sa eskuwelahan. Takot akong masilipan kaya’t lagi akong nagsusuot ng itim na shorts sa ilalim ng kanyang kaputian. Ayaw kong may makakita. Ayaw kong may makaalam. Walang sinumang dapat na makaalam.

Nagpatuloy ako sa pagsunod sa mga dapat at di dapat sa pangangalaga ng katawan ng babae kung para lamang mapagtakpan ang mga di ko mawaring pakiramdam at kaligayahan. Lagi akong malinis at mabango. Pinapalis kong pilit ang lahat ng senyales ng aking pakikipaglaro. Lagi kong iniipit ang aking pagitan. Kinukubli kong pilit ang puno’t dulo ng di mawaring pakiramdam. Lagi akong umuuwi ng maaga at nananatili sa loob ng aming bahay. Patuloy ang pagdalaw ng aking kalaro pagsapit ng madaling-araw. At lagi’t lagi’y umaalingawngaw sa aking pandinig ang pangaral ng matatanda sa amin. Kasalanan ang hawakan ang maseselang parte ng katawan. Impiyerno ang naghihintay sa kumikilala sa kaligayahang dulot ng laman.

Sa ika-labindalawa kong kaarawan ay naglandas ang dugo ng buhay sa aking pagitan. Matiim kong pinakiramdaman ang paglabas ng dugo ng buhay mula sa aking katawan. Parang paglilinis sa lahat ng bakas ng panghihimasok sa aking murang katawan. Inabangan ko ang kanyang pagdalaw buwan-buwan, parang pag-aabang sa isang matalik na kaibigan. Kakampi ko siyang tunay pagkat mula nang dumalaw siya’y nakatuklas ako ng isang bagong karanasan. Maaari pala akong umayaw. Maaari akong humindi. Maaari ko nang wakasan ang hindi mawaring pakiramdam. Sa araw ring to’y tinarangka ko na ang aking pintuan bago matulog sa gabi. Tuwing bakasyon ay nagkakaroon ako ng dahilan para hindi sumama sa probinsiya.

Sa aking ika-labing-apat na kaarawan ay nakatatanggap ako ng pinakamagandang regalo sa buong buhay ko. Namatay sa isang aksidente ang pinsan ko. Ipinagdiwang ko ang pagkamatay ng aking kalaro. Iniyakan ng nanay ko ang pagkawala ng pinsan ko. Napakabata pa raw niya para bawian ng buhay. Ang pinsan kong napakabata pa para bawian ng buhay, ang pinsan kong halimaw ang siya niyang iniiyakan. Kung malalaman kaya ni Ina na una pang namatay ang aking kamusmusan kaysa sa aking pinsan, ako rin kaya’y kanyang tangisan? Nagimbal ako sa aking natunghayan. Saka ako napahagulhol.

Gusto kong sumigaw. Gusto kong sabihin sa aking pamilyang hindi dapat na tangisan ang pagkamatay ng isang halimaw. Gusto kong humiyaw hanggang sa manginig ang tumbong ng tiyo’t pinsan ko. Gusto kong isuntok nang ubos-lakas ang aking mga bisig. Gusto kong itadyak ng buong-lakas ang aking mga binti. Sabihin ko kaya kay Ina? Baka magkagulo ang pamilya. Maniwala kaya sa akin si Ama? Baka ikahiya ako ng aking pamilya. Kung mawawala pa sila sa aki’y wala nang matitira, wala.

Salubungin Mo Ako Saka Palayain

Kaya’t lumikha ako ng aking sariling mundo. Makikipag-usap ako tulad ng ibang ordinaryong dalagitang ka-edad ko. Nakikipaglaro, nakikipagpalitang-kuro tulad ng pangkaraniwan. Ngunit kapag nakalabit ang takip ng ikinukubling karanasan, sa oras na lumagitik ang ulirat at ako’y gapangan ng mga alaala ng larong may di mawaring pakiramdam, biglang nauumid ang aking dila. Nararamdaman kong nagsasara ang aking katawan. Mabilis, mabagal, mariin ang pagtiklop ng aking katawan. Mariin din ang kilos ng aking mga paa, kamay, balikat, balakang, leeg at ulo. Mabilis, mariin, pakurba. Hampas ng katawan, pag-iwas sa mapaglarong kamay. Mabilis, mariin, tuwid. Suntok ng mga bisig, pagsalakay sa katawang nilupig. Mabagal, mariin, pakurba. Piga ng buong katawan, pagkukubli ng katotohanan. Mabagal, mariin, tuwid. Tulak ng mga paa, paghulagpos sa bangungot na di matakasan. Hagupit sa katawan, latay sa puri’t kinabukasan.

Sa munting mundo kong ito’y nababalikan ko ang aking mga pakiramdam. Naaalala ko ang aking mga karanasan sa pakikipaglaro. Nakapagmumura ako nang walang nagbabawal. Nakaiiyak ako nang walang nakakikita. Nakahahagulhol ako nang walang nakakarinig. Nararamdaman kong umaayon ang aking katawan sa bawat kong pakiramdam. Mariing kumikilos, tahimik na nakikiramdam. Naglulunoy ako sa aking nilikhang mundo. Dito’y malaya kong naipapahayag ang aking sarili – walang takot na pumipigil. Walang banta ng kasalanang nakaumang sa bawat paglalahad.

Nagdalaga ako’t nakatapos ng pag-aaral nang walang inihinga, isa mang salita sa aking pamilya. Napatibok ng ilang binata ang aking puso. Kapag napapalagpas sa simpleng akbay ang paglalakbay ng kanilang mga kamay sa aking katawan, napasisigaw ako nang hindi ko namamalayan. Nabigyan ko sila ng dahilan upang lumayo nang hindi kami nagkakaintindihan. Matindi ang panghihinayang ko sa mga pagkakataong iyon. Sayang at hindi ko nakuhang magpaliwanag. Sayang at hindi ko sila naipagsama sa aking munting mundo. Maraming dahilan kaya siguro hindi ko sila naipagsama. Siguro’y hindi pa ako handa, siguro’y hindi ko rin alam kung paanong ipapaliwanag. Saka ko napag-isip na hindi ko nga sila dapat ipagsama sa aking mundo.

Hindi ko sila dapat ipagsama sa aking mundo pagkat ito’y mundong nagkukubli ng mga mararamdaman at nasasaisip. Kung sila’y ipagsasama ko sa mundong iyon, ano pang karanasang malusog ang aming pagsasaluhan gayung ang mundong iyon ay mundo ng pagkukubli at pagtakas sa katotohanan?

Nais kong ibukas ang aking mundo sa taong nais kong magkaroon ng kaugnayan sa buhay ko. Nais kong magbukas hindi upang tumakas kundi upang humarap sa totoo. Nais kong makipag-ugnay hindi upang magkubli sa anino ng iba kundi upang mabigyang-katuturan ang buhay. Nais kong lumaya.

Kaya nga ba’t nais kong ibahin ang pagkakataong ito. Ngayong nakakaramdam ako ng ibayong lakas ng loob upang magpaliwanag sa iyo. Ngayong nakakahanap ako ng sapat na lakas ng pakiramdam at pagtitiwalang mauunawaan mo. Ngayong natuklasan ko na kung paanong ang katawang dating nagkukubli ay maaari ring magpahayag ng katotohanan. Nakakarinig ako ng kakaibang himig mula sa aking puso.

Pinipikit ko ang aking mga mata saka ko pinakikinggan ang mga musikang nakapaligid sa akin. Pinakikinggan ko ang musika ng aking puso, ang himig ng pagsusumamo, ang himig ng pakikipag-ugnay ng puso sa puso. Ang ingit ng mga buto at paglambot ng laman habang unti-unti kong ibinubukas ang aking katawan sa labas ng aking mundo.

At habang pinakikinggan ko ang musika ng aking puso ay hinahayaan kong gumalaw ang aking katawan sa paraang nais ko. Kapag mabilis at mariin ang himig na likha ng puso, magaan at maindayog ang himig. Magaan, mabilis at tuwid. Tumatapik-tapik, ang mga daliri’t paa sa pananabik, naghihintay ng pagkakataong makalapit, makaugnay ka. Magaan, mabilis at kurbada. Pumipitik-pitik ang sulyap ng mga mata, nakaw-damdamin sa mga palipad-hangin. Magaan, mabagal at kurbada. Lumulutang ang isipang pagal, naghahanap ng kalinga’t pagmamamahal. Magaan, mabagal at tuwid. Humahapon ang halik sa mga labing sabik. Magaan, mabagal at pakurba. Haplos ng mga kamay, dampi ng labing nagpapahalaga’t naglalambing. Mariin, mabagal at pakurba. Humahapit ang bisig. Lumalapat ang katawan sa kapwa katawan. Pagbubukas ng sarili. Mariin, mabagal, tuwid. Pagpapaloob ng sarili. Pag-aalay ng buhay at kaluluwa.

Salubungin mo ako sa pagbubukas ng aking mundo.

Sabayan mo ako sa sayaw ng pagbabago.

Saluhan mo ako sa paglaya ko.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here