TEKSTO, KONTEKSTO AT INTERTEKSTO: ISANG INSTRUKTURALISTANG PAGBASA SA ETNOEPIKONG HUDHUD NI ALIGUYON

0

TEKSTO, KONTEKSTO AT INTERTEKSTO: ISANG INSTRUKTURALISTANG PAGBASA SA ETNOEPIKONG HUDHUD NI ALIGUYON

ni Jose Juan A. de la Rosa

Iba’t ibang pakahulugan ang ibinibigay sa mga epiko: kolektibong panaginip, estetikong dula-tula-awit, o batayan ng mga ritwal. Ang mga tauhan dito ay itinuturing na mga dakilang bayaning kumakatawan sa mga bagay na mahirap unawain. Ano man ang mga pagpapalagay, sa pangkalahatan ay nililimitahan ang epiko sa pagiging isang uri ng krudong ispekulasyong pilosopikal.

Karamihan sa mga nag-aaral ng epiko ay nagkakaisa na ipinahahayag ng isang lipunan, sa pamamagitan nga ng mga epiko, ang mga pundamental na damdaming unibersal gaya ng pag-ibig, pagkamuhi, pagkakaisa, atb. Dagdag pa, ang mga epiko raw ay pamamaraan ng pagpapaliwanag sa mga bagay (astronomikal, meteorolohika, atb.) na hindi magagap o maunawaan ng lipunan. Subalit bakit kailangan pa ng masalimuot at kumplikadong pamamaraang gaya ng paglikha ng epiko samantalang ang mga unang lipunan ay may kakayahan na rin sa empirikong pagpapaliwanag? Sa kabilang dako, ang mga sikoanalista at antropolohiko ay inuunawa ang epiko sa konteksto ng sosyolohiya at sikolohiya. Halimbawa, kung prominente sa epiko ang tauhang gaya ng babaeng may karunungang itim, ipinaliliwanag na sa lipunang kinabibilangan ng epiko ay kinamumuhian ang matatandang babae. Ngunit sakaling salungat dito ang aktwal na datos, ipapalagay naman na ang epiko ay behikulo ng pagpapahayag ng mga sinusupil na damdamin. Ano man ang kalagayan, sa dayalektikang manipulasyon ay napalalabas, diumano, ang kahulugan.

Kinakaharap ng mga mag-aaral ng epiko ang mga sitwasyong sa unang malas ay magkatunggali. Ano mang bagay ay possible sa epiko. Walang lohikal na daloy. Bawat katangian ay maaaring ibigay sa isang tauhan; lahat ng relasyon ay maaaring matagpuan. Sa madaling salita, lahat ay possible sa epiko. Samakatwid ay ito ang problema: kung ang nilalaman ng epiko ay nakabatay sa lipunang kinabibilangan nito, bakit halos pare-pareho ang mga epiko sa buong daigdig?

Ang pagkilala sa problemang ito ang susi sa pag-unawa sa mga epiko. May pagkakatulad ang ating problema sa kinaharap ng mga naunang linggwista. Napansin nila na sa isang lenggwahe, ang pagkakasunud-sunod ng mga tunog ang nagbibigay ng kahulugan. Tinangka nilang tuklasin ang ugnayan ng tunog at kahulugan; ngunit nabigo sila nang makitang ang mga parehong tunog ay may ibang kahulugan sa ibang lenggwahe. Nalutas lamang ang kontradiksyon nang mabatid nilang ang kombinasyon ng mga tunog, hindi ang mismong tunog o ang pagkakasunud-sunod nito, ang nagbibigay ng kahulugan.

Malinaw na ang kadalasang ginagamit na interpretasyon sa mga epiko ay nakabatay sa maling konseptong pinanghawakan ng mga unang linggwista. Halimbawa’y ang pananalig sa idea ni Jung na may tiyak na kahulugan ang mga arketipo (tulad ng tubig: simbolo ng buhay) sa mitolohiya, epiko. Maihahalintulad ito sa maling paniniwalang bawat tunog ay may tiyak na kahulugan: halimbawa, ang mga bukas na patinig ay iniuugnay sa mga bagay na malaki, malakas, o mabigat.

Dito ngayon mailulugar ang halaga ng paggamit ng istrukturalismo sa pagsusuri ng epiko. Bilang metodolohiya, nakaugat ito sa structural linguistics ng Pranses na si Saussure. Si Levi-Strauss naman ang nagpaunlad dito bilang pamamaraan sa pagsusuri ng kultura. Ayon sa Aklat ng mga Teoryang Pampanitikan (LLP, 1989), “pinakamalinaw at pinakamakabuluhang magagamit ang teorya sa pagsusuri at pagpapaliwanag ng panitikang bayan.”

Tunghayan natin ngayon ang mga simulain ng istrukturalismo.

Ayon kay Levi-Strauss (1967), ang epiko ay lenggwahe: upang maipabatid, ito ay ipinapahayag; bahagi ito ng pakikipagtalastasan. Ngunit may ispesipikong katangian ito na mapananatili lamang kung kikilalaning ito ay kaiba rin sa karaniwang lenggwahe. May iba pa itong aspekto bukod sa istruktural at istatistikal.

Ang epiko ay tumutukoy sa mga pangyayaring ipinapalagay na naganap matagal nang panahon. Subalit ang mga pardon nito ay walang panahon; maipaliliwanag nito ang nakaraan, ang kasalukuyan at ang hinaharap. Binubuo ang epiko ng mga di maaaring pagbalibaligtaring nakaraang pangyayari na ang epekto ay maaari pa ring maramdaman sa kasalukuyan at maging batayan ng hinaharap.

Mas matingkad ang kabutihan ng epiko sa karaniwang lenggwahe kung ihahambing ito sa tula . Ang tula ay isang uri ng pahayag na nagkakaroon ng malaking pagbabago kapag naisalin sa ibang wika. Sa kabilang banda, ang pagiging epiko ng isang epiko ay nananatili kahit sa pinakamasamang pagkakasalingwika. Hindi man natin alam ang lenggwahe at kulturang pinagmulan ng epiko, mararamdaman pa rin natin ang pagiging epiko nito. Ang kabuluhan ay wala sa estilo, wala sa musika, wala sa palaugnayan, ngunit nasa kwentong sinasabi nito. Ang epiko ay lenggwaheng gumagana sa isang antas kung saan ang kahulugan ay nagmumula sa linggwistikong batayan (Levi-Strauss, 1967).

Kaiba sa palagay ng mga sikoanalista at antropolohiko, ang epiko (na isang espesyal na porma ng wika) ay hindi lamang hinuhubog ng kamalayang panlipunan kundi humuhubog din sa kamalayang panlipunan.

Sa payak na presentasyong ginawa ng LLP (198), binubuo ang istrukturalismo ng mga sumusunod:

1. Ang panitikan ay parang wika – hindi ito masasabing may indibidwal na tagapagbuo o tagalikha. Likha ito ng buong lipunan.

2. Ang hubog at hugis ng wika at panitikan ay naaayon na rin sa hugis at hubog ng lipunang bumubuo rito. Sa madaling sabi, nakabaon sa wika at gayundin sa panitikan ang istruktura ng pulitika, ekonomya, atb. ng lipunang may wika/panitikan nito.

•  Kung ang lenggwahe ay parang isang nitsong sisidlan ng patay ng pagpapahayag na panlipunan (social discourse), ibang klase naman itong nitso dahil sa loob mismo nito muling nabubuhay ang wika…Ang mga patay o laos nang diskurso ay binubuong muli ng…makata bilang ‘building block’ sa pagbuo naman sa kanyang sariling diskurso.

Samakatwid, tuluy-tuloy ang proseso at maraming kahulugan ang nakabaon sa mga salita.

Ang ugnayan ng structural linguistics at epiko ay masusuma sa mga ideang ito ni Levi-Strauss (1967):

•  Kung may kahulugan ang epiko, hindi ito matatagpuan sa hiwa-hiwalay na elemento kundi sa pagkakahanay at pagkakaorganisa ng mga nasabing elemento sa buong sistema ng epiko.

•  Bagama’t ang epiko ay nasa kategorya rin ng lenggwahe, at sa katunayan ay bahagi lamang nito, ang lenggwahe sa epiko ay may kakaibang katangian.

•  Ang mga kakaibang katangiang ito ay matatagpuan sa itaas ng antas ng karaniwang lenggwahe; ibig sabihin ay mas komplikado kaysa mga ordinaryong linggwistikong pagpapahayag.

Ayon pa rin sa kanya, kung ipapalagay ang katotohanan ng mga nabanggit, dalawa ang implikasyon. Una, ang epiko, gaya ng iba pang lenggwahe, ay binubuo ng mga komponent. Pangalwa, ang mga komponent na ito ay iba sa komponent ng lenggwahe (hal., ponema, morpema, atb.) dahil nga mas komplikado ang operasyon ng lenggwahe sa epiko. Ngayon, ituturing natin na gross constituent units ang bawat bahagi ng epiko.

Saan makikita ang gross constituent units? Hindi ito matatagpuan sa ponema o morpema kundi sa mas mataas na antas ? sa pangungusap.

Sa kongkreto, hati-hatiin ang istorya ng epiko sa pinakamaiikling pangungusap batay sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Bawat pangungusap ay magpapakita ng isang tungkulin na nakaugnay sa isang paksa o tema. Ang mga bahaging bumubuo ng isang relasyon ay isang gross constituent unit.

Subalit ano ang bago rito? Talaga namang may mga relasyon ang mga komponent ng isang sistema. At paano maipakikitang ang panahon sa epiko ay naglalaman ng kasalukuyan, nakaraan at kinabukasan?

Mula sa mga katanungang ito ay may bagong ipotesis: ang tunay na gross constituent unit ng epiko ay di mga hiwa-hiwalay na relasyon kundi grupo ng mga relasyon, at sa pamamagitan lamang ng mga grupo maaaring magamit ang mga relasyon upang makalikha ng kahulugan. Sa mga grupo ring ito mabibigyan ng panibagong organisasyon ang epiko at mapalalabas ang tatlong panahon at ang ispesipikong antas ng linggwistikong operasyon.

Ito ang alternatibong metodolohiyang gagamitin sa pagsusuri ng etnoepikong Hudhud ni Aliguyon . Ituturing natin na teksto (anumang paggamit ng wika) ang epiko at saka uunawain, batay sa istrukturalismo, ang kahulugan nito, ang kamalayang nakabaon dito, at ang panlipunang kamalayan ng kultura nito.

TEKSTO AT KONTEKSTO

Ang mga Ifugao, tulad ng iba pang naunang namuhay sa Pilipinas, ay may mga awit tungkol sa kabayanihan ng kanilang lahi. Ang ganitong awit, na ipinapasa sa mga henerasyon, ay pagsasabuhay ng mga pangyayaring pinaniniwalaang tunay na naganap. At para sa mga Ifugao, ang awit na ito ay ang hudhud.

Ang hudhud, na ang literal na kahulugan ay awit sa anihan, ay binibigkas ng mga kababaihan hanggang sa kalaliman ng gabi sa mga pagdiriwang at maging sa burol ng patay. Maraming iba’t ibang hudhud subalit ang pagtutuunan natin ng pansin ay angHudhud ni Aliguyon . Ito ay batay sa bersyong inawit ni Hinayup Bantayan na itinala ni Pio Abul at isinalin sa Filipino ni Josefina T. Mariano (Castro, atb. 1984).

Narito ang balangkas ng pagkakasunud-sunod ng kwento:

•  Naglalaro ng trumpo si Aliguyon nang maisipan niyang makidigma sa tribong kalaban ng kanyang amang si Amtalao. (2) Bagama’t pinigilan siya ng kanyang inang si Dumulao, ipinagpatuloy ni Aliguyon ang panalangin sa tandang na siyang unang hakbang sa pakikidigma. (3) Bago siya umalis, sinubukan muna ni Amtalao ang lakas niya. (4) Umalis si Aliguyon at sa kagubatan ay kumonsulta siya sa ibong idao. (5) Sumugod siya sa Daligdigan at agad hinamon si Pumbakhayon, anak ng kaaway ng kanyang ama. (6) Nanalangin si Pumbakhayon sa tandang bago nagsimula ang labanan. (7) Naghagisan sila ng sibat na sa bawat pagkakataon ay nasasalo ng isa’t isa. (8) Dumating si Dagunay, ina ni Pumbakhayon, upang awatin ang dalawa nang sa gayon ay makakain sila. (9) Itinigil ang tagisan. (10) Pagkakain ay muli silang naglaban, at ito ay tumagal nang isa at kalahating taon. (11) Nang mapansin nilang ubos na ang nakatanim na palay at nahalinhan na ito ng kawayan at alimit, ipinasya nilang itigil muna ang paglalaban. Umuwi si Aliguyon. (12) Si Pumbakhayon naman ang sumugod sa Hannanga at muling hinamon si Aliguyon. (13) Ipinagpatuloy nila ang laban. (14) Dumating si Dumulao, ina ni Aliguyon, upang awatin sila nang sa gayon ay makakain. (15) Itinigil ang tagisan. (16) Pagkakain ay muli silang naglaban at tumagal ito ng isa’t kalahating taon. (17) Nang mapansin nilang ubos na ang nakatanim na palay at nahalinhan na ito ng kawayan at alimit, ipinasya nilang itigil muna ang paglalaban. Umuwi si Pumbakhayon. (18) Si Aliguyon naman ang sumugod sa Daligdigan at muling hinamon si Pumbakhayon. (19) Samantala, napabalita sa mga karatig-pook na napatay ni Aliguyon si Pumbakhayon. (20) Si Daulayan ng Mumbulawan ay kaagad nagtungo sa Daligdigan upang labanan si Aliguyon. (21) Humalili si Daulayan kay Pumbakhayon at madali naman siyang tinalo ni Aliguyon, bagama’t hindi siya pinatay. (22) Muli ay pansamantalang itinigil ang away at umuwi muna si Aliguyon. (23) Lumusob siyang muli sa Daligdigan subalit sa pagkakataong iyon ay nagkasundo na sila ni Pumbakhayon. (24) Isinagawa ang ritwal ng pagkaksundo. (25) Niligawan ni Aliguyon si Bugan, kapatid ni Pumbakhayon. (26) Walang tumutol kaya’t nagpakasal sila. (27) Nang matapos ang pagdiriwang, pinakasalan naman ni Pumbakhayon si Aginaya, kapatid ni Aliguyon.

Sa kayarian ng epiko, malinaw na may pag-uulit ng mga tagpo. Kung pagsasama-samahin natin ang lahat ng magkakaugnay na bahagi, ganito ang magiging resulta:

I. (1, 2, 3, 4, 5, 6, 19, 20)

II. (7, 10, 12, 13, 16, 18, 21)

III. (8, 9, 11, 14, 15, 17, 22, 23, 24, 25, 26, 27)

Ang unang grupo ng mga pangyayari ay nagpapakita ng mga nagaganap bago ang pakikidgma. Ang ikalawang grupo naman ay nagpapakita ng aktwal na labanan sa digmaan. Ang panghuli ay mga pangyayaring nagaganap sa panahon ng kapayapaan.

Sa pagkakataong ito ay pasisimplehin pa natin ang mga grupo at tatangkain nating palabasin ang gross constituent units. Ipagpalagay nating ito na ang pinakamahusay na pagkakaayos (bagama’t maaari pa itong mapahusay sa tulong ng ispesyalista sa kulturang Ifugao):

Panalangin sa tandang

Pagkonsulta sa idao

sukatang ng matinding pagkakasundo at

lakas paglalaban kapayapaan

Ispiritwal Pisikal Kaaway Kaibigan

Ang iba pang mga tinanggal na detalye ay pumapaloob na sa apat na bahagi. Maaaring basahing pahilis at pababa ang istruktura. Ang pahalang na pagbasa ay tumutugma sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Samantala, ang pababang pagbasa naman ang nagpapakita ng operasyon ng epiko sa ibang antas ng lenggwahe at ng pagtataglay nito ng iba’t ibang panahon. Kung nais nating isalaysay ang epiko, pahalang ang pagbasa mula kaliwa hanggang kanan. Ngunit kung nais natingunawain ang epiko, pababa ang pagbasa mula kaliwa hanggang kanan.

Bawat pababang kolum ay isang relasyon, at ang tungkulin ng istrukturalistang pagsusuri ay ang pag-unawa sa mga grupo ng relasyon.

Ang unang kolum ay tungkol sa mga ritwal, mga gawaing ispiritwal. Batay sa epiko, ganito ang panalangin sa tandang: iwawagwag ang ibon hanggang sa ito ay mahilo, pagkatapos ay ibababa ito sa lupa; kapag ito’y gumalaw at tumuka, ibig sabihin ay di magiging matagumpay ang pakikidgma, at kung manatili naman itong tahimik dahil sa pagkahilo, nangangahulugang magiging tagumpay ang pakikihamok. Ang idao naman ay isang itim na ibong may batik-batik na puti. Naniniwala ang mga Ifugao sa kapangyarihan nitong manghula. Samakatwid ay ibinabatay nila ang pagpapasya sa mga pwersang labas sa kontrol nila.

Ang ikalawang kokum naman ay tungkol sa sukatan ng lakas, bagay na pisikal. Ang kagitingan ay nakasalalay sa tagumpay sa pakikihamok. Relatibo ang lakas at hina; may mas malakas dahil may mga mahina. Walang kahihinatnan ang tagisan kung patas ang lakas. Kaya nga, nakasalalay sa pagpupunyagi ang tagumpay sa tagisan ng lakas. Taliwas ang ganitong diwa sa

unang kolum kung saan ang kontrol sa mga bagay-bagay at pangyayari ay ipinapalagay na labas sa dimensyong pisikal, kung gayon ay labas sa kontrol ng tao.

Ang ikatlong kolum naman ay tungkol sa matinding paglalaban, sa abstraktong antas ay tungkol sa away. Kung susundan ang takbo ng mga pangyayari sa kwento, ang pakikipaglaban ni Aliguyon kay Pumbakhayon ay pagpapatuloy ng alitan ng kanilang mga magulang. Ito ay isang pagtutuos na ang ultimong layunin ay katubusan. Karangalan ng buong lahi ang magapi ang ibang lahi.

Ang panghuling kolum naman ay sumasalungat dito. Sa pagitan ng labanan ay may mga pagkakasundong nakukuha sa simpleng usapan. Ni walang lumalabag sa ganitong mga kasunduan. Sa bandang huli ng epiko ay nagkasundo ang dalawang tribo at naging asawa pa ng dalawang magkalaban ang kapatid ng isa’t isa: bagay na lalong nagpapatibay sa konsepto ng kaisahan at kapatiran.

Magkasalungat ang una’t pangalawa, gayon din ang pangatlo’t pang-apat na mga relasyon. Maaari na natin ngayong unawain ang epiko.

Ito ay tungkol sa kontradiksyon ng teorya at praktika, ng paniniwala at gawa. Para sa kulturang naniniwala sa kapangyarihang ispiritwal at kagitingang nakabatay sa pakikidigma, mahirap maghanap ng transisyon tungo sa katotohanang kailangang umasa sa sariling lakas at higit na lakas ang natatamo sa pakikipagkaisa. Ganito ang batayang kontradiksyon:

TEORYA PRAKTIKA

mapagpasya ang kapangya- mapagpasya ang sariling

rihang ispiritwal lakas at pagsisikap

ang lakas at kagitingan ay higit na kagitingan ang natatamo

nakabatay at natatamo sa sa pakikipagkaisa

pakikidigma

Bagama’t ang kontradiksyon ay hindi basta malulutas ng kultura, nagbibigay ang epiko ng isang instrumentong lohikal na naglilinaw sa kontradiksyon. Kahit pinabubulaanan ng praktika ang teorya, pinatototohanan naman ng buhay-lipunan ang kosmolohiya sa pagkakahalintulad ng istruktura. Kung gayon, totoo ang kosmolohiya.

INTERTEKSTO

Kung totoo ang ating interpretasyon sa teksto at sa konteksto nito, ang pagusuri ng interteksto (ugnayan ng iba’t ibang teksto) ay maaaring mas makapagpalalim sa ating pakahulugan.

Sa ibang mga epiko, ang katapangan at lakas ng bayani ay nangingibabaw sa kaduwagan at kahinaan ng kalaban. Dagdag pa, karaniwa’y may angking pambihirang kapangyarihan ang bayani. Kaiba rito si Aliguyon. Unang-una, ang pakikidigma niya ay hindi kasimpambihira ng sa ibang epiko. Kung gayon, ang bayani para sa mga Ifugao ay tao sa lahat ng aspekto. Tumitigil siya sa pakikidigma upang kumain, matulog, magnganga, at maligo. Umiibig din siya at ginagawa ang mga nararapat sa panliligaw. Patas si Aliguyon at ang kalaban niyang si Pumbakhayon. Ang kaaway ay hindi isang halimaw, walang karunungang itim, walang mga karumal-dumal na gawi. Kung iuugnay ito sa kontradiksyong tinukoy, masasabing bagama’t may kalaban si Aliguyon ay hindi ito tunay na kaaway kundi isang taong kapantay niya.

Malalim na nakaugat sa kaugaliang Ifugao ang pagganap ng tungkulin sa lahi. Ano mang kasalanan sa isa ay kasalanan sa lahat na dapat tubusin. Ang tagumpay ng isa ay tagumpay na rin ng lahat. Ito ang ugat ng pakikipagdigma ni Aliguyon. Gayon pa man, makikita sa teksto ng epiko na handa silang kalimutan ang ganitong mga bagay, gaya ng pagpipigil ng ama at ina ni Aliguyon at Pumbakhayon sa kanilang mga balak. Muli, malinaw na naman dito ang kontradiksyon.

Ang pangkalahatang pananaw sa daigdig ng mga Ifugao ay nakasentro sa paniniwala sa mga ispiritu. Ang mundo, para sa kanila, ay pinamamahayan ng mga pwersang siyang nagtatakda ng galaw nito. Pero ang bayani sa teksto ay walang kapangyarihang biyaya ng mga ispiritu. Sa pakikidigma, sariling lakas ang puhunan ni Aliguyon.

May tradisyon ang mga Ifugao ng pamumugot ng ulo. Ito ay taal na diwa ng katarungan. Hindi ito lumabas sa teksto; bagkus ay mas matingkad ang diwa ng pagdiriwang. Ginagamit ang pagdiriwang upang mapalaganap sa lahat ang biyaya ng kolektibong pagod at upang mapatibay ang kaisahan. Sapagkat demokratisasyon ng yaman ang layon ng pagdiriwang, masasabing ito ay alternatibong idea ng katarungan na nakabaon sa kultura at pinalitaw sa teksto.

Marami pang mga aspekto ng kulturang Ifugao ang maaaring ituring na tekstong maihahambing sa epiko. Gayon din, sa teksto mismo ay marami pang mga pagsasalungatan gaya ng sumusunod:

bata : matanda

mapusok : mapagtimpi

malakas : mahina

pagpapatuloy : pagwawakas

Ang mga salungatang ito, (bagama’t nakapailalim sa mayor na salungatang itinuring nating gross constituent units) ay maaari ring iugnay sa kultura sa muling pagbasang intertekstwal upang higit na maunawaan ang operasyon ng epiko bilang teksto, ang kontekstong kinabibilangan nito, at ang kamalayang nakabaon dito.

KONGKLUSYON

Madalas naitatanong kung bakit ang epiko ay paulit-ulit na isinalaysay. Kung wasto ang ating naging pagsusuri, malinaw ang kasagutan: Inuulit ang epiko upang maihayag ang istruktura nito. Nakita natin na maaaring organisahin ang epiko sa paraang diakroniko (pahalang) at singkroniko (pababa). Ibig sabihin, sa pamamagitan ng pag-uulit ay naipatitimo sa kultura ang diakroniko-singkronikong istruktura. Dahil dito, naihahayag ang kontradiksyong nararamdaman ngunit di maharap o malutas ng kultura.

Ang ginawa nating pagsusuri ay maaari ring gawin sa iba pang mga etnoepiko ng bansa. Malaki ang maitutulong ng ganitong pagbasa sa pag-unawa sa lipunan at kamalayan ng ating mga ninuno. Isang mahalagang bagay na naipakikita rin ng ganitong pamamaraan ay ang operasyon ng pag-iisip ng ating mga ninuno. Kung tatanggapin ang ating pagsusuri, makikita natin na ang lohika at pag-iisip sa epiko ay kasing-igting din ng sa modernong syensya. Ang kaibahan ay wala sa kalidad ng prosesong intelektwal kundi nasa katangian ng mga bahay na pinaggagamitan nito.

MGA SANGGUNIAN

Castro, Jovita, et. al. 1983. Antolohiya Ng Mga Panitikang Asean: Mga Epiko ng Pilipinas. Lungsod Quezon: Apo Production.

Dumia, Mariano. 1979. The Ifugao World. Lungsod Quezon: New Day Publishers.

Levi-Strauss, Claude. 1967. Structural Anthropology. New York : Anchor Books.

Literary League of the Philippines . 1989. Aklat Ng Mga Teoryang Pampanitikan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here