Pag-aambag: Sulyap sa Katatapos lang na Seminar-Workshop

0
teaching_seminar1.jpg

ni Alden Peter S. Manrique

 

Ang mag-intervene sa bata ang guro sa pagtuturo ng wastong panitikan, ito ang layunin ng seminar na ‘to

– Luna Sicat Cleto

 

Ang Pagpunta

Umayos ako ng upo nang magsalita si mam Luna. Bahagi ‘yon ng pambungad na pananalita niya sa dalawang araw na seminar-worshop ng UP Institute of Creative Writing Teachers Seminar, noong ika-20 at 21 ng Enero, 2017. Ang tema: Reading and Teaching Different Genres of Literature. Dinaluhan ‘yon ng ibat ibang guro at administrador mula sa loob at labas ng NCR na ginanap naman sa bulwagang Picasso ng Sulo Riviera Hotel.

Disyembre pa noong nakaraang taon nang sabihin ni mam Luna sa klase na magkakaroon ng seminar-workshop tungkol sa pagtuturo ng panitikan at malikhaing pagsulat para sa senior high. Ayos ‘to sabi ko. Bentahe para sa mga guro na nagtuturo sa senior high. Hindi na ko nagdalawang isip na ayusin ‘yong schedule ng pag-absent sa klase, makasama lang rito.

Total 2nd day na ng exam, Friday, walang turo. Pagkakataon nga naman, aabsent ako. Magagamit ko na rin ‘yong local service credit na pinangako sa amin ng principal kapag may substitution kami. Kung totoo‘yon.  Dalawang buwan na ‘kong nag sub, ibig sabihin ganoon na katagal ang pagtitiis.

Kaso sing-aga ng dating ko sa pila ‘yong dating ng text message ng head ko. Hindi pa raw aprobado ‘yong request at kinakailangan kong pumasok. Patay na! Pero hindi puwede sayang ang punta. Kaya buhay ang pag-asa. Katunayan nag-aalmusal na ako ng kaalaman habang nagsasalita si mam Luna, at nagkakape na barako nang makatanggap ako ng tawagan mula sa hindi nakarehistrong numero. Isang mabilis na drop call ang nangyari. At ang mga sumunod, lumipas ang dalawang araw.

 

Unang Araw ng Seminar: Sa Mundo ng Fiction at Non fiction

Sa unang araw, si Dr. Lumbera (national Artist for literature) ang nagbigay ng pambungad na pananalita pagkatapos ipakilala ni mam Luna, (deputy director) upang himukin ang mga dumalo na makiisa sa layunin ng seminar-workshop. Tinalakay ni sir Jun Cruz Reyes o Amang ang mundo ng fiction tungkol sa kung bakit nga ba tayo nagsusulat at kung para kanino ang ating mga panulat. Ayon pa sa kanya, kaya tayo nagsusulat kasi meron tayong gustong sabihin…meron tayong imahinasyon… na mas mahalaga ang imahinasyon kaysa talino mula kay Einstein dagdag pa niya… Ang social truth ay na sa kwento. Totoo nga naman, sa likod ng maraming pagpapanggap, itinatakda sa lipunan ang inaakalang tunay. Ngayon, saan tayo lulugar para makita natin ang totoo sa hindi totoo?

Kaya nga ba’t ang realidad ay kabahagi ng ating pang-araw-araw na danas na maaari nating isulat. Dito nakasentro ang paksa ng sumunod na tagapagsalita na si Dr. Pantoja-Hidalgo. Tinalakay niya ang mga sangkap at mga sekreto sa epektibong pagsusulat ng nonfiction mula sa mga personal na danas patungo sa mas malawak na perspektiba sa kaligiran ng mga sitwasyon. Maging observant, isulat ang mga kakatwang bagay, gawing kakaiba ang dati na ayon pa sa kanya. Hindi naman kasi nauubos ang danas natin araw-araw at kahit na paulit-ulit ang mga paksang cliché, pupwede pa rin itong hanapan ng kakaibang anggulo, ito marahil ang trabaho ng isang manunulat na observant o mapagmasid.

Sa pagsasara ng unang araw, nilagom ni Sir Vlad Gonzales ang napakaraming punto ng mga tagapagsalita. Ang pagpapahalaga sa panitikan at panulat bilang mga edukador at guro na magpapasa nang tama sa mga estudyante. O mas magandang tanong, bilang guro anong antas ng panitikan at panulat ang itinuturo natin? Ito ‘yong alalahanin ko bago natapos ‘yong unang araw. Oo nga pala. Naalala ko, hindi lang pala ako nakikinig, dapat nag-aambag din.

 

Ikalawang Araw ng Seminar: Ang tula at ang Dula ng Buhay

Umaga na nang mabasa ko ‘yong txt message ng numerong hindi nakarehistro na tumawag sa’kin kahapon. Hindi ko inintindi kasi maaliwalas ang salubong ng Sabado nang magsimula ang ikalawang araw ng programa.

Tinipon at nilikom ni Dr. Evasco ang kapangyarihan ng mga salita at talinghaga sa pagitan ng mga saknong at tugma. Tula sa Pilipino ang naging sentro ng pagtalakay niya. Ayon din sa kanya, mahalagang bahagi ng pagsusulat ang makadama o pairalin ang mga senses. Ang paggamit ng pandama ay nakatutulong sa pagiging tula ng teksto. Gamit ang mga pandamang ito, naipapakita at naituturo natin sa mga mag-aaral ang ibat ibang anggulo sa pagsipat, sa huli sila ang magpapasya kung paano bubuuin ang imahen. Higit na pinatingkad ng paksa ang paggamit ng mga awiting kalye. Bilang bahagi ng pagpapalalim, maituturo umano ang tula gamit ang awiting ito upang mailapit, una sa mga tagapakinig, ikalawa sa pagsusuri ng nilalaman sa likod ng pagtula.

Ang paglilinaw naman ng ilang teorya at praxis ang atake ni Dr Garcia sa kanyang pagtalakay sa Translation and Phil Poetry in English. Malinaw at napasimple ang pagpapaliwanag ng teorya habang tinatalakay ang poetry. Nakatutuwang marinig mula sa kanya ang mga paradoxical sa English poetry. Ayon sa kanya kapag na-translate ang isang original text into other language, hindi na ito matatawag na realism…other than translating realism…Hindi sapat ‘yong ironic na ginagamit sa tulang English sa Pinas kasi nga ironic na ‘yon per se dagdag pa niya. Bilang bahagi ng representational, mahalaga na nauunawaan tayo ng ating tiyak na audience sa ating tiyak na pag-aambag. Lalo na kung ang mga audience ay mga mag-aaral sa ibat ibang antas o lebel ng pagkatuto.

Sa mundo ng pagkilos at pag-arte, sa mundo ng malaking entablado, sa harap at likod ng mga tagapanood, doon tayo sa mundo ng dulaan dinadala. Kung ang mundo ay malaking entablado at tayo ang mga artista nito, walang duda na sa pang-araw-araw natin nakakasalamuha ang pag-arte sa buhay. Mahalaga na ma-i-transcend natin sa mga tagapanood ang mensahe nang may linaw at may pagkilos. Ganito ang turan ni sir Vlad Gonzales sa pagpapakahulugan ng dulaan ayon sa ibat ibang eksperto: Para maunawaan ang tao at pagkatao-Villanueva. Ito ay pagtatampok at pag-unawa sa mga papel natin sa tunay na buhay-Tolentino.

Bilang huling tagapagsalita, sinaklaw ni sir Vlad Gonzales ang pagtalakay sa mundo ng dula/an. Mula sa ibat ibang sangkap o proseso ng pagsusulat ng iskrip na may iisang yugto, hanggang sa mahahalagang paalala o tips para makita ang relevance ng ginagawa. ‘Yong mapaabot o maitawid nang malinaw ang mensahe. Sabi niya, sa mabisang dayalogo dapat natural. ‘Yong hindi pilit o pinilit para may masabi o mema-sabi lang. Isipin din aniya kung madaldal o hindi madaldal  sa tamang sitwasyong ‘yong tauhan. Dagdag pa niya, dapat unahing ipakita ang shock value ng scene. Nakatutulong daw ito sa pagpapataas ng antisipasyon ng nanonood at siyempre pagkuha ng atensiyon na rin. Nakita ko ‘yong logic kung bakit hinuli ‘yong dula/an para paksain. Sinasaklaw kasi nito ang ibat ibang genre tulad ng kwento at tula. Sabi nga, kung gagawa ang isang manunulat ng isang akda, siguraduhin na niyang mounted o lumalagos ‘to sa ibat ibang anyo o form para versatile ang dating. Ewan ko lang kung tama ‘yong logic ko.

Pero ‘yong pakainin kami at busugin nang literal at pakainin at busugin din ng mga dati at bagong teknik, paalala ‘yon na may ‘call’ sa pagtuturo at pagsusulat.  Kung mag-aambag dapat kaambag-ambag. Ang punto kasi, maraming nagsusulat at nagtuturo ng panitikan mula sa ibat ibang sanggay ng edukasyon kahit walang malalim na pinaghuhugutan ng itinuturo. Parang itinuturo kasi requirement dahil na sa curriculum. Ang dulo, mababaw. Mali, sa simula pa lang pala mababaw na.

Hindi naging sapat ‘yong oras at panahon sa pagkikinis o pag-wo-workshop ng mga naging trabaho. Sa sobrang dami ng gustong magbasa at magbahagi ng kani-kanilang mga gawa, kinapos na sa oras. Pero sinikap ng mga tagapagsalita na mabasa at marinig ‘yong ilang trabaho saka binigyan ng mga komento.

 

Ang Pag-uwi

Hindi nagbago ‘yong ayos ng upo ko sa loob ng dalawang araw simula nang magsalita si mam Luna. Parang walang uwian, ayaw tumayo’t umuwi para magklase sa Lunes. Tapos nagsalita ‘yong ilang dumalo para hingan ng feedback sa nasabing programa. May taga south bandang Mindoro na nagsalita. Sabi niya, maswerte siya kasi nakasama sa ganitong uri ng paglelektura tungkol sa pagsusulat at pagtuturo ng panitikan. Kulang di umano ang mga libro at babasahin sa lugar nila. Kaya nalilimitahan ang turo sa mga estudyante. Para sa kanya, sinamantala niya ang pagpunta at pakikinig kahit malayo para may maiuuwi siya sa kanila.

Hindi pwdeng umupo na lang pala, pag-uwi niya mag-aambag na siya pagkatapos ng seminar-workshop. ‘Yon din ang sabi ni Dr. Lumbera nang banggitin niya ang layunin ng programa noong unang araw…oryentasyon para sa pagpapatingkad sa pagsusulat para sa mga kabataan.

Pinasalamatan ni Dr. Dalisay ang lahat mula sa mga tagapagsalita hanggang sa mga pumunta. Sinabi rin niya na sana napunan ang ilang mga tanong at alalahanin pagdating sa pagtuturo ng panitikan at pagsusulat.

Mas naging malinaw sa’kin ang layunin at tunguhin ng nasabing programa pagkatapos noon. Higit pa ‘to sa sarili. Simula ito ng malinaw at kongkretong pag-aambag para sa mga estudyante.

Sabado na ng hapon pagkatapos ng programa habang abala ang lahat sa picture-picture, nag re-dial ako sa numerong na drop call ko noong Biyernes.

Sir, sa Monday na ‘ko papasok.

 

 

Si Alden ay full-time faculty member ng Department of Filipino sa Sauyo High School, na na-assign na magturo sa Senior High simula ngayong taon. Kasalukuyan niyang tinatapos ang kanyang MA FIL: Malikhaing Pagsulat sa UP-Diliman.

Gustong-gusto ni Alden ang amoy ng papel at kahoy kaya inuunti-unti niyang kumpunihin ang mga dating kasangkapang-kahoy para paglagyan ng mga nagkalat niyang libro.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here