Alang-alang sa Alinlangan: Tiwala[g] sa Salita

2

ni Tilde Acuna

 

Maituturing kong rurok ng paglahok ko sa mga pambansang palihan sa pagsulat ang katatapos na UP National Writers Workshop (UPNWW), lalo at para ito diumano sa mga manunulat na nasa gitna ng kanilang karera—yung mga mayroon nang natanggap na gawad, nailimbag na aklat at nalusutang pambansang palihan. Mukhang nagkaroon ng ilang konsiderasyon sa depinisyon ng gawad at aklat, kaya nakalusot. Bunsod nito, mamarapatin kong magbalik-tanaw sa una kong pagbabakasaling makapasa, sa ilang usapin sa pagitan nito, hanggang sa humantong sa “mid-career”—isang status na tila magkapanabay na itinatanggi at tinatanggap ng karamihan sa naging co-fellow sa UPNWW. Matapos nito, sisikapin kong sumahin ang karanasan sa mga palihan sa pangkalahatan, kritikal na pagnilayan ang pakikisangkot ko sa mga ito, at magpanukala ng ilang posibilidad na tunguhin ng [aking / ating / aming] panulat, sa loob man o sa labas ng mga institusyong pampanitikan.

Mula sa huling workshop na “maroon,” akin munang gugunitain ang “luntian”: binhi ang kahulugan ng unang natanggap na fellowship. Angkop at matalinghaga para sa baguhang tulad ko. Salamat dito, at nasilayang marami pa palang ibang babasahin at may mga isyu pala ang mga manunulat; sa susunod na mga taon, malalaman ko ang salimuot ng mga tunggaliang ito. Wala pa akong kamuwang-muwang noon na ang karamihan ng mga komento ng mga panelista ay may hibo ng New Criticism, lalo at hindi pa ako malay sa impluwensiya (at gahum) ng pormalistang kilusang ito, na hindi malayong bunga ng pagpapalaganap dito ng magulang ng karamihan ng palihan: ang Silliman. May romantisismo pa ako sa panulat noon, kaya hindi maiwasan ang mamangha. Minsan lang kasi makalabas sa Kamaynilaan at makahuntahan ang mga nasa labas nito, kaya bagong karanasan sa aking makasalamuha ng mga nagsusulat sa ibang wika. Tumambad ang iba pang mga riyalidad.

Makaraang matanggap bilang fellow sa tula at maikling kuwento, sinubukan ko pa ang iba: kritisismo, panitikang pambata, tula uli at kwento uli, sa Ingles ang ilan, at sa Filipino ang karamihan. Hindi maipirmi kung ano bang nais tutukan. Apat na taon ang lumipas bago nasundan ang iyas. Hindi na ako mabilis mapabilib nang mapasabak sa sumunod na mga palihan, bagamat may mga hinangaan pa ring mga matitinding piyesa at mga matatalas na kritika sa mga piyesa. Sa pagtatasa sa sarili, nabawasan kahit papaano ang pagiging kimi, at mas naging prangka sa pagbibigay ng palagay na palagi kong tinitiyak na may batayan upang hindi magmistulang arogansya lamang. Nagbago rin ang mga komposisyong isinabak ko sa aplikasyon, lalo noong nakaraang taong 2016.

Baka kawalang-muwang o -malay din lang ito sa aking parte, pero ang ilang ipinasa kong nakalusot sa ilang palihan at publikasyon ay yung mga ipinapalagay kong taliwas sa estetika at pulitika ng mga sasala sa mga piyesa. Siguro, mali ang inakala kong pamantayan nila, kaya nang tinangkang suwayin ito, hindi sadyang sumunod pala sa pormula. Siguro, tama ang inakala kong pamantayan nila, pero nagbago ang isip nila at nagbigay-puwang. Siguro, kaunti lang ang nagpasa ng aplikasyon.

Hanggang haka-haka lang ang magagawa, basta sa mga panahong iyon, nais kong subukin kung tatanggapin ang mga kathang hindi pumapaloob sa inaakala kong kumbensyon ng palihan o publikasyon. Kumbaga, nakadisenyo ang mga piyesa para mag-hudyat ng hamon sa mga pinagpasahan. Naging experimentong walang layuning magtagumpay ang ilang tangka tungo sa interogasyon ng mga naturang pampanitikang institusyon. Kaya sakto lang kung tanggihan o hindi pansinin ang manuskrito; kung tanggapin, mas magkakaroon ng suliranin. Uusbong ang tanong tulad ng: Saan kaya ang aming tagpuan—sila bilang institusyong nagpapangalan sa mga manunulat, at ako bilang indibidwal na marami na ngang satsat sa sinusulat, tapos may nakayayamot pang rima ang prosa? Marahil, sa salita? Saan pa nga ba?

***

Aking salin ng “Mga Salita” ni Edel Garcellano: Ipinapalagay ng salita ang katahimikang / sa katunaya’y batbat ng mga salitang / nangangahulugan ng ganito & ng ganoon / & wala nang iba. Oo, tila kinakapos ang lahat / sa totoong pag-uusap / dahil binibigo tayo ng mga salita. / Pero nalulunod tayo sa ilog ng mga salita / na tila kabulaanan ang binibigkas, / isang pagtataksil sa inaakalang kahulugan. / Walang kaligtasan sa pagwiwika ng mga salita– / Pero anong sandata ang gagamitin natin / laban sa mga naniniil & nananakal? / Nananakmal ang katahimikan / pero kailangang patuloy tayong lumikha ng salitang / babasag / sa makapal na salaming namamagitan sa atin. / Dakila ang tungkulin. / Balewala ang panulaan.

***

Sa pagtatasa ng palihan nitong nakaraan, naalala ko ang pagbanggit ng “faith” sa “word” na nagbuklod sa mga lumahok dito, panelist man o fellow (pasintabi at hindi ko maalala ang nagbanggit o kung nabanggit ba talaga). Ibig sabihin, pagtitiwala sa kapangyarihan ng panulat, o, kung gusto nating panatilihin ang ating kapatiran, pananampalataya sa salita. Ano pa nga ba at lumahok sa workshop, kung walang pananalig sa panitikan? Kung ipagpapatuloy ang metapora ng relihiyon, marahil, nagiging agnostiko o ateista ako minsan kung panitikan ang kaligtasan, lalo at may mga institusyon at ilang godfather na namamahala rito. Pero, lagi’t lagi, bumabalik pa rin ako sa pagtitiwala sa panulat, lalo at hindi lang naman ang mga workshop fellow o mga Palanca awardee ang nagsusulat. At tiyak namang may pamantayan ng estetika at politika ng akdang pampanitikan at ng sining na sumisibol, pero wala sa tinaguriang “sentro,” bagamat maaaring halawin mula rito.

Walang duda namang aparato ng institusyonalisasyon ang mga national writing workshop at mga gawad. Walang gaanong masama rito, kung may sapat na demokratikong espasyo, tulad nito, upang mabanggit na, sa institusyonalisasyon, may mga isinasaisantabi, lalo at wala ang “rehiyunal” sa tinatayang pinaka-prestihiyosong palihang “nasyunal” tulad ng magka-edad na UPNWW at SUNWW, lalo at walang sapat na tsansa ang mga “walang-tinig” na makapagpadala man lang ng aplikasyon, lalo at walang puwang na maibibigay sa akin sa espasyong ito kung hindi ko naabot ang minimum sa checklist: gawad, aklat, fellowship (mas tataas ang pagkakataong makamit ang mga rekisitong mapabilang sa manunulat na nasa gitnang-karera kung, sa minimum, ay kabilang na sa gitnang-uri). Walang dudang kailangan nating pana-panahong magduda.

***

Trivia: May kano sa kanonisasyon. Keyword: self-reflexivity. Chant: Mabuway ang walang-katiyakan!

***

Pagkaraan ng UPNWW ngayong taon, tiyak na sapat ang puna at palakpak na nakalap ng mga nakasama sa palihan kaya tutungo na kami sa isa pang madugong yugto ng pagsulat: ang rebisyon (huwag lang historical revisionism). Malay man o hindi ang awtor, susing salik na kailangan isaalang-alang ay ang angkop na anyo para sa partikular na mambabasang nais makahuntahan. Anyo ang pamamaraan ng pakikipag-usap at nakadepende rito kung pakikinggan at tutugunan ang proyektong pampanitikan at ang diskursong dala nito—o isasaisantabi na lamang. Naririto ang ilan sa maraming hamon: bibigay ba kami sa nais ng mambabasa para lang tangkilikin ang aming akda, susunod ba kami sa dikta (o mungkahi) ng publisher para lang matiyak na mababawi ang puhunang sapat para sa reprinting, iisip ba kami ng kompromiso upang mapagbigyan ang mga mapagpasya at mapalawak ang mambabasa (readership) sa inaakalang tagumpay ng aming proyekto, susuong ba kami sa kawalang-katiyakan upang mapagtuunan muna ng pansin ang ideyal naming mambabasa. Malamang, may iba pang tanong sa sarili ang mga co-fellow ko na wala sa mga naitala; sa kaso ko, may kiling ako sa dalawang huling nabanggit, at ang ideyal kong mambabasa ng partikular na proyektong ito ay gitnang-uring may sapat na kapital, ekonomiko man o simboliko, para sa kritikal na interogasyon sa textong ihahain at sa posisyon nito sa produksyong pampanitikan.

Saan nga ba tayo patungo? Saan at kailan maaaring magtagpo? Ano ang hangganan ng collegiality at tiwala sa salita ng isa’t isa na ipinapalagay nating para sa ikabubuti ng lahat? Sino ang dapat patahimikin dahil nakalalason ang salita at nagbibigay-katuwiran sa karahasan? Sino ang dapat pagsalitain upang ibuyangyang ang sarili lalo sa listong mambabasa? Sino ang dapat magbigay-tinig kanino? Bakit hindi na lamang turuang magsalita at maglahad ng saloobin ang mga ipinapalagay na walang tinig? Sino ang ating kausap? kakampi? kaaway? Anong dingding sa pagitan ng mga manunulat ang dapat gibain? Kailan gigibain at kailan muling guguhit ng linyang magpapahayag na hanggang dito lamang ang pagtangkilik sa kapwang gumagamit sa salita upang manlinlang, mambintang, mandahas at makapangyari? Paano ang produksyon at diseminasyon? Bakit?

***

Lahat ng ito at tiyak na marami pang iba ang dapat itanong sa sarili ng nagtitiwala sa salita at handang tumiwalag dito kung kinakailangan, lalo sa ating mundo kung saan pribilehiyo ang pagiging awtor. May mga salita rin sa labas ng mga pahinang ito. Naroroon ang mga posibilidad na hindi pa natin maharaya, tungo sa daigdig kung saan walang minimum requirement upang maging lingkod ng salita—kung saan walang iilang may-ari ng salita.

2 COMMENTS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here