Ilang tala ng muni-muni sa 56th UP National Writers’ Workshop

0

ni Rogene Gonzales

1.

Naisipan kong maglakad-lakad papunta ng kampus, isang dapithapong katatapos ng workshop session. Matagal-tagal rin akong hindi nakatapak ng UP Los Baños. May dalang kung anong nostalgia ang simoy ng hininga ng kagubatan ng Mt. Makiling. Ewan ko, siguro sadyang ganoon– may mga lugar na magpapaalala sa iyong pagkatao.

Liku-liko ang daang maalikabok pababa. Sa gilid nito, nagsimula nang magligpit ang mga nagtitinda ng avocado at birds of paradise. Kinalas ng isang mama mula sa pagkakatali sa puno ang isang kambing, umalingawngaw ang huni ng hayop sa mga anino ng nalulusaw na liwanag.

2.

Muntik ko nang mahagisan ng libro si Sir Jimmy sa gabi ng poetry slam. Ilang beses akong humingi ng paumanhin sa kaniya habang nagyoyosi sa gilid ng Vega, buhay na buhay ang eksena sa mga sasakyang parito’t paroon. Halos isang dekada ko ring naging kanlungan ang komunidad at pamantasan ito.

May mga pagkakataong napakahirap itanghal ng tula. Pero gusto ko sanang bigyang hustisya ang lahat ng kaluluwang nagtutulak sa aking patuloy na umakda, kahit man lamang sa maliit na espasyo ng Entablado ay mapakinggan ito.

3.

Nakasalampak kami nang paikot sa harap ng hotel. Inaalala ang mga luma at bagong alitan ng mga kapwa manunulat. Hindi na talaga siguro maiiwasan ang away sa mundo ng panitikan. Idinadaan sa tawanan ang ilang haka-haka sa larangan habang kaniya-kaniyang humihigop mula sa hawak na lata ng beer. Ang hiling ko ay sana ganito lamang kagaan ang tunggalian.

Nagsasalimbayan ang tinig ng mga kuliglig sa labas at nagvivideoke sa loob.

4.

Nadatnan ko sa Room 11 ang ilang miyembro ng Perspective. Nagtataka sila kung ano ang pakay ko roon. Natuwa ako sa magandang balitang nakapaglalabas na muli ng regular ang dyaryo. Humingi ng kopya ng mga latest na isyu.

Inabot din ng dalawang oras ang pagliligalig ko sa pamantasan, tinanaw ang buong latag ng Freedom Park, ninamnam ang sandali, tila hinuhuli sa isang iglap ang bilis ng panahong nagdaan.

5.

Ganoon na nga ba katagal para makalimutan ko ang ibig sabihin ng isang termino? Marahil sa pagkakakulong sa mga pangamba ay pumupusyaw ang ibig sabihin ng mga salita. Naalala ko ang payo ng isang bilanggong pulitikal: “Huwag hayaang matupok ang apoy sa dibdib.” Pero narito ako’t nagpapagapi sa mga rehas ng kuwarto, mga limitasyong itinatakda ng sarili.

Isang taon na nga pala ang nakalipas nang masaksihang nasusunog ang Faculty Center. Kasabay nito’y ilang araw akong saklot ng poot dulot ng balitang minasaker ang mga magbubukid ng Kidapawan. Ako ba ay may kaligtasan?

6.

Nakaluhod si Pegaraw, nakatingala sa langit, nakaposturang lilipad sa itim nitong mga pakpak. Ilang minuto pa’y nasilayan ko si Oble, may nakapulupot na pulang streamer sa kaniyang katawan. Nanumbalik sa gunita ang mga martsang minsang nilahukan sa init ng araw. Ilang klase nga ba ang niliban upang makasama sa sigaw ng lansangan?

7.

Saglit ko lamang nakakuwentuhan si Sir Bien. Sa pakiwari ko sa kaniyang mga mata ay nagtatanong kung bakit ganoon na lamang ang aking mga tanong: Paano makaiwas sa pagkalunod sa sentimentalismo? Paano umigpaw sa kahapon? Paano magampanan ang tungkuling ikwento ang pilit pinapatahimik? Mga patlang lamang ng katahimikan ang namagitan.

“Darating din ang panahong ang tagisan ng kalooba’y luluwag,” ang kaniyang tugon, kasabay ng pagdadaupang-palad.

8.

May mga tula na para sa akin, ay nagsisilbing panalangin:

 

Walang ngalang kalungkutan, kaibigan,

ang tumupok sa ‘king araw na lumisan.

Ang balita’y tila sibat, nadungisan

aking laya, at ulirat ay lumiban.

 

Nagambala walang iba kundi kami,

silang lahat ay nagdiwang, palamuti’y

mga aklat ng kundiman at salapi,

Nagpalitan ng ngisi sa tabi-tabi.

 

Tabingi kang natagpuan sa madilim

na bahagi ng bangin, ang patalim—

itinarak sa ‘ming dibdib ay panimdim—

walang ngalang mukha’y piring ng malagim.

 

Walang ngalan iyong bundok na inakyat,

nagsulat ka ng sanlibo pang alamat.

Walang takot kaloobang buo’t tapat.

Kapangalan mo na ngayon ay pagkidlat!

 

9.

Huling gabi ng workshop, natigilan ang aming huntahan nang marinig ang huni ng isang kuwago, tila sumisipol sa kung kanino.

Hindi ko matunton kung nasaan ang buwan, marahil nakukumutan sa kapal ng kaulapan.

10.

Madilim na nang magpasya akong umakyat pabalik ng venue, manaka-nakang ilaw mula sa nagdaraang mga sasakyan na lamang ang gabay upang makita ko ang tinatahak kong landas paahon.

At sa bawat hakbang ay palaisipan: Kailangang magpatalas ng panulat. Kailangan muling tanganan ang panulat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here