Panayam sa UP Los Baños: Mga Tala

0

ni Cris Lanzaderas

Muling naging pansamantalang tahanan ang Bundok Makiling ng labindalawang manunulat mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa ikalawang pagkakataon, sa luntiang bundok sa Los Baños, Laguna idinaos ang ika-56 na UP National Writers Workshop. Mahabang panahon ang inilagi ng palihan sa lungsod ng Baguio sa Benguet ngunit nakatagpo ng bagong musa sa piling ng diwata ng Makiling ang mga manunulat. Isang linggo ang naging programa ng UP Institute of Creative Writing, ang siyang nag-organisang palihan, sa tulong na rin ng Departamento ng Humanidades ng UP Los Baños at Kulturang Ugnayan para sa Bayan o Kulayan. Maliban sa palihan, isinagawa rin ang Panayam, isang programang naglalayong maibahagi ang mga kaalaman ng ilang mga kilalang manunulat sa bansa. Ngayong taon, nagbahagi sina Jose Dalisay, Jr. at Wilfredo Pascual, Jr. ng kani-kanilang pananaw sa panitikan at malikhaing pagsulat, gayundin ng kanilang mga karanasan bilang mga manunulat sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Isinusulat ni Wil ang kanyang mga alaala at karanasan mula sa kanyang pagkabata sa San Jose, Nueva Ecija. Nagkaroon ng malaking papel sa kanyang mga panulat ang pinagmulang bayan dahil ito ang humubog sa kanya bilang manunulat sa kasalukuyan. Makapangyarihan at mahiwaga ang pagbabalik sapagkat nakikita ang sarili sa ibang mukha at anggulo at sa naiibang anyo. Tila ba nakalilikha ng ibang tao ngunit sa katotohanan ay isang taong pamilyar naman at lubos na kilala. Ang mga pagbabalik ang nagbibigay sa kanya ng discomfort kaya ang kanyang mga nalilikhang mga akda ay mga supling ng bagabag.

Bagabag din ang isa sa mga tumutulak kay Wil upang magsulat. Aniya, ang panitikan ang nagiging daan niya sa paglaya mula sa pakiramdam ng discomfort bagama’t hindi naman nauubos o naglalaho ito, kundi napapalitan lamang ng bago. Ang mahalaga ay naitatala ito at nagiging mga paalala, na nananatili ang sariling tinig sa anumang bagabag na hinaharap. Ngunit ayon din kay Wil, timbangin din ang mga bagabag dahil may mga espasyo ng discomfort na nararapat alalahanin at itala at mayroon namang hindi.

Para naman kay Butch, ang pagsusulat ay para mabuhay. Maliban sa ito ang kanyang pinagkukunan ng ipanlalaman sa sikmura, ito rin ang lumilikha sa tao upang maging isang tao. Panitikan ang patunay ng pag-iral na isang daang maituturing upang tuklasin at kausapin ang sarili at ang ating nasasaloob. Sa kanyang mga salita ay: Without literature, we can’t talk with our inner selves or inner lives. Tinuturuan nitong makilala ang sarili nang sa gayon ay makilala rin at maunawaan ang kapwa na marahil ay iisa lamang ang ating mga danas at mga alaala. It also teaches us to have a sense of narrative. Ang panitikan din ang nagpapaunawa sa tao ng kanyang nakalipas (what happened) at ng kanyang hinaharap (what may have happened). Binibigyan tayo nito ng kakayahang magpasya, a sense of judgment at lampasan ang pisikalidad ng mundo nang makapaglakbay sa mga kuwentong nasa isip lamang.

Makapangyarihan ang mga salita, aniya. Kaya bitbit din nito ang maraming kahinatnan na nakabatay sa landas na pipiliin ng tao. Maaari itong lumikha at sumira, manakit at magpagaling, maging instrumento ng kapayapaan at digmaan sapagkat taglay ng mga salita ang ating mga kasiyahan at hinagpis at ang ating mga panalangin at hiling. Sa huli, ayon kay Butch, ang mga salita ang mga imaheng ating maiiwan sa mundo sa oras na lisanin natin ito.

Nagtapos ang mga panayam sa mga bukas na talakayan na uminog sa mga tanong hinggil sa kanilang mga inspirasyon sa panulat, pagbabahagi ng mga karanasan sa paglilimbag, at ilang mga bagay sa kanilang mga personal na buhay. Nagpasalamat din sa mga dumalo at sa bumubuo ng palihan ang bagong direktor ng UP ICW na si Rolando Tolentino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here