Hímay-hímay lang

0

ni Kid Orit

Sa una, kakapit kaagad ang pananabik sa balitang napili ang gawa mo sa isang palihan, ngunit habang papalapit na nang palapit ang petsa kung kailan haharapin mo na ang mga kasamang isasalang sa palihan at mga tagapanayam, hinuhugasan ng mga nagdaraang araw ang pananabik— hayun na sa pinag-anlawan at ang naiwan na lámang ay kabá. Ganito ang palaging nararamdaman ko sa tuwing mayroon akong bagong gawa na ipababasa sa lingguhang palihan ng aming writing org noon. May ipakakatay na naman. Kayâ sa ganitong pananaw ko natutuhang tingnan ang bawat pagsabak sa palihan, sa mga pagtatangkang paghusayan pa ang mga gawa, at sa patuloy na pagmamatapang hanggang sa dumating ang araw na hindi na ako makakatay— hanggang káya pa ng loob kong magpatúloy sa pagsusulat.

Hindi ko naman ipagkakailang maraming naidulot na mabuti ang pagkatay sa mga gawa ko. Sa tuwing sumusulpot ang mga naninilaw na pahina, o, kung nadadalaw na lámang bigla ang mga back-up ng mga lumang proyekto, mas naiintindihan ko na kung bakit ako nakatay noon. At dahil din sa mga puna, natuto akong patatagin pa ang sikmura at kapalán na lang ang mukha, kung minsan. Sa pagtagal, hinahanap-hanap ko na rin ang pakiramdam ng magkasamang kabá at pananabik. Kayâ sumubok akong magpasa kung saan-saan, ngunit hindi palaging sinusuwerte. Hindi ko alam kung alin ang mas masakit, ang makatay, o, ipagkait sa iyo ang pagkakataong iyon. Habang tumatanda na at hindi na nakasusungkit ng mga pagkakataong makasali sa mga palihang pambansa na ang nibel, kung minsan ay napapaisip ako na bakâ kailangan kong maghanap ng ibang paraan, upang kahit papaano ay magkapuwang ang gawa ko sa panitikang Filipino. Kayâ malaki ang pasasalamat ko noong natanggap ako sa 2nd Amelia Lapeña-Bonifacio Writing Workshop ng University of the Philippines’ Likhaan: Institute of Creative Writing.

Nagbalik ang pananabik at kabá, lalo na at ang tema ng palihan ay nakatuon sa panitikang pangkabataan, o, young adult literature. Bukod sa paghahanda sa sarili ko sa mga paparating na puna, pilit kong iniisipan ng paliwanag kung paano maipagkakasya sa hulma ng panitakang pangkabataan ang gawa ko. Mabuti na lámang at hindi pa ako isasalang sa unang araw, kayâ pinakiramdam ko muna kung paano ang magiging himig ng mga talakayan— mayroon akong naririnig na naghahasa. Matalas na kung sumipat ng mga elemento ng kuwento o ng tula ang mga kasama ko, at hindi sila nahihiyang magpahayag ng kanilang mga papuri o pagpuna. Hinihintay ko ang paglagpak ng talim sa sangkalang puso namin kapag nagsalita na ang mga tanyag naming tagapanayam. Ngunit wala sa kanila ang mataderong inaasahan.

Marahang-marahan at mayroong pag-iingat ang paghimáy nila sa mga kuwento at tula. Iniisa-isa ang mga hindi kailangang tinik. Kung dati ay naisasama sa bangis ng talim, ngayon ay itinatabi ang mga butóng bumalangkas sa mga gawa namin, na para bang pinag-iisipan kung maaari pa ba itong gamitin. Sinipat nang maigi ang bawat hibla ng laman kung luto na ba o hilaw pa. Kahit papaano humupa ang kumukulông kabá ko, ginhawang may halong pagtataka. Hindi ganito ang nakasanayan ko, pero ikinagagalak ko itong bagong tuklas na pakiramdam sa isang palihan. Marahil matagal nang ganito ang mga palihan ngayon, hindi ako segurado. Marahil ganito talaga kapag hindi ka madalas na nasasali sa pambansang nibel na palihan, hindi ko nasusubaybayan ang pagbabago nito. Marahil hindi na tumatalab sa kabataan, o sa millennial, ang mga punang may dahas, hindi naman siguro lahat balat-sibuyas. Marahil sa panahon ngayon, hindi na nga talaga nararapat ang pagkatay. Marahil.

 

Sa isang bagay lámang ako naging segurado, kapanapanabik ang talakayan sa kung ano ba talaga ang pangkabataang panitikan ng Filipinas. Naipamulat sa amin ng mga tagapanayam na hindi pa lubusang natutuklas ang hanggahan ng genre na ito, na bukás na bukás ito sa kung sino mang matapang sa amin na tahakin ang mga hindi pa natutuklasang daan papasók. Ngunit laging kalakip ng ano mang pagtatangkang pagsulong, paglusong, o pag-ahon sa lawas nito, ang tungkuling bigyan ito ng malinaw kahulugan, para sa mga susunod na nais ding sundan ang mga magagawang landas. Bukod sa sari-saring mungkahi sa pagpapatalim ng aming estetika sa pagsusulat. Napakahalaga ng iba pang mga napulot naming pabáon ng mga tagapanayam.

Una na rito, ang pangangailangan ng masinsinang pananaliksik na makatutulong sa paghakbang sa hindi pa sauladong teritoryo. Maraming pagkakataon ding napag-usapan ang pagkilala sa mga mambabasá, mga kabataang maaaring sumunod sa amin, na kailangang bigyan ng pambihira ngunit ligtas na daan. May nagbigay din ng mga modelo, mga halimbawang naging tinig ng kanilang henerasyon noon, na kung tutuusin ay hindi rin kaiba ang mga pagsubok na kinahaharap ng kabataang manunulat ngayon. Mas mainam din kung makakakilala ng mga kasama sa paglalakabay, nang maiwasan ang pagkaligáw at matahak palagi ang tama. Higit sa lahat, magbáon ng tapang na titigan ang tákot nang mata sa mata, harapin ang mga salita at ayusin ang mga ito sa pahina, hindi puro pagpaplanong halos hindi naitutuloy. Shut up and write, ika nga.

Segurado akong hindi lámang ang mga ito ang báon-báon namin pagtapos ng palihan. Nakahanap ng mga taingang makikinig ang mga kasama namin mula pa sa ibang rehiyon, nariyan na ang internet para sa mas mabilis na pakikipag-ugnayan— kasama na ang pananaliksik sa iba’t ibang kaalaman, ang pag-aabang kung kailan muli magkakaroon ng pagbubukás ang mga darating na palihan, o, mga pagkakataong malathala sa maraming paraan at mabasá ng mas nakararami. Kahit papaano, siguro ay mas naiintindihan na rin namin ang aming sariling tinig. Sana. Mas nakakapanabik kung tutuusin ang panahon ngayon, lalo na sa mga kabataang manunulat. Mas madali na dapat sunggaban ang bawat pagkakataong magpakilala o makilala. Pero teka, bakit parang may mabigat na atas sa mga pabáong inuwi? Bigla akong kinabahan ulit.

###

Si Kid Orit ay isang freelance writer na madalas na nakatuon sa pagsusulat ng mga press release at script para sa iba’t ibang ahensya. Bukod doon ay abalá rin siya sa mga events at nakakakuha rin ng ilang mga proyektong pagdidisenyo ng mga aklat. Nagtapos siya ng AB Communication Arts sa University of Santo Tomas at doon naging aktibong kasapi siya ng Thomasian Writers Guild. Sa kasalukuyan, siya ay aktibong kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), at siya rin ang kasalukuyang pangulo ng Cavite Young Writers Association (CYWA) na tumutulong itaguyod, ipakilala, at ipagpatuloy ang pagpapayaman sa Panitikang Caviteño, lalo na sa kabataan. Madalas siyang bumibigkas ng kaniyang mga gawa sa Happy Mondays at LIRAhan, at kung minsan, nakikita rin siyang nagtatanghal bilang isa sa mga balagtasero ng The Makátas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here