Ang Mahiyaing Manok

 

Ang Mahiyaing Manok 

ni Rebecca Añonuevo-Cuñada

Parang hindi napapagod
Ang mga manok ni Mang Oca.
Pag nagsimula ang isa,
Susunod ang iba
Sa pagtilaok halos oras-oras. 
Mula umaga hanggang tanghaling-tapat,
Hanggang hapon, hanggang hatinggabi ---
Lahat sila’y nakadilat.
Lahat sila’y nagpupuyat.

“Taktalaooooooooook!”
“Taktalaooooooooook!”
“Taktalaooooooooook!”
“Taktalaooooooooook!”
“Taktalaooooooooook!”
“Taktalaooooooooook!”

“Ta-tak-tak-tok-tuk.”
Si Onyok, ang bunsong manok,
Ang bukod tanging nagmumukmok.
Namumula na naman ang tuka
Ay hindi pa rin makatilaok.

Minsan ang tuka niya ay biglang nangitim,
Nalublob sa putik sa loobang kulimlim:
Mula noon ay lalong hindi siya makatingin
Sa mga manok na salo-salo pa naman kung kumain.

Lagi siya sa isang sulok.
Inaantok.
Sumisinghot.
Namamaluktot.
Tuka’y tumitiklop
Pag nagtangkang tumilaok.

Ubo, ubo lang ang tunog
Na kaya niyang ibuga.
Akala tuloy ng iba,
Nakalulon siya ng itlog
Na kailangang iluwa,
At hindi siya ang manok 
Na sa itlog nagmula.

Akala naman ni Onyok,
Parati siyang pinagtatawanan
Ng mga kapwa-manok.
Kaya’t hindi matapos-tapos
Araw-gabi sa bakuran ang mga tilaok!

“Onyok,” sabi ng kalarong si Kokok,
“Mababait ang mga kapwa-manok.
Gusto ka lang nilang matutong sumunod.
Mag-ensayo ka sa pagtilaok,
Tuloy-tuloy, huwag matakot.
Para ano’t naging isa kang manok
Kung hindi ka rin lang titilaok
Nang ubos-lakas, lubos-lubos?”

“Mahal na kaibigang Kokok,
Bakit kasi isinilang pa ako?
Paano akong naging manok
Ay puro naman ungol?
Anong boses itong 
Wala namang maitulong?
Boses ba ang masahol pa
Sa may kalawang na palakol?”

Nakikinig sa tabi ang butihing ina.
Hinimas si Onyok, kinantahan, pinatawa.
Onyok, o Onyok ko, wala nang gaganda,
Sa boses mong dahil musmos ay nanginginig pa.”
Kumurrruk si Onyok at lalong napasinga!
Tumungo at sinubukang tumilaok mag-isa.

“Onyok, tumingin ka sa lahat ng manok.
Walang nakatungo kapag tumitilaok.
May palong at wala, puti man o pula,
Masayang nagigising, nanggigising na masaya,
Nakatingala sa langit, pinapagpag ang gilid,
Nagpupugay sa sarili at sa paligid.”

“Ta-ta-tak-talaooooooooook!”

Si Onyok! Si Onyok!
Ang mahiyaing manok,
Iniunat ang likod,
Ikinuskos ang paa, 
Itinaas ang leeg,
Inilatag ang pakpak,
At saka tumilaok
Nang matinis at sunud-sunod:

Ngayo’y hindi mapigilan
Ang batang si Onyok.
Minsan ang sabi sa ina at kay Kokok,
“Paglaki ko, ako naman ang magtuturo
Sa mga mahiyaing batang manok
Kung paano ang pagtilaok.”

“Una: Iunat ang likod…”

Powered by Drupal