Ang Tatlong Kahilingan ni Julian

ni Rebecca Añonuevo

 

Malas daw ang unggoy, sabi ng mangkukulam, kaya dapat nang itapon o ipamigay. E, itong si Julian, noong maliit na bata pa lang, ay hindi makatulog kapag hindi kayakap ang kupas na dilaw na boksingerong unggoy. Gustong-gusto niyang hinihimas ang makinis na ilong nito na may dalawang malaking nakatirik na butas. "Ako ang tagabantay mo sa pagtulog," sabi ng unggoy. Kahit mapanghi si unggoy, hinahanap siya palagi ni Julian kapag pinaliguan ni Lola Berang. Mabuti na lang at sa tapat ng bintana sa kuwarto niya ito isinasampay hanggang matuyo.

Nangako ang unggoy kay Julian na may tutuparing tatlong kahilingan bago sumapit ang kaniyang ikapitong kaarawan. Matutupad ang tatlong kahilingan sa tamang panahon. Hanggang isang araw ay naglaho na ang laruan, at nang lumaki si Julian ay nakalimutan na niya ito.

Kaisa-isang apo ni Lola Berang si Julian. Maliit lang ang bahay nila, pero siksik sa gamit na padala ng nanay at tatay niyang nagtatrabaho bilang mga kusinero sa isang otel sa London. Halos hindi na nga makagalaw ang mag-lola sa patong-patong na mga kahon ng mga pasalubong. Madalas magpadala ang mga ito ng mga retrato ng mga palasyo at katedral, at mga punongkahoy at kalsadang nababalot ng yelo. "Magpapakabait ka, anak, at mag-aaral kang mabuti," sabi ng kaniyang mga magulang. "Kaya kami naririto ay para sa iyong kinabukasan."

Si Julian ang katulong ni Lola Berang sa mga gawaing-bahay. Kahit hindi sabihan ng kaniyang lola ay maaasahan ito sa pagwawalis ng bakuran at pagdidilig ng halaman.

Kapag dumating na ang kaniyang lola galing ng palengke ay sinasalubong niya ito para dalhin ang biniling gulay at mais. Mahilig siya sa nilagang mais.

Maraming kaibigan si Julian. Pagkatapos ng klase ay nagtitipon sila at nanghuhuli ng gagamba sa isang kalapit na bukid na may mga tanim na palay.

Isang araw ay biglang nawalan ng sigla si Julian. Nakatingin ito sa malayo, at kahit anong pilit ni Lola Berang ay ayaw nitong kumain. Ayaw din nitong magsalita.

"Ano ba'ng nangyayari sa apo ko?"

Tinawag niya ang mga kaklase ni Julian at tinanong kung saan sila nagpunta.

"E, hindi ba ang sabi ko sa inyo'y huwag kayong pupunta sa bukid? Baka may ahas doon o nuno sa punso! Baka namatanda ang apo ko!"

"Elepante. gusto ko ng elepante."

Napatingin ang lahat kay Julian. Taranta naman si Lola Berang. "Nasisiraan na 'ata ng ulo ang apo ko! Sinabi ko na kasing huwag kayong pupunta sa bukid!"

"Julian! Julian! Heto, heto'ng mga laruan mo. Padala nina tatay at nanay mo. Ang gagandang robot! Nagiging agila 'to, o dragon! O itong motorsiklo at kotse, ang bilis umandar! O ito, ito 'yun napapanood natin na mahiwagang espada! Tumutunog ito at umiilaw pag pinindot!"

"Elepante ang gusto ko."

Nagkamot ng ulo ang isang kaklase ni Julian. "Namilit po si Julian na tumuloy kami sa sirkus. Tila nakatuwaan po niya 'yung batang elepante."

Isang kalaro nila, si Isko, ang lumapit kay Julian, iniaabot ang isang laruang kahoy.

"Mayroon akong elepanteng laruan, Julian, pero hindi ito kumikislap at hindi maingay. Inukit 'to ni tatay. Kung gusto mo, sa 'yo na lang."

Biglang nawala ang lungkot sa mukha ni Julian. "'Yan, 'yan ang hinahanap ko. Salamat, Isko. Maigagawa ka pa ba ng tatay mo nito?"

"Ako'ng bahala. Magaling namang umukit sa kahoy si tatay."

Nang gabing iyon ay si Julian pa ang naghanda ng hapunan nilang maglola.

Sa eskuwelahan ni Julian kinabukasan ay narinig niya ang mga kaklase na nagkukuwentuhan tungkol sa mga bansang pangarap nilang puntahan. Saudi, Germany, Netherlands, at kung ano-ano pa. Habang tumatagal ay parang mas mahirap niyang matutuhan ang baybay ng mga pangalan ng mga bansa. Sa ibang bansa malimit na nagtatrabaho ang mga magulang ng kaniyang kaklase.

Sa isip ni Julian ay iba ang gusto niyang puntahan. Hindi pa niya binabanggit kay Lola Berang ang kahilingan ay parang nahulaan na nito ang gusto niya.

"Ha? Ano ka ba naman, Julian? Masakit 'yung likod ko at tenga. Maingay doon."

"Pero lola, nangako ka sa akin na sasamahan mo ako doon."

"Magtuturo ka lang ng bibilhin. Wala pang padalang sahod sina Nanay at Tatay mo."

"Lola, wala namang mabibili doon."

"Kaya nga ayokong sumama sa 'yo."

"O, huli ka, Lola. Galing na 'yan sa bibig ninyo. Ikaw ang may ibang gustong puntahan! 'Yung M."

"Sige na nga, sige na! Ikaw na ang masusunod. Baka magmaktol ka na naman diyan."

Alam ninyo ang gustong puntahan ni Julian?

Ang palaruan sa bayan!

Nagkita-kita sila roon ng magkakalaro. Dahil malaki ang parke ay takbuhan at taguan sila kung saan-saan. Maya-maya ay unahan sa paglambitin sa swing, sa pagsuot sa bunganga ng pating, sa padulasang higanteng sapatos, sa bagong pintang berdeng siso!

Pinagpapawisan si Lola Berang habang nakaupong naggagantsilyo sa isang silyang bato.

Tuwang-tuwa naman si Julian. Nang makatapos maglaro, nagyaya itong kumain.

Sabi ni Lola Berang, "Doon tayo sa J."

"Hindi, Lola. Doon tayo sa palengke. Doon tayo sa palabok ni Mang Narding. Hindi ba masarap 'yung luto niya at 'yung espesyal na putong may itlog na pula?"

Parang umangat ang dila ng tsinelas ni Lola Berang nang kaladkarin niya ito papuntang palengke.

Nang sumunod na mga araw ay inapoy ng lagnat si Julian. "Baka nabalian ng buto!" sabi ni Lola Berang.

"Kalilikot kasi, kung saan-saan umaakyat. O baka kaya 'yung ininom na tubig sa tindahan ni Narding. Baka hindi nakaya ng tiyan."

Magpipitong-taon na si Julian. Kagabi ay napanaginipan niya ang laruang unggoy na nawala. "Ang ikatlo at huling kahilingan, Julian, ay matutupad. Ngunit kailangang pag-isipan mong mabuti ang iyong hihilingin."

"Ang unggoy ko!" Napaiyak si Julian. At mula nga kagabi ay hindi bumababa ang lagnat nito.

"Julian, apo! Anon a naman ba ang nangyayari sa iyo? Magpagaling ka. Magpalakas ka. Bertdey mo na sa Linggo."

Naalala ni Julian ang mga nagdaang kaarawan - naroroon lagi ang mga kaibigan niya't kalaro, maraming lobo na iba't ibang kulay, masasarap na pagkain na niluto ni Lola Berang. Laging may padalang malalaking laruan ang nanay at tatay niya.

Hulaan ninyo kung ano ang ikatlong kahilingan ni Julian?

Parang walang dinamdam si Julian pagsapit ng kaarawan. Sa gulat ng lahat ay dumating ang nanay at tatay niya noong Linggo galing ng London. Hindi katulad ng ibang pag-uwi, ngayon ay hindi nila balak na umalis pang muli.

"Masyado nang mahaba ang pagkawaglit. Lumalaki si Julian at hindi na namin kilala," sabi ng mag-asawa.

Iyon ang simula ng pinakamasayang kaarawan ni Julian. Nang buksan niya ang regalo ng mga magulang, anung laking sorpresa niya nang bumulaga ang isang laruang unggoy na kamukhang-kamukha ng nawala niyang laruan. Pinangalanan niya ito ng Goryo.

Pati si Lola Berang ay hindi napigilang maluha.

Powered by Drupal