Awit ni Amai Sondak, Landas ni Minayun, at ang mga Pamahiin ng Ating Panahon: Tungo sa Filipinong Estetika sa Panitikang Pambata

Awit ni Amai Sondak, Landas ni Minayun, at ang mga Pamahiin ng Ating Panahon: Tungo sa Filipinong Estetika sa Panitikang Pambata
ni Eugene Y. Evasco

Sa isang lugar ng Pagadian, ayon sa mga kuwento, naririnig pa ang awit ni Amai Sondak, isang onor ng epikong Darangen. Naluklok sa pagiging alamat ang nasabing mang-aawit. Sa rikit ng kaniyang sining, nabighani niya ang mga tonong. Dinakip siya ng mga ito para sa langit siya makaawit. Inilalarawan ng alamat na ito ang sagradong akto ng paglikha na magsisilbing pangkalahatang talinghaga ng panukala sa Filipinong estetika at sensibilidad ng panitikang pambata.

Sa pagsusulat ng mga akdang pambata, nalublob ang karamihan sa Filipinong manunulat sa estetika at katangianbuhat sa Kanluran. Maipapaliwanag ito sa pagiging anyong banyaga, bukod pa sa naging aparato ng mananakop, ng panitikang pambata sa bansa. Sa pagsubaybay sa produksiyon sa ibang bansa, nagkakaroon ng tendensiyang ikompara ito sa pambansang produksiyon. Tuwina’y nakapanlulumo ang ani ng mga aklat sa bansa. Hinahanap ko ang sigasig ng manunulat at tagapaglathala sa US at UK sa sariling pambansang produksiyon; inaantabayanan ko kung nakasusunod sa pag-unlad ang pagsusulat sa Pilipinas. Tinutugaygayan ko ang mga katumbas ng partikular na autor sa aking mga kapwa manunulat. Ang kapangahasan sa mga tema ng nobelang pangkabataan ay malayong-malayo kung ikukumpara ko sa ating produksiyon. Sa kanila’y may mga nobelang nasa anyo ng tula (blank verse) at dahil sa masusing dokumentasyon ng kanilang panitikang-bayan, may baul silang mapagdudukalan ng mga bagong akdang pantasya. Sa ulat din ni Nicolas Tucker (“Children’s Literature the next 20 years”), natukoy niya ang mga pag-unlad ng kanilang panitikang pambata: (1) pag-usbong ng fan fiction (o ang pagdurugtong ng mga mambabasa sa nobela ng isang autor; paglikha ng mambabasa ng baryasyon sa isang nobela); (2) ang phenomenon ng cross-over na katha; at (3) tuluyang pagwasak sa mga taboo sa panitikang pambata. Sa kanila’y may konsepto ng “panitikang pambatang pangmatanda” pero dito’y pinalalawak pa ang mga depinisyon at anyo ng panitikang pambata. Sa Kanluran, marka ng kahusayan ang pag-igpaw sa depinisyon at parametro ng panitikan para sa kabataan. Samantalang dito’y namimihasa pa ang karamihan sa mga pormula at sa konsiderasyong komersiyal.

Nito lamang mga nakaraang buwan, saka ko napaglimi na ang wala sa konteksto ang paghahambing sa produksiyon ng dalawang kultura. Paano makaiigpaw ang panulat sa bansa, gayong usapin para rin ang pagsasalehitimo ng anyong ito? Paano mabibigyan ng pakpak ang sariling panitikang pambata, gayong hindi pa ito nauugat sa tradisyong pampanitikan? Tulad sa akda ni J.M. Barrie na nanamamatay ang isang fairy kapag mayroong hindi naniniwala rito, ang mga diwata at tauhang mitolohikal sa bansa ay nasa bingit na ng kamatayan dulot naman ng pagkakalimot.

Sa pagbabasa ng etnoepiko ng bansa, matutukoy ang paraan na pagkukuwento na maaaring magamit: ang pag-uulit at ng eksaherasyon, ang paghahanay ng mga salitang magkakahawig ng kahulugan, ang pagbibigay ng pangngalang pantangi sa mga kagamitan, ang pagkakaloob ng mahiwagang sasakyan at sandata ng tauhan, ang pagbabanyuhay sa mga limot na diwata at bayani sa mga etnoepiko. Maaaring sagot ang mga nabanggit sa namamayaning estetika ngayon na minimal ang salita, halos walang prosa, at walang deskripsiyon sa teksto. Pinaniniwalaan na payak lamang ang maiintindihan ng mga bata dahil maikli ang kanilang attention span. Sa ganitong estetika ng kaiklian, nababansot ang naturang anyo. Halimbawa nito ay ang pagsasalin ng epiko at kuwentong bayan sa anyo ng picture book. Dakila naman ang layon sa pagpapamalas ng kariktan ng folklore ngunit suliranin itong maihahalintulad sa pagsasalin ng lawa ng Laguna sa isang puswelo. Maraming detalye at sinaunang teknik ang nawawaglit, dahil pilit isinusunod ang katha sa pamantayang Kanluranin. Hamon sa mga manunulat pambata sa bansa na gawing kaiga-igaya ang panitikang-bayan at ipamalas ang yamang taglay nito; hindi bilang maputla, tila buod, nawalan ng sustansiya, at dumaan sa liposuction na prosa. Kagyat na matutukoy ang sagwil sa pag-usbong ng mahaba-habang akda: ang limitasyon ng palimbagan, ang limitasyon ng anyo ng picture book, at ang itinakdang tuntunin ng mga paligsahan na lima o kaya’y sampung pahina lamang ang kuwento.

Bukod sa paghahanay nga katangiang naratibo ng epiko, napatunayan na ang poetika ng pantasya sa Kanluran ay matatagpuan din sa mga epikong-bayan ng bansa. May nagsasabing unibersal naman ang pinanggalingan ng mga katha sa daigdig, gaya ng ilustrasyon ni Salman Rushdie sa bukal ng mga kuwento. Gayunpaman, hindi pa rin maitatanggi ang pananaig ng fairy tales at mitolohiya ng Europa sa imahinasyon ng mga mambabasang Filipino. At sa pananaig na, nawawaglit sa kamalayang-bayan ang sariling ugat ng pagkukuwento. Kasama na rito ang pananaig sa mga imahinasyon ng mga manunulat ng unibersal na bata, na itinakda ng pag-aaral ng sikologo sa Kanluran. Maaaring sabihing lipas na ang tanong na sino ang higit na kilala ng batang Filipino: Mickey Mouse o Humadapnon? Pero seryoso ang tanong kaugnay sa tinatawag na “cultural Chernobyl,” lalo pa’t katatayo lang sa Hong Kong Disneyland na pangarap na paraiso ng mga batang Filipino.

Mahalagang teksto sa pagbubuo ng sariling sensibilidad sa pag-akda ang tradisyong naratibo ng mga Manobo. Sa kaniyang pag-akda, malakas ang epekto ng kaniyang publiko. Sa kuwentong-bayang “Mepiya Bawa at Meraat Bawa” matutunghayan ang interaksiyon ng tagapagsalaysay at ang makikinig at ang ambag ng publiko sa tradisyon ng pagkukuwento: umaantabay kung umuunlad ang banghay, binabantayan ang ugali ng mga tauhan, sinasabi ang nalilimutang detalye ng tagapagsalaysay, kinakausap at naglalarawan sa gagawin ng tauhan at ang ugali nito, nagpapakita ng galak sa mga mahihiwaga at kapana-panabik na eksena, tinutugaygayan ang moral ng salaysay, at nagbibigay ng reaksiyon sa pagitan ng pagkukuwento. Sa kabilang banda, may pamamaraan din ang talaulahingan para maging kaiga-igaya ang pagsasalaysay: ang paggamit ng retorikal na tanong tungo sa rurok ng kuwento, ang pag-uulit ng pangyayari para hindi makaligtaan ang mahalagang bahagi, ang paglihis ng panauhan mula ikatlo tungo sa ikalawa para mapagningas ang imahinasyon ng nakikinig, ang paglalahok sa makikinig bilang kasama at kalahok sa kuwento (Hazel Wrigglesworth 1993). Isang mahalagang konsepto sa tradisyong pagsasalaysay ng mga Manobo ang panlipunang silbi ng paggunita at pagkalimot. Para sa talaulahingan, tinatandaan lamang niya ang mga kuwentong may panlipunang nilalaman o kabatiran. At ang walang kabuluhan ay ibinabaon sa limot. Sa pamamagitan ng ganitong tungkulin, maitatanong natin kung aling mga kuwento ang dapat muling ikuwento. Sa isang dako, may hamon din itong tuklasin ang mga kuwentong dapat muling ipakilala sa henerasyon ng mga batang Filipino.

Sa pananaliksik ni Margery Hourihan na Deconstructing the Hero: Literary Theory and Children’s Literature, natuklasan niya ang mga katiwalian ng dakilang katha (master narrative) na lumalaganap sa pandaigdigang panitikang pambata. Nakaangkla ito sa kamalayang Kanluranin at nagsilbing batayan ng mga pinakamatagumpay na produkto sa industriya ng kultura. Ito ang peligro sa pananaig ng ideolohiyang Europeo sa ibang lipunan. Patong-patong ang mga natukoy niyang gahum—patriyarka, pagwasak sa kalikasan, pangingibabaw sa mga di-Europeo, pagsasantabi sa kakabaihan, pang-aabuso sa mga hayop, at ang gamit ng puwersa at karahasan para magtagumpay (Hourihan 1997: 233).

Para masagkaan ang ganitong gahum ng master narrative, ipinapanukala ang pagbabanyuhay sa mga etnoepiko ng bansa. Mainam itong kontragahum sa kapangyarihang taglay ng banyagang poetika ng panitikang pambata. Habang kinikilala ang mga bata sa panitikang-bayan, bilang modelo ng modernong pagsusulat at sagot sa laganap na cultural illiteracy sa hanay ng kabataan, sisikapin ding buhayin ito mula sa pagkakabura sa mga panahon ng kolonisasyon at neokolonisasyon

Magsisimula ang kadakilaan ng bata sa mga etnoepiko sa mahiwaga nitong pagkasilang. Tinutukoy rito ang eksaherasyon sa biolohikal na pag-unlad. Sabihin mang euphemismo sa pagtatalik ngunit may kakambal na kadakilaan ang bawat pagsilang. Buhat sa lumulutang na dayap na ikinikis sa buhok ng dalaga si Damanaas, kilala ring Baybayan; sa mahiwagang nganga naman nagmula si Banna ng Ullalim. Si Sandayo’y isinilang buhat sa walong ulit na pagsusuklay ng buhok ng sariling ina, at si Dumalapdap ay buhat sa pinagsama-samang patak ng dugo mula sa daliri ng kaniyang magulang at kapatid. Kadakilaan naman ang ipinahihiwatig pagkakasilang kay Tudbulul ng mga T’boli dahil kakambal niya ang gamit-pandigma: sombrero, kalasag, mamahaling agong, at isang kabayo.

Nagpapahiwatig ng kabayanihan ang pisikal na kaayuan ng bayaning sanggol. Sa paggamit ng mga paglalarawan, naitatangi ito hindi bilang karaniwan kundi mahalagang tauhan. Sa Sandayo, ang batang bayani ay napakarilag na maihahantulad sa bulaklak at liwanag ng araw. Hindi rin pinupuri ng kaniyang magulang si Sandayo; itinuturing itong pangit at walang halaga. Paniniwala ng mga Suban-on na kinaiinggitan ng masasamang espirito ang batang pinupuri (Castro et al 1983: 374). Gayunpaman, hiniling ng bata na bihisan siya ng ginintuang damit para lalo itong naging maningning at maliwanag. Lalo pa’t “Alipato’y lumagapak/ sa ulo ni Sandayo” at nagliwanag ang bata “tulad ng araw na bagong sumisikat/ sa bukang-liwayway” (Castro et al. 1983: 375). Ganito rin ang pagkakalarawan sa batang si Labaw Donggon: “Siya’y naramtan ng pilak/ Siya’y nabalot ng ginto./May bandana sa ulo/ Panyong maningning at burdado” (Castro et al 1983: 129).

Maikakategorya sa dalawang uri ang pamanang maiaalay sa mga bata ng etnoepiko. Iyong una’y mga materyal na bagay. Si Sandayo’y binigyan ng mga ginintuang damit para maging datu at magmistulang anak ng diwata. Si Labaw Donggon nama’y biniyayaan ng mga yaman at damit mula sa malaking baul na nagngangalang Barugbugan Umbaw. Handog naman kay Lumalindaw ay ayoding, isang instrumentong pangmusika na nagpapayo sa sinomang may-ari. Sa simula ng paglalakbay, hinandugan ng ina ang anak ng mahiwagang bolo na pag-aari ng ama. Umaawit ito at ang kinang ay bumubulag ng kaaway (Eugenio 2001: 71).

Kung si Taake’y pinamanahan ng gamit-pangingisda ng yumaong ama; sa kuwentong Darangen nama’y pinangalanan muna ni Linog ang dalawang anak bago lumisan. Pagkaraan, hinandugan niya ang mga anak ng dalawang agong na ginagamit para manghamon ng digmaan at magbalita sa pagyao ng pinuno. Kapansin-pansin sa halimbawa na mahalagang ipamana ang makapangyarihang kasangkapan para sa mga anak. Pinagtitibay rin ng epiko ang ugnayan ng mga batang bayani sa kaniyang magulang, lalo na’t ang ipapamana ay hindi lamang kasangkapan kundi ang husay, ang talino, at ang magiging tungkulin sa lipunan.

Ikalawang uri ng handog sa mga bata ng epikong-bayan ay ang edukasyong kultural at teknikal. Bagamat pinagpala sa kaanyuan ang batang bayani, mahalaga pa ring maipasa ng magulang ang kanilang kagalingan. Pinagtitibay nito ang pakinabang ng bata sa lipunan. Pinalilitaw na ang pagkabayani ay hindi lamang likha ng salamangka. Mahalaga ang pagpapatalas ng utak, katwiran, at pagkamalikhain. Halimbawa, sa Darangen, naghabilin si Diwata Ndaw Gibon, ang kauna-unahang datu sa Bembaran, sa kaniyang mga anak upang maging marangal na datu. Pinakamahalaga sa habilin niya ang pagpapahalaga ng mga materyal na kultura: ang mahiwagang sinturon na gayuma, tore ng mga prinsesa, kanilang torogan, at ang agong na nagmula pa sa ninuno ng kaniyang asawa.

Pinakapopular ang pagkakasilang ng pangkulturang bayani ng mga Iloko. Hirap sa panganganak si Namongan. Isang matandang hilot na may mapakalakas na daliri ang tumulong sa pagpapaanak. Pagkaraang mailuwal, nagsalitang agad ang sanggol: “Lam-ang ang nais kong pangalan.” Pagkaraan ng binyagan, nag-usisa ng sanggol sa ina, “Mayroon o wala akong ama/ kung anak ako sa pagkakasala/ o anak akong marangal at sinisinta?” Tinugon naman ni Namongan ang anak—ang ama ng bayani ay nakikidigma laban sa mga Igorot. Nagpasiya si Lam-ang na hanapin ang kaniyang ama, gayong nag-aalala ang ina. Ang ikinakatakot ni Namongan sa anak, “Ang paa mo’y tila pamaling kawayan/ Mga bisig mo’y tila karayom pa lamang.”

Sapagkat walang kinikilalang edad ang kabayanihan. Sa mga etnoepiko ng Pilipinas, ang paghulma sa mga batang mandirigma bilang tagapanggol ng lahi ay patunay sa marangal na pagtingin sa kapangyarihan ng bata. Tutol man ang amang si Salaria, sinuong ni Sandayo ang larangan ng digma. Katwiran ng ama, napakabata pa nito at hindi kaya ang paglalakbay; may tumutulo pang gatas mula sa kaniyang labi at hindi pa naawat sa pagsuso. Gayunpaman, ang inang si Bae Salaong ang nag-alay ng gintong espada sa sanggol na mandirigma.

Ganito rin ang kaso ni Anilaw Mayun Anlaw o Nuti Manlag Diwata, isang di-kilalang anak ni Agyu at may katangian ng araw. Naging palatanong ito sa ina sa mga gamit-pandigma sa kanilang tahanan. May pangitain hatid ang kaniyang pagtangis: napahamak ang kaniyang di pa kilalang ama. Aniya, “Ano’ng pangalan niyong/ sa dingding ay nakasandig.” Pero pinigil ng ina sa pag-uusisa ng anak. Aniya, “Huminto ka sa pag-uusisa/Manipis pa ang buhok mo/ maikli pa’t malambot.” Hindi tumigil sa pagtatanong ang bata, hindi pumayag na ituring siyang musmos ng ina. Hanggang sa ipakilala ng ina ang mga sandatang nakabitin sa dingding at ang pangalan ng maharlikang ama. Pinagsuot siya ng akmang damit at binigyan pa ng kalasag na lumilipad para para mailigtas ni Minayun si Agyu at ang lupang pangakong Nalandangan.

Binaklas ng mga batang sina Lam-ang, Sandayo at Minayun ang pamahiing ang bata o sanggol ay walang-wala. Paniniwala ng marami, iniluwal ang sanggol na blangko ang pag-iisip. Ngunit may mga pag-aaral na nagpapatunay na habang nasa sinapupunan pa lamang, umuunlad na ang isip nito.

Bakit nakikidigma ang mga batang bayani? Kagyat na matutukoy ang paghahanap at pagtatanggol sa ama. Ito ang layunin nina Lam-ang, Taake, Banna, Aliguyon, at Binembi. Pagkaraang malaman ang sitwasyon ng magulang, magiting nilang tutugunin ang hamon ng adbentura. Itinatampok sa bahaging ito ang pagpapahalaga ng mga kultura sa pinag-ugatan ng kanilang lahi.

Naiiba sa karamihan ang kuwento ni Pikasa o Pikas Indahag. Nagsimula ang kaniyang adbentura hindi lamang para hanapin ang ama kundi upang alamin ang kaniyang tunay na pangalan at pinagmulan. Kahawig ito ng buhay ni Tudbulul, na ibig nalaman ang kasaysayan ng kaniyang pamilya—buhat sa lahi ng mga panday at mula kay Benati, ang pinuno ng kulog. Hindi man hayag, kumbensiyon sa bayani ng etnoepiko ang pagbibigay-halaga ng lahing pinagmulan ng bayani.

Buhat sa katalogong ito ng mga batang bayani, mailalatag ang mga katutubo at etnikong paniniwala ukol pagkabatang Filipino. Kapansin-pansing katangian ng mga sanggol o batang bayani ang kapangyarihang makapagsalita pagkaraan ng kanilang pagkakasilang. Si Lumalindaw, halimbawa, ay may mahiwagang tinig na kayang magpabagsak ng mga ibong lumilipad at ng mga buko mula sa puno. Malay man o hindi ang mga talaulahingan, iginigiit nilang may tinig ang bata sa lipunan. Marapat itong pakinggan dahil may angkin itong kapangyarihan. Hindi dapat isinasantabi ang kabataan sa mga usaping pangkomunidad o pambansa. Ang pagpapalamuti o paghihiyas sa buhay ng mga bata ay nagpapahiwatig na may kakambal itong himala. Sinasabi ring bawat bata ay mahiwaga. Nakaatang sa lipunan ang pagpapayabong ng himala at salamangkang taglay ng bawat sanggol. Magugunita ring ang mga bata sa epiko ay binibihisan ng kasuotang pilak at ginto, at inihahalintulad sa liwanag ng araw at pambihirang bulaklak. Inihahatid nito ang mensaheng nararapat iaalay sa mga bata ang lahat ng pinakamainam para sa kanilang ganap na pag-unlad.

Idinidiin ng mga etnoepiko ang paghahasa sa katalinuhan at kaalaman ng mga batang bayani. Ang pagpapamana ng mga kagamitang mahalaga sa isang grupo tulad ng kalasag, sibat, at balaraw ay sagisag sa karunungang maipapamana sa pagpapatuloy ng isang lipunan. Inihahatid nito ang mensaheng hindi lamang sa pagbubuntis at pagluluwal natatapos ang pagiging magulang. Hindi natatapos ang tungkulin ng magulang at lipunan sa pagpapangalan sa bata.

Kahit sabihin ng mga magulang sa epiko na may gatas pa sa labi ang kanilang anak, ang paa ng bayani’y kawayan, manipis at maikli ang buhok, o tila karayom ang kanilang mga bisig, binabasag ng epiko ang paniniwalang mahihina ang mga bata. Labis na kapangyarihan ang iniuugnay sa batang bayani, higit pa sa kakayahan ng isang karaniwang matanda. At naisisilang lamang ang bayani kapag naihandog ang tamang patnubay, pananalig sa kanilang kakayahan, at naipamana ang karunungan. Sapagkat ang bayani ay isinisilang, hindi ng kaniyang ina, kundi ng isang lahi.

May pamahiin ang mga Pilipino ukol sa mga bata at pagkabata. At ang mga pamahiing ito ang dahilan sa pagkakaduhagi ng mga akdang pambata sa panitikang Filipino. May suspetsa ako sa ugnayan ng panlipunang tingin ng bata at sa pagkalehitimo ng panitikang pambata. Kaya muli kong iginigiit na mahalaga sa mga tekstong pambata na hindi titingnang paslit, musmos, at hindi pa ganap na tao ang bata, kahalintulad ng paggigiit ng mga bata sa epiko sa kabila ng mga agam-agam ng kanilang magulang. Hindi dapat itinuturing na walang muwang at dahop sa talino ang bata. Dahil kung hindi, bakit pa magsusulat ng mga akdang pambata? Ang awit ni Amai Sondak, bukod sa aliw na hatid sa mga taga-langit, ay pagsamba sa kadakilaan ng mga ninuno; gayundin dapat ang tunguhin ng manunulat para sa bata: ituring na sagrado ang kaniyang mambabasa. Dapat magtiwala sa talino at kapangyarihan ng mga bata—maiintindihan nila ang mga salita, matutukoy nila ang kubling simbolo sa mga talata, matatanggap nila ang realismo sa akda, at maliligayahan sila sa mga bugtong sa pantasya.

May mga nababasa akong kuwentong pambata na ganito ang ipinaparating sa mga bata: “Bata ka pa, hindi mo pa maiintindihan.” O kaya’y “Huwag ka rito, usapang matanda ito.” O “Bata ka ngang talaga. Pagdating ng panahon, malalaman mo rin.” O “batang-bata ka pa at hindi mo alam.”Ang mga siping ito ay nagpapatunay ng pagsasantabi sa mga bata na umunawa at sumuri sa kanilang sitwasyon. Kung gayon, napapanahon nang palayain ang mga bata sa mga pamahiin. Marapat na gawing aktibong bayani ang bata na lulutas ng mga misteryo, hamon, at problema sa loob ng akda. Hindi dapat gawing biktima ng sitwasyon ang mga bata, o tagatanghod at tagamasid lamang sa mga nagaganap. Pinakamalaking kasalanan sa pagsusulat ng mga akdang pambata ang gawing salimpusa ang mga batang tauhan sa loob ng kuwento.

Dahil sa pagkakalaganap ng mga pamahiin ukol sa pagkabata, nagiging mapanghamak din ang pagturing ng ilan sa panitikang pambata. Diumano, ang bansag na “juvenile” ay may taglay na pag-aalipusta sa anyo. May mga pagkakataon ring makaririnig ng mga punang “pambata lang naman.” Dagdag pa rito ang pagturing sa pag-akda ng panitikang pambata bilang tuntungang-bato o pagsasanay tungo sa seryosong panulat. Dahil sa pananaw na hindi pa ganap na tao ang bata, ito rin ang kinamihasnang pananaw sa panitikang pambata; tila isang yugtong mapaglilipasan ng manunulat kapag siya’y humusay o lumalim na. Sa pagsasantabi sa mga bata sa usaping pangmatanda, lumiliit ang pagtaya sa kathang pambata na hindi maaaring tumalakay ng seryosong paksa. Hindi ko rin namam masisi ang paniniwalang ito dahil nagkalat ngayon ang mahihinang uri ng aklat pambata. Gayundin ang kawalan ng kapangahasan sa paglalathala ang mga mahahaba at lagpas-sa-pormulang aklat.

Dagdag pa, nagiging marka ng kahusayan ang pagiging matanda at pagkagulang. Nagiging alimura tuloy ang bansag na bata, paslit, musmos. Maging ang mga kasabihang “marami ka pang kakaining bigas” o “papunta ka pa lang, pabalik na ako” ay epekto ng ganitong baluktot na paniniwala ukol sa pagkabata.

Umuusbong din ang isang pang problema sa pagdulog sa kuwentong pambata. Itinuturing ang akdang pambata bilang daluyan ng pagtuturo sa bata. Mababakas dito ang arketipo ng matanda bilang master at ang bata bilang apprentice. Wala namang masamang magturo. Ang di katanggap-tanggap ay magmistulang sermon at lektura ang tekstong pambata, na suliranin ng mga panitikan sa textbook.

Malaki ang pagbabago ng mga bata sa panitikang-bayan nang dumating ang mga mananakop sa kapuluan. Sa pangunang suri, masasabing ang bata ang pangunahing biktima ng kolonisasyon. Ang mga bata ang naging ehemplo ng urbanidad batay sa pagkakahulma sa kanila bilang sibilisadong indio. Bata ang naging kasangkapan upang ipatanggap ang mga aralin sa panlasa at kulturang Kanluranin. Dahil dito, kabataan ang pangunahing sektor ng lipunan na unang nahuhubog ang kamalayang kolonyal at namamanipula ang mga ideolohiya. Bata ang naging proyekto ng mga mananakop sa pagbibigay ng sibilisasyon at aparato sa pagpapalaganap ng kolonyal na relihiyon at edukasyon. Mangyari pa, sa tingin ng imperyalista, ang bansa’y isang ring batang dapat bigyan ng gabay. Sa panitikang Filipino, matutukoy bilang biktima ng kolonisasyon ang mga batang sina Urbana, Feliza, at Modesto, sina Crispin at Basilio, sina Nena at Neneng, si Yeyeng na naging Miss Phathupats. Ang mga natukoy ay magpapatibay sa paglupig ng mga kolonyalista sa kapangyarihan ng mga batang bayani sa panitikang-bayan. Sapagkat sa kolonyal na panitikan ng bansa, ang mga bata ay pinatatahimik at pinipipi. Bata ang binabansot habang binubura sa kolektibong gunita ang kabayanihan nina Binembi, Minayun, Sandayo, atbp.

Sinasabi ng ilang kritiko at historyador na tatlong dekada lamang ang edad ng panitikang pambata sa bansa. Ngunit batay sa pagdukal ng mga epiko ng kapuluan, maaaring mahango ang kumbensiyon ng panitikang pambata na may perspektibong Filipino. Makatutulong ang muling pagsasabuhay ng kuwento ng mga batang-bayani hindi lamang bilang tugon sa misrepresentasyon ng bata sa mga kolonyal na teksto kundi paggigiit ng pagka-Filipino sa panitikang inaaakusahang hango lamang sa estetika at impluwensiyang Kanluranin.

Mahalagang ibalik ang kapangyarihan ng bata sa kasalukuyang produksiyon ng panitikan. Mainam ring ituro sa mga batang mambabasa ang tradisyon ng mga Filipino ukol sa ganitong uri ng mga kuwento. Mahalaga itong kapanabay na babasahin sa pagtalakay ng mga karapatang pambata—pagkakaroon ng sariling pangalan, tungkulin, at lugar sa lipunan; sapat na pagkalinga; tamang edukasyon; at payapang pamumuhay. Mangyari, ang mga awit ni Amai Sondak ay testamento sa pagkilala sa bata bilang lehitimong bahagi ng isang lipunan. Sa pamamagitan nito, napagtitibay na nasa pambansang kaugalian ang pananalig sa kabataan bilang potensiyal na bayaning magtatanggol ng lupang pangako, ang piraso ng paraiso sa lupa. Kung gayon, napapanahon nang bigyang-pansin ang yugto ng pagkabata sa mga epiko dahil hitik ito sa kabayanihang magsusulong sa pagpapanatili ng lipunan at kultura. Kailangan ding tandaan na ang isang bayani, sa anumang panahon, sa anumang kultura, ay dumaan sa napakahalagang yugto—ang pagkabata.

Powered by Drupal