Cavite Young Writers Association: Sa Pasong-tagiliran sa Paysáhe ng Panitikan ni Ronald Verzo

Tue, 05/28/2013 - 09:53 -- admin

Ang luntiang nayon na pinagmulan ko

Ay di na matatanaw sa sasakyang ito;

Sa hinaba-haba’t tagal ng tinakbo,

Tanawi’y iba na… ngayo’y kulay abo.

Marahil lumalabong mata, katandaan, o distansiya ang nagpakulay-abo sa dating luntiang Noveleta ng sikat na makatang si Teo Baylen. Marahil hindi mapigilang urbanisasyon. Ngunit mas kapansin-pansing sinasabi sa mga linya ng tulang Matuling Sasakyan na mayroong pagbabago.

Nang simulan ang pagbubuo ng Cavite Young Writers Association, Inc. (CYWA), sampung taon na ang nakalilipas, sa Cavite Creative Writing Workshop noong June 3-7, 2003, hinamon ang mga batang manunulat ng batikang si Efren R. Abueg (Naic) na maging sagot sa mabilis na pagbabagong ito ng panahon at kapaligiran. “Wala nang ibang pagkakataon para kayong mga kabataang manunulat ay magsama-sama.”

Sa hindi pa nailalathalang historical fiction, ang Lupang Hinirang ni Lester Dimaranan (Tanza), na isa sa mga tagapagtatag ng CYWA, ipinakilala ang nagbibinatang si Juancho, sa kasugsugan ng pagdakip sa pinaglilingkurang pari, walang kamalay-malay sa pambihirang landas na tatahakin.

Naramdaman niya ang paghinto ng mga yabag sa tapat ng kanyang silid.  Marahang bumangon si Juancho ngunit gumawa pa rin ng ingay ang higaang-papag.  Nanginginig ang tuhod niya habang lumalapit sa pinto.

Isang taon mahigit, pagkatapos ng unang general assembly ng CYWA sa Dasmariñas noong Setyembre 20, 2003, bagama’t nakapagsama-sama ito ng higit sa isang daang kabataang manunulat mula sa iba’t ibang bayan, eskuwelahan, at mga parokya ng Cavite, hindi ito agad na umusad.  Ang kabataang mga manunulat daw ang sagot sa mga pangangailangan ng probinsiya, ngunit paano ka tutugon sa mga pangangailangang hindi pa natutukoy?

Napasilip ako sa butas

sa dingding. Unti-unti

may kapwa napupuyos

sa kung anong—

dahilang di ko nalalaman

Sa tula ni Abegail Gatdula (Indang), isang batang kalahok sa worksyap ng CYWA sa Tagaytay, binalikan niya ang alaala na inabutan na siya ng umaga kaiisip kung ano ang imaheng nakita sa butas sa katabing kuwarto.

Ang romansa ng aswang na nakatanghod sa walang bantay na bangkay

Sa Cavite City, may kalye na tinatawag na Manila-Cavite Road. Ang kalye ang maghahatid sa sinumang pupunta sa Maynila. Tatahakin ng kalye ang mga bayang nasa tabing-dagat, kabilang dito ang Dalahican. Kilometro ito ng mga latian na kapag hindi baha, nakalitaw ang mga antigong irasan at mga mohong pilapil ng palaisdaan. Unti-unti na ring bumigay ang mga paysaheng ito sa urbanisasyon. Ngunit may mangilan-ngilan pa ring nagpupunla ng tahong at talaba sa baybaying ito. May ilan ding nangingisdang-gilid. Ang kalyeng ito ang araw-araw na tinatahak ng ilang estudyanteng nag-aaral sa Maynila, ganun din ang karamihang nagtatrabaho. Nasa gilid ng Maynila ang Cavite. Puwedeng tignang lahat ng daan ay papunta sa Maynila—pati takbo ng isip ng tao.

Mahuhuli mo ba ang malaking isda

Kung nasa gilid ka’t ayaw pumagitna?

Pamalakaya ang hamon sa mga Caviteño, gaya sa tulang ito ng balagtasistang si David Mamaril (Noveleta). Marami nang hinatid ang mga kalyeng ito pa-Maynila—tulad marahil ng huling ani sa mga sakahan ng Naic, maging ang mga pampapreserbang asin ng Kawit, at mga bungang mangga ng Dasmariñas. Pangalan na lang ng lugar ang Siniguelasan, Camanchilejan, Bayabasan, Camotehan, Caimituhan. Hinatid na rin pa-Maynila ang mga diplomadong kabataan ng Cavite, ang mga propesyonal, maging ang masisigasig nitong mga manggagawa.  

Sa liku-likong bituka

Ng dambuhalang gumagapang sa laot

Doon lahat kayo magpunta.

Bitbit ang nalalabing kaban na hinabi ng sementadong ilang

Mula sa masalimuot na pagawaan ng lungsod,

Doon kayo maglulan ng tuwa at poot.

(bahagi ng Ang Pa-abra de Ilog, isinulat ni Arnelo Vejerano ng Indang)

Tinawag na Cavite ang probinsiya sa hugis ng tangway nito na tila kawit na panghuli ng isda ngunit parang Cavite ang nakawit sa Maynila.

In Bacoor, I’ve realized,

That everywhere I go

Smells like the sea,

And people are small fishes

Swimming in its smallness.

It is not the same when I go

To your house in the middle

Of the city.

Bahagi ito ng tula ni Sandy Miguel, ang Because the sea is never a perfect metaphor, na nagwagi sa patimpalak sa isang unibersidad sa Maynila. Marahil ang atraksiyon ng Cavite sa Maynila ay tulad din ng magkasintahan. Magpapatuloy ang tula sa pagkakatuklas sa isang mensaheng iniwan ng kasintahang nakasuksok sa kanyang bisig:

Reading I have returned to the sea,

Syllables lost like mist cradling

The rocks at dawn, the stroke

Of your handwriting struggling

To make the curves more decent

As if you’re not hurrying.

How can I follow you, I said,

Ang manunulat na si Efren Abueg ay pumagitna gaya ng karakter na si Carina sa kanyang maikling kuwentong Ang Lungsod na ito ay Dagat. Ganito naisalarawan ang Maynila:

Kay Carina, ang Maynila ay isang dagat.

Ngunit iniiwasan niyang isipin na ang Maynila ay parang dagat. Kinikilabutan siya kapag naiisip niya iyon. Kaya kung umuulan, hindi siya dumudungaw sa nabubulok nang bintana ng bahay-paupahan sa Florentino Torres. Ayaw niyang makitang naglutang ang mga papel, patpat o ni ano man. Kapag nakakakita siya ng mga iyon, naiisip niyang ang mga tao’y tulad din ng dumi sa baha, aanud-anod. Subalit kung umuulan, lalo na’t malaki ang tubig, saka pa sisipot sa bahay paupahan si Cesario.

Si Cesario ang manliligaw ni Carina. Sa katapusan ng kuwento, lulusong si Carina sa baha, nangungunyapit sa mangingibig na tila timbulang kahoy. Naiiwang naglalaro naman si Lolet sa baybayin ng Isla ng Corregidor sa Cavite sa nobelang Nobody Gathers Seashells and Gun Shells Anymore ni E. Vallado Daroy (Corregidor). Tuwang-tuwa siyang panoorin ang mga bangka at barkong dumaraong at lumalayag papuntang Maynila kaya’t minsa’y nahulog siya sa pantalan at muntik nang malunod sa dagat. Ang Cavite ay kurba lamang ng isang babaeng nakahandusay sa palaruang-baybaying ito ni Lolet na hindi alintana na pinapasok na ng giyera.

From where the children sat on the San Jose beach, they could see the Cavite skyline which loomed dark and large. The silhouette was that of a woman lying on her back, long hair spread on to a point.

“Look,” Lito pointed to the skyline. “The woman has red clouds over her face.” All the young faces turned to the south. Marta started telling the story of how the woman was turned to stone, and while she was at the point of the story when the woman was supposedly so tired that she had to lie down, restless, Lito again pointed to the skyline and said, “Now, it is no longer a woman; see how the clouds have hidden her breasts.”

Tila bahang humahaplos paakyat sa kurbang ito ang urbanisasyon at hindi na humuhulagpos. Pinamamahayan na ng halos apat na milyong katao ang Cavite. Kulang na sa tatlumpong porsiyento ang taal. Dalawang daang libo kada-taon pa ang ine-estimang dumaragdag sa populasyon. Ganoon tuloy dumarami ang estranghero sa sarili nilang tahanan. Marami sa kanila’y Maynila pa rin ang kamalayan. Laki sa Maynila si Ronald Verzo (Bacoor City) ngunit napadpad sa Cavite. May sanaysay siya sa kanyang pandarayuhan sa Cavite, ito ay bahagi noon:

Kasaysayan na pala ng Cavite na kumupkop ng mga nagtatago sa Maynila. Wala naman akong tinataguan. Napadpad lang siguro ako nang minsang lumusong sa baha ng siyudad para makauwi galing eskuwelahan. Sa isip-isip ko, hindi naman ako nalalayo, isang para ko lang ng Saulog alam kong nasa Maynila na ako. Naglaro ang isip ko sa nakita sa biyahe kanina habang tinatakbo ng baby bus ang highway sa Binakayan. Matulin na tumatakbo ang bus. Pumara ako. Lumapit sa tsuper. Inabot ang bayad.  Bumaba.  At sandaling huminto.  Hinantay ko na pumagaspas palayo ang sasakyan bago tumakbo sa pampang. Malamig ang hangin na sumasampal sa mukha.  Humahampas ng malakas ang mga alon sa mga bato.  Pinagmasdan kong mabuti ang paligid, maliwanag ang gabi, puno ng mga tala, kinakalat ng mga palaisdaan ang liwanag ng langit, at hayun, hindi nga ako nagkakamali, sa kabilang dulo, ang Maynila, tila parolang kumpol-kumpol.

Nabubura ng baha ang hanggahang tila yesong iginuhit sa pagitan ng Cavite at Maynila. Ang manunulat na si Jimmuel Naval (Silang) ay nagbigay ng konkretong larawan ng pagbubura o paglululon ng baha sa hanggahang ito ng Cavite sa tulang Sa Manila Southwoods:

Kahapon ay nilulon na parang banig

ang dating taniman ng mani;

ngayon nama’y ang mga natirang nakatanod

na lagundi at alugbati ang winawalis

ng paupahang lawn mower.

Samantala, habang iniihian

ng de motor na dambuhalang lagadera

ang lupang dating tuyo,

unti-unti nang isinusukat

ang bago nitong bestido:

ang magkaternong bermuda at damong kalabaw

na may kuwintas pang pilak na buhanginan.

Kapag nakakuwentuhan ang matatanda kadalasang sambit nila na karamihan sa paligid ay hindi na nila kilala—na hindi raw makasalamuha ang mga dayong rumerenta sa mga iniwang bahay ng mga nagsi-alis sa bayan; o nire-renovate na raw ang mga bahay ayon sa panlasa ng mga nakapanirahan sa ibang bansa at ibang-iba na sa karaniwang arkitektura, minsan daw ay nakaliligaw na. Ilang dekada na rin ng pamahayan ng mga nagpapakilalang taga-Bicol ang bukana ng ilog sa Julugan, malapit sa dating Celebrity Beach. Nagtayo sila roon ng kanilang komunidad. May sariling simbahan at nagmimilagrong krusipiho. May sarili silang pista. Ang kanilang kalendaryong sinusunod ay ang kinasanayan nila sa lugar na pinanggalingan nila. Ganoon din ang mga subdivision na nagsusulputan sa Cavite. Naka-ayon iyon sa imahe ng isang maayos na komunidad. I-aayon ng mga residente ang buhay sa imahe na ito. Hindi Cavite. Malamang Maynila.  Hindi kilala. Tila ba ang mga pader na nakabakod sa lupa nilang sakop ay nagmamarka ng hanggahan. Dati sa lugar na tinutumbok ngayon ng Cavitex, may isang bahay-kubo na nakatayo sa gitna ng isang palaisdaan. Hindi lang tubig ang nasa paligid nito, sapagkat ang mga pilapil sa hanggahan ng palisdaan ay puno ng nakahanay na bougainvilla. Sa post-apocalyptic na nobela na inilimbag sa Wattpad ni Paolo Domingo Macariola (Cavite City), isang dayong estudyante at miyembro ng CYWA, tagpuan ang isang bayang nalunod sa baha.

A gust of wind blew. It rocked the boat and made Feb conscious of the surroundings. There was the absence of houses. It seemed their boat drifted off the ocean. But posts and traffic lights were sticking out of the water’s surface. When he looked down from the boat, the water was clear that he could see fifteen feet deep—the body of the traffic lights distorted by the currents of the water. He can make out the concrete barriers below and the drainages that looked like mouths spread wide-open like toothless smiles.

Nakasalig na ang Cavite sa Maynila. Kung ano ang naiwan sa Cavite, inaangkin na ng Maynila. Ang dating mga nakatiwangwang na sakahan ay pinagtayuan na ng mga bahayan at mga pabrika ng lumalawak na siyudad. Ang dating mahirap marating na mga tanawin at makasaysayang mga lugar ng probinsiya ay ordinaryong pasyalan na lamang. Inihuhulma na rin ng mananakop na Maynila ang paysahe sa nakasanayan niyang layaw. Ginagalayan (na rin ng Maynila) ang isip, saloobin, kilos, at pati panlasa na nagbubunga ng pagkatanggal ng ating lunday (sa sariling) pantalan.[1] At ibinabagay na ng Cavite sa Maynila ang kanyang pamumuhay, tulad ng isang mangingibig sa isang bagong kasintahan.

No one knew if God, or monsters,

Or just the other slow machines

Moved across the face of the waters.

It could have been the end of the world.

(bahagi ng Open, isinulat ni Ramil Digal Gulle ng Imus)

Ang mga taghoy sa imus

Maraming kuwento ang nagsulputan ng dumaan ang Milenyo. May kuwento si Lester Dimaranan na saksi siya nang tangayin ng baha ang isang buong bahay sa bagong tayong subdivision sa tabi ng ilog. Maski malakas daw ang ulan, kita mo ang luha ng mga tao. Pilit daw umuwi noon mula sa opisina si Abigail Campanero, miyembro rin ng CYWA, maski sa paglusong niya sa baha sa mga palayan ay may makasabay siyang ahas na naglalangoy. May kuwento sa Rosario na may kumatok sa bahay niya sa kalagitnaan ng bagyo at nang lumusong siya sa baha para pagbuksan ito ay ataul na nakalutang pala ang kumakatok mula sa kalapit na sementeryo.

Hindi malinaw kay Tomas Tirona ang mga pangyayari sa kanyang bayan. Ayon sa pananaliksik[2] ni Abueg, napiit si Tirona sa Fuerza Santiago sa di matiyak na dahilan. Maaaring may kinalaman sa kapatid na Eliseo na sangkot sa katipunan. Nakalaya man agad at nakapagpatuloy sa pag-aaral dahil sa interbensiyon ng isang Heswitang guro, hindi madaling nakapasok sa matataas na pader ng eskuwelahan ang mga balita sa tunay na nangyayari.

Sumasaludo ako sa iyo, Imus, aking sinilangan

Nandito ako, makatatlong buwan ng kalungkutan

Masaya kong nilalanghap, simoy ng amihan!

Ngunit, bakit walang kislap sa mga kakahuyan

Ng malilinis na pader ng mapuputi n’yong tahanan?

At sa dakong malayo’y wala nang matanaw

Matataas na punongkahoy at matatarik na bubungan?

At yaong maitim na usok na pumapailanlang

Tanda ba ng kahimbal-himbal na aking daratnan?

Gulat na gulat si Tirona nang madatnan ang kinalakihang bayan. Nakita niyang nakawindang ang tahanang ipinalit na sa isang bahay-pawid at ginagawa ng pangahoy ang poste ng dating bahay. Nagsilikas ang kanyang mga kaanak sa bulubunduking bahagi ng Cavite at nalaman niyang pumanaw ang kanyang kapatid na babae. Ayon kay Abueg, ang pangyayaring iyon ang mitsa ng pagiging rebolusyonaryong manunulat ng batang-batang Tirona, naisatula niya ang pagkapukaw na iyon.

Sino’ng humati sa malinding hubog ng iyong tulay

Na pinag-uugnay ang magkabilang pampang?

Ayon kay Fr. Virgilio Mendoza, isang kura paroko sa Cavite, nang bumalik ang mga residente ng Puerto San Felipe sa Cavite City, matapos ang pandaigdigang giyera, at matunghayang ang pader na bumubukod sa kanila sa kalakhang Cavite ay pinapatag na ng mga Amerikano, para raw nadurog ang kanilang mga puso.

Blood flowed in the city last night.

Now silence looks out the windows;

A stream of eyes sees the sunrise

Glowing on a saber’s blade.

Inilarawan ni Oscar de Zuñiga (Cavite City) sa kanyang tulang Confusion at Sunrise ang kawalang-kinabukasan na bunga marahil ng mga iniwan ng dumaang giyera. Hayag sa kanyang akda na ang guho ng giyera ay di lamang pansin sa kapaligiran, kundi nasalanta din nito ang loob ng tao.

Yesterday was an ocean

Rich with saline bones, acrid rocks;

Today is gruesome fantasy

Of fused atoms and dancing steel,

Tomorrow a wilderness of sand

Paragraphed by darkness.

(bahagi ng Poem, isinulat ni Oscar de Zuñiga)

Isang hapon, umakyat sa matarik na dalisdis sa bayan ng Magallanes ang mga miyembro ng CYWA matapos mangalap ng mga salitang taal sa probinsiya para sa isang pananaliksik. Pader ang tawag dito ng mga taga-roon, bahagi ito ng Pamasilan.

Mula sa kaitaasan,

Kapag namihasa sa pagdungaw

Sa bulubundukin ng itim at itim,

Sisilawin ka ng nagniningning na lambak.

(bahagi ng Siyudad ng mga Ilaw, isinulat ni Ronald Atilano

ng Dasmariñas City)

Tanaw sa layong iyon ang tangway na Cavite City sa hilaga at ang abuhing mga bubong sa mga bahayan sa Naic, Tanza, at Bacoor. Kita rin ang isla ng Corregidor sa look ng Maynila at ang bulubundukin ng Maragondon sa kanluran na unti-unti na ring bumibigay sa mga bahayan, at ang tagaytay sa bayan ng Alfonso sa timog-silangan na maagang nagsisindi ng ilaw sa mga poste. Tila naipinta rin ni Lorenzo Paredes (Imus) ang larawang ito sa My Native Land.

Yonder the village lies and weeps—

Its roofs, that from the storm decline,

Squalid and sad, in crouching heaps

Like huddled kine;

The night droops down, the horizon melts and fades,

The thunder-cluds give tongue, and faint

In answer one far bell from out the creeping shades

Wails softly, like a little child’s complaint.

Ang salitang imus ay nangangahulugang tulay na lupa, isang dalahikan. Ang bayan ng Imus ang lupa sa pagitan ng dalawang ilog—ang Ilog Imus at Ilog Ilang-ilang. Ito rin ang lupang nagdurugtong sa bahaging bulubundukin ng Cavite sa mga baybaying bayan. Mahigit isang daan taon matapos ang pananalakay ng mga Kastila, may panibagong pananalakay ang nagaganap sa Cavite. At ang Imus sa tula ni Tirona ay tila hindi naiiba sa kasalukuyang lagay ng Cavite. Una nang tinula ni Teo Baylen na darating ang panahong magtatanong ang mga ‘inapo’.

—Ito ba ang lupang aking aangkinin

Kadalasang tagpo ng karahasan ang lupang lumilitaw kapag kumakati ang dagat at nagdurugtong ang wawa ng mga bayan ng Tanza at Rosario. Nagkakaroon ng enkuwentro ang mga magkakalabang tropa sa dating magkabilang pampang. Wala nang makapagsabi ng pinag-ugatan ng mga enkuwentrong ito. Basta kumati ang tubig, ang hanggahang ito ay ginuguhitan muli nila ng itsahan ng mga bato at palitan ng bala sa paltik. Nang lumipas ang Milenyo, ang wawa na ito ang naimbakan ng ilang mga tinangay ng baha na sumama sa paghupa ng ilog at hindi napaanod sa dagat. Walang pagkakaiba ang pinsala sa magkabilang pampang.  Dito natagpuan ni Poklong Romero, miyembro ng CYWA, ang isang antigong kuwadro (frame) na walang larawan, iminuwestra niya ito at ang natanaw sa loob ay ipininta: may isang batang nakaupo sa nabuwal na puno, sa likod niya’y mayroong bahay na tuklap ang bubong at sa mas malayo ay hugis ng mga bahay na paraang anino, hinahawi ng pasikat na araw ang maabong mga ulap, at ang bata nga pala ay nakatingin sa kanyang mga paa.

At kaya akin naman isinasamo sa inyo na tayong lahat (ay) magkaisa sa pakikilaban upang tayo’y magkamit ng lubos na kapayapaan. Igayak ang inyong loob sa pakikilaban sa ating mga kaaway. Saan pa natin ibubuhos ang ating mga dugo, buhay, at mga pamumuhay kundi sa lupa na ating tinubuan?

(bahagi ng talumpati ni Diego Moxica ng Gen. Trias, makata ng rebolusyon)

Matapang na nagtanghal sa entablado ng Julian Felipe, Pebrero 23, 2005 ang batang mga manunulat ng CYWA parang bitbit na sandata ang mga tula at prosa ng mga nanga-unang manunulat ng probinsya, maano’y hindi pa husto ang kaalaman sa bisa ng mga salitang binibigkas, bago pa lamang na tinutuklas at kinikilala ang mga panahong nagluwal sa mga akda, at pilit na iniintindi ang kahalagahan noon sa ngayon. Ipinangalan ang pagtatanghal sa tula na iyon ni Baylen, ang Tinig ng Darating. May panahon na nagtatatag ng mga bayan sa Cavite para maiwasan ang pananalakay ng mga tulisan tulad na lang ng pagkakatatag ng Carmona, Caridad, Noveleta, Amadeo, at Magallanes.[3] Marahil pakikisandugo ang pagtatanghal na iyon nang ipagpatuloy ang pagtatatag ng CYWA noong Nobyembre 14, 2004 sa Imus. Talinhaga ang Imus sa mga bagay na dapat ay pinagdurugtong ng mga adhikain ng CYWA. May rebolusyong sinamahan si Tirona noon; may rebolusyong unti-unting napagtanto ng CYWA na dapat mangyari ngayon.

 

Mga Aguinaldong may hawak na pluma

Bago makarating ng Maynila, tutumbukin muna ng Manila-Cavite Road ang makasaysayang Tirona Highway, na bahagi ng dating Calle Real na nakalatag sa harapan ng bahay ni Emilio Aguinaldo. Nang pumutok ang pag-aalsa sa Cavite City noong 1872, puwersa itong gumulong sa kalye papuntang Maynila, hanggang ideklara ang kalayaan sa mga mananakop noong 1898 sa Kawit. Ang ilan sa pinakamahahalagang labanan sa panahon ng rebolusyon ay naganap sa kahabaan ng kalyeng ito. Makakatkat sa ilang pangalan ng mga lugar, tulad ng Pinagtipunan, Sinukuan, Magdiwang, Magdalo, ang mga pangyayari noon.[4] Ang mga kalye ay inaspalto ng mga talumpati at pagtulang humihimok sa damdamin bago ito pinatag ng dumanak na dugo. Rebolusyon ang humubog sa paysahe ng Cavite.

After the house burns,

the smoke, like loss, keeps you

company. It was expansive

(bahagi ng Houses, isinulat ni Jose Marte Abueg na nag-ugat sa Rosario)

Naging panakot marahil sa makukulit na bata na sabihing ang kalyeng madudungaw sa bintana ay dating baybay-dagat na kinalatagan at pinaglibingan ng mga bangkay ng nasira ng pandaigdigang giyera. Ito ang Ibañez Street sa Cavite City na kinalakihan ni Arnold Galicia, miyembro ng CYWA. Alaala, tila ba, ang pader na humalili sa ginibang Puerto San Felipe, pumipigil na malapastanganan ang kalyeng-libingan. Alaala, tila ba, ang guhit ng hanggahan na bumubukod sa Cavite sa Maynila.

It may be, mused the general, that the comfort of the past is that we no longer have responsibility to alter it, nothing anymore to nurture, nothing to protect: a house where all the children have grown away, quiet now, with all the souvenirs in place, exempt from change and revision. The past is all we have that we have survived, and we have survived it quite intact. If we have to contend with guilt, so be it. Guilt is of the present, manageable, and can be assuaged with slaughter, then with suicide. But what is done cannot be undone.

(bahagi ng The Firewalkers, isinulat ni Erwin Castillo)

Kung susuriin, nang mag-aklas laban sa mananakop ang mga probinsiya sa periferia ng Maynila, sinasabing nagtagumpay ang Luzon sa rebolusyon. Ang Kawit na simbolo ngayon ng kalayaang natamo kung gayon ay sentro na rin dapat ng progreso. Na-obserbahan ni Jerome Aviles, isa sa tagapagtatag ng CYWA, habang lulan ng baby bus sa kahabaan ng Kawit, na tila raw napag-iwanan ito ng panahon o, mas mabuti sigurong sabihin, nilisanan nang pagkakataon. Kung naihalili kaya ang gobyernong inihahanda ng Katipunan, may magbabago sa paysaheng ito? Ang bahay ni Aguinaldo ay nagbihis sa pagdating ng mga mananakop na Amerikano, tinawag itong mansyon, nadagdagan ito ng balkonahe at watchtower. Ang lugar kung saan nanumpa si Aguinaldo sa Tanza ay napabayaan nang husto, marupok na ang sahig nito at hindi na kayang tumanggap ng maraming panauhin. Hindi na itinayo sa dati nitong anyo ang Casa Hacienda kung saan naganap ang tinawag na Tejeros Convention. Itinayo mang muli, napabayaan pa rin.

But I cannot help thinking of things

that have remained in it with the years--

wrinkled skin of snakes, a tangle of women’s hair.

Maybe the constricted bones. The loneliness

(bahagi ng The Cave, isinulat ni Joel Toledo ng Silang)

May kuha si Wasi Lareza, miyembro ng CYWA. Litrato ito ng isang mamang nagpapatakbo ng motorsiklo. Aakalain mong anino ng motorista ang nakapatong sa muralya na repleksyon ng bantayog ni Aguinaldong nakasampa sa kabayo. Sa kanang itaas ng litrato, may isang binatang nakatayo sa isang hindi matukoy na konstruksiyon, taliwas ang tingin sa tinutungo ng motor.

Maraming naiwan sa mahabang hukay sa gilid ng lansangan—ang mga bangkay ay nakasubsob, nakatingala, nakatagilid, nakayukayok, at ang nakadilat pang mga mata’y waring hindi na nasanay sa kalagiman ng paligid; ang mga sugatang kumakalmot sa lupa o napipilig ng ulo o nanginginig sa salakay ng kirot o takot o pagkabaliw ay patuloy na kinakandong ng karimlang nilalagim ng liwanag ng kamatayan. Kabilang sana sa mga sugatang iyon si Ador; nabatak ko lamang siyang paahon sa hukay, naisaklay ko ang isang bisig niya sa aking balikat at kami’y tumakbong palayo sa tumitinding putukan. Dinala ko siya sa lungga, pinalapatan ng lunas at habang inaampat ang dugong bumubukal sa kanyang dibdib ay nagsasalita siya, hindi ng digmaan, hindi ng kamatayan, hindi kapaitan, kundi kamusmusan. Aywan ko, ngunit si Ador sa mga sandali ng panganib at kawalang-katiyakan ay kaugnay ng kamusmusan—ng isang payapang nayon, ng isang malawak na palayan, ng isang kalabaw na nagngangalang Corbo. Hindi si Ador ang ikukuwento ko, kahit siya’y naging matalik kong kaibigan sa larangan. Ang ikukuwento ko, na lagi niyang ikinukuwento sa akin ay si Corbo, ang kalabaw.

May nais marahil iligtas ang tagapagsalaysay na ito sa kuwento ni Efren Abueg. Hindi man iyon si Ador, nailigtas naman niya ang kuwento ni Corbo, isang guya, na simbolo ng maagang karahasan sa buhay ng batang-bata niyang kaibigan. Maikukumpara ang dahas na sinapit ni Ador sa guya, parehong maagang nakitil ang kanilang mga buhay—si Corbo nang ito’y mahirinan at nang hindi na mailigtas ay binagsakan ng maso ang ulo; at si Ador nang ang giyera ay parang masong nagpabulwak ng dugo sa kanyang dibdib at tumapos sa kanyang buhay. Maikukumpara naman ang panitikan at ang mga pampanitikang organisasyon sa tagapagsalaysay na siyang sumasalba sa mga naiiwan.

Nagtulong-tulong ang ilang manunulat ng CYWA buuhin ang konsepto at ilatag ang dula para sa isang pagtatanghal para sa Kalayaan Festival noong Hunyo 12, 2009. May layon ang mga miyembro na siyasatin ang rebolusyong isinulong ng Cavite para sa kalayaan. Ipinakilala si Julian sa isang paglalakbay na tila tumakbo sa nakalipas na huling isang daang taong kasaysayan ng Cavite. Sinabi ng dula na isang panimulang hudyat ang rebolusyon para sa kalayaan, na isa itong mana na maghahanda sa mga Caviteño na tuklasin ang landas patungo sa pagpapahalaga sa sarili. Lumakad ang dula sa mga kalye na tinahak ni Julian. Matutunghayan ang Cavite na kilala sa panunulisan (banditry), at ubusan ng lahi (family feuds), kaya’t tulad ng marami, sasabay si Julian sa pandarayuhan (migration), tila nagpabaya sa natagpuang kalayaan at nakalimot sa tungkuling pangalagaan ito. Makikipagsapalaran siya sa distansiya. Aabot si Julian sa pagkapagod, sa isang pagtahan, sa isang pagpapahinga, sa isang paglilimi, at nanaisin niyang manumbalik sa sinisintang Cavite. Sa kanyang pagbabalik, sasalubungin siya ng sayaw ng sanghiyang, tila ba isang pagbabanlaw at paghahanda sa parating pang mga taon, lalampasan niya ang nagbabagang apoy.

Bakit sa malayo ang pukol ng tingin

gayong sa harap lang ang patak ng pansin

kalawakan baga’y dapa’t halughugin

gayong kalalima’y di pa natitikin?

Ang hinahanap ta’y hindi maaabot

sa tayog, sa lawak, sa layo, sa rurok,

manapa’y sa lalim, sa kipot, sa loob,

sa ubod ng puso doon matataos.

(Unang dalawang saknong ng tulang Lunod na Langit,

isinulat ni Jose Buhain ng Bacoor City)

Ang Cavite Young Writers Association ay nasa panahong binura na ng globalisasyon ang heyograpiya ng probinsiya. Maging alaala bilang hanggahan ay binubura na rin ng pandarayuhan. Ang pagkabura ng hanggahan na ito ang sanhi ng tuluyang pagsandal ng Cavite sa Maynila. Ang Longos sa Bacoor ang unang barangay kung tutuntong ka ng Cavite mula Maynila. Tawag din ito sa kurba ng lupang hinugis ng alon ng dagat. Noong nagsisimula pa lamang ang CYWA, may malaking billboard na nagbabalita na magtatayo roon ng tulay para maginhawa ang takbo ng trafik papasok ng Cavite. Ito ang Cavitex ngayon. Imahe ang Longos ng pagbabagong nagaganap sa probinsiya. Pinangalanan ng CYWA na Longos ang una nitong literary folio, nagbabakasakaling maguhitan ang panitikang bumubukod sa Cavite sa Maynila. Waring bantay na tumayo, ang tropa, sa hanggahan. Hindi heyograpiya o alaala ang magsasabi ngayon ng hanggahan kundi ang mga kabataan. Malaki ang tungkulin dito ng mga kabataang manunulat. Kung napatunayan na ng kasaysayan na may kakayahan ang mga kabataan sa periferia na magsimula ng rebolusyon, anong rebolusyon ang kayang pangunahan ng mga batang manunulat sa Cavite ngayon?

Sin armas entro en lid con mi adversario,

y afronto con valor el rudo embate...

La pluma puede el púgil literario

convertirla en espada de combate...[5]

(bahagi ng Altivez Tagala, isinulat ni Pacifico Victoriano)

 

---End of Part 1---

 

 

[1] Mula sa Ang mga Lokal na Manunulat sa Lokal na Pag-aaral na sinulat ni Efren R. Abueg at papel na binasa sa kumperensyang “Inyo ang Cavite, Amin ang Pampanga” na itinaguyod ng Cavite Studies Center (DLSU-Dasmarinas) at Juan D. Nepomuceno Center for Kapampangan Studies (Holy Angel University) noong Enero 24-25, 2006 sa Holy Angel University, Angeles, Pampanga.

[2] Ang pananaliksik na ito ay mababasa sa Sa Bagwis ng Sining: Mga Nangaunang Manunulat ng Cavite na sinulat ni Efren Abueg at inilimbag ng Cavite Studies Center.

[3] Ang imposmasyong ito ay galing kay Isagani Medina sa papel na pinamagatang Growth and Parishes in Cavite, 1571-1880 na binasa sa First Philippine Art History Conference sa Intramuros, Manila noong May 8, 1985 at nailimbang sa koleksyon niya ng mga sanaysay, Ang Kabite sa Gunita, na

[4] Ang impormasyong ito ay galing kay Isagani Medina sa papel na pinamagatang Isang Pag-aaral ukol sa Pangalan ng mga Lugar sa Lalawigan ng Kabite na binasa bilang professorial lecture sa Unibersidad ng Pilipinas noong Pebrero 26, 1981.

[5] Salin ni Glenn Roperos, miyembro ng CYWA: Sumuong sa labanan ng walang sandata kasama ang katunggali / at hinarap nang may tapang ang daluhong matindi / ang kamaong pampanitikan maaari / baguhin ang panulat bilang tabak ng pakikibaka.

Exclusive Content: 
Yes
Powered by Drupal