Deogracias A. Rosario: Ang Maikling Kuwentong Tagalog sa Gitna ng Pagbabago

Deogracias A. Rosario: Ang Maikling Kuwentong Tagalog sa Gitna ng Pagbabago
ni Romeo Dizon

I. Ang Manunulat sa Gitna ng Bagong Kapaligiran

Kakaibang mga hamon ang ibinunga ng kalakarang panlipunan nang si Deogracias A. Rosario (o DAR) ay pumagitna sa daigdig ng panulatan. Bagamat halos dalawang dekada pa lamang ang dispensasyong kolonyal ng Amerika (nang malathala ang mga unang akda ni DAR) mahihinuhang makapangyarihan ang bisa ng kulturang iniluwal ng bagong sistemang panlipunan, sampu ng kanyang iba't ibang mga institusyon, na naglayong muling isaayos ang pambansang kabuhayan at kalakaran. Isinapaw ang mga ito sa kaayusang matagal nang nailatag ng nagaping mga mananakop na Kastila; at ang pinakapusod ng ganitong mabilis na pagbabago ay ang Kamaynilaan.

Dagdag sa realidad na ipininta ni Dar sa kanyang mga kuwento, hayaang gamiting reperensiya ang mga peryodiko't lingguhang lathalain, kagaya ng Buntot Pagi ,Photonews at Liwayway bilang tulong sa paglalarawang-isip at muling pagbibihag sa kalakarang panlipunan ng naturang panahon.

Mabilis ang pagpapalit ng bagong damit ng lungsod ng Maynila. Dumampot ng peryodiko, Photonews o alinpaman, at matataranta ang mga mata ng sinumang bubuklat ng mga pahina sa pagsalubong ng ads ng iba't ibang mga tindahan, produkto, serbisyo at anunsyo ukol sa palakasan, pelikulang kasalukuyang pinapalabas, at iba pa. Naririyan, halimbawa, ang Toyo Shirt Factory, Macondray and Co. na gumagawa ng talking Chinwah, o kaya ay Erlinger and Galinger na nagtitinda ng sikat na ponograpong Victrola; panay ring mababasa ang paalaala ng Tiboli Amusements Co., ukol sa palabas na bodabil sa Teatro Tivoli na kinatatampukan ng mga kinagigiliwang bituing kagaya nina Dimples, Miami, Millie at Bebe, at iba pa.

Bilang patunay naman, kung maglalamiyerda, sa bukana pa lamang ng Escolta, mapapamangha ang sinuman sa halos walang patlang na nakahilerang mga establisimiyentong katulad ng Botica Boie, mga department store , sinehan, restoran at iba pang naglalakihang mga tindahan ng samot-saring mga produktong makukulay at kaakit-akit ang pagkakaayos sa inilawang mga eskaparate. Sa kalye ring ito makabibili ng makinilyang Corona o sapatos tatak Ang Tibay o mamahaling relongWaltham at Hamilton , at mga hiyas na bukod-tanging makikita lamang sa mga eleganteng estante ng La Estrella del Norte.

Sa halip na yaong dating karwaheng hila-hila ng kabayo, mga awtong Ford o Berlina o sedan na Cadillac ang makakaenkwentro sa kalsadang nilatagan ng cobblestones at semento. Sa bandang alas-singko ng hapon, bago lumubog ang araw, mag-uumpisang mapansin ang mga kotseng topdown na minamaneho ng isang sportmanna ang buhok ay hinati sa gitna at nangingintab sa pagkaplantsado sa pomada gaya ng mga kasalukuyang kinahuhumalingang mga artista sa pinilakang tabing ng Hollywood. Marahil, sa kanang upuan ng sportman ay isang magandang dilag na kilalang palagiang laman ng Society Page, at ang malalantik na mga daliri ay may ipit ipit na sigarilyong Chesterfield. Marahil magpapalamig ang mga ito sa isang kyosko o restoran, iinom ng serbesang San Miguel o kaya ay orange juice, bago manood ng pelikula ni Greta Garbo o kaya nina Gloria Swanson at John Gilbert sa Zorilla o Savoy, o hahanga kay Dimples at Atang de la Rama sa bodabil sa Teatro Tivoli; at pagkatapos ay uubusin ang gabi sa isang nightclub.

Pawang mga panlabas na paglalarawan ang mga ito ng isang lipunang urban sampu ng kanyang ningning, kulay, tunog at galaw, mga pangitain na ito ay patungo sa kanyang kaganapan bilang consume society . At kung pagmamasdan ang mga tauhang gumaganap sa tagpong ito, mararamdaman ang asal na parang walang iniintindi sa kanilang pagiging halaghag; waring masaya at malaya sa kanilang kilos, matatantong walang iniwan ang lugar na ito sa isang kanluraning lungsod.

Ngunit sa isang mabilis makadamang katulad ni DAR, higit na kabahabahala ang mga pagbabagong nagkintal ng bakas sa sensibilidad ng tao. Tinala ng ubod-sinop ni DAR ang lahat ng ito sa kanyang mga maikling kuwento.

II. Pagtanggi sa Luma/Pag-iling sa Bago

Sadyang malalim ang ugat ng tradisyong ipinamana ng mahigit na tatlong siglong kolonyalismo ng Kastila. Sa haba ng panahong ito, hindi madaling makawala ang sensibilidad, laluna ng isang manunulat, sa kanyang pagkakagapos sa makapangyarihang sistema ng pagpapahalagang panlipunan at pang-etika na ipinunla't pinagulang ng iba't ibang mga institusyong itinatag ng mga mananakop, katulad ng simbahang katoliko at ang mga paaralan; at mga elementong pangkulturang parang itim na balabal na ipiniring sa mga mata ng mamamayan,, kagaya ng panitikan, kasama na ang estetika't mga pamantayan sa paglikha nito. Kahit sa loob ng panahon ng pagsibol ng bagong henerasyon, hindi makatitiyak na mahihigtan ang hibong nakakintal na sa kamulatan. Malakas ang pagragasa ng bagong kalagayan sa ilalim ng bagong mananakop. Subalit ang bias nito ay higit na masasaksihan sa estilo ng pamumuhay panlipunan kaysa sa uri ng pag-iisip ng tao.

Maituturing na ang sensibilidad na nagluwal sa mga maikling kuwento ni Deogracias A. Rosario ay supling na ng bagong panahon. Ngunit ang kaligirang pinagmumulan ng buhay ng naturang sensibilidad ay napapagitna sa dialektika ng pag-usbong ng bagong kultura at paglaho ng luma, ang mabilis na pag-aangkop ng kalakarang panlipunan at ang mabagal na pagtugon ng kamulatan sa tinakdang modernisasyon. Sa larangan ng panulatan, mahihinuhang ang makalumang poetika ay masugid na naglalagay ng mga hadlang sa pamumukadkad ng modernong estetika.

Mistulang Bernardo Carpiong namamagitan sa dalawang nag-uumpugang pader na napapagitna ang sining ni Deogracias A. Rosario sa matinding tensyong ito. At ang ganitong maselang kalagayan marahil ang ibig tukuyin ni Gng. Matute nang sabihing si Deogracias A. Rosario ay "napagitan o transisyon sa panahon ng mga manunulat na hayagang nagpalitaw ng kani-kanilang moraleha sa kanilang mga akda at sa panahon ng 'sakdalista't aristokratang Samahan ng Panitikan' na lantarang naghimagsik sa mga paksa at pamamaraan ng mga matatanda." [Genoveva Edroza-Matute: "Deogracias A. Rosario, Ama ng Maikling Kathang Tagalog," The Urian Lectures III ngPhilippine Studies , tomo 19, blg. 2, Abril 1971, pah. 341-372]. Sa ganitong pekulyar na konteksto maaaring pahalagahan ang mga maikling kuwento ni Deogracias A. Rosario. Mula sa kanilang masinop na kontekstuwalisasyon, hanggang sa pagpapagalaw ng proseso ng buhay panlipunan, waring mapapansin, kagaya ng ipinamalas ng mga gumaganap na tauhan, na nagpupumiglas na makawala ang panitikang ito sa nakasasakal na higpit ng kapit ng lumang kumbensyong moral at sosyal na dominanteng kalakaran pa rin sa panulatan; samantalang pinupuna naman nang buong kaalistuhan ang wari'y dekadente't walang iniintinding kaluwagan sa asal ng panlipunang paligid.

Pag-ibig ang pinaksa ng marami sa mga maikling kuwento ni Deogracias A. Rosario. Ito rin ang kinagiliwang paksa ng umiral na panahon. At katulad ng mga kasama sa panulatan, sinikap niyang masuri ang paksang pag-ibig sa iba't ibang aspekto ng kanyang paglitaw sa buhay ng tao at lipunan. Ngunit sa kanyang mga kapanahon, ang pag-ibig sa kanilang panitikan ay apirmasyon lamang ng pagtatagumpay ng dating moralidad at pagpapahalagang panlipunan laban sa pagragasa ng makabagong kaisipa't asal na dala ng dispensasyong Amerikano. Kay Deogracias A. Rosario, ang pag-ibig, bilang paksa ng kanyang mga akda, ay nagsisilbing susi sa maraming pintuang dapat mabuksan para makapasok ang maraming makabagong mga bagay; isa itong opsyon sa paglaya ng sensibilidad ng tao na matagal nang sinisikil ng kalakarang makaluma at moralidad na atrasado.

Sadyang magkaiba ang tinutungo ng pagpapaksa ni Deogracias A. Rosario sa kaparehong paksa ng kanyang kapanahon. Tingnan ang ilang mga halimbawa: Umibig si Fely kay Flubio, na sa bandang huli'y matutuklasang may asawa na pala. Ito ang tema ng "Sa Harap ng Panganib." Hindi hininto ni Fely ang pag-ibig niya kay Flubio sa kabila ng alam niya na ito ay labag sa patakaran ng "Samahan" o "Kapisanan" (Lipunan). Taboo ang ganitong uri ng pag-ibig sa pamantayang moral ng lipunan. Sa halip pinangatuwiranan pa rin niya nang ganito: "Ang kaluluwa ni Flubio'y para sa asawa niya at ang kanyang puso ay para sa akin." Pinagtanggol ni Fely ang kanyang ginawa laban sa mabagsik na moralidad ng Samahan, at ang tanging armas lamang niya ay ang kawagasan at katapatan ng kanyang damdamin sa sarili.

Sa "Hindi Malimot," iniwan ni Meding si Berto sa kabila ng wagas nilang pag-iibigan. Ang dahilan nito ay para ang paghihirap, paninibugho't galit ni Berto ay magtulak sa kanya para makapagsulat. Nagtagumpay si Meding, nakahabi ng premyadong kuwento si Berto.

Marahil ang "Sa Harap ng Panganib" (1914) ay siyang unang maikling kuwentong nalathala ni Deogracias A. Rosario, at tiyak, ang "Hindi Malimot" (Oktubre 1936) ang pinakahuling kuwentong naisulat bago siya binawian ng buhay noong Nobyembre 1936.

Sa loob ng mahigit na dalawang dekada ng pagsusulat ay nanalaytay ang ganitong bagong pagdulog at kadalasa'y bawal na paglalarawan ng pag-ibig sa halos isang daang maikling kuwento ni Deogracias A. Rosario. Hindi lamang sa tema mahihinuha ang ganito, pati na sa ibang aspekto ng naturang anyong pampanitikan. Binigyan ng bagong anino ni Deogracias A. Rosario ang sining na wari'y kinakaladkad na lamang ang sarili para makausad sa pluma ng mga manunulat na nagpipilit ikulong ang naturang diskurso sa mga parametro ng lumang tradisyon. Marahil, kung Amerikano o Europeyanong manunulat si Deogracias A. Rosario, madaling ilalatag siya sa hanay ng mga modernista.

Ang posibilidad ng bagong panahon at ang epekto nito sa buhay, lalung-laluna sa siyudad na siyang sentro ng alinmang bagong litaw na kultura o tradisyon, ang pilit na tinutuklas ni Deogracias A. Rosario sa kanyang sining. Mayroon bang makapagkukuwento ng kagaya ng pagkukuwento ni Deogracias A. Rosario sa "Ang Babaing Nakadominong Itim," sa Taginting ng Jazz," "Ang Dalawang Larawan sa May-ari ng Puso Ko," "Greta Garbo"? Sinong manunulat ang makalilikha ng mga tauhang gaya ng isang pintor, biyolinista, mezzo soprano sportman , payaso, at iba pang mga personaheng maaaring mabuhay at umiral lamang sa masalimuot at dekadenteng atmospera ng lungsod ng Maynila?

Isang naratibong angkop sa bago't mabilis na nagbabagong panahon ang naipalitaw ng mga maikling kuwento ni DAR. Ito'y isang naratibo na naging possible lamang dahil sa malikhaing pagtalima ni DAR sa espiritu ng bagong panahon. Maaaring hulihi't ilarawan ang naturang naratibo sa pamamagitan lamang ng makabagong pagdulog sa anyo at sining ng maikling kuwento; sa paggamit ng nababagay na wika bilang daluyan ng nabanggit na espiritu; at mga dramatis personae na ngayon lamang makikilala, makakatagpo't makakasalamuha ng mambabasa na malaon ng pinaliligiran ng mga tauhang wari'y mga bilanggo sa kanilang kawalan ng kalayaan hindi lamang sa paraang ng pagsasalita, kundi laluna sa paglalahad ng kanilang mga damdamin sa isa't isa. Ang bisyon ni DAR ukol sa makabagong realidad na patuloy na nagkakaanyo't nahihipan ng buhay sa lungsod ng Maynila, sa kabuuan, ang talagang nagsilang sa tinutukoy na bagong naratibo.

Katunayan, dito nakasalig ang lakas at ganda ng sining ni Deogracias A. Rosario. Samantalang ang marami kung di-man ang lahat ng mga manunulat ng naturang panahon ay "umuwi" sa baryo, nagpatuloy na magkuwento ng mga kuwento ng buhay sa kabukiran nang sa gayon ay maihanap ng likas na kalalagyan at payak na sisidlan ang dati't lumang moralidad na bumabalot sa kanilang mga gasgas na tema; at maikubli ito sa mapanganib na potensiyalidad ng bagong kalagayan, si Deogracias A. Rosario'y buong giting na hinarap ang naturang hamon. Ang pagpapaksa sa buhay sa siyudad, ang walang humpay na pagsusuri sa "social impact" ng pananakop ng Amerika, ang walang takot na pagwawaksi sa lumang kalakaran at moralidad na panlipunan habang kinikilala nang may pagpuna ang pagsulpot ng bagong moralidad at kalakaran?lahat ng ito ay mga paraan ng pagkompronta ni Deogracias A. Rosario sa umiral na sitwasyon.

Sa kabilang dako, mulat man sila rito o hindi, ang "paglisan" ng maraming mga manunulat ng panahong ito sa lungsod at "paglusong" at pagpapanatili sa kanayunan ay umayon sa kapakanan ng Amerika sa pagtatalaga ng kanilang hegemonya rito. Sadyang ikinampanya nila, sa isang sistematikong propaganda, ang pagbabalik sa probinsiya; ang ibayong pagtangkilik sa pagsasaka; at ang pagpapaunlad at pagpapalago sa agrikultura. Ito'y sapagkat matindi ang pangangailangan ng Amerika sa hilaw na mga sangkap, ng mga produktong agrikultural, para sa mga industriya sa kanilang lupain. Sinasabi ito ng lahat ng mga pinagpipitaganang historyador na Pilipino, katulad nina Dr. Renato Constantino at Prop. Teodoro A. Agoncillo. Kaya't mapapansin na abot'-abot ang kampanya rito ng mga Amerikano sa paglalarawan ng buhay sa kabukiran bilang isang wagas at matiwasay na buhay. Kung ibig mabuo ng maliwanag sa isipan ang larawan ng "natatanging" buhay na ito, isipin na lamang ang mga larawang ipininta ni Fernando Amorsolo o kaya ang mga kuwentong katulad ng "Suyuan sa Tubigan" ni Macario Pineda. Walang pagtatangkang pababain ang uri ng mga gawang sining na ito. Tinutukoy lamang ang pagkakalapat ng paglalarawan ng naturang mga obra sa buhay ng ibig ipatangkilik sa atin ng tinutukoy na dispensasyon.

Marahil hindi binigyan ng karampatang kahalagahan ng mga antolohista, iskolar at mag-aaral ng panitikan ang pagsusuri ni Deogracias A. Rosario sa kanyang panitikan sa mga implikasyon ng bagong panahon sa transpormasyon ng buhay (laluna sa Kamaynilaan), kaya't mangilan-ngilan lamang ang tumangkilik at nag-ukol ng panahon sa kanyang sining. Maliban sa mga talaang sumusunod, wala nang iba pang kalipunang kakikitaan ng kanyang mga akda at pag-aaral ukol sa kanyang panitikan; at maliban sa tatlo o apat sa kanyang mga maikling kuwento, wala nang iba pa rito na naging mapalad na mapasama sa mga antolohiya.

1. Maria Eloisa N. Francisco. The Fiction of Deogracias A. Rosario . M.A. Thesis. Graduate School, Ateneo de Manila, 1977. Di-nalathala.

2. A.G. Abadilla, E.B. Sebastian at a.D.G. Mariano (mga pat.)Maikling Kathang Tagalog . 1954. Isinama sa bahaging Katipunan ang "Ang Aloha," at sinuri naman ang "Walang Panginoon" sa seksyong Pamamaraan.

3. Teodoro A. Agoncillo (Pat.) Ang Maikling Kuwentong Tagalog (1886-1948) . 1972. Isinama sa kanyang Katipunan ang "Ako'y Mayroong Isang Ibon."

4. Alberto S. Florentino (Pat.) Mga Batikang Kuwentista . (1973) Kasama ang mga sumusunod na akda ni Deogracias A. Rosario: "Ako'y Mayroong Isang Ibon," "Aloha," "Walang Panginoon."

5. Eden P. Orosa at Lorenzo P. Austria (Mga pat.) Mga Akda . 1979. Naisali ang "Aloha."

6. Bienvenido Lumbera at Cynthia Nograles Lumbera (Mga pat.)Philippine Literature: A History and Anthology . 1982. Sa kabanatang "Literature Under U.S. Colonialism (1898-1945), muling inilathala ang buong kuwentong "Greta Garbo."

7. Genoveva Edrosa Matute. "Deogracias A. Rosario, Ama ng Maikling Kathang Tagalog," The Urian Lectures II. 1971. Kung mayroon pang iba, ito na marahil ang pinaka-intensibong pagtaya sa sining ni Deogracias A. Rosario.

At kung may kabuluhan mang tagurian siyang "Ama ng Maikling Kuwento" (katulad ng ginawa ng iba), ang higit na mahalagang batayan ay ang tinalakay sa itaas. Sapagkat yaon ang pamana na namumukod lamang sa mga maikling kuwento ni Deogracias A. Rosario.

Powered by Drupal