Filemon Mamon

niĀ Christine S. Bellen

"Sugod mga kapatid!", paulit-ulit na sigaw ni Filemon. Nage-ensayo siya para sa audition ng dula tungkol sa mga bayani. Mahilig siyang umarte.

Parang kapag naglalaro sila, madalas siya ang tatay sa bahay-bahayan at kaaway sa barilan. Gustuhin man niyang maging kuya, ipagpipilitan ng mga kalaro niya, "Mukhang matanda kapag mataba, mukhang bata kapag payat". Gustuhin man niyang maging bida, sasabihin rin ng mga ito sa kanya, "Mataba ang kaaway, payat ang bida".

Tuwing Pasko lang siya bida. Laging Santa Klaus si Filemon sa paaralan. Cute na cute siya sa pulang damit na bumabagay sa mamula-mula niyang pisngingnamimintog. Hindi na kailangang dayain ang tiyan ni Santa. Umaalog-alog ang

tiyan niyang bilog habang naglalakad at bumabati ng "Meri Krismas!". Sabi nga ng mga nanay at yaya, "Naku, parang keso de bola!".

Para naman maiba, gusto niyang maging Andres Bonifacio sa dula, ang matapang na lider ng Katipunan. Sabi ni teacher, maraming Pilipino ang nakipaglaban sa mga Kastila para makalaya ang bayan. Isa si Andres Bonifacio dito. Kaya, "Sugod mga Kapatid!". Lalo na nang marinig niya ang matinis na tawag ng kanyang nanay. "Kakain na!".

"Sugod mga kapatid!", takbo ni Filemon sa mesa. Nagsisiksikan ang bandehado ng mga pagkain sa maliit nilang hapag. Parang may piyesta!. Amoy na amoy ni Filemon ang nagmamantikang adobo at lechong paksiw. Naglaway siya sa tinadnad na manggang hilaw na sawsawan ng chicharong bulaklak. Ramdam na ramdam niya ang init ng umaasong bundok ng kain. Higit sa lahat, naduling si Filemon sa sari-saring mamon at minatamis na nalulunod sa arnibal.

Bukod sa pag-arte, paborito ni Filemon ang kumain. Mahirap siyang awatin kapag nadikit na ang puwet sa silya ng hapagkainan. "Ngasab, ngasab, ngasab, ngabngab, ngabngab, ngasab". Matatapos ito sa malakas na "BORP!". Dighay ni Filemon saka tatapik-tapikin ang bolang tiyan.

"Ganyan talaga ang lumalaking bata", sabi ni tatay. "Kain pa ng kain anak, para lalo kang lumusog", salo pa ni nanay. Hihimasin ng kanyang tatay ang ulo ni Filemon, tanda nang pagsang-ayon.

Kaya tuloy, walang pakialam si Filemon kahit pa tuksuhin siyang baboy, biik, bola, bundat, bilog, napabayaan sa kusina, tabachoy at Filemon Mamon. Cute naman ang tingin sa kanya ng marami at mahal na mahal siya ng kanyang nanay at tatay (na sa totoo lang, matataba ring tulad niya).

Matapos ang kainan, sasalampak si Filemon sa harap ng TV. Pati ang kanyang tatay. Sasali rin si nanay na dala ang maraming kukutin. Popcorn, mani, kornik, chicharon, chippy at litro ng softdrink. Inaabot sila ng ilang oras sa panonood,

kainan,kuwentuhan at tawanan. Kapag tanghali, nakakatulog sila sa harap ng TV sa sobrang kabusugan.

"Ngoooorooook!', hilik ni tatay.

"Wiiiiishhhhhrrrk!, hilik ni nanay.

" Shuuuuskrrk,ngork, ngork!", hilik ni Filemon.

Tuwing hatinggabi naman, nakasanayan na ni Filemon na patingkayad na maglalakad papunta sa refrigirator. Hihigupin niya ang gatas na kondensada o kaya'y manginginain ng natirang yema na tinda ng nanay niya.

Sa eskwela, masayahin si Filemon kaya mabilis siyang makisalamuha sa mga bata. Kapag nadikit ang mga ito sa kanya,

"Parang mamon, nakapanggigigil kainin".

"Parang unan, mainam yakapin".

"Parang kama, masarap, higaan".

"Parang sofa, malambot upuan".

"Parang pader, malapad na sandalan".

Nang dumating ang araw ng audition, handang-handa si Filemon. "Sugod mga kapatid!", parang kulog ang sigaw ni Filemon. Umumbok ang pisngi niyang mapintog. Nanginig ang mataba niyang braso. Nagpalakpakan ang kanyang mga kaeskwela. "Bida na si Filemon Mamon sa dula!". Tumaba pati puso ni Filemon sa narinig.

At nagkatotoo nga! Siya ang hinirang na Andres Bonifacio. Bigay bigay si Filemon sa mga ensayo. Ngunit wala pa sa kalagitnaan, hingal-kabayo na ang bida. Hindi na marinig ang "Sugod mga kapatid!", kaya lagi itong ipinauulit. Nagpasya si direk, "May mas bagay na kilos sa mga gaya mong bilog".

Ginawa siyang prayleng mataba, ang kaaway sa dula. Dahan-dahan si Filemon sa nagmamayabang na kilos. "Patayin an mga indios!", panggigigil ni Filemon. Lalo na nang makita niya ang bagong Andres Bonifacio. Hindi ito bilugan, hindi mukhang mamon ang katawan. Maliksi ito sa takbuhan at hindi hinihingal sa sigawan.

Sumugod pauwi si Filemon. "Kailangan ko bang pumayat? Kailangan ko bang maging patpat? Gusto kong maging si Andres Bonifacio!" , parang pinunit na sedula ang bawat hikbi ni Filemon. "Ayoko ng maging mamon", pahabol pa nito. Hindi na sumugod sa mesa si Filemon noong kainan. Nanikip ang paghinga ng kanyang nanay at tatay sa awa sa anak.

Isinugod sa doktor kinabukasan si Filemon. "Wala pong ganang kumain si Filemon", sabi ni tatay. "Mangangayayat po ba ang anak ko ?", nangilid ang luha ni nanay. Sa tingin ni Filemon sa mga magulang, para silang kasali sa dulaan.

"Maayos po ang anak ninyo", sabi ng doktor. Ngunit kailangang bantayan ang kalusugan dahil mas mabilis pong kapitan ng sakit ang matataba tulad ng diabetis at sakit sa puso. Hinikayat niya ang nanay at tatay ni Filemon na maging halimbawa sa malusog na buhay ng bata.

Nabawasan ang madalas na panonood ng TV nina Filemon. Naglalakad-lakad sila sa parke kapag hapon. Nakakaikot ang kanyang nanay at tatay habang nakikipagkuwentuhan sa mga kapitbahay. Nakakapag-slide doon si Filemon, nakikipagtaguan at nakikipagpatintero. Umuuwi silang tagaktak ang pawis sa katawan.

Nakatuwaan din nila ang paghahalaman bilang libangan. Nababaluktot ang malalapad nilang bewang sa pagbubungkal ng lupa. Natitiklop ang mga tuhod nilang bilugan sa pagpupunla ng halaman. Dahil sa pagod, hindi na rin nakukuhang manginain tuwing hatinggabi ni Filemon.

Bagong putahe naman ang hinahain ni nanay sa kainan. Karaniwan, may kasamang gulay at isda. Prutas na rin ang paborito nilang ngatain kapag naisipan nilang manood ng TV.

Sumigla kaysa dati si Filemon. "Umimpis yata ang ating mamon", puna ni direk. Sa araw ng dula, lumabas pa rin siyang prayle. At lalong pinagbuti ang pag-arte, dahil sa susunod na taon, handa na siyang muli para sa audition. Balak naman niyang maging si Gregorio del Pilar, ang batang heneral.

Bunga ang kuwentong ito ng 2002 Barlaya Writing for Children Workshop na pinangunahan ng Adarna House at ng UP Institute of Creative Writing Center. Inilathala ng Adarna House Inc. noong 2004. Iginuhit ni Jason Moss ang mga larawan sa aklat at naging finalist sa National Book Awards 2004.

Powered by Drupal