KWENTONG HINDI MATAPUS-TAPOS, BAYANING DI NAMAMATAY: ISANG KONTEMPORANYONG PAGBASA SA MGA ETNOEPIKO NG AKING BAYAN

KWENTONG HINDI MATAPUS-TAPOS, BAYANING DI NAMAMATAY:

ISANG KONTEMPORANYONG PAGBASA SA MGA ETNOEPIKO

NG AKING BAYAN

Joi Barrios

May bayaning lumilisan para makipagsapalaran, nakikipaghamok, umiibig, namamatay ngunit pagkatapos ay nabubuhay. May mga kwento ng kagitingan at katapangan. Binasa ko ang Ulahing sa pagitan ng mga balita ng pagpaslang sa kanayunan. Tinunghayan ko ang Ullalim habang nagpapatuloy ang pakikipaghamok ng mga aping sector ng aking lipunan. Humanga ako kay Lam-ang, katulad ng paghanga ko sa lahat ng nakikibaka para sa katarungan. Aking pinag-aralan ang mga etnoepiko sa pagitan ng mga tunggalian sa aking bayan.

Pagkat bakit nga ba natin sinusuri ang mga epiko ng kung anong nagdaang panahon? Kung tatanungin natin ang mga guro at mag-aaral ng antropolohiya, sasabihin nilang malaking tulong ang mga epiko sa pag-aaral ng kultura ng iba't ibang komunidad. Kung ang mga kritikong pampanitikan naman ang ating kakapanayamin, ang bibigyang diin ng iba ay ang istruktura ng epiko samantalang ang iba nama'y ang sukat at tugma o kaya'y ang indayog ng mga salita. Kailangan ang ganitong mga pagsusuri at hindi dapat tawaran ang kahalagahan ng mga ito. Gayon pa man, dapat din nating isipin, ano nga ba ang mayroon sa epiko upang maging makabuluhan sa karaniwang mamamayan sa kasalukuyang panahon? Ang kwento nga ba ng bayaning nakikipagsapalaran , nakikipaghamok, namamatay ngunit nabubuhay muli ay mahalaga hanggang sa kasalukuyan?

May pangangailangan kung gayon, na suriin ang katangian ng mga tauhan, ang kabuluhan ng mga pangyayari sa mga kwento at ang aral na igingiit ng mga epiko. Sa ganitong paraan, maaaring lumikha ng paralelismo sa kwentong hinabi ng ating mga ninuno sa kasalukuyang mga pangyayari, maaaring maging mga simbolo ang mga tauhan, at ang aral noon ay maaaring aral pa rin hanggang sa ngayon.

Marahil, higit na magiging mas maliwanag ang nais kong tukuying pamamaraan ng pagsusuri sa pamamagitan ng isang halimbawa. Mga isang taon na ang nakakaraan, may ipinalabas na dula sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas o Cultural Center of the Philippines . Ayon sa may-akda, ang dula ay hinalaw mula sa isang matandang kwento, isang alamat pa nga yata, kung hindi ako nagkakamali. Gayon pa man, wala namang gaanong nag-usisa sa pinag-ugatan ng dula. Nang panoorin ng mga tao ang kwento ng isang bayaning pumaslang sa isang higanteng ibon sa sakim at masama, may mga nag-akalang ang mga tauhan ay mga simbolo. Ang ibong sakim at masama ay ang dayuhang nang-aagaw ng yaman ng bansa, ang bayani'y yaong mga nagtatanggol, ang mga mamamayan ang taumbayang tumulong sa bayani upang lubusang magapi ang ibon.

Sa madaling salita, habang pinanonood ng mga tao ang dula ay nawawalan na ng kabuluhan kung galing ito sa mito , alamat o epiko. Hindi na mahalaga kung anong klaseng ibon dati ang ibong kinulayan ng asul, pula at puti sa dula. Hindi na rin tinandaan ng mga manonood ang mga pangalan ng mga tauhang inapi at sa huli'y lumaban. Ang naiwan sa kanila'y ito: isang dula tungkol sa kaapihan na nagpaalala sa kanila ng kanilang kaapihan, isang dula ng paglaban na nagpaalala sa kanila ng kanilang paglaban. Samakatwid, nagtagumpay ang dula dahil naging makabuluhan ito maging sa mga manonood sa kasalukuyan.

Batay sa ganitong karanasan, naniniwala akong ang epiko ay dapat pakinggan, basahin, pag-aralan, hindi para ituring na “gamit pangmuseo” kundi bilang buhay na panitikan na makabuluhan pa rin hanggang sa ngayon.

ANG BAYANI'Y MAY MINIMITHI

Ating isa-isahin ang mga katangian ng iba't ibang epikong tinunghayan. Ang unang bagay na nakatatawag ng pansin ay ang paglalakbay ng bayani upang matupad ang kanyang minimithi.

Makikita ito sa epiko ni Lam-ang na naglakbay para hanapin ang amang nakipaglaban sa mga Igorot na may mga tattoo . Samantala, si Aliguyon naman, ang pangunahing tauhan ng epikong Hudhud ng mga Ifugao, ay nagtungo, kasama ang kanyang mga kapanalig, sa Bilibil, upang muling buhayin ang alitan ni Dinoyagan at ng kanyang ama. Sa epiko naman ng mga Ibaloy, may tinig na humimok kay Bindian, ang pangunahing tauhan, upang iligtas ang diyosang si Bugan sa mga kamay ni Kabuniyan, ang diyos ng langit.

Marami pang epiko ang may ganitong pagsisimula. Sa epiko ni Labaw Donggon mula sa Gitnang Panay , naglakbay sina Aso Mangga at Buyung Baranogon para hanapin ang kanilang amang si Labaw Donggon. Sa isa pang epiko mula pa rin sa Gitnang Panay , naglakbay naman si Humadapnen upang hingin ang kamay ni Nagmalitong Yawa. Maging si Tuwaang, ang pangunahing tauhan sa epiko ng mga Bagobo ay lumisan pagkat naghatid sa kanya ng mensahe ang hangin. May dumating na binibini sa bayan ng Batooy ngunit ayaw nitong makipag-usap sa kahit sino sa magigiting na lalaki. Dahil dito, kinakailangan niyang maglakbay patungo sa Batooy para malaman ang suliranin ng binibini. Naglakbay rin si Ulod, ang tauhan ng epiko ng mga Matigsalug ng Dabao, upang hanapin ang kanyang kapatid na dinukot ng Binata mula sa Buttalakan.

Samantala, dalawa sa mga epiko ang nagsasalaysay ng paglisan ng bayani dahil sa pagtutol at tuwirang pakikipaghamok. Sa Ullalim ng mga Kalinga, naglakbay patungong Manluta sina Banna at ang mga mandirigma ng Dulawon upang kanilang paslangin ang higanteng si Gittam. Sa Ulahingan naman ng mga Arumanen ng Cotabato, lumisan sina Tabunaway kasama ang iba pang mga taga-Banobo dahil nais silang gawing mga Muslim ng mga bagong dating mula sa ibang bayan.

Malinaw sa mga ibinigay na halimbawa ang tatlong bagay. Una, ang pangunahing tauhan ng epiko ay ang bayani. Mula simula hanggang wakas ay sa kanyang buhay, mga tunggalian, pag-ibig at kamatayan umiinog ang kwento. Ikalawa, ang bayani ng mga epiko ay laging may mithiin. Ikatlo, ang mithiing ito ang siyang dahilan upang maglakbay ang bayani.

Ating isa-isahin ang mga natukoy na katangian ng mga epiko. Una, ang konsepto ng bayani sa epiko. Kung susuriin natin ang mga epiko sa konteksto ng panahon ng ating mga ninuno, masasabi nating ang pagbibigay-halaga sa mga bayani ay pagbibigay-halaga na rin sa mga katangian ng katapangan at kagitingan, mga bagay na mahalaga para sa patuloy na pagkabuhay ng isang komunidad. Sa katunayan, ayon kay Dr. Arsenio Manuel sa kanyang aklat na A Survey of the Philippine Folk Epics , na nalathala noong 1962, dinakila ng mga Bagobo ang mga bayani ng kanilang mga epiko tulad ng pagdakila natin sa bayaning si Jose Rizal.

Kung tutuusin, hindi kataka-taka ang ganitong pag-iisip o paniniwala ng mga komunidad bago dumating ang mga Kastila. Komunal ang pamumuhay ng mga tao. Dahil dito, pangkaraniwan ang tulungan, damayan at pakikiramay sa suliranin ng isa't isa. Madalas, ang problema ng isa, halimbawa'y kawalan ng tahanan o pagkamatay ng kamag-anak ay problema ng buong komunidad.

Bukod ito, binibigyang halaga rin ang kagitingan at katapangan dahil kailangan ng isang komunidad ng mga magtatanggol na mandirigma kung sakaling lusubin ito ng mga dayo. Kailangang may handang “mag-alay ng buhay” para sa nakararami.

Sa ating bumabasa sa mga epiko sa kasalukuyang panahon, ang konsepto ng isang bayani ay mahalaga pa rin bagama't kung susuriin, ay bagay na hindi pinahahalagahan sa ating mga lipunan. Nabubuhay tayo sa isang panahon kung saan ang umiral na sistemang pang-ekonomya ay kapitalismo. Dahil ang ibinubunsod nitong kultura ay kultura ng kompetisyon, maging ang mga taong namumuhay sa isang komunidad ay “kanya-kanya,” o “walang pakialaman.” Hindi kataka-taka kung gayon, kung maging indibidwalistiko ang mga tao. O kung mamayani ang mga paniniwalang, “Sarili muna bago ang iba,” o kaya'y “Hindi na uso ang pagpapakabayani.”

Dito pumasok ang kahalagahan ng epiko sa kasalukuyan. Sa gitna ng napakaraming suliranin, tulad ng karukhaan at kawalang katarungan, nananatili tayong “kanya-kanya” sa halip na nagtutulungan sa paglutas sa mga suliraning ito. Kung ganito ang aktitud ng lahat, sino pa ang magtatanggol sa maliliit na inaapi sa lipunang ito? Sino pa ang papanig sa dukha? Kailangan pa rin natin ng mga bayani, at dahil dito, kailangan pa rin natin ng mga aral na iniiwan ng mga apiko sa atin hanggang sa kasalukuyan.

Ang ikalawang katangian ng epiko na natukoy ay ang pagkakaroon ng mga mithiin ng mga bayani. Gaya ng nabanggit, nais ni Lam-ang na hanapin ang kanyang ama, hangad ni Bindian na iligtas si Bugan at layon ni Ulod na bawiin ang dinukot na kapatid. Pansining ang mga mithiing ito ay hindi para sa kanilang pansariling kapakanan kundi para sa iba maging ito man ay kamag-anak, kaibigan o kahit ibang taong nais tulungan. Muli, ang pagkabayani ay binibigyang depinisyon. Nangangahulugan ito ng pagpaparaya, ng pagsasaalang-alang sa kapakanan ng iba bago ang sarili.

Muli, mahalaga ang ganitong aral sa kasalukuyan. Una, dahil marami ang naniniwala na hindi na mahalaga yaong may mithiin pa sa buhay. Madalas, umiral ang pilosopiyang sapat na ang “magsaya” yamang sa malao't madali ay mamamatay rin naman ang tao. Ikalawa, ang iba naman ay may mithiin nga, ngunit mithiin namang makasarili. Dahil nga kapitalista ang sistema ng lipunan, “materyalistiko” ang tao. (Materialistic, sa Ingles ). Higit na pinahahalagahan ang pera kung kaya't pangunahing mithiin ng karamihan ang yumaman. Dahil dito, mahalagang bigyang halaga ang mga bayaning ang mithiin ay dakila.

Ikatlo, natukoy rin na ang kanyang mithiin ang siyang dahilan ng paglalakbay ng bayani ng epiko. Ano ang ibig sabihin nito? Binibigyang diin ng paglalakbay ang kahalagahan ng pagkilos, ng paggawa ng paraang at pananalig sa sariling gawa. Naglalakbay ang bayani ng epiko pagkat alam niyang magtatagumpay lamang siya kapaghanda siyang sumuong sa panganib.

Mahalagang tukuyin na ang aksyon na isinasagawa ng bayani, ang paglalakbay, ay positibong pahayag pagkat iwinawaksi nito ang idealistikong pananaw na “ang buhay ay isang gulong at darating sa iyo ang kapalaran kung kapalaran mo nga talaga ito.” Sa pamamagitan ng pagkilos ng mga bayani ng mga epiko ay humakbang sila tungo sa kanilang mithiin, hindi nila hinintay na “ngumiti sa kanila ang kapalaran” upang maging masaya at matagumpay ang kanilang wakas.

Muli, para sa ating mambabasa ng kasalukuyan na hinubog ang kaisipan para maghintay ng pag-asa at swerte sa buhay, mahalagang pag-aralan ang sinasabi ng epiko ? kung nais mong makamit ang iyong mithiin, kumilos ka.

ANG KATUNGGALI NG BAYAN

Gayon pa man, hindi lamang ang konsepto ng bayani ang mahalaga maging sa kasalukuyang panahon. Hindi rin naman matatawaran ang kabuluhan ng katunggali ng bayani sa bawat kwento. Lalong tumitingkad ang magagandang katangian ng bayani dahil sa kanya. Higit na nagiging makulay ang mga pangyayari dahil nagdadala siya ng sigalot at ligalig.

Pansinin ang mga katangian ng mga sumusunod na mga katunggali ng mga bayani sa iba't ibang epiko. Ang katunggali ni Lam-ang ay si Sumarang, na may mga matang kasinlaki ng plato at ilong na kasinlaki ng dalawang paa. Samantala, nakipagtunggali naman si Handiong sa mga sumusunod: malignong iisa ang mata, baboy-damo, mga buwaya at iba pa. Ang kanyang kapanalig na si Bantong ay nakipagtuos sa isang maligno na ang pangalan ay Rabat , kalahating hayop at kalahating tao na nang-aakit ngunit ginagawang bato ang naaakit. Sa kamay naman ng magagandang babaeng sina Singkating Bulawan at Simalubay-Hanginun-Simahubokhubukon na nakatira sa isla ng Taramban nahulog si Humadapnen kung kaya't naging bihag siya sa loob ng pitong taon.

Sa mga nabanggit na halimbawa, mapapansin ang mga sumusunod. Una, madalas, ang katunggali ay pangit, nakatatakot, hayop, higante, halimaw o maligno. Samakatwid, hindi ito tao na nagtataglay ng mga katangian ng isang tunay na tao. Dahil dito, inaasahan ang pagkagapi nito sa bayani ng epiko pagkat ang bayani ang siyang tunay na tao na may mga katangiang katapangan at kagitingan.

Ang hindi pagiging “tunay na tao” ng katunggali ng mga bayani sa epiko ang nagbibigay ng higit na puwang para sa mas maraming interpretasyon. Maaari itong tingnan bilang simbolo ng lahat ng balakid na maaaring harapin ng bayani sa kanyang paglalakbay. Sa ganitong paraan, nagiging payak ang mensaheng ipinaaabot ng epiko ? nagtatagumpay ang bayaning handang humarap sa panganib. Sa ganitong paraan, ang “pokus” ng epiko ay nananatili pa rin sa bayani at hindi sa katunggali. Ang binibigyang diin ay ang paggapi sa balakid tungo sa tagumpay at kaya lamang may iba't ibang lakas at pambihira ding mga katunggali ay upang lalo ring tumingkad ang katapangan ng bayani.

Ang ikalawang bagay na kapansin-pansin sa ilang mga katunggali ay ang pagiging mapanlinlang ng mga ito. Si Rabat, halimbawa, sa epikong Handiong ay nang-aakit ngunit pagkatapos magtagumpay ay ginagawang bato ang mga tao. Ang magkapatid naman sa isla ng Taramhan ay ginamit ang kanilang angking halina upang gawing bihag si Humadapnen.

Ang pagkakaroon ng katangiang mapagbalatkayo ng katunggali ng bayani ay masasabing waring babala sa sino mang nakikinig o nagbabasa ng epiko. Pinaaalalahanan nito ang mga tao na pinakamapanganib ang mga kaaway na nagpapanggap na mga kaibigan.

Ang mga katangian ng mga katunggali na inilalarawan sa mga epiko ay totoo hanggang sa kasalukuyang panahon. Kung ating susuriin ang pinakaugat ng ating mga pang-araw-araw na suliranin tulad ng pagtaas ng presyo ng bilihin, mababang sahod o kaya'y korupsyon sa pamahalaan, mapag-aalamang ang kaaway ay hindi lamang “tao.” Dati, isinisisi natin ang lahat kay Marcos. Nang mapaalis siya sa pagiging pangulo at pumalit si Gng. Aquino, nanatili ang dating mga problema na akala natin ay wala na. Nangangahulugan bang si Pangulong Aquino naman ngayon ang suliranin? Kung pakikinggan natin ang sinasabi ng epiko, malalaman nating hindi. Hindi “tao” ang kaaway kundi isang mas malaki at mas pangit na halimaw ? ang kabuuang sistema ng lipunan. Itinuturo, kung gayon, ng epiko na tingnan natin nang mas malalim ang mga bagay-bagay. Ang tunggaliang hinaharap ng mga bayani ay hindi simpleng labanan ng lakas sa kapwa lakas. Marami ang balakid, malakas ang kalaban at masalimuot ang labanan pagkat may kailangan gumuho o mamatay upang magkaroon ng pagbabago o tagumpay.

Ang kaaway ay hindi madaling makilala. Ito ang isa pang aral na itinuturo ng epiko. Totoo pa rin ito hanggang sa kasalukuyan. Maraming pulitikong kayhusay mang-akit sa pamamagitan ng mga pangako. May mga bansang katulad ng Estados Unidos na kunwa'y naghahatid ng tulong sa Pilipinas ngunit ang interes naman pala'y panatilihin ang kanilang mga base military at kumita ng pera sa pamamagitan ng malalaking korporasyon sa bansa. At dahil tayo'y nabibighani sa mga pangako at hindi natin nakikita ang mga balatkayo, nagmimistula tayong mga bihag o kaya'y mga “taong bato.” Hindi tayo makaahon sa kahirapan at hindi rin tayo lubusang malaya hanggang sa kasalukuyan.

Malinaw, kung gayon, na kung paanong ang mga katangian ng mga bayani ng epiko ay mahalaga hanggang sa ngayon, ganoon din ang mga katunggali ng bayani. Sa pamamagitan ng pagtingin sa mga bayani at katunggali bilang mga “simbolo,” ang relasyon ng dalawa ay nagkakaroon ng bago ngunit makatotohanang interpretasyon. Ang bagong interpretasyong ito ang siyang nagpapatunay sa kabuluhan ng pag-aaral ng epiko hanggang sa kasalukuyan.

ANG PAG-IBIG NG BAYANI

Gayon pa man, hindi magiging kumpleto ang mga tauhan kapag hindi nabanggit ang pag-ibig ng bayani sa epiko.

Kung ating susuriing mabuti, makikitang nagtataglay ng iba't ibang katangian ang mga babaeng sinisinta ng mga bayani. Una, madalas ay ubod siya ng ganda. Maaaring mayroon pa siyang mga palamuting mga alahas tulad nina Ines Kannoyan ng epikongLam-ang o ni Bugan ng epikong Hudhud ni Aliguyon.

May mga pagkakataong tinutulungan at inililigtas ng bayani ang kanyang pag-ibig sa kapahamakan. Sa epikong Tuwaang , isinalaysay ng Binibini ng Kalangitan kung paano niya tinakasan ang Binata ng Pangumanon dahil nais siyang pakasalan nito. Ayon sa binibini, nagdala ng kapahamakan ang Binata sa kanyang bayan at sinunog ang bawat pook na pagtaguan niya.

Sa kalagitnaan ng kanyang pagkukwento ay dumating ang Binata at naghatid ng apoy at sigalot sa bayan ng Batooy. Dahil dito, nakipagtunggali sa kanya si Tuwaang. Pagkatapos magapi ang Binata, dinala ni Tuwaang ang Binibini sa kanyang bayang Kuaman.

Ang sitwasyon ng tagapagligtas at ng inililigtas ay hindi ganito sa lahat ng pagkakataon. Minsan, ang “sinta” ng bayani ang siyang nagliligtas sa kanya at hindi lamang naghihintay na iligtas siya ng bayani.

Halimbawa, nang matagpas ang ulo ni Bindian at gumulong ito sa mga kamay ni Bugan, nakiusap ito para sa kanyang buhay. Nangako si Bugan na ibabalik niya ang buhay ni Bindian kapag sinaksak siya nito ng patalim. Ginawa ito ni Bindian at nabuhay, ngunit namatay naman si Bugan.

Sa epiko naman ng mga Sulod ng Gitnang Panay, nabihag sa loob ng pitong taon si Humadapnen sa isang kweba. Ang nagligtas sa kanya ay ang nakabalatkayong si Nagmalitong Yawa na kanyang napangasawa sa pagwawakas ng kwento.

Kapansin-pansin din ang mahabang proseso na pinagdaraanan ng bayani upang mapangasawa ang kanyang sinisinta. Halimbawa, kailangang mapantayan ni Lam-ang ang mga ginto ng pamilya ni ines Kannoyan at maghatid ng mamahaling regalo para patunayan ang kanyang sarili. Sa Ullalim naman ng mga Kalinga, papayag lamang si Suyyaba na mapangasawa ni Banna ang kanyang anak na si Laggunawa kapag napatay na nito si Liddawa, ang kaaway ng mga mamamayan ng Magobya.

Kung ating lalagumin, may tatlong bagay na natukoy hinggil sa pag-ibig ng mga bayani. Una, madalas na maganda at kaakit-akit ang mga babaeng napupusuan. Kung ang susundan nating pananaw sa pagsusuri ay ang pananaw na ginamit natin sa pagtingin sa bayani at katunggali, maaaring ipagpalagay na ang “pag-ibig” ng bayani, ay “simbolo” rin. Samakatwid, ang “babaeng sinisinta” ay maaaring ano mang bagay na “maganda,” “kaakit-akit,” at ‘kapuri-puri” na maaaring hangarin ng bayani o “sino mang taong may dakilang mithiin sa buhay.”

Mahalaga ang papel nitong “babaeng sinisinta” o “bagay na hinahangad” sa kwento ng bayani. Dahil handang maglakbay at makipagtunggali ng bayani nang dahil sa kanya, nagiging masalimut at kapana-panabik ng daloy ng kuwento. Madalas, sa pagpapakasal sa babae, o kung ginagamit natin siya bilang simbolo, sa pagkamit ng “hinahangad” natatapos ang isang bahagi ng epiko.

Ikalawa, dumaraan sa mahaba at mahirap na proseso ang bayani bago niya tuluyang makamit ang kanyang pag-ibig. Kung susundan nating muli ang pananaw na ang pag-ibig ay simbolo, tunay namang hindi madaling makamit ang bagay na pinakahahangad ng mga bayani.

Kung isasakonteksto pa natin sa kasalukuyang panahon ang talakayan, mabubuo ang ganitong balangkas. Ang bayani ang Pilipinong nagmimithi ng kabutihan para sa kanyang bayan ? kalayaan, katarungan, kapayapaan a kasaganaan. Katunggali niya sa pagkakamit ng mithiing ito ang iba't ibang halimaw o pwersa na may sakim at pansariling interes ? pagyaman, kapangyarihan at iba pa. Gayon pa man, nagpapatuloy siya sa paghahangad sa isang bayang malaya. Handa siyang maglakbay at makipagtunggali para matupad ang hangaring ito gaano man katagal o ano mang hirap ang abutin niya.

Gayon pa man, hindi naman laging malakas, matapang at hindi nagagapi ang bayani o ang mamamayang may dakilang mithiin. Sa mga pagkakataong nagagapi siya ng kaaway o kaya'y pinanghihinaan ng loob, nagsisilbing tagapagligtas niya ang lakas ng loob na hatid ng kanyang pag-ibig sa bayan. Ito ang nagbibigay sa kanya ng tapang na harapin at pagwagian ang ano mang pagsubok. Ito rin ang ikatlong katangiang natukoy hinggil sa pag-ibig ng mga bayani. Mismong ang paghahangad ng bayani sa kalayaan ng bayan ang siyang nagpapalaya sa kanya sa pagkaalipin.

ANG MGA KAPANALIG NG BAYANI

Kung mahalaga ang pag-ibig sa buhay ng bayani, mahalaga rin ang kanyang mga kapanalig. Sila ang siyang tumutulong sa kanyang magapi ang kanyang mga katunggali.

Nang umabot hanggang tanghali ang pakikipaghamok nina Aliguyon at Dinoyagan, nakilahok na rin ang kanilang mga kasama. Sa epiko naman mula sa gitnang Panay, katulong ng bayaning si Labaw Donggon ang kanyang mga anak na sina Aso Mangga at Buyong Baranogan at ang kanyang mga kapatid na sina Buyong Humadapnen at Buyong Dumalapdap. Mga kaibigang espiritu naman ang tumulong kay Humadapnen nang muntik na siyang maipit ng mga bato. At nang mapagod sa labanan si Bantugan, tamang-tama namang ang pagdating ng kanyang mga anak na sina Alongan Pisunyanan, Daidaimairinindo, Watakaiabarat, Barobarosaragat, Ginaasanaorai, Misunaiasasabai at Monasumanpayongan.

Mahalagang bigyang diin na ang bayani ng ating mga epiko ay mga bayaning madalas ay hindi nakikipagtunggali at nagtatagumpay nang mag-isa. Sa ganitong paraan, binabasag natin ang paniniwalang iisang “bayani” ang natatanging tagapagligtas sa tuwing may suliraning hinaharap. Sa pamamagitan ng paglalarawan sa bayani ng epiko bilang mandirigmang kailangan pa rin ang tulong ng kanyang mga kapatid, anak at kapanalig, pinahahalagahan ng epiko ang kolektibong pagkilos at pakikipaghamok.

Ang ganitong pag-iisip ay higit na mahalaga sa kasalukuyan. Ang solusyon sa mga nabanggit na suliranin ng lipunan ay dapat tingnan na hindi lamang nakasalalay sa iisang bayani kundi sa pagkakaroon ng maraming bayani. Samakatwid, hindi lamang mahalaga ang pagkakaroon ng isang bayaning may dakilang mithiin na handang makipagtunggali kundi ang sama-samang pagkilos ng maraming bayaning kapwa may mga dakilang mithiin at handang makipagtunggali.

ANG BAYANI'Y DI NAMAMATAY 

Sa ano't ano man, laging may pag-asa sa epiko. Datnan man ng sakuna, magapi man ng kaaway, mapaslang man sa labanan, ang bayaning namatay ay muling nabubuhay.

Nang kainin si Lam-ang ng rarang, isang malaking isda, kinuha ng isang maninisid sa ilalim ng dagat ang kanyang mga buto. Pagkatapos nito'y inutusan ng tandang si Ines Kannoyan na takpan ang mga buto ni Lam-ang. Nang ikampay ng tandang ang kanyang mga pakpak, muling nabuhay si Lam-ang.

Nabanggit na rin kanina ang pagkakaligtas kay Bindian sa epiko ng mga Ibaloy. Nang matagpas ang ulo ng bayani, nakiusap siyang mabuhay, kung kaya't pumayag naman si Bugan sa isang kondisyon. Inutusan niya si Bindian na saksakin siya ng patalim. Nabuhay si Bindian at si Bugan ang siyang namatay.

Nakaburol na't ipinagluluksa si Bantugan, ang bayani sa epiko ng mga Maranaw, nang isigaw ni Mabaning, isang magiting na lalaki, ang katanungan ukol sa kinaroroonan ni Bantugan. May mahinang boses na sumagot mula sa isang boteng may tapon. Binuksan ito ng magigiting na lalaki, lumabas ang isang kaluluwa at muli ay nagbalik ang buhay kay Bantugan.

Pansinin na hindi naman basta na lamang nabubuhay ang mga bayani. Kailangan ang pagtutulungan ng tandang, ng maninisid at ni Ines Kannoyan bago tuluyang nabuhay si Lam-ang. Nag-alay ng kanyang buhay si Bugan para lamang huwag mamatay si Bindian. Kinailangang buksan ang boteng may tapon bago nabuhay si Bantugan.

Sa ibinigay na mga halimbawa, may tatlong bagay na nakapagbigay ng buhay sa bayani ng epiko: pagtutulungan at sama-samang pagkilos, pag-aalay ng buhay at paglaya.

Ano ang ibig sabihin nito? Kung susundan natin ang ginagamit na kontemporanyong pagbasa, at titingnan natin ang bayani bilang mamamayang Pilipino na may dakilang mithiin ng kalayaan, katarungan at kasaganaan at handang makipagtunggali para sa kanyang bayan, ganito ang ating magiging interpretasyon:

Ang bayani'y hindi namamatay pagkat ang ating bayani ay hindi iisang tao kundi maraming bayani na kumikilos bilang isa. Samakatwid, mayroon mang isang mabuwal sa labanan, marami ang papalit, at dahil dito, ay walang katapusan ang tunggalian.”

Ang bayani'y hindi namamatay pagkat laging may handang magbuwis ng buhay para sa iba. Hangga't may nagpapahalaga sa iba nang higit sa sarili, mananatiling malakas at hindi naigugupo ang pwersa ng mga lumalaban.

Ang bayani'y hindi namamatay hangga't buhay ang kaluluwa ng pakikibaka. Ito ang diwa, ang esensya, ang dahilan ng pakikipagtunggali. Hangga't naniniwala ang mga bayani ng ating bayan na sila ang nasa matwid, hindi sila mawawalan ng pag-asa.

ANG KWENTO'Y HINDI NATATAPOS

Nangangamba ang mga mag-aaral ng antropolohiya na balang araw, mangamamatay ang mangilang-ngilan na nakaaawit pa ng epiko sa mga komunidad ng mga katutubo. Baka daw dumating ang panahon na wala na ni isa man ang makaawit ng epiko. Maaaring hindi na muling marinig ang kwento ng pakikipagtunggali ng isang bayani sa mga kasalan, lamayan para sa patay at iba pang pagtitipon ng mga katutubo.

Totoo. Malaki ang posibilidad na mangyayari nga ito. Totoo ring nakapanghihinayang ito para sa lahat ng mga Pilipino. Gayon pa man, dapat nating isipin na ang epiko ay nalikha bilang isang anyong pampanitikan dahil na rin tinugunan nito ang pangangailangan ng mga komunidad bago pa dumating ang mga Kastila. Higit sa pagiging kwento lamang ng iisang bayani, ang epiko ay kwento ng buhay ng ating mga ninuno?ang kanilang paniniwala, ang kanilang katapangan at kagitingan, ang kanilang pang-araw-araw na buhay.

Sa pinakahuling epikong binasa ko sa aking pag-aaral at pagsusuri, ang Ulahingan , na sinaliksik ni Prop. Elena Maquiso sa Cotabato, nakita ko kung paano nagbabagu-bago ang bersyon ng epiko upang maisalaysay ang mga tunggaliang kinakaharap ng mga Livunganen-Arumanen.

Sa unang bahagi, isinasalaysay kung paanong kinailangang lumisan si Tabunaway at ang kanyang mga kasamahan sa Banobo pagkat nais silang gawing mga Muslim ng mga dayo. Sa bandang gitna naman, ang kwento'y kwento ni Kuyasu, ang lalaking pumatay sa sultan na pinipilit ang mga mamamayan na magbayad ng napakalaking buwis. Sa isa pang bahagi nakatuon ang istorya sa pagpapahirap na ginawa ng sultan sa mga bata at matanda na itinali niya upang mamatay sa ilalim ng init ng araw at ang pagtakas ng mga ito sa kabundukan.

Ang kwento ng dayuhang nagpipilit ng kagustuhan, ng hari na nangongolekta ng labis na buwis, ng pagpapahirap at paglikas ng mga tao para umiwas sa tirano ay kwentong hindi na bago. Kung tutuusin, hindi lamang ito kwento ng Ulahingan, kundi kwentong matatagpuan sa maraming akda, nobela, dula at iba pang panitikan na naglalarawan ng lipunang Pilipino. Kwento itong naririnig hanggang sa kasalukuyan.

Ito ang dahilan kung bakit ang epiko ay hindi maaaring mamatay. Maaaring balang araw ay matagpuan na lamang natin ang mga etnoepiko sa mga aklat o sa mga tinig na inirekord ng mga cassette, ngunit ang kwento ng bayaning may dakilang mithiin ay patuloy na isasalaysay hangga't may pangangailangan para sa mga bayani.

Binalikan ko ang mga etnoepiko ng aking bayan sa pag-aakalang may matututuhan ako tungkol sa aking mga ninuno, at sa buhay ng isang nagdaang panahon. Higit pa rito ang aking naunawaan. Ang kwento ng bayaning di namamatay ay kwento ng lahat ng Pilipinong nakibaka laban sa lahat ng dayuhan, maging ito man ay Kastila, Amerikano o Hapon. Kwento ito ng patuloy na pakikibaka para sa tunay at ganap na kalayaan. Kwento itong kailangang patuloy naming isalaysay upang mula rito ay humalaw kami ng tapang at lakas. Hangga't hindi natatapos ang aming paglalakbay tungo sa kasarinlan, may epikong aawitin tungkol sa bayaning hindi, hindi maaaring mamatay.

MGA SANGGUNIAN

Billet, Francisco at Francis Lambrecht. 1974. The Kalinga Ullalim . Lungsod Baguio: Igorot Culture Reseacrrch Studies.

Manuel, E. Arsenio. 1962. A Survey of Philippine Folk Epics . Lungsod Quezon: Unibersidad ng Pilipinas.

______________. 1958. The Maiden of the Buhong Sky . Lungsod Quezon:

______________. 1975. Tuwaang Attends a Wedding . Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press.

Maquiso, Elena. 1977. Ulahingan, An Epic of Southern Philippines . Dumaguete City : Silliman University .

Powered by Drupal