[Likhaan Exclusive] Pagtatagpo: Review ng Intersection (UP Repertory Company)

Fri, 11/18/2016 - 10:28 -- admin
Image: 

 

ni Vlad Gonzles

Sa disertasyon ni Dr. Alexander Cortez, inilarawan niya ang UP Repertory Company bilang isang anyo ng sosyo-pulitikal na teatro.  Isa itong kategorya ng dulaang malay at sensitibo sa mga namamayaning isyung panlipunan sa isang partikular na panahon, at naglalaan ng mga proyektong pangtanghalang pumapaksa at nag-iimbestiga sa mga nasabing isyu.  Sa gabay ng gurong si Behn Cervantes noong 1968, naitatag at nabuhay ang UP Repertory Company bilang isang campus-based organization na malay sa kakayahan ng teatro bilang espasyo ng pagtatagpo at pagtutunggali ng sining at realidad.  Sa ganitong tradisyon sumusunod ang proyektong Intersection, isang twinbill na pagtatanghal ng UP Repertory Company ngayong Nobyembre.

Sa dulang Streetlight Manifesto na isinulat ni Mixkaela Villalon, tinatangkang baklasin ang pagtingin sa ideya ng pagpaslang.  Ang pagpatay at pagkamatay sa mundo ng dula ay dahas na may magkakaibang antas ng moralidad at etika, depende sa mga institusyong nagpapaganap dito.  Saksi ang mga aandap-andap na ilaw ng police outpost, mga bodega at kalsada, sa distorsyon ng pananaw sa hustisya at kriminalidad.  Napapanahon ang mga sala-salabat na kuwento at tauhan sa dula, napapanahon dahil alingawngaw ito ng karamihan sa balitang napapanood ngayon sa tunay na buhay.  Halos propetiko ang panulat ni Villalon ngayong laganap ang diskusyon sa culture of lawlessness, war on drugs at extra-judicial killings.

Propetiko, bagaman minsan ay mapanghimasok.  Mapanghimasok sa puntong imbes na mapiga sa mga eksena at kilos ang mga tunggalian sa dula, sa mahahabang nangangaral na monologo naisasalin ang mga sentimiyento.  O baka ito ang nakikitang pangangailangan ng organisasyon para sa pagmulat ng mga tagapanood?  Baka nga namamanhid na ang sambayanan sa mga patay na katawang itinatambak sa media.  Baka kailangan na ngang idukdok sa mga manonood ang adbokasiya.  Maaari.  Maaari ring kaso ng pagpipino sa ilang mga elemento ng pagsasaentablado, o pagpapaubaya at pagtitiwala sa kakayahan ng manonood na makaunawa kahit na may pagtitimpi sa mga nais sabihin ang teksto.

At sa usapin ng pagpapaubaya, mas may pagpapaubaya bagaman hindi nagpabaya ang ikalawang dulang Eskinita, na hinalaw ng organisasyon mula sa maikling kwento ni Elyrah Loyola Salanga.  May himig ng pagpapatawa ang dula, malayo sa galit at seryosong tono ng Streetlight Manifesto.  Sa pagpapatawa umusbong ang panlilibak ng Eskinita sa mga puwersang naniniksik sa mga tauhang siksik na siksik na.  Ang mga manikurista, manininda’t mga tambay, silang mga halos wala nang puwang sa mundo ay inaagawan pa ng kanilang maliliit na espasyo ng pag-iral.  Sa mundo ng mga nasasagilid, kahit ang mamatay at mailibing ay bawal.  Ang resulta, iniisip nilang mga nasa laylayan na ang kaaway ay ang bawat isa, ang hinagpis ay nagiging katatawanan, at ang seryosong mga bagay—o ang mga tauhan at taong dapat nating seryosohin—sila ang nagiging malaking joke. 

Alam ng mga nagsiganap sa Eskinita ang ganitong realidad, kaya naman mas lumulutang ang sinseridad at pagkakasundo ng teksto at pagsasaentablado sa bahaging ito ng Intersection.  May gaan sa pagtatanghal, hindi namimilit o nanunumbat.  Pero sa pagtatapos ng dula, malinaw kung sino ang mga biktima, lalong malinaw kung sino ang tunay na kalaban. 

Gaya ng pagsugal ng organisasyon sa pagtatawid sa paksa ng Streetlight Manifesto, naging sugal din ang pagsusulat ng panibagong dula mula sa anyo ng maikling kuwento.  Sa pangkalahatan, naging mabunga ang pagsugal sa adaptasyon, lalo’t nakakatulong ito sa paglinang sa mga kasapi ng grupo hindi lamang bilang mga aktor kundi manunulat din ng kanilang sariling mga dula.

May pagtatanghal pa ang Intersection ngayong 18-19 Nobyembre 2016.

Exclusive Content: 
No
Powered by Drupal