Mula sa Tradisyon Tungo sa Kongregasyon: Si Teo S. Baylen Bilang Relihiyosong Makata

Mula sa Tradisyon Tungo sa Kongregasyon: Si Teo S. Baylen Bilang Relihiyosong Makata
ni Jimmuel C. Naval

Folk tradition influenced Teo S. Baylen’s poetry.  A prominent lyric poet of the 20th century, Baylen projects his subjects in a strictly conventional manner.  He is a poet always with a gospel to preach thus religion has been the consistent tone of his verses.

The imagery of folk tradition particularly folk poetry has its influence apparent in TSB’s works.  He always believed that God will eventually save humanity from evils of science and man’s irreverence.  The aphoristic style, a heritage from Balagtas contained in folk traditions of proverbs and riddles, distinguishes the poetry of this great poet laureate of Cavite.

 

INTRODUKSYON

Nang unang dumating ang Amerikanong Protestanteng ebanghelista na si Rev. William “Billy” Graham sa Pilipinas noong 1962, nagpahayag siya ng pagkabahala sa lumalalang pagtiwalag ng mga tao sa Diyos sa unti-unting pagkalagot ng personal na relasyon ng tao sa kanyang lumikha.  Ang pananaig ng makabagong agham at kaisipang komunista ang tinutukoy niyang mga Cain sa pagkabigo ng tao sa pakikipag-isa kay Kristo.  Libu-libong mananampalatayang Filipino ang dumalo sa pambansang pangangaral na ito ni Rev. Graham na ginanap sa Luneta at kabilang sa mga ito ay ang pamilya ni Teo S. Baylen ng Cavite City.

Kilala na noon si TSB bilang makata sa mga pahina ng Liwayway, Sampaguita, Ilang-Ilang, Paru-paro, Bulaklak, at kahit sa mga aklat pampanitikan sa mataas na paaralan; subalit mas kilala siya bilang pastor at matapat na lingkod ng Diyos sa kanyang kongregasyon.  Ipinagkaloob niya ang buhay kay Kristo para gamitin sa pamamahagi ng mabuting balita noong bago pa magkadigma, at isinumpa niya kahit sa pagtula na maglilingkod sa Diyos hanggang sa bawiing muli ang ipinahiram na buhay.  Para sa kanya, ang buhay ay dapat ilaan tungo sa pagkilala kay Kristo sa iba.  Ito lamang ang landas para ang buhay ay mabago at di mauwi sa walang pag-asa:

 Noon ako’y patay at walang pag-asa
Ang aking kahapo'y libingang yari na
Ako, sa kabaong ng pagkakasala
Ay tinatangisan ng Inang may dusa

Nguni, isang araw ay nakatagpo ko
Ang isang Lalaking dala'y Ebanghelyo
"Binata" aniya; "tanggapin si Kristo
na pangako'y buhay" - Buhay na nabago.

Ang problema ni TSB ay kung papaano mapapagsabay ang dalawang tungkuling parehong may pitak sa kanyang puso at kaluluwa na di magbubunga ng pag-iimbot sa isa’t isa.  Totoong may kahirapang maglingkod sa dalawang Panginoon at ito’y batid niya.  Subalit ang nais ng makata ay pagsabayin ang dalawa sa puntong nagpapatatag ang una (paglilingkod sa Diyos) na di naman nangangahulugan ng di pagbibigay ng halaga sa pangalawa (pagiging makata).

Sinagot niya ang suliranin sa pamamagitan ng paglalathala ng aklat na Tinig ng Darating (1963).  Sa aklat na ito ng mga tula, matinding naging instrumento ni TSB ang kanyang mga berso sa pagpapatingkad ng kanyang paniniwalang Kristiyano.

Nangangaral sa madaling sabi ang mga tula ni TSB sa una niyang aklat.  Mapupulutan ito ng mga payo na dapat landasin ng sinumang nananalig sa Diyos.  Ang tula ay tahasang tumutuligsa sa makamundong gawain ng tao at naghahasik ng patnubay na para sa isang marangal at kaaya-ayang pamumuhay.  Bagama’t marami ring makata ang lumikha ng tula na hawig sa estilo at pahayag ng makatang Caviteño noong unang hati ng dekada 60, naiiba ang kapangyarihan ng tinig sa taludtod ni TSB.  Waring ang paglalangkap ng kanyang bisyong Kristiyano at ng kanya mismong buhay bilang debotong lingkod ng Diyos ay siya ring bukal ng pambihirang katapatan ng kanyang tinig sa tula at kaban ng karanasang nagpapabulas ng kanyang talinghaga.

Sa pagtawag sa kanya bilang isang relihiyosong makata naimpluwensiyahan ang mananaliksik na ito ng dalawang pangunahing punto.  Una, ang nilalaman ng pamamaraang namayani at ikinabukod ng apat niyang aklat ng tula.  Ikalawa, ang pagiging lider-Kristiyano niya sa Kongregasyong inaniban mula panahon ng kabataan hanggang sa pumanaw sa gulang na 86 noong 1990.

Ang pag-aaral na ito ay bahagi ng malawak na pagtalakay sa panulaan ni TSB bilang pagpapatunay na siya ay isang relihiyoso.  Bagamat sa seryeng ito, nais tutukan ng mananaliksik ang pag-aaral sa mga tulang relihiyoso sa paraang iniuugnay sa tradisyon ng pagtulang nakahumalingan ng makata, sa kanyang buhay at paniniwala, at sa mga pangyayari sa kanyang panahon at lipunang hinubog sa nilalaman ng kanyang tula.  Tutukuyin din dito ang tunguhin at sangkap ng panulang-bayan at ng namamayaning pagtula sa panahon ng Espanyol, lalo na sa huwarang akda ni Balagtas na naging salalayan ng maraming tula ni TSB.

 

MGA TINIG NG KAHAPON

Isang gabi bago ang huling lamay kay TSB nang marinig ang kuwentong nakapaglilinaw sa dagdag na katangian ng makata bukod sa pagiging relihiyoso.  Ang kuwento ay pinaghatian ng magkapatid na Aliw at Timoteo sa pagsasalaysay:

Kuwento lamang ito ni Nana (Lola Akang) at hindi naming nakita bagama’t mariin ding sinusugan ng mga taong laging nakakasaksi sa ginagawa ni Nani.  Bata pa kami noon, siguro pagkatapos ng giyera.  Ang sabi’y marami raw nalikhang tula ang Tatay na malimit niyang kinakabisa at tinutula sa tabing dagat habang namimingwit.  Sabi pa nga ng Nana mas nauuna pa raw marinig ng alon, talaba at ng mga bato sa dalampasigan ang tula.  Siguro nga bago pa sulatin ito ay matagal nang tapos sa isipan ng Nani.

Ang isa pang nakakatawang kuwento ng Nana at iba pa naming kapitbahay na mangingisda ay ang ugali ng Tatay na tulaan ang malalaking bato sa Dalahican.  Nang minsang tumula raw ang Tatay ng isang mahabang tula, hindi niya alam na may nangangapa ng alimasag at nananakag ng hipon sa likod ng malaking batong kanyang tinutulaan.  Kaya nang matapos ang pagtula, palakpakan at hiyawan ang mga taong nakapakinig sa likod ng bato.  Malimit gawin ng Tatay ang ganoong gawi.  Minsan kahit hindi siya namimingwit, tutungo sa pinakamataas na bato, doon uupo at magsusulat ng tula o diretsong bibigkas ng tula.  Sabi naman ng Nana nananalangin lamang ang Nani.1 

Tipikal na salaysay ito tungkol sa paghahanap ng makata ng isang tahimik na lugar upang lumikha ng tula.  Subalit ang gawi ni TSB na sa malaki at pinakamataas na bato sa tabing dagat nililikha ang tula ay maaaring magbigay ng paliwanag sa dalawang bagay.

Una, ang "pakikipag-usap" ng makata sa malaking bato, alon, takipsilim o bukang-liwayway habang isinasaulo ang mga di pa nasusulat na tula ay isang patunay na malaki ang impluwensiya ng tradisyong oral sa katauhan ni TSB bilang makata.  Likha at salimbibig ang mga sinaunang bugtong, salawikain at kuwentong bayan na buhay pa hanggang sa kasalukuyan.2  Sa pagtatanong ng ilang mangingisdang nakasaksi, ayon kay Aliw, “Bakit kinakausap ng matanda ang bato, pader, at dagat,” ang ugali ni TSB ay bahagi ng kanyang pagbuhay sa matanda’t popular na tradisyon sa panulaan.

Pangalawa, ang gawain niyang iyon ay maaaring dulot ng regular na pagbabasa ng Banal na Kasulatan. Napakaraming eksenang kawangis ng kay TSB ang matutunghayan sa Bibliya sa tuwing lumilikha ng tula o mananalangin kaya.  Idagdag pa ang pagiging pamilyar ng makata sa pagdarasal ni Hesus, halimbawa’y sa hardin ng Hetsemani, na malamang na isa sa maraming tumimo sa isip ng makata kung kaya malimit tunguhin ang ibabaw ng malaking bato sa pampang.

Subalit hindi lamang ang panalangin ni Hesus kundi ang pagsesermon sa bundok (Mateo 5-7), ang pagtanggap ni Moises ng Sampung Utos sa Bundok ng Sinai (Exodo 24), at ang paglikha ng mga salmo ni Haring David (Mga Awit 70-73) ang maaaring nakaimpluwensiya kay TSB.  Dito rin marahil papasok ang puntong marami sa mga tulang kanyang nalikha ay kawangis ng isang panawagan, tulad ng “Mula Sa Isang Kubo”:

Diyos, loobin Mong ang palad ko’t bisig
Ay maging lipakin sa linang ng bukod
Nang upang mabuhay na walang ligalig
Kami, na sa Iyo ay may pananalig.

Ilayo Mo ako sa mga alitan,
Mahigang kasiping ay katahimikan;
Matulog na walang banta't agam-agam
At walang patalim na kipkip sa unan!

Liwanagan Mo po ang hungkag kong diwa
Nang di pamugaran ng imbing akala;
Totoo't sa buti ang puso't nasa,
Nguni, ang katawa'y marupok na lupa.

Kung magkagayo'y dalawang bagay ang malinaw na nakaimpluwensya sa panulaan ng makatang Caviteño.  Ang mga ito ay may mga tinig na maririnig kung sisiyasatin ang estilo at nilalaman ng mga tula ng makata.  Una, ang katutubong panulaang-bayan na naging salalayan ng maraming tula ni TSB.  Pangalawa, ang pagtulang misyonero na malapit sa nilalaman at himig ng kanyang tula.4  Bilang makatang tradisyonal at relihiyoso, dalubhasang ginamit ni TSB ang dalawang naturang daloy at naging saligan ng lakas at katangian ng kanyang pagtula.

Halimbawa, sang-ayon sa pagsusuri ng mga Balagtasista,5 apat ang sangkap ng tradisyonal na tula:  tugma, sukat, talinghaga, at kariktan o kasiningan.  Mababasa ito sa panayam at sanaysay hinggil sa tula nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaceda, at Iñigo Ed. Regalado.  Sa kanila, ang mga elementong ito ng tula ay likas sa panulaang tagalog at siyang ikinatangi nito mula pa noong bago dumating ang mga Espanyol.

Sa simula't simula pa nga ay tahasang masasabi na ang tulang tagalog ay may sinunod na mga panuto (regal).  Kung noong una'y hindi nakasulat ang mga panutong ito ay maliwanag namang nakapaloob sa lahat ng mahuhusay at mga tunay na tula.  Siyang tinalunton at pinagbatayan ng mga batikan at pihikang manunula.6

Sa kaso ni TSB, hindi maipagkakamaling isa siya sa naging masugid na tagasunod at tagapagtanggol ng nabanggit na mga sangkap ng tradisyonal na pagtula.

 

ANG SUKAT AT TUGMA NG HARAYA

Marami nang pag-aaral ang nagpapatunay o nagpapalagay na ang tulang may sukat at tugma ay bahagi ng sinaunang mga tula at hindi nasira kundi napatatag pa noong panahon ng Espanyol.  May mga pag-aaral na hinggil dito na lumabas noong panahon ng Espanyol.7

Maaaring ipalagay na ang mga naunang pag-aaral sa panulaan ang nakatulong sa pormalisasyon ng sukat at tugma sa tulang Tagalog.  Ngunit ang mas naging malakas na impluwensiya ay ang panayam ni Jose Rizal sa harap ng Sociedad Etnografia de Berlin noong Abril 1887.8  Anupa’t ginamit ng mga makatang Tagalog sa pagpapalit ng siglo ang mga pag-aaral na ito, lalo na ang kay Rizal, bilang kalasag para sa tradisyonal na tula.

Ang pagiging isang awtoridad ni Rizal ay hindi matatawaran.  Ang malayang taludturan ay hindi nakilala sa ating panulaan at dahil diya’y hindi maaaring sabihin na yao’y isang katangiang katutubo.  Alinsunod kay Rizal ay wala tayong malayang taludturan palibhasa’y magaan at pangkaraniwan ang palatugmaang Tagalog na nasasalig lamang sa pagkamagkakasing tunog ng mga huling pantig ng bawat taludtod na di gaya ng sa Kastila at Ingles na lubhang masalimuot at masagwil.

Ang sukat at tugma ay tiningnan bilang sangkap na hindi maaaring ihiwalay sa tula.

Sa Tagalog, ayon sa panuntunang ipinamana ng kinagisnang pamamaraan magpakaganda-ganda man kung walang sukat ni tugma ay hindi maaaring ibilang na tula.  Maaaring kilalaning tuluyang may tula, ngunit kailanman ay hindi tunay na tula.

Bunga ng ganitong pananalig, ang mga unang makatang Balagtasista ay naging lubhang abala sa pagsusukat at pagtutugma.  Naging palaaral ng wika ang mga ito para masustenihan ang hilig sa paghabi ng tugma at sukat.

Dalawa lamang ang antas ng tulang Tagalog sang-ayon sa tradisyonal na gamit.  Ito ang tinatawag ngayong tugmang karaniwan at tugmang tuldikan.11  Nang magtangka si Iñigo Ed. Regalado na magsaliksik pa sa tugmaan, idinagdag niya bilang pinakamataas ang tugmang wagas o dalisay.  Narito ang paliwanag niya sa tatlong uri ng tugma:

 tugmang karaniwan (sintunugan ng huling pantig ng dulong salita ng bawa’t taludtod), tugmang tuldikan (magkakaisa ang bagsak at taglay na tuldik), at tugmang dalisay (na ang huling pantig at ang sinusundang patinig sa dulong salita ng bawat taludtod ay nasusulat sa iisang baybay lamang), katulad ng rima perfecta sa tulang Kastila at perfect rhyme sa tulang Ingles.12

Isa si TSB sa mga nasabuyan ng tugmang karaniwan na malimit ginagamit ng mga Balagtasista bago sumulpot ang iba pang tugmaan sa pagpasok ng ika-20 siglo.  Sa unang tula ni TSB na nalathala sa Sampagita noong 1931, makikitang magkauri ang tunog ng pandulong pantig sa dalawa o mahigit pang taludtod:

 

Daloy na nang manaw sa tirahang bundok
ay sa kaliman ng lupa naglagos;
Sa pusod ng bangin at mga bulaos
doon nananalaytay't lihim na umagos;
nang datnin ang baya'y saka pumulanggos
sa puno ng isang manggang nilulumot!13

Narito naman ang halimbawa ng saknong ni TSB na gumagamit ng tugmang tuldikan:

Ang ilog na iyan sa mula pa't mula
Mabilis ang agos, malalim na lubha
Sa pangpang daw niyan ay may isang dampa
Na bahay ng isang marikit na mutya.14

Kung mahirap gumawa ng saknong na may tugmang tuldikan ay lalong mahirap lumikha ng isang mahabang tula.  Sa ganitong estilo, tiyak na lilitaw ang makatang may malawak na bokabularyo sa paglikha ng tulang iisang uri ang tunog at pawang iisa ang tuldik ng salitang pantugma.  Si TSB ay isa sa makatang nakasustento sa gayong panukala:

Kung ako ay bigo at hindi natuto

Sa naiwang aral ng maraming siglo,

Kung di ko nakamtan sa mga likha ko

Ang saganang buhay at payapang dako.

Kung ang kabihasnang ito ay patungo

Sa daang madugo na ang apoy ay dulo,

Kung ito ang bunga ng laboratoryo

At ng aking kristal na subukang-tubo,

Bayaang magbalik ako sa araro

Na pinanggalingan ng payak na tao,

Ang paniniwala ay muling dadako

Sa tinalikurang sinag sa kalbaryo-

Ako ay babalik na yuko ang ulo

Sa aking iniwang dambana sa kubo!15

Samantala pinakamahirap sundin ang tugmang dalisay.  Hinihingi ng antas ng tugmang ito na magkatugma hindi lamang ang tunog at tuldik sa huling pantig sa taludturan.  Kinakailangan ding magkauri ang patinig ng mga pantig bago ang huling pantig ng mga pandulong salita.  Sa tropa ng mga Balagtasista, isa si Regalado sa mga masugid na nakasusunod sa kanya mismong ipinanukala.  Maging si TSB na umaming isa si Regalado sa mga makatang kanyang itinatangi dahil sa kasiningan ng berso nito ay hindi rin ganap na nakasunod sa bakas ng tugmaang dalisay.  Dalawa lamang saknong ni TSB na mula sa magkaiba pang tula ang sumusunod sa tugmaang wagas ni Regalado:

Pinigtal ng hangin ngayong dapit-hapon
Ang isa sa dilaw na dalawang dahon
Tatanaw-tanaw ka habang yumayaon
Sa kanyang liwanag kasamang malaon.16

Kasukalan itong bangis na naggala
Ang masibang nais ng ganid na nasa
Ang laya'y tanawin at ginagahasa
Nang Isang Malupit-na-Paniniwala.17

Kung pag-uusapan naman ang kailanan ng tugma, lahat na yata ng uri nito ay matatagpuan sa panulaan ni TSB.  Nariyan ang dalawang taludtod na may tugmang isahan na hawig sa bugtong o salawikain:

Lulan ng sinag ko na karosang bubog
Ang Kapayapaang sa Lupa'y nanaog.18

Ang tatlong taludtod:

Imnong iyan ay lagablag ng himagsik
Na sa diwang-inalipi'y nagbabalik
Nang ang layaing nakanya na’y ginigipit.19

O ang karaniwang may aapating taludtod:

Magmula sa apat na panig ng mundo
Sa iisang mithi ay nagsama kayo;
Ang magkakaibang pananalig ninyo
At kulay ng balat ay hindi inino.20

Mayroon ding lilimahin at aaniming saknong na gumagamit ng tugmang isahan si TSB.  Subalit ang isa sa dapat bigyang-pansin na magpapatatag sa panukalang gagap ng makata ang kanyang wika ay ang 24 na taludturang may isahang tugma:

Natanaw sa ulap ang iyong kariktan
Na nakabalantok sa may habagatan;
At. ipinagpag ka sa tuyong damuhan
Ng pakpak ng hanging nagmula kung saan
Nang ikaw'y malaglag ay batong kuminang
Sa dahong malukong na kinasampiran;
Pagpatak sa lupa'y iyong binulungan
Ang butong nahimbing sa katasang tigang;
O, ikaw ay basbas ng katalagahan
Sa nananalanging bukid na tiwangwang!
Nguni't nang lumaon. ikaw'y karahasang
Naipon sa lupa hanggang manligamgam;
Nilabnot ng iyong dumagsang kalakhan
Ang buhay na iyong ginising sa linang;
Sa kabaliwan mo'y buong kalunsuran
Ang naiwang guho, giba't kawasakan!
Nakukutya akong sisihi't sumbatan
Ang kagandahan mong naging kalupitan;
Pagkat sa simula ako rin ay ganyang
Sa isang magandang layuni'y linalang;
Ngayo'y ano ako?  Lumakas na angkan!
Bahang nagbabanta ng kapahamakan!
Bukas-makalawa, itong santinakpan,
Kabaliwan ko'y. (nawa'y may humadlang!)21

Gayunman, may pagtatangka ring humiwalay at gumamit ng iba bukod sa kinagawiang isahang tugma sa loob ng isang saknong ang makatang Caviteño.  Halimbawa, gumamit si TSB ng tugmang sunuran ― sa isang aapating taludtod, unang dalawang taludtod lamang ang magkasintunog at iba sa huling dalawa (aabb):

A, iyan ang anyo ng lagim
Na sa santinakpa'y darating
O uod na galling alabok
Ito ba'y hamon sa Diyos?22

Bawat hukay, bawat libing
Ay isa lang pintong bukas
Na patungo sa lupaing
Maligaya't walang wakas.23

Gayunman wala siya ni isang tugmang iniipitan (abba).  Ipinagpapalagay na ang paghiwalay ng ilang makata sa nakababagot na tunog sa tugmang isahan sa isang saknong na namalasak noong panahon ng Espanyol ay isang senyas ng pagiging moderno at mapag-eksperimental ng isang makata.  Maaari ring ang gayong estilo ay isang tanda at pahiwatig ng pagpapakilala ng isang bagong pahayag.  Subalit sa kaso ni TSB, ang panandaliang pag-eeksperimento sa kailanan ng tugma (sa paggamit ng tugmang sunuran at salitan) ay walang ibang layunin kundi ipakita na kaya rin niyang lumikha ng ibang tugmaan.

Noong magsimulang magsulat si TSB ng tula, tugmang isahan na kaagad ang makikita sa kanyang saknungan.  Nagpatuloy ito hanggang sa mahigit walumpung porsiyento ng kanyang tulang nasulat at nalathala.  Tanging sa ikalawang koleksiyon ng tula (Pinsel at Pamansing) lamang makikita ang tugmang salitan at sunuran.  Subalit nang nagkauban si TSB ay nagbalik ito sa pinagmulang tugmang isahan sa bawat saknong:

Ang Saligambatas ay plasmang babago
Sa dugo, sa ugat ng lumpong lahi mo;
Pulitika'y isang matandang bampiro
Na ang lilipara'y mabungong disyerto.24

Konserbatibo si TSB kahit sa eksperimental na tugmaan.  Bakit halimbawa hindi siya gumamit ng tugmang iniipitan?  Dahil sa tugmang ito ay maaaring masira ang daloy ng tula at di kaagad maunawaan ng kanyang tagapakinig (dahil binabasa ang tula sa kongregasyon) at mambabasa ang mensaheng nais iparating sa pamamagitan ng tula.  Mas madaling maunawaan ng sinumang babasa o makikinig ng isang tula kung magkakauri ang tunog sa huling pantig ng bawat taludtod.

Sa usapin ng sukat, mapapansing may malaking kinalaman ang sukat ng mga tulang lumaganap at naging popular noong panahon ng Espanyol sa malimit gamiting sukat sa kasalukuyang siglo.  Dalawa ang pangkalahatang uri ng sukat:  sukat na pares (pares ang bilang ng pantig sa taludtod) at sukat na gansal (gansal ang bilang ng pantig sa taludtod).  Sa dalawang natatanging sukat na ito, mas naging gamitin ng mga makatang Pilipino ang sukat na pares sanhi ng pamamalasak ng korido at pasyon na may sukat na wawaluhin at ng awit na may sukat namang lalabindalawahin noong panahon ng Espanyol hanggang sa bungad ng ika-20 siglo.

Sa panulaan ni TSB makikita ang iba’t ibang sukat ng pares.  May aanimin, wawaluhin, sasampuin, lalabindalawahin, lalabing-apatin, lalabing-animin, at ang pinakamahaba ay ang lalabingwaluhin.  Subalit mapapansing mas ginagamit niya ang sukat na lalabindalawahin na nakapaloob sa saknong na may apat na taludtod.  Mahigit limampung porsiyento ng kanyang mga tula ay may sukat na ganito.  Isang matatag na patunay na ballot ng haraya ng awit ni Balagtas ang makata:

Ikaw ay pamanang sintanda ng mundo
Na nananalaytay sa ugat kong ito
Mahal ka sa akin pagkat na sa iyo
Ang susi sa pinto ng kasakdalan ko.25

Kakikitaan rin ng mga tulang may sukat na gansal si TSB, subalit napakaliit nito kung ikukumpara sa sukat na pares.  Kahima’t sinasabi sa mga naunang pag-aaral sa panulaang Tagalog na ang sukat na gansal ang mas may katutubong ugat sa panitikang Filipino, tulad ng tanaga, ambahan, at iba pang anyo ng tulang bayan noon, di gaanong nakaimpluwensiya sa panulaan ni TSB ang ganitong sukat.  Ang totoo, limang tula lamang ng makata ang nagtataglay ng sukat na gansal.  Ito ay ang mga tulang “Makulay,”  “Ang Hukom,” “Paninilo ng Kabayong May Pakpak,” “Nangaaanod na Pangara,” at “Mulat Ka sa Kulungan.”

Tulad sa kaso ng kailanan ng tugma, isahan ding lagi ang kailanan ng tradisyonal na sukat.  Tapat si TSB sa ganitong uri ng sukat.  Gayunman, tulad ng mga modelong Balagtasista, gumawa din siya ng mga tulang may eksperimental na sukat.  May mangilan-ngilang tula ang makata na may sukat ng dalawahan na sunuran:  6/6/12/12/12 (“Agos na Iisang Kulay”), sukat na iniipitan: 12/8/8/8/12 (“May Bagong Edisyon”), at sukat na salitan:  8/12/8/12/8/12/8/12 (“Tatak ng Lahi”).

Sa kabilang dako, may mga pagkakataong nag-eeksperimento rin si TSB na tila isang bagong dugong modernista.  Sa tulang “In Hoc Signo Vinces” mapapansing pinagsama ng makata ang sukat na gansal at pares:

Naglunsad ng kanyang layunin
ang isa sa matandang ismo.
At noo'y dumanak ang dugo
ng isang dantaong pagano.

Nawasak
ang pusong batisan
ng dipang sagisag!  Sa gayon

Nabuksan
ang isang santuwaryo
na lahat ng ibig paampon.26

Binubuo ng labindalawang tercet ng tula at may salitan ito na maaaring markahan ng ganito:  3/6/9, 3/6/9, 3/6/9, 3/6/9.  Mapapansing ang taludtod na magkakasin-tunog ay yaon lamang ikatlo ng bawat saknong.  Sa bisa ng ganitong eksperimento ni TSB, hindi lamang ang sukat at tugma ang may pabago-bagong anyo sa tula.  Pati ang himig na tila papataas ay may progresong tulad ng kanyang sukat (3/6/9) na kung susurii’y tumutugma sa pangunahing katangian ng panulaan ng makata.

 

MGA ARAL NG NAKARAAN

Sa ilang mga pag-aaral na lumitaw noon at ngayon hinggil sa panulaang Tagalog, laging itinuturing ang talinghaga bilang pinakamahalagang salik ng tula.  Ito rin ang pinakatampok sa katangian ng tula.  Ayon sa panayam ni Iñigo Ed. Regalado,27 ang talinghaga ay ang "nakapagtatakang sinabi" ng makata.

Sa mga naunang makatang-bayan, ang paghabi ng tula ay di lamang pagpapahayag ng diwa o ng damdamin.  Ito ay isang paglalahad ng karanasan upang pagtularan ng nais ihayag sa saknungan.  Upang ganap pang maunawaan ng nakikinig ang nais ihayag, malimit itong ikumpara sa bagay lalo na yaong alam o napagdaanan ng lahat.  Sa bias ng ganitong sistema, madaling malalaman ng sinuman ang talinghaga na nais ihatid ng makata.  Ang ganitong halimbawa ay maaaring makita sa matatandang bugtong at salawikain na malimit umuugit sa talakay ng mga karanasang pangmadla.

Sa panulaan ni TSB, malinaw ang epekto ng katutubong pananalinghaga, lalo na yaong nagpapakita ng analohiya ng karanasan ng tao at ilang aspekto ng kapaligiran.  Higit pa, malimit niyang gamitin ang sariling karanasan na inangkat sa obhetibong realidad sa lipunan, gaya ng mga bagay-bagay na pangkalikasan, kasama ang mga gawaing batid ng lahat.  Nasa talas ng kanyang pagmamasid, lawak ng kaalaman sa buhay, at kakayahang mapag-ugnay-ugnay ang lahat ang bisa at kapangyarihan ng talinghaga na nabubuo sa loob ng taludtod.

Halimbawa sa tulang "Parang Buto ng Lansones," inilarawan ni TSB ang isang bagay sa pamamagitan ng pagkukumpara sa isang bagay na maaaring batid ng lahat:

Ang pag-ibig ko sa iyo
ay lansones na malasa
Ganyan din ang pagsinta mong
may lamukot na ligaya.

Ngunit ang suyuang iyan
kapag naging paglililo
Parang buto ng lansones
sa sinumpang paraiso!28

Tinutukoy ni TSB ang pag-ibig niya sa isang dilag na parang “lansones na malasa.”  Ibig sabihi’y hinog ito at natural na matamis.  Banggitin pa ang salitang “lamukot” na nagdagdag paliwanag na ubod nang tamis ang pagsinta.  Gay yundin sa pangalawang saknong, inihayag ng makata na maaaring pumait ang suyuan kung nagkaroon ng paglililo tulad ng buto ng lansones.  Dinagdagan pa ang kapait nang banggitin ang isinumpang paraiso.

Sa pagpapalawig pa, sa loob ng isang tula, ang talinghaga ang mismong larawan ng kamalayan ng makata.  Isinisiwalat nito ang kilos at lakas ng isip samantalang ginagagad ang isang karanasan.  Inilalarawan nito ang nakaraan, paniniwala, at iba pang makabuluhang bagay at pangyayaring kinasangkapan ng makata sa pagsusuri ng kanyang karanasan sa lipunan.  Sa biglang sabi, ang talinghaga ay maaaring isang patotoo sa isang karanasan at paniniwala ng makata na ipinamamalay sa mambabasa upang kapulutan ng mapangaral na pahayag.

Halimbawa, sa tulang "Ang Bukal" inilarawa't pinahalagahan ni TSB ang bukal batay sa sariling karanasan at paniniwala:

ay isang Engkantadang gubat
na nagpapaulan ng kristal na basag
Oh, Bukal, isa kang kuhanan ng hiyas
sa "obra maestra" ng dakilang Pantas.29

Batay sa karanasan sa nayong nasa tabing ilog ang obhetibong realidad na pinag-angkatan ng makata sa imahen na nakalarawan sa unang dalawang taludtod.  Gayundin sa ikatlo at ikaapat na linya, mahihinuhang pamilyar sa mga kuwentong bayan ang may akda.  Samantalang sa huling dalawa, malinaw na ang paniniwalang Kristiyano ang naging salalayan ng makatang Caviteño sa matalinghagang pahayag.

Ang paggamit ng talinghagang nag-uugnay sa mga karanasan, pangyayari, pangyayari, at bagay-bagay na alam ng taumbayan ay isang katangian ng mga bugtong, salawikain, at ibang tulang-bayan.  Tiyakang bihasa si TSB sa gawaing ito at isang magandang katangian ng kanyang pagtula.  Halimbawa, narito ang isang saknong niyang mala-bugtong:

Bawat hukay, bawat libing
Ay isa lang pintong bukas
Na patungo sa lupaing
Maligaya't walang wakas.30

Bagama't walang pinahuhulaan sa tulang "Bawat Hukay" si TSB, malinaw naman itong naglalarawan ng dalawang imaheng maaaring makatulong sa mambabasa o tagapakinig kung ano ang imaheng ibig ilarawan ng tula.

Narito naman ang isang saknong na malinaw na hango sa isang popular na salawikain at may bisang katulad ng salawikain:

Ang sahig ng dampang ito'y kahirapan
Subalit may bubong na katahimikan
Mapalad ta giliw, Dami ng mayamang
May mga gusali ay walang tahanan.31

Samantala, isa pang sangay ng katutubong tradisyon na malimit itanghal sa mga tula ng makata ay ang kuwentong-bayan.  Maraming tula si TSB na kakikitaan hindi lamang ng paksa kundi ng aral ng istoryang pambayan, gaya sa “Ang Hiling ng Aso,” “Ang Kabibe,” “Sampung Hayop,” “Larawan ng mga Bansa,” “Ang Dalag at ang Tapon,” “Mga Tulang Hindi Nakasulat,” at “Kilyawan.”

Isa sa mga pangunahing halimbawa na nagtataglay ng mensaheng malimit nakikita sa mga kuwentong-bayan ang tulang “Mga Tulang Di Nakasulat:”

Napapakinggan ko ang magkasing-ibon
Na nagbubulungan sa likod ng dahon:
Gaano na kayang pagkain ang naipon
Ng hantik na iyang may butil na sunong.32

Pag-iimpok at pagtitipid ang aral ng saknong.  Isang birtud na pinayabong rin ng panulaang nakalimbag sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol.

Makiling sa pangaral si TSB.  Ngunit hindi dahil lamang ito sa kanyang layuning relihiyoso.  Ang kahapon mismo ng tulang Pilipino ay hitik sa halimbawang maaari niyang gamiting huwaran.  Bukod sa didaktikong tunguhin ng katutubong salawikain at kuwentong-bayan, namayani ang tulang nangangaral noong panahon ng Espanyol.  Mula sa mga tulang nalimbag ng mga misyonero hanggang sa mga pasyon, komedya, awit at korido nitong ika-19 na siglo ay pangunahing tatak ng pananaludtod ang adhikaing magpahayag at magpalaganap ng doktrinang Kristyano.

Bahagi ng sinuso ni TSb ang naturang didaktikong pananalinghaga.  Tingnan halimbawa ang matalik na pagkakatulad ng mga berso mula sa Pasyong Mahal33ng di kilalang manunulat at ng tula ni TSB tungkol sa limang pangunahing pangyayaring biliko na nagkakahawig ang kanilang paksa.  Una, sa paglikha ng sanlibutan:

Ikaw'y karayaang may magandang anyo
At kabulaanang nakabalatkayo;
Halimaw na wari'y tupang walang kibo,
Ngunit ang mithii'y nagbubo ng dugo!

Sa sama, ang mundo ay iyong nilipos
At ang pandaya mo'y ito:  Walang Diyos;
Sa hawak na taong panghalamang dulos,
Ang ipinalit mo'y madugong pang-ulos!47

Malimit mula sa itaas ang tinig ni TSB.  Tinutuligsa niya ang mga hindi naniniwala sa “mabuting balita” na hindi nila maaabot ang kapanatagan sa buhay kung mananatili sa piniling diyus-diyosan:

Oo, walang Diyos ang imbi't masama
Ang tanging Diyos mo'y sandatang pamuksa
Kabutihan ang di makataong gawa
At pagpapahirap sa iyong kapwa.

Di makatitig sa kapayapaang
Liwanag na iyong pinaghimagsikan
Kaya ang nais mo itong santinakpan
Ay baluting ganap ng salot karimlan.48

Sa ganitong panawagan ay mariin ang mga salitang nag-uutos, nang-uusig, o dili kaya’y nagpapaliwanag.  Isang tungkulin na hindi nalalayo kay TSB na isang nangangaral ng Salita ng Diyos.

Tinig na paitaas at paibaba, bombastiko, nagdididipa at nagsesermon sa pulpito ang litaw na anyo ng panawagan ni TSB.  Impluwensiya ito hindi lamang ng nangibabaw na anyo ng panawagan sa relihiyosong panitikan noong panahon ng Espanyol, kundi maging ng tono ng Diyos Amang nangungusap kay Moises at sa Israel o ng Diyos anak na nangangaral sa Kanyang mga alagad na matutunghayan at binabantasan ng tandang pananong, padamdam, at sunud-sunod na tuldok, sa Bibliya.

Sa paglaganap ng tulang pasalaysay (metriko romanse) nitong ika-18 at ika-19 na siglo ay sumulpot ang kakaibang anyo ng panawagan.  Ito ay ang sentimental na panambitan na nasa himig na padalangin at patagulaylay.49  Ang tinig na ito ay laging lipos ng luha, pangungulila at pagmamakaawa na malimit nakakintal sa harana:  isang sitwasyong ang binatang mangingibig ay nasa lupa, nakatingala sa tapat ng bintana, at umaawit ng pag-ibig sa isang mutya sa itaas.

Sa awit ni Francisco Baltazar na Florante at Laura, malinaw na maririnig ang tinig ng sentimental na pananambitan:

At ngayong malaki ang aking dalita
ay di humahanap ay maraming luha
sukat ang kapatak na makaapula
kung sa may pagsintang puso mo’y nagmula.

Wala na Laura't ikaw na nga lamang
ang nakalulunas niring kahirapan,
damhin ng kamay mo ang aking katawan
at bangkay man ako'y muling mabubuhay.50

Dahil sa talang nagsasabing kinalakhan ni TSB ang pagbasa ng awit tuwing gabi at bilog ang buwan tiyakang kumintal sa kanyang isipan hindi lamang ang paksang pag-ibig halimbawa sa obra ni Balagtas, kundi maging ang tinig ng panambitan sa himig patagulaylay.  Narito ang isa niyang humihibik na saknungan:

Limutin daw kita!  O, di maaari
Diwa ko ay ikaw ang hanap lagi;
Puso ko at ikaw ay magkasangguni
Ngalan ko sa iyo'y diyos ang nagtali.

Kagabi, ang isang pangitain lamang
Nang paglamayan ta'y nabigyan ng buhay
Ngayon ay narito, may tinig may buhay
At ikaw..  O, ikaw..ang nakalalarawan.51

Anupa't sa kabuuan, ang pagtula ni TSB ay matapat na kaugnay ng naging pangunahing katangian ng panulaan mula sa katutubong tulang-bayan hanggang sa pangangaral ng mga misyonero at malungkuting salamisim ni Balagtas.  Sa urian ni Almario, isa siyang Balagtasista.  Makikilala naming gayon siya kahit sa paggamit lamang ng tugma at sukat.

Sinabi noon ng mga pangunahing Balagtasista:

Sa Tagalog, sa panuntunang ipinamana ng kinagisnang pamamaraan magpakaganda-ganda man, kung walang sukat at tugma ay hindi maaaring ibilang na tula.  Maaaring kilalaning tuluyang may tula ngunit kailanman ay hindi tunay a tula.52

Mahigpit ang pagkapit ng mga makatang Tagalog na ito sa tradisyon.  Para sa kanila ang batas sa pagsulat ng tula ay makakatas lamang diumano sa akdang Florante at Laura ni Balagtas na may masining na paglalaro ng mga salita pagpapalaman ng kaisipan at pagtalakay sa karunungan ng buhay.53  Ang payo pa, kung nais matuto ng pagtula ay walang dapat gawin kundi bumasa ng akda ni Balagtas.

Masunurin sa mga payo at utos si TSB lalo na kung nag-uutos ay mas nakakatanda sa kanya o ang ipinasusunod na utos ay mula pa sa sinaunang panahon.  Kay TSB, walang halaga ang pagsalungat kung magbubunga naman ito ng di pagkakaunawaan o awayan para sa malalim pang pagkakasala ng tao:

Ngayong gabi'y ilan silang nangarito
Na sa gilid ng sulata'y dinatnan mo;
Sana, anak, ay huwag kang manggugulo
Pagkat isa sa kanila'y kausap ko.

Balang araw pagka ikaw'y malaki na
Ay magiging kaibigan mo rin sila;
At saka mo matatantong bawat isa
Ay bahagi ng puso mo't kaluluwa.54

Kaya sa kanyang panulaan ay halos wala siyang nilabag sa itinakda ng mga nakatatandang makata.  Halimbawa, sa unang aklat-kalipunan ng tula ni TSb na lumabas noong 1963, dalawa lamang dito ang nasa vers libre.  Ito ay ang “Mga Bulang Sabon” at “Ako’y Isang Takas.”  Maaaring impluwensiya ito ng panulaang Modernista ni Alejandro G. Abadilla at ang kanyang grupong Kapisanang Panitika(na kasapi rin si TSB).  Ang “Ako’y Isang Takas” ay pumapaksa sa paghihimagsik laban sa nakamihasnan, kasama na ang tugma at sukat.  Ngunit pansinin ang daloy ng naturang taludturan:

nakatanan ako
sa mababa't siksikang
bilangguang kinagisnan ko.

tumakas ako sa nagpuputik na
piitang iyon ng lumang pananalig.

tayo na doon sa bagong daigdig
na itinuro mo sa akin noon
tuwing dadalaw ka.

nilagot ko
ang mga tanikalang may
labindalawa,
labing-anim,
labing-walong
kawing!

at nakaigpaw
ang naghihimagsik na ako
sa mga rehas na kalawanging
nakahanay nang
apatan, animan
waluhan, sampuan,
labindalawahan!

tinuya ako ng ibang bilanggong
nawili na sa musika ng mga tanikala!
hinadlangan ako ng mga tanod
na ang tingin sa tanikala'y hiyas!
ngayon, una't huling kasintahan:
malaya na nga kaya
ang banyuhay na ito
sa sinapupunan mo?55

Mapapansing hindi pa rin ito nakatakas sa kumbensiyonal na diksiyon.  Sa pangalawang kalipunan (Pinsel at Pamansing), may tatlong tulang nasa malayang taludturan ang lumitaw at wala nang naulit sa huling dalawa pang libro.

Higit na naging tungkulin ni TSB ang tagapag-ingat at tagapagsinop ng tradisyonal na pagtula.  Sa bagay na ito’y nagtutugma maging ang kanyang kahandaan bilang makata at ang kanyang misyon bilang taga-pagpalaganap ng banal sa Salita at pananalita na sa tingin niya’y dapat kupkupin laban sa makabagong paniwala.  Si TSB bilang Balagtasista at si TSB bilang alagad ng Banal na Espiritu Santo ay iisa at iyon din ang kanyang ikinapamukod sa lipon ng mga kapanahong makata.  

 

1           Timoteo Baylen, Jr.  Pakikipanayam noong Dis. 9, 1990 sa tahanan ng mga Baylen sa Cavite .City

 

2           Bienvenido L. Lumbera, Tagalog Poetry 1570-1898.  Tradition and influences in its Development  (Quezon City:  Ateneo de Manila University Press, 1986), p. 4.

 

 

(no footnote no. 3)

3.  Teo S. Baylen, “Mula sa isang Kubo,” Tinig ng Darating, p. 55.

 

4           Tingnan sa Bienvenido Lumbera, “Missionary Poets,” Tagalog Poetry, p. 27.

 

5           Ayon sa paliwanag ni Virgilio S. Almario ang mga makatang Balagtasista ay yaong malimit na kapitan at gawing huwaran sa pagsulat ng berso ang akda ni Francisco Balagtas.  Para sa kanila, bagamat hindi nakasulat ng kritisismo si Balagtas, ang mga batas sa pagsulat ng tula ay makakatas sa kanyangFlorante at Laura.  Idagdag pa ang saligang patakaran ng mga Balagtasista ay para balikan at lingapin ang lumipas na kalinangan upang mapahalagahan at huwag malimot ang natatanging ‘pamana’ ng lahi.

 

6           Iñigo Ed. Regalado, "Ang Panulaang Tagalog," Publications of the Institute of National Language 6, Blg. 5 (Hulyo 1947), p. 28.

 

7           Sa pag-aaral ni Lumbera hinggil sa Panulaang Tagalog noong panahon ng Espanyol, nagbanggit siya ng ilang aklat na lumabas noon na nagsusuri sa mga sinaunang tula.  Halimbawa ay ang pag-aaral ni Gaspar de San Agustin sa kanyang Compendio del arte de la lengua tagala na tungkol sa sukat at sa tugmang “mariin” at “mababaw,” ang paglalarawan ni Melchor Oyanguren ng karaniwang bilang at tono ng tradisyonal na awit na kasama rin sa librong “Compendio,” at ang pag-aaral ni Francisco Bencuchillo sa kanyang “Arte poetico Tagalog" saArchivo del bibliofilo Filipino (W. Retana, Ed) na bukod sa nasabi na ni Agustin ay naglilinaw din sa paraang ng pagtutugma sa katinig at sa pagsasaknong.

 

8           Virgilio S. Almario, Balagtasismo Versus Modernismo, (Q.C.:  Ateneo Press, 1984), p. 90.

 

 

(note:  no footnore nos. 9-10)

 

9         Sinipi mula sa tesis ni Valerio Nofuente, “Ang Paghihimagsik ni Alejandro G. Abadilla sa Tradisyon ng Panulaang Tagalog,” (MA Pilipino, UPCAS, 1977), p. 166.

 

10     Ibid., p. 167.

 

11          Tingnan sa Virgilio S. Almario, Taludtod at Talinghaga, Ikalawang limbag (Pasig:  Anvil Publishing Inc., 1991), p. 30.

 

12          Virgilio S. Almario, Balagtasismo Versus Modernismo, p. 91.

 

13          Unang saknong sa Teo S. Baylen, "Ang Bukal," Sampaguita, Hulyo 22, 1931.

 

14          Unang saknong sa Teo S. Baylen, "Ang Sirena sa Ilog ng Noveleta," Pinsel at Pamansing, p. 55.

 

15          Teo S. Baylen, "Laboratoryo at Dambana," Tinig ng Darating, p. 3.

 

16          Pinsel at Pamansing, p. 65.

 

17          Panglimang saknong sa Teo S. Baylen, "Tinig sa Dahon ng Isang Awit," Kalabaw at Buffalo, p. 79.

 

18          Unang saknong sa Teo S. Baylen, "Bethlehem!  Bethlehem!" Tinig ng Darating, p. 5.

 

19          Unang saknong sa Teo S. Baylen, "Multo sa Apoy ng Isang Imno," Pinsel at Pamansing, p. 13.

 

20          Unang saknong  sa Teo S. Baylen, "Sugo ng Kapayapaan"Tinig ng Darating, p. 11.

 

21          Teo S. Baylen, "Buhay Ka Ba O Kamatayan," Pinsel at Pamansing, p. 54.

 

22          Teo S. Baylen, "Hugis-Kabute," Tinig ng Darating, p. 54.

 

23          Teo S. Baylen, "Bawat Hukay," Tinig ng Darating, p. 45.

 

24          Unang saknong sa Teo S. Baylen, "Bagong Plasma,"RX(1973), p. 29.

 

25          Unang saknong sa Teo S. Baylen, "Ikaw, Ako, at ang Tanikala," Tinig ng Darating, p. 18.

 

26          Teo S. Baylen, "In Hoc Signo Vinces," Pinsel at Pamansing, p. 32.

 

27          Basahin sa Virgilio S. Almario, Taludtod at Talinghaga, p. 147.

 

28          Teo S. Baylen, "Parang Buto ng Lansones," Tinig ng Darating, p. 58.

 

29          Huling saknong sa Teo S. Baylen, "Ang Bukal," Sampaguita, Hulyo 22, 1931.

 

30          Teo S. Baylen, “Bawat Hukay,” Tinig ng Darating, p. 45.

 

31          Teo S. Baylen, "Tahanan," Tinig ng Darating, p. 28.

 

32          Ikatlong saknong sa Teo S. Baylen, "Mga Tulang Hindi Nakasulat," Tinig ng Darating, p. 41.

 

33          Casaysayan nang Pasiong Mahal ni Jesucristong Panginoon Natin (1814).  Ang “Pasiong Mahal” ay sumulpot lampas isang taon pagkatapos ng Ang Mahal na Passion ni Gaspar Aquino de Belen.  Ito ay tinatawag ring Pasyong Pilapil dahil kay Padre Mariano Pilapil na siyang may malaking ambag sa pagsasaayos ng binago nitong edisyon noong ika-19 na siglo.  Tinawag ring Pasyong Genesis dahil naglalarawan ito ng mga pangyayari mula sa paglikha ng mundo hanggang sa huling paghuhukom.

 

 

(note:  no footnote nos. 34-46)

 

34.   Ika-42 na saknong ng “Pasyong Mahal,” (Maynila:  Librerias y Papelerias de Martinez, 1926), p. 7.

 

 

35.   Pang-apat na saknong sa Teo S. Baylen, “Ang Bugtong nang Dios,” Liwayway, Nob. 27, 1931.

 

 

36.   Ika-69 na saknong ng “Pasyong Mahal,” p. 9.

 

 

37.   Ika-10 saknong sa Teo S. Baylen, “Ang Bugtong nang Dios,”Liwayway, No. 27, 1931.

 

 

 

 

38.   Ika-237 at 239 na saknong ng “Pasyong Mahal,” p. 21.

 

39.   Teo S. Baylen, “Pangitain,” Pinsel at Pamansing, p. 20

 

40.   Ika-635 at 639 na saknong ng “Pasyong Mahal,” p. 162.

 

41.   Teo S. Baylen, “Ang Ahas na Tanso,” The Signal, Vol. II no. 4, April 1960, p. 14.

 

42.   Ika-627 na saknong ng “Pasyong Mahal,” p. 162.

 

43.   Teo S. Baylen, “Tatlong Kurus sa Golgota,” Tinig ng Darating, p. 31.

 

44.   Virgilio S. Almario, “Mga Anyo’t Talinghaga ng Pnawagan:  Tungo sa Morpolohiya ng Tinig sa Tulang Palabas,” UP Creative Writing Center, 14 Sept. 1990. p. 2.(kompyuterisado).

 

45.   Unang saknong sa Teo S. Baylen, “Mula sa Isang Kubo,”Tinig ng Darating, p. 55.

 

46.   Virgilio S. Almario, “Mga Anyo’t Talinghaga ng Panawagan,” p. 10.

 

 

47 Una at ikalawang saknong sa Teo S. Baylen, "Luciper," Tinig ng Darating, p. 15.    

 

48 Ikawalo at ikasyam na saknong sa Teo S. Baylen, "Luciper."

 

49 Almario, V.S., "Mga Anyo't Talinghaga ng Panawagan," p. 14.

 

50 Ika-56 at 60 na saknong sa Francisco Baltazar, Pinagdaanang Buhay ni Florante at ni Laura sa Cahariang Albania, Carlos Ronquillo, ed. (Manila:  Imprenta de Ramirez y Giraudier, 1921), p. 38.

 

51 Ikapito at ikawalong saknong sa Teo S. Baylen, "Kagabi," Tinig ng Darating, p. 42.

 

52 Iñigo Ed. Regalado, "Ang Malungkot na Pagpapatay sa Tulang Tagalog," Liwayway, Hunyo 24, 1944, p. 12.  (MCF)

 

53 Basahin si V. S. Almario, "Hanggang Saan Ang Kadakilaan ni Balagtas," Sagisag I, Blg. 4, Agosto 4, 1975, p. 7.

 

54 Una at ikalawang saknong sa Teo S. Baylen, "Paminggalan," Tinig ng Darating, p. 47.

 

55 Teo S. Baylen, “Ako’y Isang Takas,” Tinig ng Darating, p. 44.

Powered by Drupal