Pagsulat ng Kuwentong Pambata

Pagsulat ng Kuwentong Pambata
ni Rene O. Villanueva

Ano ba ang esensiyal na pagkakaiba ng kuwentong pambata sa isang kuwentong hindi pambata?

Ito ang tanong na kailangang sagutin ng sinomang nagnanais sumulat ng kuwento para sa mga bata; dahil ang kuwento ay kuwento, pambata man o hindi. Maaaring may bahagyang pagkakaiba ang dalawa sa haba o paraan ng salaysay o sa uri ng wikang ginagamit. Ngunit ang mga ito ay pagkakaibang hindi esensiyal o hindi ganoong kahalaga.

Ang mahalagang pagkakaiba ay nasa katangian ng pinatutungkulan ng kuwento. Kaya kuwentong-pambata dahil sadyang kinatha para sa mga batang mambabasa.

Linawin muna natin ang ilang katangian ng sinasabi nating “batang mambabasa.” Naiiba ito sa depinisyon kung sino o ano ang “bata.”

Sino ang “bata”?

Ayon sa Unicef ang bata ay sinomang ang edad ay mula 18 taon pababa. Maraming kategorya ng bata batay sa depinisyong ito. Nariyan ang mga unborn child o batang nasa sinapupunan pa lamang mula O hanggang 9 na buwan. Pagkasilang ng bata, maaari siyang maikategorya sa sumusunod na uri: sanggol o pagkapanganak hanggang tatlong taon; pre-school o mula tatlo hanggang anim na taon; school-age o mula anim hanggang 13 taon; adolescent o juvenile, mula 11 hanggang 16 na taon; young adult, mula 16 hanggang 21 taon.

Dapat ipaalala na maaaring mag-iba-iba ang saklaw na edad ng mga kategorya depende sa nag-uuri. Ngunit sa pangkalahatan ay magagamit ang ganitong pag-uuri para linawin ang panahong itinuturing na kabataan. Dapat ding tandaan na batay sa developmental psychology bawat uri ay may kanya-kanyang katangian. Ang mga bata sa bawat kategorya ay may natatanging interes at pangangailangang nararapat tugunan ng pamilya at lipunan, bagaman hindi pare-pareho ni pantay-pantay ang kantidad ni kalidad ng paglaki at pag-unlad ng bawat bata sa bawat antas o kategorya.

Sa pagsulat ng kuwentong-pambata, ang katha, sa pangkalahatan, ay nakatuon sa mga nasa walo o sampung taong gulang pababa o sa tinatawag natin ngayong beginning readers.

Anong klaseng mambabasa ang mga batang nagsisimulang magbasa?

Sino ang “batang mambabasa”?

Maaaring hindi pa sila nakapagbabasa nang mag-isa o nagsisimula pa lamang sila makakilala sa ugnayan ng mga titik at tunog ng mga salita. Maaaring nakauunawa na sila ng mga salita o pangungusap mula sa pakikinig sa wikang pasalita ngunit marami pang konsepto at kahulugan ang kailangan nilang mantindihan. Hindi ito nangangahulugang wala o kulang ang kakayahan nilang umunawa sa mga bagay na nararanasan nila. Mas angkop sabihing ang mga batang kabilang sa ganitong kategorya ay may natatangi at sarili nilang paraan ng pag-unawa. Wala pa silang sapat ni lubos na kakayahan para maituring na literate individuals.

Ayon kay Piaget, ang paraan ng pag-unawa ng mga bata sa ganitong edad ay maituturing na animistic. Sa unang mga taon ng paglaki ng bata, hanggang sa walo o sampung taon, ang bata ay maaari lamang magkaroon ng napakapersonal na pag-unawa sa mga bagay na kanyang nararanasan.

Bilang mambabasa, maaaring kailangan pa nila ng matatanda para magbasa sa kanila. Mas mahilig silang makinig sa mga kuwentong binabasa sa kanila.

Ano ang kahulugan nito sa pagkatha ng kuwentong-pambata? Maaarin nating ipagpauna sa mga nagbabalak magsusulat ng kuwento na ang haba ng salaysay o kalidad ng wika sa pagkukuwento ay hindi limitado sa napakaikling naratibo ni sa paggamit ng napakapayak sa wika.

Ang Mito ng Haba at Kapayakan ng Kuwentong-pambata

Ang dalawang katangiang ito ay rekomendasyon lamang ng mga editor at publisista ng kuwentong-pamba; mga praktikal na konsiderasyon lamang. Hindi sila kabilang sa nararapat na katangiang dapat taglayin ng kuwentong-pambata.

Batay sa karanasan ko sa pagsusulat sa Aklat Adarna, ang rekomendadong haba ng isang kuwento ay 14 na spread at kadalasang binubuo ng 10 hanggang 25 linya o pangungusap o mas maikli. Nakatuon ang haba ng kuwento sa bilang ng spread sa halip na pahina sapagkat ang bawat spread o dalawang pahina ay pinaghahatian ng teksto at larawan (isang pahina o kalahating spread para sa teksto at isang pahina o ang kabilang spread para sa larawan). Ang rekomendadong bilang ng linya ay para magkaroon ng espasyo sa parallel text (teksto ng salin sa Ingles o teksto para sa mas nakatatandang mambabasa).

Sa katangian naman ng wikang gagamitin, isang praktikal na rekomendasyon lamang ang paggamit ng simpleng wika sa pagkukuwento sa mga pambata.

Noong aktibo pa ako sa pagsusulat para sa Adarna, mga katapusan ng dekada ’70 hanggang dekada ’80, hindi pa gaanong handa ang mga akademikong institusyon sa siyentipikong pagtaya sa kakayahan ng mga batang mambabasa. Halos walang mga pag-aaral sa lawak ng bokabularyo ng mga batang walo o sampung taon pababa, lalo kung wikang Filipino ang ginagamit. Ang karaniwang kinokonsulta ay mga pag-aaral sa mga batang mambabasa mula Europa o Estados Unidos, na wikang Ingles o Europeo ang gamit sabihin pa.

Natitiyak kong marami nang pag-unlad sa ngayon sa larangang ito; ngunit mahirap pa ring sabihin nang may katiyakan kung gaano kahaba o kapayak ang wika ng isang kuwentong-pambata.

Kung babasahin nating muli ang salin ng mga orihinal na kuwento ni Hans Christian Andersen at ng Brothers Grimm, o kahit ang mga kuwentong kabilang sa Arabian Nights kapansin-pansin ang haba at dawag (lushness) ng mga ito. At ang pagsasalin sa kanila sa modernong bersiyon na mas maikli o mas payak ay hindi laging nangangahulugan ng kapaki-pakinabang na karanasan sa pag-unawa ng mga batang mambabasa.

Paanong Mag-isip ang mga bata

Kailangan nating balikan ang katangian sa pag-iisip at paraan ng pag-unawa ng mga batang mambabasa upang higit na malinawan ang isyu ng haba at kapayakan ng isang kuwento para sa bata.

Iba ang paraan ng pag-iisip at pag-unawa ng mga batang walo o sampung taong gulang pababa kaysa sa ating mga may edad na. Hindi gaya ng nakatatandang mambabasa, hindi sila objective kung mag-isip at umunawa. Ang paraan ng pag-iisip nila hanggang sa pagsapit nila sa age of puberty ay karaniwang animistiko.

Sa isang batang walong taon, batay sa halimbawa ni Jean Piaget, ang araw ay buhay dahil nagbibigay ng liwanag. At saan kaya nagpupunta ang araw pagsapit ng gabi? Sa isang bata, marahil ang araw ay umuuwi sa bahay ng kanyang mga magulang o lolo’t lola para doon matulog at magpahinga. Upang muling magbigay-liwanag paggising kinabukasan.

Magreklamo man ang matatanda na ang ganitong paraan ng pag-iisip ay hindi siyentipiko; at magpanggap man ang bata na sumasang-ayon siya sa matatanda para sila masiyahan o para maiwasan niya ang siya ay kutyain, sa kanyang puso ay alam ng bata kung ano ang totoo. Maaaring ilibing niya ang paniwalang ito sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa upang maligtas mula sa pagkalkal ng rationality, ngunit mabubuhay at mapalalakas ito ng pagbabasa niya ng epektibong kuwentong-pambata.

Ayon kay Bruno Bettelheim, sa "The Uses of Enchantment," ang klasikong pag-aaral sa silbi ng fairy tales at mga kuwentong-pambata, “anoman ang ating edad, ang mga kuwento lamang na sumasang-ayon sa mga prinsipyo ng pag-unawa natin sa mga bagay ang mga kuwentong tunay nating pinaniniwalaan.”

Pinagtitiwalaan ng bata ang mga fairy tales at mga tradisyonal na kuwentong pambata dahil ang “pananaw nito sa daigdig ay tulad ng pananaw nila.”

Hamon sa Muling Pagsasalaysay ng Kuwentong-bayan

Sa kasalukuyan, maraming nalalathalang kuwentong-pambata ang muling pagsasalaysay ng ating mga sinaunang mito, alamat at mga kuwentong-bayan.

Sa isang banda, sinasabing mahalaga ito dahil sa pagpapakikilala sa bata ng kulturang Filipino. Subalit dalawang bagay ang dapat isaalang-alang kaugnay ng ganitong tunguhin sa paglikha ng kuwento sa mga batang Filipino.

Una ang mga alamat at mito, at marami sa tinatawag na kuwentong-bayan ay malayong maituring na pambata at hindi binuo sa kapakanan ng bata.

Ang mga mito at alamat ay nalikha sa panahong tinatawag nating “unang panahon.” Noong ang ating mga ninuno ay hindi pa siyentipiko kung mag-isip. Maipapalagay nating nang panahong iyon, dahil sa kabataan ng mundo, maraming bagay ang nakapagtataka at nangangailangan ng paliwanag.

Halimbawa, bakit minsan o may panahong nagdidilim ang langit at bumubuhos sa lupa ang malakas na ulan? Upang sagutin ito, lumikha ang mga taga-Panay ng kuwento upang ipaliwanag ang penomenon ng ulan.

Sa kuwento ng mag-asawang diyos na sina Tungkung Langit at Alunsina, iniwan ng babaeng bathala ang asawa dahil ayaw payagan ni Tungkung Langit ang babaeng diyos na gamitin nito ang kapangyarihang lumikha. Mas mabuti raw na magkasya na lamang ang babae na magsilbing inspirasyon ng lalaki sa paglikha ng buong sanlibutan at lahat ng lalamanin nito, mula sa panahon, mga planeta at iba pa. Bagaman paulit-ulitna nakiusap si Alunsina sa asawa na bigyan siya ng pagkjakataong maging manlilikha, nagbingi-nbingihan ang lalaking diyos at inakalang naiinip lamang ang asawa. Kaya upang pawin ang inip ng maybahay, gumawa si Tungkung langit ng kulog at kidlat na gugulantang sa babae. Hanggang sa magsawa si Alunsina sa pakikiusap kaya iniwan niya ang tahanan nila sa langit. Matindi ang naging kalungkutan ni tungkung Langit nang matuklasan ang pagkawala ng maybahay. Pakiramdam niya ay laging malamig ang kanilang higaan at walang silbi ang kanan. Ngunit ang matinding panindim ng lalaking diyos sa pagkawalay niya sa asawa ay naibsan nang mapansin niya,isang araw, na may kakaibang bagay ilalim kanilang tahanan sa kalangitan. Nakita ni Tungkung Langit ang Daigdig na nilikha pala ni Alunsina para patunayan (una, sa kanyang sarili) na siya ay isa ring manlilikha. Muli, hinimok ng lalaking diyos ang babaeng bathala para magbalik sa piling niya sa kalangitan. Ngunit hindi dininig ni Alunsina ang paulit-ulit mang pakiusap ng dating asawa.

Kaya upang muling makaniig at makatalik ni Tungkung Langit ang pinakamamahal, kailangan niyang magpalit ng anyo, maging isang malakas na buhos ng ulan na makabababa sa daigdig upang bumuhos, dumilig, magpataba, at magpalunti sa bathalang si Alunsina na nasa anyo naman ng lupa.

Sa pamamagitan ng paghabi ng isang marikit na kuwento ng pag-ibig, naipaliwanag ng mga taga-Panay kung bakit umuulan. Mahihinuha nating nakapagpagaang ng loob ng mga sinaunang tao ang ganitong paliwanag kaysa sa hindi nila pag-unawa sa penomenon ng pag-ulan. Ang paghabi ng kuwento ay isang paraan ng pagsupil sa mga takot o pagkabahala ng tao sa kanyang paligiran at pag-unawa rito.

Sa sinaunang lipunan, ang paghabi ng kuwento ay pagpapaliwanag sa mga karanasang hindi madaling maunawaan. Ang mismong pag-iisip ng kuwento ang siyang paliwanag sa karanasan, na humahantong sa kapanatagan ng buhay o pagbaka sa mga takot.

Sa paglipas ng panahon, marami pang magiging paliwanag kung bakit umuulan. Halimbawa noong panahon bago ang paglaganap ng relihiyong Kristiyanismo, marami ang naniniwala na uulan kapag nanawagan at nag-alay ang tao sa mga diwata at anito na nagbabantay sa kaligiran. Katumbas ito ng paniwala noong panahon ng Kristiyanismo na mapipigil ang pagbuhos ng ulan sa pamamagitan ng pag-aalay ng itlog kay Santa Clara.

Nang dumating ang panahong siyentipiko, maaaring sa ikalawang hati ng siglo 19 nang matatag ang meteorological observation sa Maynila sa pamumuno ni Padre Faura, nagkaroon ng ibang paliwanag kung bakit umuulan. Pinag-aralan ang galaw ng hangin at iba pa penomenong pang klima at pang-atmospa. Ipinaliliwanag na ang penomenon ng ulan sa pamamagitan ng siyensiya. Mula sa pagmamasid at pagtatala ng mga obserbayon. Napatunayan ang prinsipyo ng evaporation at condensation. Dahil may siyentipiko nang paliwanag kung bakit umuulan, ang sinaunang alamat kaugnay ng paghihiwalay ng lalaki at babaeng bathala ay naisantabi na at, nito na lamang kalagitnaan ng dekada ’80, muling binuhay ng Cacho Publishing ang alamat bilang kuwentong-pambata, gaya ng ginagawa ng ngayon na maraming pabliser ng mga aklat para sa bata.

Naging pambata ang mga sinaunang kuwento dahil nagkagulang na ang mundo at yumayakap na ang mga Filipino sa ibang paraan ng pag-iisip at pag-unawa sa mga bagay. Isang paraang ng pag-unawa na mailalarawan bilang batay sa realidad, empirikal, rasyonal, lohikal at siyentipiko. Kaya ang sinuna, matanda, pantastiko at tradisyonal na paliwanag gaya ng kuwento nina Tungkung Langit at Alunsina, ay naging isa na lamang katha, isang kuwento na para na ang pangunahing silbi ay aliwin ang mga bata.

Magkagayon man, may mahalagang silbi pa rin ang mga ganitong kuwento. Marami ang naniniwala na magagamit ang kuwento at mga kauri nitong kuwentong-bayan bilang mapa ng sinaunang paraan ng pag-iisip ng ating mga ninuno o durungawan ng kasalukuyang Filipino sa kanilang katutubo at nakaraang kultura, pag-iisip at paraan ng pamumuhay. Sa maraming guro at kuwentista, ito ang pangunahing silbi ng mga alamat, mito at kuwentong-bayan.

Ngunit sa muling pagsasalaysay sa kanila, naniniwala akong mahalagang mabihisan ng bagong kaalaman o halagahan para sa kontemporanyong lipunan ang mga ganitong kuwento. Dapat pag-isipan ng moderenong kuwentista, pambata man o hindi, kung paanong makapaglilingod ang mga kuwentong-bayan sa kontemporanyong mambabasa at lipunan. Hindi sapat na muling isalaysay ang mga kuwento para marinig ng mga bagong tagapakinig o kaya ay muli silang isalaysay sa bagong anyo, gaya ng dulang musikal. O isalaysay lamang sila gamit ang modernong wika at mga kontemporanyong pamamaraang pansining.

Ang muling pagsasalaysay sa mga kuwentong mula sa ibang panahon o lipunan ay humihingi ng pagsasalaysay na magsisilbi sa interes ng mga kinukuwentuhan. Kung hindi ganito, walang saysay ang muling pagsasalaysay.

Pagpapahalaga sa Kulturang Filipino

Mahalaga ring linawin ang ideya kaugnay ng kulturang Filpino sa muling pagsasalaysay ng mga kuwentong-bayan.

Ang kulturang Filipino ay patuloy na umuunlad; at sa bawat panahon ay nagbabago. Umuunlad ito batay sa mga pagbabagong historikal, panlipunan at iba pa. Hindi nararapat na mabalaho ang ideya natin tungkol sa kulturang Filipino sa isang panahon, lalo sa sinauna at di-siyentipikong panahon.

Sa paglikha ng mga kuwento, maipakikita ang kultura at lipunang Filipino kahit sa mga kontemporanyong kuwento, kahit sa mga kuwentong walang malinaw na panahon o lunan, kung ito ang layuning minamahalaga ng isang manunulat.

Halimbawa, ang kuwentong “Unang Baboy sa Langit” ay kuwento tungkol kay Butsiki, ang patron ng mga baboy na “may tala sa noo at ginto ang mga kuko.” Kakaiba ang biik na si Butsiki mula nang isinilang siya. Isa siyang malinis na baboy; naghihilamos siya pagkagising, naghuhugas ng kamay bago st matapos kumain, gumagamit ng panyo kapag buabahing, nagpapalit ng damit-pantulog bago matulog sa gabi at nagdarasal. Hindi lamang siya malinis, tinuruan, din niya ng kalinisan ang mga kamag-anak at kapitbahay. Kaya itinuring siyang kaaway ng mga ahente ng dumi at salaula. Nagalit kay Butsiki ang mga butete sa kanal at mga lamok sa madidilim na sulok-sulok ng kanilang kural. Isinakdal nila ang kakaibang baboy sa diktador na pinuno ng mga hayop; at nilitis siya. Napatunayang nagkasala si Butsiki dahil lumalabag siya sa kalikasan ng mga baboy sa kanyang pagtupad sa isang malinis na buhay.

Kaya ipinagbawal ang kalinisan. Ipinagbawal ang paglilinis ng paligid at pagiging malinis. Dahil dito, lumaganap ang peste sa mga baboy at marai ang dinapuan ng sakit na nagging dahilan para iwasan ng mga tao ang pagkatay o pagkain sa kanila. Ngunit gaya ng paniwala ni Butsiki, “walang silbi ang isang baboy na hindi naging litson o ni hindi man lamang naging sitsaron.” Kaya pagsapit ng pista, ang baboy lang na may tala sa noo ang nalitson at pinagsaluhan ng mga tao. Ang kaluluwa ni Butsiki ay umakyat sa langit, sinalubong ng mga anghael habang pinauulanan ng mga kalatsutsi at sinasalubong ng masigabong pagdiriwang ng mga banal na trumpeta. Pagsapit niya sa kalangitan, idineklara si Butsiki bilang “unang patron ng mga baboy.”

Paanong makapaglalarawan ng kulturang Filipino ang isang kuwentong tungkol sa mga baboy, lamok at butete; tungkol sa isang baboy na tumangging maging salaula, at naniniwalang ang kabuluhan ng pagiging baboy ay nasa pagiging masarap na litson kung may handaan o kaya’y katakam-takam na sitsaron sa isang salo-salo?

Malayang sumasalok ang kuwento sa balon ng kontemporanyong kasaysayan ng Pilipinas ng mga Fiilipno. Inaalala ng kuwento ang karanasan ng bansa sa ilalim ng batas-militar at authoritarian regime, bukod sa nililingon nito ang isa sa pinakamaking imahen sa kulturang popular, ang pahayag ni Elsa (na ginampanan sa pelikula ni Nora Aunor) na “Walang Himala!” Maaaring makaligtas sa bata ang obhetibong halaga ng ganitong reperensiya, ngunit maaaring masapul nila ang kahulugan ng paniniil at kawalang hustisya ng sistema sa isang baboy na ang nais lamang naman ay magtaguyod ng kalinisan. Ang halaga ng kalinisan ay isang bagay na madalas itagubilin ng matatanda sa mga bata; at maraming bata ang sumusuway dito. Sa pamamagitan ng parikalang paglalahad o pagbaligtad sa sitwasyon (ang ipinatutupad ng lider ay pagiging marumi, na sinuway naman ni Butsiki), inaasahang mauunawaan ng bata ang kahulugan ng pagsunod at pagsuway sa alituntunin, bukod sa naging bunga ng pagiging marumi.

Napahahalagahan din sa kuwento ang papel ng bata. Ipinakikita sa kuwento na ang bata ay hindi lamang laging tagasunod sa mga itinatagubilin ng mga nakatatanda, minsan maaari din siyang sundan at sundin ng iba; na ang bata ay makapamumuhay nang may kimkim na lihim (ang pagiging malinis ni Butsiki, sa kabila ng pagiging marumi ng mga kasambahay sa kural), bagaman ang ganito ay makapaghahatid ng kapahaman sa kanyang mga kapamilya. Isa rin ito sa susi kung bakit kapana-panabik ang bahaging ito ng kuwento: ano kaya ang ibubunga ng lihim ni Butsiki? Tinutugunan din nito ang takot o pag-aalala ng bata na maging mitsa siya ng kapahamakan o disgrasya sa pamilya. Karaniwan ang ganitong pag-aalala sa bata; ang mga kakulangan nila (kawalang kasanayan sa maraming bagay, gaya ng di-wastong pagkilos, walang sapat na kakayahang maipaliwanag ang sarili) ay maaring humantong sa kasawian ng mga kasambahay, gaya sa nangyari sa mga kaanak ni Butsiki.

Dahil may kultura sa bawat panahon at ang kultura ay laging napapanahon, naniniwala rin ako na isang mahalagang katangian ng kuwentong-pambata ang pananaw nito sa kultura ng batang mambabasa. Makikita ito sa kuwentong naganap sa kontemporanyong panahon at sa lugar na madaling makilala ng mga pamilyar sa urban poor.

Sa “Ang Makapangyarihang Kyutiks ni Mama,” ikinawing sa napapanahong kuwento ang natatanging paraan ng pag-iisip ng bata.

Akala ng Batang Babae na pangunahing tauhan sa kuwento, ang mama niya ay isang doktor. Kasama-sama kasi siyang lagi ng ina sa pagpunta sa iba-ibang bahay; ang mama niya ay laging may dalang bag na kinalalagyan ng mga botelya na sari-sari ang kulay. Naihambing niya ang Mama niya kay Doktora Santiago na ipinatatawag ng ina tuwing siya ay maysakit. Gaya ng Mama niya, si Doktora ay lagi ring may dalang bag na may sari-saring gamot.

Napansin din niya ang mga babaeng nagpapatawag sa kanyang mama. Sila’y malulungkot, matatamlay at mukhang may problema, parang gaya ng nararanasan niya kapag siya ay may karamdaman at hindi makapaglaro sa labas ng bahay. Ngunit sa sandaling bigyan sila ng gamot ng kanyang mama mula sa makukulay na botelya, nagbabalik ang kulay at saya sa kanilang mga mukha. “Matapos silang pahiran ng kyutiks ni mama, ngumingiti sila. Parang mga batang babaeng naghahalakhakan.”

Maaring matagal pa bago matuklasan ng bata ang katotohanan, na ang ina niya ay hindi doktora kundi isang manikurista, ngunit hindi na iyon ang mahalaga.Ang mahalaga ay nasa tapat na pagmamalaki at lantay na paghanga ng isang bata sa kanyang ina, dahil sa kakayahan nitong makatulong sa kapwa. Hindi direktang nangangaral ang kuwento tungkol sa dignity of labor, respect for women, mutual help among women, o iba pang malalaking aral na maaaring matukoy sa kuwento.

Bagaman makikita sa kuwento ang mga ito, ang aral o pagpapahalaga ay ipinababahala sa bata. Hindi idinuduldol o ipinangangalandakan sa babasa. Kaya hindi rin dapat salungguhitan o bulatlatin sa pamamagitan ng tiyak at malinaw na paliwanag ng sinomang babasa ng kuwento sa bata.

Sa mga hindi mapapalagay kung hindi kami magbibigay ng tahasang gabay sa pagsulat ng kuwento sa bata, lilinawin natin ang paliwanag ni Feny de los Angeles ng Community of Learners, tungkol sa dalawang bukal ng mga kuwentong-pambata.

Bawat kuwento ay mauugat sa kultura.Una sa kultura ng bata. Pangalawa sa kultura ng kabataan.

Ang kultura ng bata ay tumutukoy sa lahat ng maraming konteksto ng mga batang Filipino; sa kanilang kinalalagyang komunindad, sa kinabibilangan nilang kasaysayan, tradisyon at uri ng pamumuhay. Bawat batang Filipino ay napaliligiran ng kasaysayan, tradisyon, grupong-panlipunan, uri ng pamumuhay at paniniwala at marami pa. Lahat nang ito ay maaaring maging balon ng mga kuwento na mapaghahanguan ng kuwento ng sinomang nagnanais makasulat ng kuwentong-pambata. Samantala, tumutukoy naman ang kultura ng kabataan sa lahat ng tao, lugar, damdamin, at karanasan ng bawat batang Filipino kaugnay ng kanyang pagiging bata, ng kanyang paglaki at pagkakagulang.

Bilang pangwakas, inaanyayahan ko kayong magbasa ng mga modernong kuwentong-pambata na sinulat ng mga Filipinong kuwentista para sa mga batang Filipino.; kasabay ng hamong suriin ang bukal na pinaghanguan sa mga ito o ang nangingibabaw na paraan ng pag-iisip at pag-unawa sa mundo.

Maraming salamat sa inyong panahon at pakikinig.

Powered by Drupal