Palabas Bukas, Problema Ngayon

Palabas Bukas, Problema Ngayon
ni Silvino V. Epistola

May problema dahil mapanuri ang manonood. Nasisiyahan lamang siya kapag kasalimuotan sa buhay na kailangang pag-isipan at himaymayin nang maayos ang isinasaentablado. Kung matawa siya nais niyang malaman kung bakit siya natawa. Kung sakali namang matigatig ang kanyang kalooban, kailangan din niyang matalos kung ano sa palabas ang nakatigatig sa kanya at kung bakit. Kailangan din niyang malaman kung ano ang kahulugan ng palabas at kung ano ang katuturan ng kanyang pinanood.

Problema din ang palabas bukas para sa mga taga-teatro. Hindi pa man nasisimulan ng mandudula ang kanyang obra, problema na ang palabas bukas. Nang mapasakamay ng direktor ang eskrip, problema pa rin itong humihingi ng kalutasan. Sa pagsisimula ng mga rehersal naging problema na ito ng mga aktor na katuwang ng direktor sa pagbibigay-buhay sa dula sa ibabaw ng entablado. Bago pa man naitakda ang mga petsa ng pagpapalabas, marami na ang nasangkot sa paglutas ng problema. Sa pagtataas ng telon at sa pagliliwanag ng entablado saka pa lamang magsisimulang matanto ng mapanuring manonood kung pagsasayang ng oras o hindi ang kanyang pananatili sa loob ng teatro.

Ang karaniwang manonood ay may problema rin. Batid niyang may kakapusan ang kanyang kaalaman tungkol sa panonood ng mga palabas para itanong ang itinatanong ng mapanuring manonood. Bakit niya hinahanapan ng kahuluga't kabuluhan ang palabas? Sapat nang naaliw sila, tumawa't lumuha hanggang tuluyan na nilang malimutan ang mga suliraning hindi magpatahimik sa isipan at pati na rin ang hirap at pasakit na di-maiwasan sa totoong buhay. Hindi ba sulit na r'yan ang ipinambayad sa takilya? Ngunit sa isang kung anong dahilan hindi maiusal ng karaniwang manonood ang "Oo" na ibig-ibig na sana niyang ibigay. Naisip niyang marami pa siyang dapat alamin tungkol sa panonood ng palabas para maunawaan niya kung ano ang nangyayari sa ibabaw ng entablado at kung ano ang nangyayari sa kanyang sarili na hindi niya tantong mawawaan.

Ganyan ang problemang haharapin natin dito ngayon.

Ang Problema

Masisisi kaya ang mga taga-teatro kung magdaldalan o magbatuhan kaya ng nilamukos na papel ang mga nasa loob ng teatro sa halip na panoorin ang palabas? May magsasabi agad na walang ibang may kasalanan kundi ang mga taga-teatro na rin. Ang palabas ay hindi raw nakaakit ng matamang pagsubaybay. Walang nakitang mahalagang nagaganap sa ibabaw ng entablado ang mga manonood. Ni hindi rin sila nakakita ng anumang nakaaaliw, kaya't inaliw na lamang nila ang kanilang sarili.

Mayroon ding magsasabing wala ritong dapat sisihin kundi ang mga manonood na rin. Dala ng kakulangan sa aral, hindi nila tantong naunawaan ang nangyayari sa entablado. Hindi sila tinuruang manood, kayat ganoon ang kanilang inasal. Napilit silang magpunta sa teatro para panoorin ang dulang sinasabing hindi lamang maganda kundi makahulugan pa gayong hindi naman sila inakay na magkamuwang sa paganito't paganyan ng teatro.

Kung sasabad sa usapan ang nagpapunta sa kanila sa teatro, ganito ang ating maririnig. "Saan pa kaya matututong manood ng palabas ang mga walang muwang kundi sa teatro na rin? Kung hindi nakayanang hulihin ng palabas at ng mga nagpapalabas ang puso't diwa ng manonood, kangino pa kayang pagkukulang iyan kundi ng mga taga-teatro?" Hindi na inabot ng ganyang pagsisisihan ang mapanuring manonood. Nang makita niyang walang tinutungo ang palabas umalis na siya.

Ang Pagkapalabas ng Palabas

Sa magkatambal na ugnayan ng teatro at buhay panlipunan masusumpungan ang pagkapalabas ng palabas (sa salitang panteatro, teatrikalidad).

Sa teatro at sa lipunan man, naaayon sa umiral na mga kaugalian ang gawa't asal ng tao. Pag-aralan natin at himaymaying mabuti ang mga kaugaliang iyan at ating matitiyak kung ano talaga ang bumubuo sa pagkapalabas ng palabas (o teatrikalidad) sa gawa't kilos ng tao sa ibabaw ng entablado at sa lalong malawak na entablado ng lipunan. Ang panteatrong talinghaga, kung gayon, ay bunga ng may kalabuang pagtingin sa buhay ng tao bilang palabas at sa panteatrong palabas bilang larawan ng buhay sa tunay na daigdig.

Malinaw samakatuwid sa ating pagkakaunawa sa teatrikalidad na hinuhubog at tumutulong sa pamuling paghubog ng panlipunang kaayusan ang palabas. Napapanatili at napapababago nito ang sistema ng pagpapahalaga at gayundin ang balangkas ng mga pamantayan sa lipunan tumatangkilik sa teatro laban sa mga katunayang di-kabilang sa mga umiiral na katunayang panlipunan.

Sa teatro kinikilala itong bahagi ng pagkamalikhain ng dulaan. Dahil walang mandudula at wala ring eskrip sa totoong lipunan, hindi karaniwang napapansin ang malikhain sa mga ginagawa at inaasal ng mga tao sa tunay na buhay. Kung ito man ay mapansin, itinuturing itong kakatwa, dapat marahil ikahiya, may pagkamapangahas at mula sa anumang anggulo lalabas at lalabas na kakaiba. Dahil mataas ang pagpapahalagang iginagawad sa likas at tunay na pag-uugnayan ng tao sa tao, ihinihiwalay ang "likas" sa "panteatro," ang "tunay" sa "plastik" ("maarte," "O.A.").

Ibababa muna nating sumandali ang telon sa suliranin ng teatrikalidad ngayong nababanaagan na nating teatro ang teatro at daigdig ang daigdig. Huwaran ng dulaan ang daigdig, ngunit huwaran ba ng daigdig ang dulaan? Kailangan pa nating linawin ang pagkakaiba ng dulaan at ng daigdig na galawan ng tao sa tunay nilang buhay.

Ang Talinghaga ng Teatro

Sa loob at labas ng teatro, may katwiran ang katuwiran.

Ang hirap nga lamang ay marami ang mga katwiran sa mundo at marami rin ang masusumpungang katuwiran kahit saan. May mga katwirang nagsasaad na ito at wala nang iba ang katuwiran. May mga katwiran ding nagsasaad na iba ang katuwiran. Kahit na ano na yata ay maaaring ipangatwirang katuwiran. Bago tayo tuluyang mangaligaw sa dawagan ng mga katwiran at katuwiran, bakit hindi muna natin intindihin kung ano talaga ang ating pinag-uusapan? Ang tanong na dapat nating harapin ay iisa: Ano nga ba ang teatro?

Ang sabi ng Mandudula ay isang entablado ang buong daigdig at lahat tayong naririto ay may papel na gagampanan. Pagdating ng takdang panahong itinaning para sa bawat nilalang, isa-isa tayong pagigitna sa entablado, mamayagpag sandali at mag-iingay ng bahagya at pagkatapos uurong na sa likod ng telon upang hindi na makita o makaringgan pa ng kahit ano. Sinabi din ng Mandudula na ang buhay ng tao sa daigdig ay isang dula.

Paniwalaan nating totoo ang sinabi ng Mandudula at isang matulaing kaunawaan ang bubulaga sa ating kamalayan, kagilagilalas at totoong nakabibigla. Sa teatro magdadalawa ang ating pagkabigla sa sandaling makilala natin ang hindi inaasahang katangian ng katunayan, pangkalikasan man ito o panlipunan. Sa unang pagkabigla makikilala natin ang palabas sa ibabaw ng entablado bilang isang natatanging likhang-isip na binubuo ng isang kapanipaniwalang paglalarawan ng gawa't asal ng tao na may inihahayag na kahalagahan at may masasabing kahihinatnan. Sa ikalawang pagkabigla, makikilala natin na ating ginagamit ang pangngalang at kasangkapang pandalumat na siyang nagbibigay sa palabas ng bisang makasangkapan sa pag-unawa ng gawa't asal ng tao sa tunay na buhay.

Totoo kung gayon ang sabi ng iba kung naaalala pa ninyo ang lumang awit: May palabas bukas sa teatro. May palabas araw-araw sa may bukana ng Pitong Gatang at Umbuyan.

Ang Dulaan sa Kasaysayan

Mahirap iwasan sa panunuri ng iba't ibang mga nakaugalian nang sistema ng paggawa sa teatro ang paghahanay ng mga sistemang ito ayon sa kanikanilang panahon sa kasaysayan ng teatro. Tila baga sa ganitong paraang pangkasaysayan maipakikita na may pagsulong na nangyayari sa teatro. Tila baga ang kasaysayan ng teatro ay kasaysayan ng pagbabago mula sa pinakapayak tungo sa masasalimuot na paraan ng pagsasaentablado ng mga dulang pasaligutgot nang pasaligutgot ang pagkakatha. Sa katunayan, hindi ganyan ang nangyari sa totoong panahon ng teatro.

Hindi napapalitan ng bagong sistema ng paggawa ang nakaugalian nang sistema sa dulaan tuwing magbabago ang panahong pangkasaysayan. Ang bago ay nadaragdag sa luma. Dahil may katapat na kaugaliang panlipunan ang bawat kaparaanang ginagamit sa teatro sa sarili nitong panahon, ang tradisyon sa teatro ay hindi lamang isang kodigo ng mga alituntuning kailangang sundin ng mga nagsisiganap sa entablado, ng mga mangangatha ng dula, at mangyari pa ng mga manonood. Ang tradisyon sa teatro ay isa ring katipunan ng mga posibleng pamamaraang magagamit sa paglalarawan ng mga panlipunang pagkilos.

Madalas na ngayong makita sa ating mga tanghalan ang sari-saring paraan at estilo ng pagpapalabas. Naririyan ang bukas o bilog na entablado, ang dulaang walang telon, ang tuwirang paggamit ng mga pangretorikang sangkap na pawang hiram sa teatro ng Renasimiento. Kung ginagamit man ang mga pamamaraang iyan ngayon hindi ito masasabing pagbabalik sa mga paraan ng pag-iisip at pagkilos na nangingibabaw sa panahong yaon na matagal nang lumipas. Ang tangi nating masasabing kahulugan ng ganitong paglitaw ng mga lumang kaparaanan ay nagawa nang palawakin ng mga taga-teatro ang kanilang kamalayan hanggang sa masaklaw nito ang katuturan at ang kahalagahan ng mga kaugalian bilang tagapagpahayag ng kahulugan.

Sa ating pangkasalukuyang teatro ang talinghagang panteatro pa rin ang nakapangyayaring larawang-diwa. Sa ibang mga lupain at gayundin dito sa ating bayan, ito pa rin ang talinghagang nagbibigay katipayakan sa patuloy na pag-iral ng teatrikalidad at ng ating pagkamalay rito. Kabilang si Plato sa mga madalas gumamit sa talinghagang nabanggit. Sinabi niya na ang dakilang entablado ng buhay ang pinangyayarihan ng komedya at trahedya. Sa iba namang aklat sinabi niyang tau-tauhan lamang na pinagagalaw ng mga diyos at diyosa sa pamamagitan ng dalawang pisi ng magkatunggaling kapanatagang-loob at pagkatakot.

Dalawa ang ibig sabihin ni Plato: Isa, hindi kapanagutan ng isang tao ang kanyang ginagawa. Kapanagutan ito ng di-nakikita at di-matiyak na lumikha sa buong palabas. Dalawa, mayroon pang ibang lipunan na umiral sa labas ng ating kasalukuyang tinatanggap na totoong lipunan. Nakapaloob sa sinabi ni Plato ang problema ng kaugnayan ng tao sa papel na kailangan niyang gampanan. Iyan ang problemang laging binubuhay ng panteatrong talinghaga. Subalit ang lalong malinaw na aspekto ng talinghagang panteatro (ang pagtutumbas ng "pangganap sa ibabaw ng entablado" at ng gawa't asal ng tao) ang pinakamadalas gamitin ng mga manunulat na Griyego at Romano.

Noon pang ika-16 na dantaon palasak na ang talinghagang Theatrum Mundi(Teatro ng Mundo). Hindi lamang sa panitikan kundi pati na rin sa mga larawan ng sining lumalabas ang konsepto ng teatro bilang sagisag ng buhay ng tao. Kahit na noong nagiging popular ang mga teatrong pang-relihiyon at ang mga tanghalang wala kahit katiting na kaugnayan sa relihiyon bilang mga pook na pinagpapalabasan ng mga dula, naroroon pa rin at hindi nawawala ang moral o relihiyosong konsepto ng klasikong teatro.

Sa gayon, kapag ginagamit sa dula ang talinghagang panteatro ang tinutukoy nito ay hindi lamang ang entabladong nakikita ng lahat sa loob ng tanghalan kundi pati na rin ang daan-daan taong pagtanaw sa entablado bilang huwaran ng buhay at sa mga hangganang ipinataw sa pag-itan ng posibleng asal at ng mga katunayan ng pamumuhay sa totoong lipunan. Batid ito ng karamihang nasa teatro at ugali na nilang pag-ugnayin ang teatro, sa pampanitikan nitong kahulugan, at ang pang-moralidad at mapunahing pagtanaw sa sangkatauhan.

Nasa loob ng bakuran ng galak at aliw ang mga bagong teatro ng ika-18 dantaon, nasa bahagi ng buhay na wala nang kahit anong kaugnayan sa relihiyon. Nakapako na ngayon ang pansin ng lahat sa saligang konsepto ng buhay bilang isang kathang pandulaan, sa mga pandramang aspekto ng ordinaryong pampubliko at pansariling buhay. Ang pagkawili ng madla sa teatro ay pinasigla ng mga paghahambing ng pagganap sa ibabaw ng entablado at ng pagkilos sa pangkaraniwang buhay ng pangkaraniwang tao sa lipunan. Sa palabas hindi magkalayo ang asal at estilo ng pagkilos ng mga nagsisiganap at ng mga manonood na buhat sa Korte at sa mga lungsod sampu ng kanilang mga alila at mga alalay.

Noong mga panahong yaon ang konsepto ng mundo bilang isang teatro na pinagpapalabasan ng drama ay nahila na mula sa rurok ng kalangitan at ibinaba sa antas ng pang araw-araw na buhay sa ordinaryong lipunan. Itinuring na salamin ng katunayan ang entablado sa halip na salamin ng kabanalan, at ang mga palabas sa ibabaw ng entablado ay itinuturing na maiikling kasaysayan sa buhay ng tao sa isang tiyak na panahon at sa isang tiyak na pook. Hango ang kaisipang ito sa lumilinaw na noong pagkamalay ng mga tao na may kaparaanan silang magagamit sa pagbuo ng sarili nilang katauhan, sa pagsasaayos ng mga sitwasyon sa buhay at pati na rin sa pagdidisenyo ng ginagalawan nilang kapaligiran. Hindi na bago noon pa man ang ganitong pananaw. Naging lalong malinaw lamang ito mula noong mga huling dekada ng ika-17 dantaon hanggang sa kasalukuyan. Ngayon, ang pangmundong pananaw ng nakararami ay wala nang kaugnayan sa relihiyong dating pinagkukunan ng mga kaisipang pambuo sa kaliit-liitan nilang konsepto.

Ang Manonood at ang Tagaganap

Ang palasak na kaunawaang panteatro, sa pagkakatanggap ng karaniwang tao, ay nahubaran na ngayon ng katuturang kosmiko at moral. Pumalit dito ang pansariling kamalayan ng aktor.

Ang panteatrong katangian ng buhay na tinatanggap ng halos lahat ng tao nang wala nang isip-isip pa ay mukhang nararanasan na lamang nang tahasan ng mga taong malayo sa pinakamata ng mga pangyayari. Manonood lamang ang turing nila sa kanilang sarili. Maaaring hindi sila nabigyan ng papel na magagampanan gayong naroroon naman sila o kung nabigyan man sila ng papel hindi naman nila masabing malinaw kung papaano nila ito uunawain at gagampanan kaya't hindi na sila sumama sa karamihang pumagitna sa entablado ng buhay.

Matatagpuan ang mga manonood sa mga seremonya, sa mga kaguluhang nangyayari sa lansangan o sa tapat ng bahay na walang kurtina samantalang nagsasagutan ang mga nasa loob. Mga aktor silang walang papel dahil sa isang neurotikong sanhi ay hindi nila maituturing na bahagi sila ng buhay, o kaya hindi pa nila tantong nagagagap ang kaugalian ng bayang hindi nila sarili. Mga aktor ding walang papel ang mga nasadlak na lamang at sukat sa isang situwasyong ni sa panaginip ay hindi nila inakalang kasasangkutan nila bilang pasyente, halimbawa, sa isang pagamutan ng mga baliw, o bilang isang kriminal na tinutugis ng mga pulis.

Gayari ang karaniwang nararanasan sa unang araw ng mga pumapasok sa di-bukas at di-kilalang daigdig ng pagawaan. Sa mga pagkakataong ganito binibigyang diin ng marami ang pagkaramdam nila na may pagka di makatotohanan ang kanilang nararanasan. Sinasabi nilang tila sila nasa isang panaginip o dili kaya ay nanonood ng palabas sa isang teatro.

Ang ganitong damdamin ay nagkakaroon ng kasidhian kapag may ipinagagampan na di-kilalang papel na imposibleng maunawaan sa loob ng napaka-ikling panahong ibinigay. Hindi makapaniwala ang aktor na siya na nga ang nasa gitna ng entablado at gumagampan sa papel na bigla na lamang naging kanya. Hinahalagahan ng iba ang kanyang pagganap. May paratang na "sobra" o "kulang" ang paggampan niya, "maaga" o "huli" ang kanyang pagdating o paglisan. Sasabihin ding magaling siyang kumilos sa ibabaw ng entablado (sa di kanaisnais nitong kahulugan).

Ang gawa't kilos ng tao ay nagaganap sa isang "eksena' na may sadyang kaayusan. Ang ganitong lengguwahe, naging pangkaraniwan man ito sa maraming konteksto, ay ginagamit pa rin sa pagtitiyak ng mga pagkilos na may pagkateknikal. Natural paminsan-minsan kung kumilos ang karamihan gayong inaamin din nilang "arte" ang kanilang ginagawa. Ang sapantaha rito'y mayroong napagtibay ngunit totoong napakahirap tiyaking karaniwang antas ng pagkilos na hindi masyadong malaman at hindi rin masasabing walang kahulugan.

Ang Pagkilala sa Teatrikalidad

Ang mga nakaaalam kung ano ang drama, kahit na wala silang nalalaman kundi ang teatro sa sarili nilang bayan sa sarili nilang panahon, ang tanging makapagsasabi kung may pagkapanteatro ang pagkilos ng isang tao. Pang-ngalang pangmanonood ang "panteatro" tulad ng "teatro" na ang kahulugan sa Griego ay pook na inilaan para sa panonood ng mga palabas.

Ang pagkilos kung gayon ay panteatro hindi dahil may uri itong teatro kundi dahil may nakita ang isang tagamasid na kaayusan at pagkasunod-sunod ng mga kilos na may pagkakahawig sa nakikita niya sa teatro. Sa tingin ng manonood sa teatro iyan ay gawa ng mandudula, ng direktor at ng mga tagaganap. Ngunit kung kasangkot nang kahit bahagya ang manonoood malamang na hindi magiging ganoon kalinaw ang pagkamalay niya sa mga prosesong nagibibigay kabuoan sa pagkilos na kanyang pinanonood. Sinasapantaha niya hindi lamang ang mga motibo at mga intensyon kundi pati na ang mga pinagmumulan sampu ng antas ng mga puwersang nagpapakilos sa tao at kung ano ang nangyayaring di-inaasahang mangyayari. Nasa kanyang kamalayan ang isang prosesong humuhubog sa mga pangyayari upang magkaroon ang mga ito ng kabuoan at kahihinatnan gayong hindi naman laging matitiyak kung anu-anong mga puwersa ang nakapangyayari.

Ang teatrikalidad kung gayon ay hindi isang sistema ng pagkilos o ng pagpapahiwatig, ngunit nagiging katangian ng kahit anong uri ng pagkilos na masusundan at mabibigyan ng kahulugan nang ayon sa mga konseptong panteatro. May lalong malinaw na pagkamalay ang ibang mga tao sa simbolo kaysa nakakasangkapang aspekto ng alinmang pagkilos na sa pakiramdam nila ay may katangiang panteatro. Mangyari pa, mayroon laging panlipunang panuntunang sinusunod ang mga kaanib sa isang lipunan, kaya't ang antas ng teatrikalidad ay tinitiyak nang ayon sa isang partikular na pananaw, isang sistema ng pagtingin sa mundo.

Pangkat-pangkat na naninirahan ang mga tao sa maraming panlipunang daigdig at bawat daigdig na iyan ay likhang isip na nagmumula sa iisang pananaw na hawak ng mga magkakaanib. Ang pagkilos sa alinman sa mga daigdig na iyan ay maaaring lumitaw na may pagkapanteatro sa paningin ng hindi kasangkot na tagamasid o ng mga bagong dating na bago-bago pa lamang natututuhan ang mga alituntunin. Batid nila ang mga elemento ng komposisyon sa pamamahala ng pagsusunod-sunod ng pagkilos na maaaring mamalayan ng mga nagsisiganap na kusang nangyayari.

Drama ay Pagkilos

Ang pagkilala ng mapagpahiwatig na aspekto ng karaniwang pagkilos bilang mga bagay na makatuturan at nakaaakit pag-aralan ay hindi bahagi ng pag-unawa ng drama bilang isang uri ng sining. Ang pagkilalang ito ay lumilitaw sa kasaysayan ng tao sa sandaling malaman ng batang paslit na ang mga nangyayari sa kanyang paligid ay hindi niya mapamamahalaan. Ang mga pangyayaring may epekto sa kanya o may kabuluhan para sa kanya ay gawa ng ibang tao, kilala man niya ito o hindi.

Dumarating sa kamalayan ng bata ang katangiang dramatiko kapag may nakikita siyang pangyayari na hindi niya kinasasangkutan kahit na tinangka niyang makisangkot sa simula. Wala sa kabatiran ng maliliit na bata ang mga hangganang nakapalibot sa mga taong hindi niya kilala o kaya sa mga taong walang kinalaman sa kanila hanggang hilahin silang palayo o hanggang sila ay itaboy ng mga nakatatanda sa kanila. Unti-unti nilang natutuhan na maraming pangyayari, at ang ilan sa mga ito ay maaaring may kinalaman sa sarili nilang pamilya, na hindi sila inaasahang makisangkot nang tahasan. Kaharap nila ang mga pagkilos na mauunawaan lamang nila kung ipaliliwanag o lilinawin ang mga ito sa pamamagitan ng salita.

"Pagkilos" ang ibig sabihin ng "drama" ngunit ang tinutukoy ay pagkilos na ginaya, pagkilos na higit sa lahat ay may pagkasagisag, sa kahulugang may kinalaman ito sa kung anong nangyari na o maaaring nangyari na. Kung sa bagay bahagi ito ng teatro. Gayunpaman sa pang-araw-araw na buhay lumilikha ng drama ang mga tao sa pamamagitan ng epekto ng kanilang pagpapakahulugan sa nangyari at gayon din sa pamamagitan ng epekto ng kanilang pagpapakahulugan sa asal ng mga kasangkot sa nangyayari. Ang "asal" sa gayon ay nagiging "pagkilos" kapag kinikilala na itong may ipinahihiwatig na intensyon.

Kadalasan ang intensyon ay kahulugang kinakailangang igawad sa asal at kilos ng tao at nang magkaroon naman ng kahulugan ang gayong asal at pagkilos. Kung sa lengguwahe ay mayroong mapanglikhang gramatika na nakapagbibigay sa atin ng kakayahang unawain ang mga pangungusap na walang katulad, mayroon ding isang uri ng gramatika na nakapagbibigay sa atin ng kakayahang unawain na ang isang tapik sa balikat ay nagpapahiwatig ng pagsang-ayon sa ating paninindigan o ng pagpapaalalang mali ang ating ginagawa.

Batid natin siyempre kung papaano binibigyang kahulugan ng ibang tao ang ating pagkilos sa kanilang pagsasapantaha na ganito't ganyan ang intensyon ng bawat gawin nating pagkilos. Sa gayon ang demonstrasyon sa Plaza Miranda, ang kaguluhan sa Welcome Rotunda, ang libing sa Loyola, ang pagkakaingay ng magkakaibigan sa isang beer garden o kahit na ang mainitang pagsasagutan ng mag-asawa na ating namataan sa isang bukas na pinto ay nagiging para sa sinumang nais manood.

Para sa mga kasangkot sa aksyong nagaganap, ang pagkilos ay kasangkapang magagamit sa pagsasakatuparan ng isang mahalagang layunin, ngunit magkakaroon lamang ng kaganapan ang katuparang iyan kapag naunawaan ng iba ang buong kahulugan at tunguhin ng pagkilos. Sa sandaling mangyari iyan, matutupad ang nais matupad.

Ilusyon at Realidad

Lahat ng uri ng katha ay panggagaya, at ang dramatikong paglalarawan ang pinakakompletong panggagaya, sapagkat nasasalalay ito sa pagpapalagay na ang pinatauhang daigdig na pandrama ay nagsasarili at kumakatawan sa isang pansamantalang realidad na katumbas ang kahalagahan sa kahalagahan ng realidad ng panlipunang daigdig sa labas ng teatro. Sapagkat ginaganap ngayon sa ating harapan ang drama iginigiit nito na bahagi ng kasalukuyan at hindi ng isang panahong nakaraan na ang nagaganap na drama sa ibabaw ng entablado.

Subalit ang isang dramatikong paglalarawan ay isang balangkas ng mga kaunawaan at mga kahulugan. Wala itong pagkakasangkapan. Ang pagkaunawa ng isang mandudula sa posibleng dramatikong pagbuo ng aksyon at tema ang siyang binibigyan ng kahulugan ng isang direktor. Ito naman ang ipinaaabot niya sa mga tagaganap na siyang magpapaabot nito sa mga manonood sa loob ng teatro sa araw ng palabas. Isang kung anong malayo na sa orihinal na pagkakaunawa ng mandudula ang mapapanood at kanya-kanya nila itong uunawain nang ayon sa sarili nilang karanasan sa buhay at sa pananaw na hango mula sa kanilang pakikisangkot, tuwiran man o hindi, sa buhay ng samahan, komunidad at lipunang kanilang ginagalawan. Ang maraming iba't ibang kaunawaang ito ang nagbubukas ng puwang para makapasok sa bawat palabas ang elemento ng ilusyon. Nakikita ng mga manonood ang nais nilang makita, at bumabagay ang mga tagaganap sa mga kanaisang iyan sa abot ng kanilang kaya.

Sa teatro ang realidad at ilusyon ay mga pang-ngalang may paiba-ibang mga kahulugan at katukuyan. Wala sa mga salitang ito ang kahulugang "salungatan." Masasabing realidad lahat ang mga nagaganap sa ibabaw ng entablado sapagkat nakikita at naririnig na nangyayari lahat ito. Sapagkat nahihiwatigan sa pamamagitan ng mga pandama kasing totoo ng anumang nangyayari sa tunay na buhay sa labas ng teatro ang ginaganap na pagkilos sa entablado. Sa kabilang dako may pagkakasundo ang mga kasangkot sa palabas, tagaganap man sila o manonood, na walang ugnayan ng sanhi at epekto sa dalawang uri ng makatotohanang pangyayari sa loob at labas ng teatro. Tiyak ang pagkalisok ng dalawa sapagkat wala naman talagang naniniwalang ang aktor at ang persona na kanyang binibigyang tinig at katawan ay iisa. Batid ng lahat na ang mga pagkilos na makabuluhang makapagpapabago sa lagay ng situwasyon sa teatro tulad ng pagsilang, pagkamatay, kasalan, gahasa at iba ay laging pagkukunwa.

Sa pagtitiyak ng aktor kung sang antas ng realidad sila magsasalubong ng manonood, sa tatlong kaparaanan tuwirang nakikipagtalastasan ang aktor sa manonood. Isa, ang pagsasapakatan nila ng manonood, "Magkunwa tayong realidad ang palabas." Dalawa, ang paghikayat niya sa manonood, "Kapanipaniwalang pamalit ang palabas na ito, isang realidad na totoong malapit, manapa'y maipamamalit sa tinanggap mong realidad sa tunay na buhay. Tatlo, ang pag-anyaya niya sa manonood, "Pagtuwangan nating gawin itong realidad na makapagpapawalang saysay sa alinmang realidad na iyong naranasan na." Sa bawat antas ng realidad naroroon ang ilusyon. Subalit magkakaroon lamang ng lubos na kaganapan ang ilusyon kung magkakaisa ang aktor at ang manononood sa alinmang antas ng realidad o "Pagtitiyak ng situwasyon."

Maipaliliwanag ang pagtitiyak ng situwasyon sa pang-araw-araw na buhay bilang isang prosesong pangsosyolohiya na galing sa magkabalalay na kamalayan ng paglitaw at pag-uugnayan ng panlipunang pagkilos. Tinutukoy ng "paglitaw" ang unang pagsulpot sa ating kamalayan at pagpapakahulugan sa mga balangkas na napatotohanan na ng tagaganap sa sarili niyang situwasyon. Sa gayon pansamantalang napagsasama-sama niya ang magkakahiwalay na mga pangyayari sa pamamagitan ng paglalagay ng mga ito sa isang batayan ng kahulugan.

Upang makalahok sa isang panlipunang okasyon at maisabalikat ang mga kaugnayang kaakibat ng paglahok, kailangang tanggapin ang panimulang pangako na sisikapin nilang panatiliing umiral ang okasyong kanilang sinalihan at mananatili silang nasa loob ng takdang kasaklawan nito. Sa gayon kailangan magkaroon ng isang kaunawaang panlahat kung ano talaga ang kasaklawang ito, ang pagtanggap ng matitiyak na pagkapangkaraniwan ng asal, hangarin at layon. Iyan ang pinangalanang "pagkakasundo."

Ang pagkilala at pagtanggap ng mga kabawalang ipinapataw ng pagdalo sa isang okasyong panlipunan, kasabay ng pagtanggap ng tiyak na mga kahalagahan at kahulugan ng uring ito ng mga sanhi at epekto ng pagkilos, ng iisang paniniwala sa malamang na kahihinatnan at kahahantungan ng asal at gawa. Iyan ang tinaguriang "pakikisangkot sa isang situwasyon."

Ang pagkakasundo at pakikisangkot sa isang situwasyon ay bahagi ng isang lumilitaw na prosesong umiral tuwing magkakaroon ng ugnayan ng mga dumadalo sa anumang okasyon. Habang matagumpay na naisasagawa ang prosesong ito na lumikha ng kaukulang mga pamantayan, mga kahalagahan at mga alituntuning makikitang kaugnay din sa mga pamantayan, mga kahalagahan at mga alintuntuning nagsiiral sa nangyari nang mga okasyon. Ang "paglitaw" at "pakikisangkot" ay dalawang sangkap ng prosesong nagtutulak na maganap ang isang panlipunang pagkilos. Nakita ng aktor, nagpakahulugan at pagkatapos gumanap siya.

Bagamat mukhang labis ang pagkasimple ng panghihimaymay na ito ng kaparaanan ng pag-unawa, layon at paglikha sa pang-araw-araw na buhay, halos katumbas ito ng paglikha na inihaharap ng mandudula sa teatro at tinatanggap naming kapanipaniwala ng mga manonood. Kung matagumpay. Ang pagkaunawa ng manonood sa palabas ay batay sa paglitaw ng kahulugan at ang kakayahan ng manonood na iugnay ang palabas sa sariling karanasan, pagkakaunawa sa mga kaugalian, mga papel na ginagampanan at mga alituntuning pang-asal ng kasalukuyan o nagdaan nang panahon ng panlipunang kapaligiran.

Kadalasan, bahagi na ng isang tiyak nang kaayusan ang tema ng isang dula (maliban na lamang kung ito'y improbisasyon) at ang aksyon ay binibigyang buhay lamang ng mga tagaganap. Ang ibig sabihin nito ay nagkaroon na ng pagpipilian at naitakda na ang uri ng pagkilos na maaaring isagawa. Dito unang lumilitaw ang ilusyon. Natiyak na ang antas ng realidad at may lubos nang katuparan ang pagpapalagayan ng mga kaugnay sa palabas, ang mga tagaganap at ang mga manonood.

Subalit ang ilusyon ay isa lamang tiyak na pang-ngalang panteatro para sa isang prosesong likas sa lahat ng pag-uugnayang panlipunan. Ito ay pagpapako ng pansin sa mga kasangkot sa isang tiyak na situwasyon, pagtatakda sa nasabing situwasyon ng mga kilos na angkop o makabuluhan o may malinaw na kahihinatnan, at pagkilos na naaayon sa napiling antas ng realidad. Ang proseso ay isang uri ng pagkukuwadro sa mga pangyayari. Ang mahalaga ay maipahiwatig ang antas ng pagkaselan o pagkamakahulugan na masasabi tungkol sa isang pangyayari.

Sa bawat pagtitipon batid ng mga panauhin na aliw ang layon ng kanilang pagdalo, at kumikilos ang bawat isa na parang magkakapantay silang lahat, na parang pinararangalan ang bawat isa nang higit sa lahat. Hindi isang pansamantalang katha lamang ang "parang" ng pagkapantay-pantay ng lahat. Ilusyon ito. Ganoon din ang "parang" ng kahalagahan ng okasyon, ang pangangailangang panatiliin ang pagkasunod-sunod ng mga pagkilos hanggang sa kahuli-hulihang sandali, pigilin ang mga nakakaasiwang di-pag-iimikan, ang paglalantad ng kapootan, ang lubusang pagkayamot na makapagbibigay sa mga panauhin ng dahilan para magsilisan nang wala sa panahon.

Ang may pagsasariling uri ng dula ay sadyang pinanatili ng mga sumasali sa ganoong mga okasyon. Kahit na sa karaniwang buhay ang antas ng realidad ay pinipili kahit na hindi ito magagawang panatiliin kung hindi makatatalima ang mga kasali sa mga mahihigpit na alituntuning kinababatayan ng pagpapanatili nito. Ang mga antas ng realidad na tinatanggap sa teatro ? ang "kunwaring" realidad, ang "mapipiling iba," at ang nakapagpapawalang-saysay na realidad na may kinalaman sa pagsisikap na baguhin at panindigan ang pagtitiyak sa situwasyon, ang tinatawag na "mga alituntunin ng laro."

Hindi lubos na magkakaiba ang tatlong antas na ito ng realidad sa panlipunang daigdig. Batay ang bawat isa sa napagkasunduang mga alituntunin hinggil sa maaaring kalabasan ng pagkilos. Para sa mga mapag-alinlangan ang "nakapangyayaring realidad" mismo ay kathang-isip lamang, ngunit para sa mga may tiyak na paninindigan ang tinutukoy nito ay isang kasaklawang maaaring pangyarihan ng di-mababawing pagkilos na may bisa sa buong katauhan ng bawat tao at sa maaari niyang gawin sa hinaharap. Ang konsepto ng katunayan ay karaniwang napalalawak upang saklawin ang isang mas mahabang hanay ng mga pangyayaring pinili ng isang tao sa dahilang ang mga iyan ang nakapagbibigay kabuoan sa kanyang pang-biyolohiya at panlipunang karera.

Sa katunayan, karaniwang tinitiyak kung ano ang "totoong" sarili at kung ano ang "totoong" gawa ng sarili sa pamamagitan ng isang di-malinaw na pang-daylektikong pagsasalungatan ng pagka-di-makatunayang pagkukunwa at ng "maaaring mapiling ibang realidad." Ibinabawas ng isang tao sa kanyang buhay ang mga gawa sa larangan ng pulitika, karera, pampamilya o panlipunang buhay na itinuturing niyang laro. Marahil sa mata ng isang nagmamasid na ibang tao, pagkatapos ng ganyang pagbabawasan wala nang matitira pa sa buhay ng tao, ngunit para sa indibidwal batay ang katinuan ng isip sa paniniwalang mayroong natitira na magagawa niyang pamantayan ng lahat ng kanyang mga gawa. Sa gayon ang daigdig ng mga di-makatotohanang gawa ang sumusuhay sa isang pansariling pangangatuwiran na magagamit sa pagsasaayos ng "tunay" na buhay.

Nasa institusyonalisasyon ng laro (pagkukunwa) o di-makatuturang pagkilos sa lipunang kinabibilangan ang pagtataguyod ? pagpapatibay, halos ? ng personal na realidad. O kaya isa itong larawan ng institusyonalisasyon ng tatlong antas sa lipunan.

Higit na masalimuot at mas mahirap kaysa madadalumat mula sa karanasan ang pagkilala sa realidad. Sa "likas na pananaw" ng isang pangkaraniwang tao sa pang-araw-araw niyang buhay, may matatagpuang isang paraang makapagpapanatili sa isang napagkasunduan nang antas ng realidad. Ginagamit ang pang-ngalang " epoche" na pantukoy sa pagkukulong sa ad hoc na kuwadrong inilalapat sa palibot ng isang tiyak na uri ng situwasyon at pagkilos. Sa gayon naisasaisantabi ang paniniwala sa realidad ng daigdig at ng mga pangyayaring nasa labas ng situwasyong ikinuwadro. Para sa taong nasasakupan ng "likas na pananaw," epoche ng "likas na pananaw" ang pagtatakwil sa anumang pag-aalinlangan na ang daigdig at ang mga laman nito ay naiiba sa nakikita niya.

Makakasangkapan din ito ng manonood sa pagpapaliwanag ng katuturan ng pandulang daigdig sa loob ng teatro, subalit sa pagkakataong ito ang epoche , ang kuwadrong kinapalolooban ng aksyon, ay naihayag na at batid na ng lahat na pansamantala lamang ito. Nagiging isa pang mapipiling-iba ngunit marupok na realidad ang daigdig ng palabas.

Sa gayon, nanatiling malapit ang mga tagateatro sa udyok na paglaruan, tulad ng paglalaro ni Pirandello sa Six Characters in Search of an Author , ang pabago-bagong mga hangganan sa pagitan ng daigdig na panteatro at ng pangkaraniwang daigdig. Nagawa niyang ihayag ang pag-aalinlangan hinggil sa realidad nang hindi sinisira ang ilusyon ng realidad. Nagawa niya ito dahil lahat ng kanyang gawain ay ginawa niya sa loob ng sinaklungang daigdig na walang realidad. Makapagsasalamin ng napakaraming mga larawan ngunit hindi kailanman mababasag ang salaming daigdig. Sa puntong iyan hinihiwalayan ni Pirandello ang kanyang mga kapanahong mandudula at direktor na nagtangkang sumira sa bilog ng ilusyon magawa lamang nilang iisa ang dalawang daigdig ng teatro at ng totoong buhay. Subalit hindi nila naiwasan ang suliranin sa pagtatakda ng kahulugan. Sa kanilang panghihikayat na makisangkot ang mga manonood ginawa nilang teatrikalidad ang teatro.

Inihahandog ng tradisyonal na teatro ang isang daigdig ng laro (gaano man ito kaseryo) na makapagpapaluwag sa kaigtingan ng mga kaligaligang dulot sa mga manonood na nag-iisip kung ano ang kalalabasan at kahihinatnan ng mga pagkilos; malinaw at hayag na ang pagkakasunod-sunod ng mga pagkilos at ang di-kaginsaginsang pagpasok ng di-inaasahang pangyayari. Sa mga "happening" o sa mga palabas na hindi talagang pinaghahandaan, magkakalayo ang mga panaklong na nakapalibot sa di-makatunayang daigdig ng teatro kaya't malayang nakapapasok ang alinlangan sa kalalabasan, para sa mga manonood at mga tagaganap, ang mga pagkilos sa karaniwang pinid na daigdig ng teatro, ng nangyayari at ng maaari nilang gawin sa labas ng teatro. Kabaligtaran ng prosesong ito sa karaniwang buhay ang pagkilala at kung minsan ang panggigiit sa teatrikalidad bilang isang karapat-dapat tanggaping sangkap ng seremonya at ritwal na may pagkarelihiyoso at may pagkasekular, sapagkat sa paniniwala ng marami-rami din namang mga tao makatutugon ito sa isang kung anong layunin, kahit hindi na ito ang orihinal na layunin.

Ang napakadaling makaligtaang mga seremonya at ritwal sa pangkaraniwang buhay (mga demonstrayon, pagpapalitan ng mga regalo, pag-iibang anyo sa pagpasok sa piitan, sa pagamutan, sa hukbong sandatahan, o kahit na sa unang araw ng pagpasok sa pagawaan, mga ritwal ng prosesong pampulitika at iba pa) ay maaaring bigla na lamang maglantad ng sarili bilang pinagsama-samang mga katangian ng asal at gawa na mukhang nakawala sa kanilang mga panaklong, mga larawang hubad sa realidad sa gitna ng realidad, mga larawang tumatawag ng totohanang pagtingin sa karaniwang ipinalalagay na pangkaraniwan (hindi panteatro) sa pagkilos.

Ang guhit na naghihiwalay sa dalawang uri ng pagkilos, ang panteatro at ang di-panteatro, ay batay sa kaalaman tungkol sa pagpili ng moral na pananaw na nagkakaroon ng bisa nang ayon sa proseso ng sosyalisasyon sa isang partikular na panlipunang kapaligiran, at sa isang partikular na panahon. Hindi ito dahil lamang sa antas ng paglalantad. Ang matimping asal ng isang grupo ng mga Ingles sa isang pormal na pagtitipon ay maaaring lumitaw sa mga nagmamasid na kasing panteatro ng lantarang asal ng isang pamilyang Italyano sa kanilang pagbabatiang may kasamang halik, yakap at kamayan.

Malayang ginagamit ang terminolohiya ng teatro sa karaniwang usapan at mahalagang bahagi na ito ng pampropesyonal na lengguwahe ng mga peryodista. Palasak din ito sa pagsusulat ng mga talambuhay na sa pagkakasulat ay tagamasid ang manunulat at hindi tagalikha ng mga tauhan. Ang ganitong uri ng lengguwahe ay maaaring maging kapalit ng paghihimaymay bagamat maaari rin itong kasangkapanin sa panunuri.

Hindi marami ang nagnanais maniwalang umaarte sila tuwina. Mukha itong pagkilala sa paratang ng kawalan ng sinseridad at pagtatatwa sa sariling "kaakuhan." Sa pagtataguyod ng tangi nilang pag-aaral, handa ang mga sosyolohista na panindigang hindi maaaring malaman ang sarili at lahat ng mapagmamasdan ay maaaring ilarawan sa isang makahulugang paraang sa pamamagitan ng tinatawag nilang teorya tungkol sa pagganap ng papel, isang pagpapabuti sa pang-ngalang hango sa lengguwahe ng teatro. Ginagamit din ang salitang "dramatismo" na tumutukoy sa isang paraang ng panghihimaymay na kumakasangkapan ng mga saligang uri ng akto, eksena, tagaganap, pagkatagaganap, persona, layunin. Binibigyan-diin ng "dramatismo" ang mga batayang porma ng pag-iisip na kinasasalalayan ng panlipunang pagkilos. At ayon sa pagkakilala ng tao sa daigdig sa kanilang karanasan, lumilitaw ito sa pagkakilala ng tao sa daigdig sa kanilang karanasan, lumilitaw ito tuwing may magpapataw ng mga motibo sa gawa ng iba.

Ang karamihan sa mga sosyolohista ay nagbukas ng kanilang isip sa tagaganap o aktor. Ginagamit nila ang ilang kategorya ng akto, eksena, tagaganap, pagkatagaganap, persona, motibo, at layon sa pagkakaugnay ng mga ito sa aktor. Ang diing ibinibigay sa konsepto ng "papel" ay nagmumula sa katunayang galing dito ang kailangang kawil na magdadatig, sa isang dako, ng panlipunang realidad ng isinaayos na daigdig ng mga institusyon at ng mga pagbabagong pinagdaraanan ng mga ito at, sa kabila, ng pantaong realidad ng pansariling kamalayan at pansariling asal.

Ang Palabas sa Loob at Labas ng Teatro

Ang mga katumbasan ng paggampan ng papel sa loob at labas ng teatro, ng pagsasaayos ng eksena sa entablado at sa ibang mga lugar, at ng mga tema ng drama at sa ritwal sa pangkaraniwang buhay. Ang ibig sabihin nito'y isang gawaing kinasasangkutan ng lahat ang pagsasadula ng buhay.

Hindi rin nito ibig sabihing nawawalan ng halaga ang drama bilang isang sining, bilang isang bagay na nagpapalawak ng karanasan at nagpapasidhi ng kahulugan. Naghahandog ang drama ng karanasang makitid ngunit kinapapalamanan ng buong ikit ng mga situwasyong mapagsasaliksikan at mapagpipilian ng mga kinahinatnan ng mga pagpipili, pagpapasiya at pagkilos.

Ang aksyon sa dula ay hindi lamang likhang-sining kundi isa rin kathang buhay na nag-aatas ng isang pamantayan. Pamana ng ritwal ang katangian ng dulang mag-atas ng mga pamantayan. Batay ang tagumpay ng isang dula sa paghihikayat ng mandudula na magtatakda ang mga manonood ng isang paninindigan, tanggapin ang ilang tiyak na pamantayan sa pagkilos at sa mga kumikilos, at hatulan lahat na masama o mabuti, matagumpay o bigo, umaayon o sumasalungat. Ang manonood ay naggagawad ng hatol mula sa isang kinatatayuang hindi maaaring maging kanya sa tunay na buhay. Mula sa ganyang panteatrong kinatatayuan nakikita niya at napag-aalaman ang lahat ng dapat makita at malaman.

Abala kung gayon ang mga manonood sa isang ulirang pagyari at pamuling pagyari ng moral na buhay. Dahil dito ang kalumaan o kawalang saysay ng isang dula ay higit na nakapagpapawalang sigla kaysa nobela. Ang mga manonood ay hindi lamang hinihilingang magsikap na panatilihin ang daloy ng drama, hinihilingan din silang iugnay ang palabas sa sariling karanasan sa buhay sa labas ng teatro, kahit na sa iisang kalagayan lamang ito kaugnay, sa alta sociedad ng Bacolod, halimbawa, bago nagkadigma o sa magulo at maruming dako sa may bukana ng Umbuyan at Pitong Gatang.

Lumilitaw ang drama sa pamamagitan ng karanasan ng mandudula at ng mga tagaganap mula sa kinikilalang teatrikalidad ng pangkaraniwang buhay. Ngunit kailangan nito ang walang patid na pag-uugnayan ng sining at buhay. Ang mga panteatrong posibilidad ay makikilala lamang kung nagawa nang paghiwalayin ang manonood at ang tagaganap. Ang pagbabalangkas ng mga pangyayari, ang pagbubuhos ng pansin sa mga situwasyon at sa mga indibidwal ay bahagi ng realidad na nararanasan ng lahat sa pangkaraniwan nilang buhay sa mundo. Ngunit binibigyang daan ng kathambuhay ang pagmumuni-muni sa karanasang inilarawan nang walang kagulumihanang dala ng pangangailangang magpasya o magsagawa ng kaukulang pagkilos. Ang drama ay isang uri ng pinaigting na kathambuhay kaya tinutularan nito ang tunay na pagkilos sa totoong buhay. Kahit na sa tradisyonal na teatro ang manonood ay kasangkot sa palabas. May ginagampanan siyang papel na maisasaisantabi niya pagkatapos. Dahil sa ganitong pagkakasangkot ng mga manonood masasabing existentialist ang teatro. Sa tanghalan may tulong na ibinibigay ang mga manonood sa pagkaseremonya ng palabas habang minamasdan nilang ginagawang mga pormang panseremonya ang buhay. Ang kaigtingang nakapamagitan sa mga grupong kasangkot sa palabas, ang mga manonood at ang mga tagaganap, ay kaugnay sa karanasan ng teatrikalidad na nasa kamalayan ng lahat ng mga manonood sa labas ng teatro.

Sa pangkaraniwang buhay bawat tao ay abala sa walang tigil na pagsisikap na takdaan ang kanyang papel, ang kanyang eksena, ang mga hakbang na kanyang gagawin. Abala din ang bawat isa sa pagkilala kung sinu-sino ang kanyang mga kapwa tagaganap. Napag-isipan na sa teatro ang ganitong mga hangganang naghihiwalay sa mga uri. Ang pakikisangkot ay hindi na kailangang magdulot pa ng agam-agam. Sa dramatikong palabas ang panteatrong pagkilos ay naituwid na at naiayon sa mga alituntuning umiral. Binalangkas ang panteatrong pagkilos sa isang paraang makapagpapakita sa mga posibilidad ng magkakaugnay na kawil ng sanhi at epekto, pinutol ng hindi sinasadyang pangyayari o ng panghihimasok. Ang pansamantalang realidad ng panteatrong daigdig kahit na sa pinakamataas nitong antas ay hindi pagkamakatunayan ay nakatuon lagi sa totoong daigdig na nasa bingit ng kamalayan ng mga manonood.

Ang kamalayang pinagmumulan ng nakakasangkapang kilos ang siya ring kamalayang kumikilala sa sariling pagkabuo sa elemento ng teatrikalidad. Ang pagkilalang ito ang maaaring maging masakit at humantong sa pagtatakwil sa sarili. Sa pinakamahalaga nilang pakikipag-ugnayan at pinagkakaabalahan, nais isipin ng mga tao na wala sa kanila ang lahat ng mga katangian ng tagaganap. Mapananatili ang kaukulang kaunawaan ng katunayan kung titingnan ang teatrikalidad hindi bilang isang paraan ng pagkilos kundi bilang isang paraang ng pagkilala. Bahagi ito ng mapanuri, mapaghatol, mapagpahalagang 'ako" na tumatayo sa tabi ng sarili bilang konsyensya o "ego." Ngunit ang sadyang kagamitan nito ay napagyayaman ng panteatrong pagkamalay at ng kabatirang panteatro na nagbibigay ng kabuluhan sa sarili bilang isang panlipunang nilalang.

Kung ang drama ay isang pagpapalawak ng buhay, ang panteatrong panaw man ay nakapagpapalawak din. Ipinalagay ni Sartre na di-mapagkakatiwalaang lubos at di-maitatakwil ng tao ang kathambuhay. Hindi rin mapagkakatiwalaan at hindi maitatakwil ang teatro at ang panteatrong pananaw na bumubuo at binubuo nito. Kung wala tayong kakayahang bumuo at kumilala sa pagkakabuo ng ating sariling pagkilos at ng pagkilos ng iba, malamang na malansag ang panlipunan at pansariling buhay. Maaaring malaya tayo sa ating pakiramdam, ngunit ito ay kalayaan na sa kasalukuyan nating estado ng kasulungan ay hindi natin mapag-uukulan ng pagdidili-dili. Kailangan nito ang kumpletong pamuling pagyaring sarili ng bawat indibidwal.

Ang mga panganib ng "teatrikalidad" ay nasa kahigpitan o sa pagkamaulit. Madalas lumitaw ang magkakatulad na pananaw. Ito ay dala ng kawalan ng kakayahang yumari o kumilala ng bagong mga kaanyuan sa pagkatha. Ang panlipunang asal ay maaaring lumitaw na tila binubuo ng mga ritwal na walang katuturan kung ipagkakait natin ang bago sa sarili nating karanasan. Pinagkakasya na lamang natin ang mga "larawan ng daigdig" na hatid ng sosyalisasyon. Ang kaugalian, panretorika man o pampatotoo, ang pagganap ng papel at pagbalangkas ng mga pagkilos bilang mga banghay at tema ay batay lahat sa mapagkasundo at mapaglikhang ugnayan ng mga indibidwal sa iba't ibang panlipunang kapaligiran. Sa panteatrong pananaw, ang mga ito ang gramatika ng mga panuntunan ng pag-iisip at pagdamdam na kinababatayan ng panlipunang pagkilos.

Mangyari pa, ang tanging kailangan nating taglayin pagpunta natin sa teatro bukas ay ang gramatikang ito. Kung sakaling problema pa rin bukas ang palabas, may hawak na tayong mabisang kasangkapan upang buwagin ang mga balakid sa ating pag-unawa sa palabas bukas.

Powered by Drupal