"Romantisismo, Estilong Pilipino " Itinatak sa Nobelang Tagalog

"Romantisismo, Estilong Pilipino "
Itinatak sa Nobelang Tagalog
ni Ruby Gamboa-Alcantara

ANG NOBELANG TAGALOG NOON

Ang nobelang Tagalog ay iniluwal sa panahon ng mga Amerikano. Ito ay pinatutunayang produkto na labas sa panahon ng pananakop ng mga kastila bagamat napakayaman sa impluwensiya ng nasabing panahon. Walang maituturing na nobelang masining at makabuluhan na nasulat noong panahon ng Kastila maliban saNOLI at FILI ni Rizal na nasa wikang Kastila. Ang La Loba Negra ni Jose Burgos ay lubhang dramatiko (melodramatika) at ang Ninay (1985) naman ni Pedro Paterno ay kawangking-kawangki sa banghay ng NOLI ni Rizal. Ang Ninay ay nagtangkang maging tunay na nobelang Pilipino sa paggamit ng mga tanawing Pilipino na buong buhay na inilarawan sa nobela at sa paglalangkap ng mga kaugaliang Pilipino (halimbawa'y "paglilibing") subalit naging pilit ang pagkakapasok ng mga elementong ito kaya't naging artipisyal ang kabuuan ng tinangkang pagka-Pilipino.

Ang kawalan marahil ng mga naipalimbag, naipalathala, o maaaring naisulat na nobela noong panahon ng Kastila ay maipaliliwanag sa mga sumusunod na dahilan:

•  malaking halaga ang kaugnay na gagastahin sa pagpapalimbag;

•  ang mga manunulat o maging ang karaniwang mamamayan ay walang layang maglahad ng kanilang damdamin at kaisipan dahil sa kahigpitan ng sensura; at

•  namalasak ang mga sanaysay at panunuligsa na ibinunga ng Kilusang Propaganda at siyang mga inilathala sa Pahayagang La Solidaridad.

Karagdagan pa ang katotohanang ang ilang mga nakasulat ng nobela noong panahong nabanggit, halimbawa ay si Rizal, ay hindi nagtatag ng mga panuntunan sa pagsulat ng nobela. Kaya't walang nagawa ang mga manunulat na/sa Tagalog kundi ang bumuo ng sari-sarili nilang huwaran sa pagsulat. Nanguna rito sina Lope K. Santos at Valeriano Hernandez Peña at kaagad namang sinundan ng mga manunulat na sina Aurelio Tolentino, Iñigo Ed. Regalado, Roman Reyes, at marami pang iba.

Karamihan sa mga tagapanguna ng nobelang Tagalog ay aral sa paaralang Kastila kung kaya't hindi naman kataka-takang ang kanilang malikha ay mga kuwentong Kastila rin ang kaanyuan. Mapupunang ang kalakhan ng mga nasulat ay natutungkol sa pananampalataya (nobena, awit, korido, moro-moro, komedya, atb.) at kagandahang-asal. Sa kabuuan, binigyang-katangian ni Teodoro A. Agoncillo ang panitikan ng panahon ng Kastila na "patakbuhin na'y amoy simbahan pa." Kaya't nabuo ang konsepto ng nobelang Tagalogbilang behikulong pampangaral o pampalipas-oras at dagdag pa ay pampalaganapng maka-kolonyal na buhay at kaugaliang Pilipino (Pilipino sa depenisyon ng panahong iyon.)

ANG TRADISYONG ROMANTISISMO SA NOBELANG TAGALOG

Litaw na litaw na ang panahon ng Kastila ay kakambal ng pagpasok ng romantisismo sa Pilipinas. Nag-ugat ang romantisismo sa kamalayang Pilipino noong 1800 - nang mamalasak ang panitikang halaw sa itinapon ng kulturang Europeo na metrical romances . Ang impluwensiyang ito ay lalo pang pinalaganap ng "panitikang hindi nakasulat" na bukambibig ng mga prayleng Kastila at siya pa ring naging batayan ng mga panulat ng ilang mga Pilipinong nakapag-aral at nakabasa ng mga akda ng mga tanyag na manunulat na Kastila.

Subalit kaiba sa romantisismo ng Espanya ang " romantisismo sa Pilipinas katulad ng pagkakaiba na ng relihiyong Katoliko sa Europeo sa Katolisismong ipinakilala sana at taglay pa ng Pilipinas. Ang kabalintunaang ito ang naging bunga ng maling pagpapasunod at pamamalakad sa pamahalaan ng mga nagsidating naconquistadores . Ayon sa kasaysayan ng romantisismo sa Espanya, ang "romantisismo ay palagiang kapantay sa kahulugan ng rebolusyon o pagbabagong-anyo sapagkat ang Kilusang Romantiko ay reaksiyon sa neo-classicismo na puwersang nagpapamalagi sa status quo sa pagtataguyod ng mga layuning (1) panatilihin ang kaayusan o decorum ; (2) bigyang-diin ang ilusyon ng realidad; at (3) padalisayin ang paggamit ng wika. Sa gayon, ang "romantisismo ay pagpupunyagi, sa kabila ng lumalaking balakid batay sa katotohanan, na matamo, mapanatili o mabigyang pagmamatuwid ang mailusyong pananaw sa sandaigdigan at buhay ng tao na bunga ng maimahinasyong paglalangkap ng karaniwan at di-karaniwan, ng alam at di-alam, ng totoo at ideyal, ng mga may takda at walang katakdaan, ng material at ispiritwal at ng natural at supernatural."

Sa kabilang dako, ang konseptong ito ng "romantisismo" ay nag-iiba sa paglipas ng panahon. Kaya nga't ang isinasaad na pagbabagong-anyo na taglay nito sa kapaligirang 1750 sa Pransiya ay natabunan naman ng naipagkamaling mga katangian ng neo-classicismo . Tuloy, ang naging diin ng impluwensiyang tinaguriang "romantisismo estilong Pilipino" ay sa mga katangiang malayo sa katotohanan (ilusyon at/o imahinasyon), eskapismong matatawag , o kung katotohanan man ay eksaherado naman (pag-ibig, sentimentalidad, atb.) katulad halimbawa ng pagiging makapangyarihan ng pag-ibig sa iba pang sangkap sa kuwento, sobrang pagbibigay-kaganapan sa mga detalye ng kalikasan, patriotismong pilit, Katolisismong bulag , at kung anu-ano pa. Pagpapatunay lamang din na ang "romantisismong" ito ay hindi ang romantisismong Europeo na reaksiyon sa neo-classicismo kundi ang kataliwas nito.

Patutunayan ito ng mga katangiang gumitaw sa pagsusuri sa mga sumusunod na nobela na hinati ayon sa panahon ng pagkakalimbag at paghuhubog:

1906 Juan Masili , Patricio Mariano
1910 Bagong Dalaga , Roman Reyes
1911 Kung Magmahal ang Dalaga , Iñigo Ed. Regalado
1920 Ang Mestisa , Engracio Valmonte
1923 Ang Pag-ibig At ang Babaye , Jose Villamor
1933 Sanggumay , Gregorio C. Coching
1945 Fort Santiago , Pedrito Reyes
1946 Lakandula , Alberto S. Cruz
1947 Alipin ng Kagandahan , Roberto S. Teodoro
           Ang Pangarap Kong Birhen , Carlos Padilla
1949 Dalawa Ang Ina , Mateo Reyes
1953 Timawa , M. S. Martin
1958 Ang Pagkamulat Ni Magdalena , A. G. Abadilla at Kapulong
1960 Biro ng Tadhana , Pascual Manalo
1967 Dilim Sa Umaga , Efren R. Abueg
1971 Lagablab ng Kabataan , Dr. Fausto J. Galauran
           Mga Buwaya sa Lipunan , Celso A. Carunungan
           Hanggang Sa Kabila ng Langit , Liwayway A. Arceo
           Satanas sa Lupa , Celso A. Carunungan
1972 Kumusta Si Peter , Benjamin Pascual
1972 Mga Kaluluwa Sa Kumunoy , Efren R. Abueg
1973 Mister Mo, Lover Boy Ko , Efren R. Abueg

Nakalulungkot, malaman na ang nobelang Tagalog ay hindi pa rin nakaigpaw sa elemento ng pag-ibig na ayon kay Balagtas ay

. labis ang kapangyarihan,
Sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw!
Pag ikaw ang nasok sa puso ninuman,
Hahamakin ang lahat masunod ka lamang.
At yuyurakan na ang lalong dakila,
bait, katuwira'y ipanganganyaya,
buong katungkula'y wawalaing-bahala,
sampu ng hininga'y ipauubaya.

Simula sa nobelang Juan Masili (1906) hanggang sa Mga Kaluluwa Sa Kumunoy(1972) ay tinalakay ang tungkol sa pag-ibig: pag-iibigan ng magkasintahan, tatsulok na pag-ibig, doble-tatsulok na pag-ibig, at basta pag-ibig.

Si Enrique, sa Juan Masili , ay nagtangkang magpatiwakal sapagkat ang kanyang katipang si Benita ay ipinagkasundong ipakakasal sa mayamang si Kapitan Ape. SaBagong Dalaga , bubuo ng isang tatsulok sina Manuel, Elisa at Ines, ng isa pa sina Elisa, Matias at Engracio, at ng isa pa sina Elisa, Manuel at Engracio. Ang magkasintahan dito ay sina Manuel at Elisa, si Ines ay kaibigang matalik ni Elisa na may pag-ibig na taglay para kay Manuel, si Engracio ay mangingibig ni Elisa, gayundin si Matias. Sina Engracio at Ines ay nagsapakat na paghihiwalayin sina Elisa at Manuel upang kanilang maangkin. Mabuti na lamang at ang gagawin nilang panulot na si Matias ay tapat ang pag-ibig kay Elisa (ayon ito sa nobela) kaya't nang magselos si Manuel at magkagalit sila ni Elisa, si Matias ang gumawa ng paraan sa kanilang ipagkakasundo sa dahilang hindi niya matiis na maghirap ang kalooban ni Elisang kanyang minamahal. Ang tatsulok sa Kung Magmahal Ang Dalaga ay binubuo nina Flora, Mario at Padre Raul na isang prayleng Kastila. Kinasangkapan ni Padre Raul ang pagiging relihiyosa ng isa sa tiyahin ni Flora upang mahikayat na itira sa isang hiwalay na bahay si Flora nang mailayo raw diumano sa masasamang mata ng tao. Subalit sa katotohanan, may matinding pagnanasa si Padre Raul na maangkin si Flora at ito ang pamamaraang naisip niyang gawin upang maisakatuparan ang maitim na balak. Sa Ang Mestisa magkakaagaw kay Tirso sina Teang at Elsa. Paghihiwalayin ni Elsa sina Teang at Tirso at babalakin pang pikutin ang lalaki. Si Mercedes naman sa Ang Pag-ibig at Ang Babaye ay magmamartir sa pagkakapahiya sa pagbubunyag ng ginawang pakikipagkita at pakikipagtagpo sa kasintahang si Arturo upang ang huli ay mapawalang-sala sa ibinibintang na pagpatay sa isang babae. Sina Danilo at Carmen naman ay ikakasal sa Fort Santiago , kaya't maghihinanakit si Dolores na kapatid sa turing ni Danilo sapagkat ang dalaga pala ay may lihim na pagtingin sa binata. Si Carmen naman ay inaalala pa ang dati niyang kaklase na si Roberto. Magkakaroon ng digmaan at si Danilo ay ipadadala sa Bataan; sa pagbabalik, ito ay bulag na. Si Carmen naman ay sasama na kay Roberto at si Dolores ang maiiwan kay Danilo. Sa Lakandula , magkasintahan sina Angel at Amelia ngunit pipikutin ni Tindeng si Angel; magugumon sa bisyo si Angel at sa huli ay magkakatagpong muli sila ni Amelia na isa nang "social worker". Ang bubuo naman ng mga tatsulok sa Alipin ng Kagandahan ay sina Dela at Oscar at ang iba pang tatsulok ay sina Oscar, Elma at Federico at ng isa pa'y sina Dina, Ruben at Oscar. Sina Rogelio, Maria Luisa at Ester naman sa Ang Pangarap Kong Birhen ; sa Timawa ay sina Andres, Alice at Lily; sa Ang Pagkamulat ni Magdalena ay sina Dario, Denang at Pong ang isa at ang pangalawa ay sina Dario, Denang at Miss Reyes. Mayroon ding tatsulok sa Biro ng Tadhana - sina Loring, Pastor at Jaime. Sa Mga Buwaya Sa Lipunan ay sina Armando, Senador Morales at Chita. Sina Rica, Jaime at Roberto ang unang pangkat at sina Padre Jesus Marin, Rica at Roberto ang pangalawang pangkat sa Hanggang Sa Kabila ng Langit . Sina Benigno, Conrado at Chona sa Satanas Sa Lupa ; at sa Mga Kaluluwa Sa Kumunoy ay sina Bayani, Marilou at Atty. Bondoc.

Sa halos lahat ng mga nabanggit na tatsulukan ng pag-ibig ang karaniwang pinagtatapusan ay ang kasal o pagsasama nang maligaya hanggang sa wakes. Ito ay pagsunod pa rin sa pagpapanatili sa/ng kaayusan o pagbabalik sa kaayusan. Sabi nga ni Ginoong Virgilio S. Almario:

Kakanggata ng ganitong pagsulat ang ganitong konsepto ng pagsunod sa tibok ng puso at ng banal at dalisay na pagpapakasakit alang-alang sa minamahal. Nasa pinakamasaklap na pagtitiis ang tamis ng muling pagkakatagpo sa nawawalang kasintahan o asawa. Nasa magandang pagtatangi-tangi naman ng walang kahulilip na via cruces ng pag-ibig ang sulatan ng kakanyahan ng mangangatha.

Isa pa rin itong pagpapatunay na ang naging pag-unlad ng balangkas ng tunguhin ng panitikang Pilipino sa pangkalahatan at ng nobelang Tagalog sa partikular ay isang paulit-ulit na proseso lamang ng pagbalik sa pinagmulan kapag malapit nang marating ang kaituktukan ng pagsulong-pagbalik o ng pagtaas-pagbaba mula sa temang romantikong pag-ibig tungo sa makabuluhang kamalayang panlipunan. Dangan nga lamang at tila nananaig pa rin ang unang baiting.

Kung sisiyasatin natin ang unang sampung taon ng mga Amerikano sa Pilipinas ay malalamang may ilang nobela rin naming nalikha na nauukol sa mga suliranin ng mga anakpawis, magsasaka o magbubukid, manggagawa at iba pang kauri.Samakatuwid, mahihinuhang naipakilala na sa lipunang Pilipino ang katotohanan tungkol sa umiiral na antas ng pangkabuhayan na malaki ang epekto sa iba pang aspeto ng lipunan - pulitikal, sosyal at cultural. At ang katotohanang ito ay taglay o tinaglay ng mga nobelang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos (1906), Anino ng Kahapon ni Francisco D. Laksamana (1906), Sa Ngalan ng Diyos ni Faustino Aguilar, Juan Masili ni Patricio Mariano, at iba pa. Sa gayon, mauuri ang bahaging ito ng panahong iyon bilang paitaas na pagsulong ng balangkas ng pag-unlad sapagkat hindi lamang napirme sa temang romantikong pag-ibig ang mga nobela kundi natuto na ring humarap sa mga tunay-na-pangyayari sa kapaligiran, natuto na ring manuligsa sa kalakaran ng lipunan. At kung madawit pa rin ang tungkol sa pag-ibig, masusuring ito ay ginamit na lamang bilang isang behikulo ng tunay na binibigyang diing tema sa nobela. Subalit katulad pa rin ng kapaniwalaang angkasaysayan ay nauulit , ang pagsulong na ito ay nagbabalik ding pilit sa pinagmulan. Tila may kung anong puwersang pilit na humahadlang sa pagsulong ng panitikan o sa particular, ng nobelang Tagalog.

Ang panahong 1800-1900 ay maihahanay natin bilang isang yugto na humubog sa kamalayan ng mga nobela nina Lope K. Santos, F. Laksamana, atb. Kung kayat' sa huling bahagi ng panahong ito at unang bahagi ng susunod na panahon 1900-1911(unang yugto ng Panahon ng Amerikano) masasabing nasa itaas ang kamalayan ng nobela . Ang Juan Masili ni Patricio Mariano ang kinatawan ng panahong ito sapagkat dito ay nakita na ang pagtuligsa sa pagsasamantala ng mayayaman sa mahihirap. Ang ama ni Juan sa nobela ay ipinabilanggo at ipinapatay ng mayamang si Kapitan Tiago dahil sa pagtatanggol ng una sa kanyang karangalan na nirumhan ng Kapitan sa ginawang panggagahasa sa asawa (ina ni Juan). Subalit ang nobelang ito ay hindi pa rin lubos na nakatakas sa impluwensiya ng romantisismo tulad ng pagiging sentimental ng ilang bahagi nito at ng halos walang katapusang mga pangyayari. Hindi pa nagkasiya sa pagpapahirap sa buhay ni Juan ang manunulat kung kaya't ipinagpatuloy niya ito sa pagpapasok kina Enrique at Benita na magiging biktima pa rin ng kabuktutan ng buhay. Kitang-kita pa rin sa nobelang ito ang pagiging romantiko ng pagtanaw sa buhay ni Enrique na sapagkat masasawi sa pag-ibig ni Benita (na ipakakasal sa isang mayaman) ay binalak nitong magpatiwakal. Ito ay romantikong-romantiko sa paniniwalang ang buhay ay puno ng pagdurusa at pagpapakasakit, ang kaligayahan ay isa lamang panaginip sapagkat ang tunay na katotohanan ng buhay ay nasa pagdurusa at pagpapakasakit at pagtitiis, at ang kalutasan lamang ng lahat nang ito ay kamatayan. Samakatuwid, ang itinaas na kamalayan ng Banaag at Sikat ay pakunwang inalalayan ng Juan Masili at patagong binitiwan. Kung kaya't ang mga nobelang nasulat sa panahong kasunod (1910-1940 0 ay naglunoy na naman sa konsepto ng pag-ibig . Sa mga pamagat na lamang ay makikita na ang sinasabing pagbabalik sa pinagsimulang: 1910 - Bagong Dalaga ni Roman Reyes; 1911 - Kung Magmahal Ang Dalaga ni Iñigo Ed. Regalado; 1920 - Ang Mestisa ni Engracio Valmonte; 1923 - Ang Pag-ibig at Ang babaye ni Jose Villamor; 1933 - Sanggumay ni Gregorio C. Coching. Bukod pa sa pagtalakay sa pag-ibig, ang mga nabanggit na nobela ay tumukoy pa rin sa mga sumusunod na tema:

•  pagtutol ng mga magulang sa pag-iibigan ng mga anak na impluwensiyang nasapol mula sa aristokratang pananay ng mga Kastila ( Bagong Dalaga; Ang Pag-ibig at Ang Babaye ),

•  impluwensiya ni Rizal: panunulisan tulad ni Elias ( Juan Masili ); pag-aampon tulad ni Padre Florentino kay Simon ( Juan Masili , si Juan ay inampon at pinaaral ng isang matanda; Bagong Dalaga , bagama't ibang uri naman ng pag-aampon ang ginawa ni Mang Adyong kina Aling Dolores at Elisa); katiwalian ng prayleng Kastila ( Kung Magmahal Ang dalaga ) na masasabing reaksiyon sa pananakop ng Kastila; at

•  pamana ng pananakop ng Amerikano; bahay-aliwan at babaing mababa ang lipad ( Sanggumay ).

Ang susunod namang yugto ng paghuhubog, ( 1940-1960 ) na sumasakop sa mga panahon ng Digmaang Pilipino-Hapones, Komonwelt at Republika ng Pilipinasay nagsimula na naman sa unang baiting ng balangkas ng pag-unlad sa nobelang Tagalog ng nauukol sa pag-ibig. Lahat halos ng halimbawang nobela sa panahong ito (sa pag-aaral na ito) ay nagpapatunay: Fort Santiago - 1945, Lakandula - 1946,Alipin ng Kagandahan - 1947, Ang Pangarap Kong Birhen - 1947, Timawa -- 1953, Ang Pagkamulat ni Magdalena - 1958, at Biro ng Tadhana - 1960. Bagamat dahil na rin sa pagkakapagpakilala sa Pilipinas ng mga bagong konseptong tinaglay ng mga mananakop na dayuhan at ng pakikipag-ugnayang panlabas ng Pilipinas ay nagkaroon ng dagdag na temang paglulunuyan ang nobela. Bukod pa rito, nagkaroon ng pangganyak ang mga nobelista na sumulat ng naiiba dahil sa ibinigay na laya sa pagsulat ng panahon ng mga Amerikano kaya't makikita na ang pagtalakay sa mga temang nauukol sa pulitika ( Lakandula ), pagsusundalo at digmaan ( Fort Santiago; Lakandula, Timawa ), materyalismo ( Alipin ng Kagandahan; Lakandula; Timawa ). Nararapat sanang ang pag-akyat sa baitan ng pag-unlad ay tumaas na sa pagpasok ng mga bagong kaisipan subalit matindi ang impluwensiya ng "romantisismo" lalo na sa aspekto ng pagpapanatili ng kaayusan,order decorum tulad ng ipinakita sa Ang Pangarap Kong Birhen, Alipin ng Kagandahan at Biro ng Tadhana kung saan ang mga magkahiwalay na magkasintahan (o mag-asawa) ay nagsamang muli o nagpakasal sa katapusan ng nobela (tulad ng nabanggit na). Gayundin naman sa mga nobelang Fort Santiago, Lakandula at Timawa sa hindi pagiging makatotohanan ng balangkas o sa karamihan ng mga pangyayaring isinasalaysay. Sa Fort Santiago : ang kasal nina Carmen at Danilo ay hindi natuloy sapagkat nagpunta sa digmaan ang binata; sumama kay Roberto si Carmen; bumalik na bulag si Danilo; nagkitang-muli sina Dolores at Danilo at sa katapusan ay sila ang nagkasama. Sa Alipin ng Kagadahan, ang simula ay sa pagkakagulo ng pagliligawan nina Dina, Dela, Oscar, Elma, Ruben, Federico at iba pa; sa katapusan naman ay sina Federico at Elma, Ruben at Dina ang magkakatuluyan. Pareho rin sa nobelang Biro ng Tadhana kung saan sina Miling-Jaime at Loring-Pastor ay nagpakasal, si Loring ay mag-aartista at pag-aasawang muli ni Pastor kay Lupeng pagkamatay ni Loring. Sa yugto ring ito pumasok ang pagpapakilala sa Amerika bilang lupang pangako o pandaigdig ng kaunlaran at kaligayahan tulad ng pagbanggit sa pagkakapanggaling ni Andres Talon (Timawa) sa Amerika kung saan siya ay nag-aral upang sa pagbabalik sa Pilipinas ay makaharap na muli ang mga taong humamak sa kanya. Isa pa marahil bunga ng pagpapakilala ng kaisipang demokratiko sa Pilipinas ang naging tema ng nobelangDalawa ang Ina ni Mateo Reyes na tumungkol sa paglilitis sa korte suprema (ilusyon ng hustisya o katarungan) sa kaso nina Jose de Villa, Mercedes de Villa at Emilia Perez na ang pinagtatalunan ay kung sino ang kikilalaning ina ng batang (binata na sa paglilitis) si Jose - ang kanyang inang nagluwal sa kanya o ang kanyang ina-inahang nagpalaki, nag-arua at nagpaaral sa kanya. Tanging-tanging ang nobelangAng Pagkamulat ni Magdalena ang nag-iba nang kaunti bagamat itinuturing lamang ito na isang pagpapakalunod sa paksang sex . Sabi nila Ginoong Rogelio Ordoñez

Ang "Pagkamulat ni Magdalena" ay halos naglunoy lamang sa paksangsex , at ang paksang sex ay angkop lamang sa mga bansang nasa daigdig na ng makina at may ganap nang maunlad na ekonomiya.

Kung naging matapat man ang paghahangad ng "Pagkamulat ni Magdalena" na naging makasining at kung tanda man ito ng "isang katotohanang paghihimagsik ng panitikang tagalong," hindi naman ito nakaigpaw sa malakas na impluwensiya sa diwa ng may-akda ng mga akda ni D. H. Lawrence. Kung nagkaroon man ito ng pagtatanghal palayain ang panitikang Pilipino, wala itong nagawa kundi ibilanggo ang kaluluwang Pilipino sa bartolina ng sex !

Gayunman, may bahid ng pagiging propetiko (prophetic) ang Pagkamulat . sa pagtatangkang ilarawan ang magiging panahon ng pananakop ng mga Intsik na Komunista sa taong 1980. Ito ay masasabi pa ring bakas ng "romantisismo" na naiwan sa kamalayang Pilipino hanggang sa panahong iyon ng 1958; sapagkat ang paghula sa magiging hinaharap ay isa pa ring uri ng kalabuan o kahiwagaan o ang kilala sa taguring mistisismo na inianak na rin ng "romantisismo". Ang katangiang ito ay pinatunayan pa rin sa huling yugto ng nobela kung saan si Denang ay nagkaroon ng mga pangitain ng pangyayaring magiging dahilan o magdudulot ng kapahamakan kay Dario at ng kamatayan naman para sa kanya. Pinaigting pa ito ng tagpo na kung saan ang isang lalaking balbasin ay nagpakita sa kanya bago siya tuluyang nalagutan ng hininga. Katangian pa rin ng nobelang ito ang pagiging biblical sa pagkakapasok pa rin ng ilang elementong panrelihiyon tulad ng mga pangalang Magdalena, Lazaro, Beronika; historikal sa mga pangalang Kasamang Rizal, Del Pilar, atb Ideolohikalsa mga bahaging tumatalakay sa mga simulain o paniniwala na makikita sa mga naganap na pagtatalo tungkol sa pamahalaan (Dario vs. Pong), lipunan at ekonomiya (Dario vs. Johnson) at relasyong pisikal (Dario vs. Denang). Subalit ang mga katangiang nabanggit ay hindi pa rin naglalagay sa nobelang ito sa ituktok ng kamalayang panlipunan sapagkat nangaral lamang ito ng ilang pilosopiya tungkol sa moralidad at imoralidad, seremonyas sa relihiyon, indibidwalismo, kapayakan ng buhay, at pakikipagtulungan ng Pilipinas at Estados Unidos. Nagkulang pa rin ito sa paglalarawan sa realidad ng kolonyal na sosyedad o lipunang Pilipino; hindi ito "isang literaturang maghahantad sa kabulukan ng kasalukuyang lipunan, isang literaturang parang panistis na bibiyak sa ninanana at inuuod na kaisipan ng sambayanan. "(Sapagkat ) Para maituring na mahalaga ang isang literature o anumang bahagi ng literature, dapat na magkaroon ito ng kaugnayan sa mga pangunahing problema ng bayan - kung bakit patuloy na nagdaralita ang maraming Pilipino, kung bakit atrasado an gating ekonomiya, at kung bakit patuloy na napagsasamantalahan ang masa."

Ang ikaapat na yugto ng paghuhubog ( 1967-1972 ) ay mailalarawang pinakamataas na panahon sa nobelang Tagalog sapagkat sa panahong ito naisulat at nailathala ang mga sumusunod na akda na naging kinatawan ng paghingi ng pagbabago sa lipunan:

1967 Dilim sa Umaga ni Efren R. Abueg (ERA)
1971 Lagablab ng Kabataan ni Dr. F. J. Galauran
           Mga Buwaya sa Lipunan ni Celso A. Carunungan (CAA)
           Satanas Sa Lupa ni CAA
1972  Mga Kaluluwa Sa Kumunoy ni ERA

Sa Dilim Sa Umaga , tinalakay ang tungkol sa anomalya sa tanggapang pinaglilingkuran ni Antero at pinamumunuan ni Mr. Collas. Ang tanggapang ito ay isang sangay ng gobyerno na namamahala sa komunikasyon. Isiniwalat dito ang ginagawang panloloko sa tao ng ilang pulitikong kauri nina Mr. Collas at Senador Montano; pang-aapi sa mga api nang tulad ni Meliton; anomalya sa mga ospital na nagbibili ng bangkay ng pasyente. Inilahad din ang tungkol sa kilusang pangnasyonalismo sa pamumuno nina Ligaya at Bayani; demonstrasyon ng kabataan at kilusang manggagawa laban sa ilang kampanya ng gobyerno, atbp. Dapat sana ay nakaiwas na ang nobelang ito sa daloy ng "romantisismo" subalit nakita pa ring sa katapusan ng nobela ay ibig tumakas ni Antero sa katotohanang nagaganap sa kanyang kapaligiran. Natakot pa rin siyang makipagtunggali sa katotohanan at humanap ng lunas sa kanyang mga suliranin at sa suliranin din ng kanyang bayan. Nanaig pa rin ang pag-iwas na ito ni Antero - eskapismo pa rin ang kalutasang sinuungan niya. At nang makumbinsi na siyang sumama sa demonstrasyon, ang dahilan ay si Ligaya at hindi ang pagtaas ng kanyang kamalayang panlipunan. Malaki ang pag-ibig ni Antero kay Ligaya at ito ang hindi niya matatanggap na mawala sa kanya. Romantiko pa rin ang naging dahilan sa pagsapi ni Antero sa demonstrasyon ng kabataan. Ayon na nga rink ay Ginoong Abueg nang siya ay magbigay ng isang panayam tungkol sa nobelang Tagalog sa pulong ng TANIW noong Mayo 24, 1970:

Ang bagong kabataang manunulat, sa halip na magkaroon ng hinog na oryentasyong pulitikal, ay nagkaroon lamang ng ilusyon ng romantisismo ng reporma, na sa palagay nila ay magagawa sa pamamagitan ng mga nobelang kung lumalampas sa pagbubunyag ng mga "bulok na bahagi" ng lipunan ay hindi naman nagmumungkahi ng pagbabago, kundi naglalarawan lamang.

Sa Lagablab ng Kabataan ay ipinirisinta ang dalawang puwersang naglalaban tungo sa pagbabagong hinihingi sa lipunan: ang mapusok na paraan na nilalayon ni Crisostomo Ibbarientos at ang mahinahong pagbabago lamang na inaadhika ni Isagani. Ang nobela ay kinakitaan ng malaking impluwensiya ng nobela ni Rizal sa paggamit ng mga tauhang Kabesang Tales, Isagani, Crisostomo. Dity ay isiniwalat ang tungkol sa kilusan ng mga Huk ngunit pahapyaw lamang. May tatak ng pagiging angat sa kamalayan ang nobelang ito subalit tila hindi pa rin nakapagbigay ng kongkretong kalutasan sa mga suliraning panlipunan. Iniwan ang wakas na walang katiyakan sa tutunguhin ni Isagani matapos na siya ay mabaril sa demonstrasyon at mapagaling ang anak na doktor ng Gobernador ng kanilang lalawigan.

Ang Satanas Sa Lupa at Mga Buwaya Sa Lipunan ni Celso A. Carunungan ay naghahantad ng mga katiwaliang nagaganap sa lipunan: ang ginahasang si Lita na isang "hostess," pagkukulong kay Rodrigo na siyang inakusahan ng paggahasa sapagkat siya lamang ang mahirap sa pangkat, ang pananakot ni Senador Morales kay Armando ( Mga Buwaya Sa Lipunan ); ang pulitika sa bayan na kinakatawan nina Benigno Talavera, isang dating mabuting mamamayan na sumama sa pagkakapasok sa pulitika, Kong. Carpio, Kong. David at Balbino na apre-parehong naglulukuhan upang makaakyat sa kaitaasan ng kapangyarihan at kayamanan, pagkagumon ni Ismael na anak ni Benigno sa marijuana, ang pagkakaroon ng ugnayan nina Benigno at Chona, pagdadalantao nang walang asawa ni Esther na anak pa rin ni Benigno, ang pagtatanan ng magpaparing si Conrado at Chona. Sa dalawang nobelang ito ay nakita ang wakas ng mga kabuktutan sapagkat si Senador Morales ay pinag-usig at si Benigno naman ay namatay na at ang lahat ng ebidensiyang ipinang- blackmail sa kanya ay sinunog na ng asawang si Virginia. Ang isang nakasira sa Satanas Sa Lupa ay ang "romantikong tipo" ni Virginia bilang isang asawa at ina. Sobra-sobrang pagpapakasakit at pagmamartir na tila hindi na makatotohanan ang kanyang pinaglunuyan. Kaya nga't mapatotohanan pa rin ang ainasabing pagkakabahid ng "romantisismo."

Ang Mga Kaluluwa Sa Kumunoy ay isa lamang pagpapaunlad ng Dilim Sa Umaga at halos katulad na mga katiwalian sa lipunan ang tinatalakay. Katulad pa ring n inaasahan, makikita pa rin ang pag-iral ng isang tatsulok ng pag-ibig sa mga tauhang sina Bayani, Marilou at Atty. Bondoc.

Ang huling yugtong ito ng paghuhubog ng nobelang Tagalog (1967-1972) ay halos nakarating na sa apex ng kamulatan sa mga unang tinalakay na nobela ngunit bigla na naming bumagsak sa paglabas ng mga nobelang katulad ng Hanggang Sa Kabila ng Langit at Kumusta Ka, Peter ? Na pangkaraniwang istorya lamang ng pag-iibigan, paghihiwalay, pag-alis, atbp, ang inikutan. Kitang-kitang naulit na naman ang sinasabing proseso ng pagtaas-pagbaba at pagsulong-pagbalik ng balangkas ng nobelang Tagalog. Buhay na buhay ang tatak ng "romantisismo": estilong Pilipino sa mga nobelang ihinahalimbawa.

PAGLALAGOM

Patuloy ang naging pagtaas ng nobelang Tagalog - subalit sa kaituktukan ng ilusyon at imahinasyon. Nagkakaiba-iba na lamang sa depenisyon batay sa mga katangiang naragdag at natisod sa pagpapalit ng panahon subalit mga kaisipan o konsepto pa ring naglulublob at nakalublob na sa " romantisismo ' kahit man estilo nang Pilipino katulad ng:

•  pangunguna ng tungkol sa pag-ibig;

•  pagsasalaysay ng walang katiyakang balangkas;

•  pagiging sobrang sentimental;

•  puno ng pagpapakasakit at pagmamartir;

•  pagbabalik sa kaayusan o pagpapanatili ng kaayusan;decorum

•  kahiwagaan o mistisismo;

•  pagiging didaktiko o mapangaral;

•  pagtakas sa katotohanan o "eskapismo";

•  katolisismong bulag - panatisismo;

•  patriotismong pilit; at

•  kung anu-ano pang katangiang mailusyon lamang.

At dahilan na rin sa ang "romantisismo" ay pasumpung-sumpong at hindi sumasalalay sa paksaing anupaman, ang paggitaw nito ay walang katapusan, maaari nga lamang magkaiba-iba ng anyo ayon sa paksang kinasapian. Samakatuwid, ang paglulunoy sa mga di-karaniwan, di-alam, ideyal, walang katakdaan at supernatural at ang pagtanggi ng magsiyasat sa katotohanan o realidad at pagtangging makisangkot sa mga puwersang bumubuo sa katotohanan ang siyang PINAKAMABIGAT NA KAPAHAMAKAN ng nobelang Tagalog.

Higit sa lahat, batay sa ginawang pagsusuri at pagtaya sa landasin ng nobelang Tagalog mula sa Juan Masili (1906) hanggang sa Mga Kaluluwa Sa Kumunoy(1972), ang lumabas na pinakamatinding puwersang tagapastol ng "romantisismo, estilong Pilipino" ay ang Censorship ng bawat panahon. Kaya't habang may tanikala ang panitik ng mga manunulat ng nobelang Tagalog ay babalik at babalik at patuloy na paiilanlang ang mga nobelang tulad ng May Lalaki sa Ilalim ng Kama Ko(Benjamin Pascual), Lumapit, Lumayo. Ang Umaga (Liwayway Arceo), Mister Mo. Lover Boy Ko (Efren R. Abueg) at Misteryosang Biyuda (Benjamin Pascual).

TALABABAAN

Teodoro A. Agoncillo, "Pasulyap Na Tingin Sa Panitikan Tagalog, 1900-1950," URIAN Lectures II (1970), p. 233.

Impluwensiya - mga katangian ng kultura ng panahon.

Petronilo Bn. Daroy, "Politics As Literature," Rizal: Contrary Essays(Quezon City: Guro Books, 1968), p. 130.

Cristina Pantoja-Hidalgo, "The Failure of the Filipino Novel," UNITAS, 45:21-34 (March, 1972).

Teofilo del Castillo at Buenaventura S. Medina, Jr., Philippine Literature From Ancient Times To The Present (Bureau of Printing, 1966), p. 255.

Agoncillo, p. 234.

Nicanor G. Tiongson, Guro ng Panitikang Pilipino, Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Unibersidad ng Pilipinas, sa isang panayam sa klaseng Pilipino 270, Unang Semestre 1975-76.

Neo-classicismo - nagsimula sa lipunang itinatag atpinagharian ng Haring Louis XIV ng Pransiya. E. Allison Peers, A History of the Romantic Movement in Spain (New York and London: Hafner Publishing Co., 1964), p. 10.

Ibid.

Mula sa sipi ni Rosario L. Torres sa paliwanag ni Hoxie Fairchild. Rosario L. Torres, "Ang Romantisismo Sa Panitikang Tagalog,"GENERAL EDUCATION JOURNAL (Quezon City: U.P., 1970-1971), p. 239.

Peers, p. 11.

Virgilio S. Almario, "Panimulang-Suri: Mga Bukal at Batis ng Nobelang Tagalog," Philippine Collegian (Agosto 12, 1974), p. 4.

Agoncillo, p. 234.

Lascelles Abercrombie, Romanticism (New York: Barnes & Noble, Inc., 1963), pp. 41-49.

Rogelio Ordoñez "Sulyap Sa Panitikang Pilipino at Sa Pagkamulat ni Magdalena ," BANYUHAY , I: 15-16.

Mistisismo - kung minsan, ginagamit ito bilang katumbas ng simbolismo o alegorismo; kung minsan nama'y itinatapat ito sa siyensiya-okulta o teosopiya; at kung minsan ay iniaangkop lamang sa kalagayan ng isipan ng isang mapangarapin o sa Malabo at kagila-gilalas na pamamalagay tungkol sa Diyos at sa daigdig. Gervasio B. Santiago, "Ang Mistisismo Sa Nobelang Tagalog," Sampaksaan ng mga Nobelistang Tagalog(Diliman, Quezon City: Ang Aklatan, U.P., 1974), p. 70.

Ordoñez, p. 18.

Abercrombie.

Pantoja-Hidalgo, pp. 21-34.

TALAAKLATAN

Abercrombie, Lascellas. Romanticism . New York: Barnes & Noble, Inc., 1963.

Agoncillo, Teodoro A. "Pasulyap na Tingin Sa Panitikang Pilipino,"Urian Lectures II (1972).

Almario, Virgilio S. "Panimulang-Suri: Mga Bukal at Batis ng Nobelang Tagalog," Philippine Collegian , Agosto 12, 1974 - Setyembre 2, 1974.

Daroy, Petronilo Bn. "Politics As Literature," RIZAL: Contrary Essays. Edited by P. Bn. Daroy and D. Feria, Q. C.: Guro Books, 1968.

Del Castillo, at B. S. Medina, Jr. Philippine Literature From Ancient Times To the Present . Bureau of Printing, 1966.

Halsted, John B. Romanticism . London and Melbourne: MacMillan & Co., Ltd., 1969.

Lukas, George. Studies in European Realism . New York: Grosset & Dunlap Publishers, 1964.

Midcentury Guide to Philippine Literature Series 4. Manila: MCS Enterprises, Inc., 1972.

Ordoñez, Rogelio. "Sulyap Sa Panitikang Pilipino at sa Pagkamulat ni Magdalena ," BANYUHAY, I ( Agosto-Setyembre, 1969).

Pantoja-Hidalgo, Cristina. "The Failure of the Filipino Novel," UNITAS, v: 45 (March, 1972).

Peers, E. Allison. A History of the Romantic Movement in Spain . New York and London. Hafner Publishing Co., 1964.

Sampaksaan ng mga Nobelistang Tagalog (Mga Panayam Tungkol sa Nobelang Tagalog na Binigkas Noong Abril 11, 1969). Diliman, Quezon City: Ang Aklatan, Unibersidad ng Pilipinas. 1974.

Torres, Rosario L. "Ang Romantisismo sa Panitikang Tagalog,"General Education Journal (1970-1971). Pinamatnugutan nina Patricia Melendrez-Cruz at Jesus F. Ramos. Quezon City: Unibersidad ng Pilipinas, 1971.

Welleck, Rene and Warren, Austin. Theory of Literature . 3 rd Edition. New York: Haircourt, Brace & World, Inc., 1956.

Powered by Drupal