SILANG NAGIGISING SA MADALING-ARAW; Ang Nobelang Iloko at si Constante C. Casabar

SILANG NAGIGISING SA MADALING-ARAW;

Ang Nobelang Iloko at si Constante C. Casabar

Ni Noemi Ulep Rosal

INTRODUKSIYON

Sa kanyang librong The Origins and Rise of the Filipino Novel, sinabi ng kilalang manunulat, kritiko, at iskolar sa panitikan na si Resil Mojares:

The rise of the novel is tied to objective changes in Philippine society. The late nineteenth century is the key seminal period in the growth of the Filipino novel. Empirical tendencies…became more fully expressed. Economic changes in the colony, the holder intrusion of the contemporary world through the developments in trade and travel and the agency of a better-informed intelligentsia, the changing content of the European world itself, the emergence of native printing and publishing; these factors shaped a mileu which favored the rise of the novel.

Pahayag itong totoo hindi lamang sa nobelang Ingles at Tagalog kundi maging sa mga nobela sa bernakular.

Kasaysayan ng Nobelang Iloko, 1892-1957

Mahigit isang daang taon na ang nobelang Iloko. Kinikilalang unang nobela sa wikang ito ang Matilde de Sinapangan ni Padre Rugino Redondo, isang prayleng Agustiniano. Nalimbag ito noong 1892, isang taon pagkaraang malimbag ang El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal, at pitong taon bago nalathala ang kinikilalang unang nobela sa Tagalog, ang Cababalaghan ni P. Bravo na sinulat ni Gabriel Beato Francisco. Ikinukuwento sa Matilde ang buhay ng isang dalagang lumaki sa tradisyunal na pamumuhay ng mga Katoliko, di gaya ng Noli at Fili na higit na naglalarawan sa nagbabagong lipunan. Hindi ito nakapagtataka sapagkat ang may-akda ng Matilde ay prayle, at pangunahing layunin niya ang pagtuturo ng pananampalataya, moralidad at pagpapahalagang Kristiyano. Ayon kay Tomas Alcid, bukod sa sobrang pangangaral, napakarami nitong mga kamaliang pang-gramatika, dahil hindi Ilokano ang may-akda.

Bukod sa nobelang ito, may ibang nobelang Iloko na lumabas rin bago matapos ang ikalabinsiyam na dantaon. Kabilang dito ang Ayat, Kaanonto Ngata? (Pag-ibig, Kailan Kaya?), na sinulat ng isang nagngangalang Don Quintin Alcid sa estilo ngpanagbiag (buhay) at tatlong nobelang sinulat ni Arturo Centeno ng Vigan, Ilocos Sur: Apay a di Mangasawa? (Bakit Ba Hindi Siya Mag-asawa), Dispensera atPadi A Puraw Wenno Naamo a Kibin (Putting Pare o Maamong Gabay). Ang mga akdang ito ay hindi na matatagpuan sa mga aklatan. Ang unang binanggit na nobela ay tungkol sa magkasintahang napakatagal pinaghiwalay ng tadhana ngunit nagkabalikan din sa bandang huli.

Pagdating ng ikadalawampung siglo, biglang dumami ang likhang pampanitikan sa iba't ibang bahagi ng ating bayan. At ayon kay Leopoldo Y. Yabes, ang kinikilalang pangunahing iskolar sa literaturang Iloko, sa unang tatlumpu't limang taon ng kasalukuyang dantaon ay nagkaroon na sa Ilocos ng malaganap at makabuluhang gawaing pampanitikan. Isa sa itinuturing niyang dahilan nito ay ang pagdami ng mga imprenta't mga peryodiko noong panahong iyon. Aniya:

At no period in their history have they exhibited a greater interest in literary art. Probably there are more writers in the present century, quick and dead, than there were during the last three centuries taken together. With the establishment of more printing presses and with the rapid growth of periodicals, literature has become, for better or for worse, popular.

Ilan sa mga peryodikal na naitatag sa naturang panahon ang sumusunod: Algos Es Algo (1905), Nueva Era (1905), Dalan ti Cappie (1905, La Juventud Ilocana(1906), La Lucha , na kalaunan ay naging Dangadag (Labanan, 1914), Sinamar(Banaag, 1910), Ti Aguipadamag (1914), Palaris (1914) Triunfo del Pueblo(Tagumpay ng Bayan, 1914), Ti Mangyuna (Ang Tagapanguna, 1915), Liolioa(Aliw) at Bagnos (Gabay, 1917), Ti Damag ti Pagarian (Ang Balita ng Paharihan, 1919). Karamihan sa mga peryodikal na ito ay bilinggwal na publikasyon ng mga grupong relihiyoso, kagaya ng Dalan ti Cappie (Daan ng Kapayapaan) ng mga Protestante, La Lucha ng mga Aglipayano at Ti Damag ti Pagarian ng mga Sabatista. Bilang panlaban sa mga propagandang inilunsad ng mga peryodikong ito, itinatag din ng mga Katoliko ang Ti Aguipadamag (Ang Tagapagbalita). Batay sa nalikom na mga datos, ang La Lucha lamang ang naglathala ng mga nobela, ngunit ang lumalabas lamang noon ay mga isinalin sa Iloko ni Santiago Fonacier tulad ng mga nobela ni Rizal, ang Ivan the Fool ni Leo Tolstoy, ang Candide ni Voltaire, at ang La Figlia del Cardinale (Ang Anak ng Kardinal) ni Guzzoni. Sa panahon ding ito nalathala ang Biag ti Maysa a Lakay Wenno Nakaam-ames a Bales (Buhay ng Isang Matandang Lalake O Kakila-kilabot na Paghihiganti) ni Mariano Gaerlan, ngunit ito'y hindi lumabas na serye sa peryodikal kundi bilang buong aklat.

Ang Biag ti Maysa a Lakay (Buhay ng Isang Matandang Lalake) ay kuwentong gumagamit ng sinasabing teknik ni Enoch Arden. Sa ganitong pamamaraan ng pagkukuwento, isinasalarawan ng may-akda ang pangunahing tauhan na may nararamdamang kompulsiyong magkuwento ng kanyang buhay sa isang tagapakinig. Sa nobelang ito, ang pangunahing tauhang si Tandang Manuel ay nagkukuwento ng kanyang buhay sa isang binatang nagngangalang Carlos. Lumalabas sa kuwento niya na siya'y galing sa isang mahirap na pamilya, ngunit sa kabila nito ay pumunta siya sa Maynila upang mag-aral ng abugasya. Umasa siya na kapag siya'y nakatapos ay tatanggapin na siya ng matapobreng magulang ng kanyang kasintahan. Ngunit pagbalik sa kanyang prubinsya'y nalaman niyang ikakasal na ang kanyang kasintahan. Tumungo siya sa simbahan at binaril niya ang mga bagong kasal. Pagkatapos ng madugong pangyayaring ito, tumakas siya sa kabundukan at doon ay nabuhay siya nang dalawampu't limang taon bilang isang ermitanyo.

Tulad din sa Matilde de Sinapangan , ang layunin ng may-akda ay mangaral sa mga mambabasa, na siyang laging gawi ng mga nobelista noong panahon ng mga Kastila. Ayon sa Paunang Salitang sinulat ng isang nagngangalang Pedro Cariño Tapia, idinidiin sa nobelang ito ang dalawang aral: ang tungkulin ng isang anak sa kanyang ina at ang panganib ng pagtitiwala sa anyong panlabas. At habang inilalarawan dito ang matinding kapangyarihan ng mga magulang sa kanilang mga anak, makulay ring inilalahad ang mga pangyayari sa Ilocos bago sumiklab ang Rebolusyon.

Haluang Banyaga at Katutubo

Ang nobela ni Gaerlan ay nagpapakita ng ilang aspektong maka-Espanyol na estilo ng panitikan sa panahon ng mga Kastila, tulad halimbawa ng maindayog na retorika o makulay at bombastikong pananalita na siyang pangkaraniwang nakikita natin sa mgapanagbiag, komedya, at sarsuela . Ngunit ito ay nahaluan na ng taal na karanasang Iloko, at ang paghahalo-halo ng mga elementong banyaga at katutubo ay nagiging natural na natural na. Kung banghay naman ng kuwento ang pag-uusapan, ito'y binubuo ng tradisyunal na pag-iibigan ng mayaman at dukha. Ang kaibhan lamang nito ay ang matrahedyang wakas ng kuwento.

Kitang-kita rin sa Biag ti Maysa a Lakay ang mahusay na paggamit ng may-akda sa salitang Iloko, isang katangiang makikita rin sa kanyang mga tula't drama. Mahalagang banggitin dito na bukod sa kanyang pagiging nobelista, si Gaerlan ay isa ring tanyag na makata at mandudula. Madalas siyang sumasali noon sa bukanegan(anyong balagtasan sa Iloko) kung kaya't nakilala rin siya bilang “Prinsipe ng mga Makatang Ilokano” pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Siya'y naging makata rin sa pagpuputong, at marami siyang nagawang tulang ganito hindi lamang sa Candon, Ilocos Sur, na kanyang sinilangan kundi maging sa iba pang bayan sa Ilocandia. Bilang isang mandudula, sumulat din si Gaerlan ng ilang sarsuela at mga dulang walang musika't kanta, at may makabagong tema. Ginamit din niya rito ang estilong bombastiko.

Sa kamay ni Gaerlan, ang nobelang Iloko ay nagpatuloy pa rin sa pagdidiin sa pangangaral. Gayunpaman, binigyang-puwang ni Gaerlan ang masining na pagkukuwento, ang makulay at madamdaming paglalahad sa makataong karanasang nilalaman ng nobela, ngunit alinsunod lamang sa kanyang pagkakaintindi noon sa bagay na ito. Kung kaya ang kanyang pansining na batayan sa pagsulat ay ang tradisyong pansining na napulot niya sa mga nobelang Victorian at sa mga awit at korido na siyang karaniwang binabasa sa kanyang panahon. Bukod rito'y malaki ang interes niya sa pagtatalumpati at so foklor. Makikita ang tanda ng mga ito sa kanyang nobela.

Ayon kay Yabes, isa pang “kawili-wiling” nobelang nilimbag noong 1909 angBaltazar na sinulat ng isang nagngangalang C.A. Duque.

Noong 1911, nilimbag ang popular na nobelang Uray Narigat no Pagimbagan(Gaano mang Kahirap Basta't Ikabubuti) ni Facundo Madriaga. Ang nobelang ito ay tungkol sa pag-iibigan ni Juan at ng dalagang si Rosalinda. Si Rosalinda ang napili ng mga magulang ni Juan na mapangasawa ng kanilang anak. Si juan naman ay ayaw magpakasal sa isang babae hanggang hindi siya nakatitiyak na ang damdamin nilang dalawa ay para sa isa't isa. Kaya sa halip na sundin ang utos ng mga magulang na manilbihan sa pamilya ng babae tulad ng nakaugalian, niligawan muna niya si Rosalinda sa sarili niyang pamamaraan. At saka na lang siya nanilbihan nang mapasagot na niya si Rosalinda.

Ang nobelang ito ay nagtatampok sa hidwaan ng pagkamakabago ng kabataan at ang pagkamakaluma ng matatanda, at naglalarawan ng mga pang-araw-araw na pangyayari sa buhay ng mga Ilokano nang mas mahusay kaysa anumang nasulat tungkol dito sa loob ng lumipas nang tatlong daang taon.

Noong 1914, nalimbag ang Mining wenno Ayat ti Cararua (Mining o Pag-ibig ng Kaluluwa) ni Marcelino Pena Crisologo. Ipinanganak ang may-akda sa Vigan, Ilocos Sur, noong Abril 1866. Tubo siya sa isang ilustradong angkan, na pinagmulan din ng ilang kilalang personahe sa iba't ibang larangan. Kabilang dito sina Mena Pecson Crisologo (1944-1927), ang pangunahing mandudula sa Iloko at unang Gobernador Sibil ng Ilocos Sur; Leon C. Pichay, kinikilalang “Prinsipe ng bukanegan at putungan,” kuwentista, mandudula, mananalaysay, aktor, mang-aawit, at orador; Mauro Verzosa, isa ring makata at naging Representante ng Isabela; at ang mga batikang pulitikong Crisologo at Singson ng Ilocos Sur, na naging makapangyarihan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig hanggang sa kasalukuyan.

Nag-aral si Marcelino Crisologo sa Seminaryo ng Vigan at kumuha rin siya ng mga kurso sa Fine Arts sa Maynila. Noong binatilyo pa siya, ginugol niya ang kanyang panahon sa pagpipinta; at noong siya'y nasa kalagitnaang-gulang, bumaling siya sa pagsusulat ng tula at dula. Sa kanyang pagtanda, sumulat siya ng mga nobela na malinaw na kinakitaan ng impluwensya nina Alexander Dumas at Victor Hugo, at ng kanyang interes sa pagpipinta, kasaysayan, okultismo, at mga babae.

Pilipino Laban sa Kastila

Ang Mining ay isang trahedya tungkol sa masalimuot na pag-iibigan nina Mining at Orlino. Natuklasan ng dalawang ito na sila pala'y magkapatid, at dahil dito ay pilit nilang pinutol ang kanilang relasyong sekswal at nag-ibigan na lang sila sa antas na ispiritwal. May “sub-plot” din ang nobela at ito'y patungkol sa pag-iibigan ng mga magulang ni Mining at ng mga magulang ni Orlino.

Ang nobelang ito ay binubuo ng dalawang bahagi. Ang unang bahagi ay bumabalik sa nakaraang panahon at ang pokus dito ay ang kuwento ng pag-ibig nina Eloisa at Orencio. Sa ikalawang bahagi, lumipat ang pokus sa kasalukuyan at sa pag-iibigan nina Mining at Orlino. Ang kuwento ay binubuo ng limang ipisodyo: ang pag-iibigan nina Orencio at Eloisa noong 1896; ang di-gaanong nagtagal na buhay-mag-asawa nina Orlino at Lina sa sumunod na taon; ang pag-iibigan nina Mining at Orlino noong 1914; ang pagkamatay ni Mining noong ding taong iyon; at ang pagkamatay ni Orlino.

Ang Mining ay di lamang pangkaraniwang kuwento ng pag-ibig; maaari ding basahin ito bilang paglalarawan ng pakikibaka ng mga Pilipino laban sa mga Kastila. Karamihan ng mga detalye sa unang bahagi ng nobela ay may basehang pangkasaysayan. Sa katunayan, ayon kay Yabes, mas tunay na “national” o pambansa pa ang katangian ng nobelang ito kaysa sa mga nobela ni Rizal o sa mga kinikilalang importanteng nobela sa Tagalog. Ang tagpo ng nobela ay sumasaklaw ng mas malawakang bahagi ng Pilipinas kaysa sinasaklaw ng mga naturang ibang nobela. Ang tagpo ng unang bahagi ay sa Cavite noong Rebolusyon ng 1896 at ang pangalawang bahagi ay sa Vigan, Ilocos Sur, labingwalong taon makalipas ang mga pangyayari sa unang bahagi. Isa pa, ang mga tauhan sa nobela ay hindi lamang mga Ilokano kundi may mga Tagalog din. Kung kaya hindi nakapagtatakang sabihin ng kritikong si Yabes na si Crisologo ang pinakatanyag na nobelista sa Iloko. Sinabi pa niya na ang Mining ang pinakamaganda sa lahat ng nailimbag nang nobela sa Iloko, at walang salang isang obra maestrang Iloko. Pagkatapos ng apat na dekada, ganito pa rin ang sinasabi ni Marcelino Foronda: “Marahil ang Mining ang pinakamahalaga sa lahat ng mga nalimbag na nobelang Iloko sa unang bahagi ng kasalukuyang dantaon.”

Sa kababanggit na mga obserbasyon, mapupunang ang mala-epikong saklaw at ang makasaysayang paksa ng nobelang ito ang dahilan kung bakit kinikilala ito bilang isang obra maestra. Ang totoo'y hindi sapat ang mga katangiang ito upang ang isang nobela'y matawag na obra maestra. Kailangan ding mahusay ang paghawak ng may-akda sa mga pangyayari at tauhan ng nobela, at sa wikang ginamit niya lalung-lalo na sa paglalarawan ng bawat eksena. Lahat ng mga ito'y nasa nobelang Mining . Madalas gumamit dito si Crisologo ng ilang inobasyon, at Malaya niyang iniiba-iba ang kanyang estilo batay sa sitwasyon.

Kung minsan ay simple at maikli ang kanyang mga pangungusap; kung minsan naman ay mahahaba, mabulaklak at punong-puno ng mga sawikain. Ang paglalarawan niya ay makulay at matalinghaga, at ito'y napapatunayan ng kanyang madalas na paggamit ng paghahambing at metapora. Kitang-kita rito ang kanyang “eye for color” bilang isang pintor. Sa katunayan, siya ay isa ring mahusay na pintor ng portrait at landscape bago naging manunulat.

Isa pang mahalagang ambag ni Crisologo sa pag-unlad ng nobelang Iloko ang pag-imbento niya ng mga bagong salita. Ayon kay Yabes, si Crisologo ang nagsimula ng ganito, na pinalaganap naman nina Gaerlan at Leon Pichay (pamangkin ni Crisologo) sa kanilang tulang pamputong at bukanegan. Isang paraang ginamit ay ang kombinasyon ng dalawa o tatlong salita upang lumikha ng bagong kahulugan. Sa nobelang Mining , gumawa si Crisologo ng humigit-kumulang sa dalawampung salita tulad ng diosaiari (prinsesa) at aribai (reyna). Pinagsanib ang diosa (diyosa), (ng), at ang ari (hari) at bai (babai). Sa katagalan, marami sa mga salitang inimbento niya ang naging bahagi ng buhay na bokabularyo ng mga Ilokano.

Tungkol naman sa pamamaraan ng pagkukuwento, gumamit si Crisologo ng mga tradisyunal na pamamaraan ng melodrama na madalas ginagamit sa mga awit at korido, mga komedya at sarsuela at ganoon din sa panitikang Victorian sa Ingles. Kabilang dito ang nawawalang heredero, pagkakakilala sa isang taong matagal nang nawawala sa pamamagitan ng kanyang balat, napulot na batang sa bandang huli'y nababawi ang malaking mana, ang nag-iibigang magkapatid pala sa dugo, at iba pang tauhan tulad ng nasa mga korido at epiko ay nabibilang sa matataas na angkang pinong-pino ang asal at sensibilidad. Bukod dito, gumamit din si Crisologo ng matulaing wika at ng temang idealistiko. At katulad din ng Biag ti Maysa a Lakay , ang wakas ng kanyang Mining ay isang trahedya, at malinaw na hindi na siya sumusunod sa tradisyunal na pagkukuwentong ang wakas ay tigib ng tuwa at lipos ng ligaya.

Sa kamay ni Crisologo, ang nobelang Iloko ay patuloy pa ring nangangaral habang naghahatid ng aliw sa masining na pagkukuwento sa pamamagitan ng makulay at madamdaming paglalahad sa makataong karanasang nilalaman ng nobela. Katulad ni Gaerlan, ang ginamit niyang batayan ng layuning pansining ng nobela ay ang mga napupulot niya sa mga nobelang Victorian at mga awit at korido. Ngunit para sa lalong makabuluhang dating ng kuwento, ginamit din ni Crisologo ang kasaysayan; ipinamalas ng kanyang nobela ang karanasang Ilokano bilang bahagi ng kasaysayang Pilipino. Ang mala-epikong saklaw ng Mining ay bunga ng interes ng makabayang si Crisologo sa kasaysayan at sa Rebolusyon. Bunga rin ito ng walang maliw na popularidad ng mga awit at korido, na napakahaba ng kuwento't anaki'y wala nang wakasan.

Sumulat din si Crisologo ng iba pang nobela, tulad ng Pinang wenno Agum a Natarumamis (Pinang o Sobrang Ganid), 1915; Bugsot ti Maysa a Puso (Ang Paghihingalo ng Isang Puso), 1916; at Maudi a Tunglab wenno Ayat a Nagunggan (Huling Hingalo o Baliw na Pag-ibig), 1917. Namatay siya noong 1923 at hindi na niya naipalathala ang mga akdang ito. Sa opinion ni Leon Pichay, sa ilang pun to'y higit na mahusay ang mga nobelang ito kaysa sa Mining . Sayang at hindi na natin mahanap ang mga kathang ito kung kaya't hindi natin mahuhusgahan.

Pagdami ng mga Nobela (1921-1942)

Patuloy ang pagdami ng mga peryodikal sa dekada ng 1920 hanggang 1934, at ang mga ito'y naging pangunahing labasan ng mga manunulat. Sa kanyang A Brief Survey of Iloko Literature , nakapagtala si Yabes ng 81 peryodikal sa Iloko na itinatag mula unang dekada ng 1900 hanggang 1930. Ang ganitong paglaganap ng mga peryodikal ay bunga ng pagdami ng mga limbagan sa buong bansa. Kabilang sa lalong kilalang mga peryodikal na naitatag sa mga panahong iyon ang mga sumusunod: Ti Silaw (Ang Ilaw, 1922); El Mensahero (Ang Mensahero), 1923;Panagbiag (Pamumuhay), 1924; El Filipino (Ang Pilipino), 1925; Amigo del Pueblo (Kaibigan ng Bayan), 1925; La Visita (Ang Bisita), 1925; Timekmi (Aming Tinig), 1927; Anaraar (Aninag) 1927; Wayawaya (Kalayaan), 1932; Karayo(Pananabik), 1933; Aweng (Higing), 1933; Bannawag (Bukang-liwayway), 1934; at Ilocos Times, 1935.

Bunga ng mga ganitong pangyayari, dumami rin ang mga nalathalang nobelang Iloko. Kabilang sa mga nobelang nalathala sa mga peryodikal mula noong mga 1920 hanggang mga 1930 ang mga sumusunod: Nasam-it ken Narucbos Daguiti Dardarepdep ti Agbaniaga (Matamis at Malago ang mga Panaginip ng mga Mangingibangbayan), 1921, ni Marcos Millon; Binay (1925), ni Froilan L. Donato;Nanoy (1926) ni Tomas Abrajano; Panagballigi ti Napanglaw (Tagumpay ng Maralita), walang petsa, ni Eugenio Enrico y Direkto; Ti Arpac (Ang Aking Arpa), 1927, ni Mauro A. Peña; Yuyeng ni Gasat (Paraiso ng Kapalaran), walang petsa, ni Juan P. Bautista; ABC wenno Dagiti Tallo a Jinete Ditoy Lubong (ABC o Ang mga Tatlong Hinete ng Mundo), 1927, ni A. R. Centeno; Kari A Naitanem(Pangakong Napako), 1930, ni Mamerto Gacutano; Inatipa ni Gasat (Pinigilan ng Kapalaran), 1930, ni Paulino de Peralta; Sabsabong ken Lulua (Bulaklak at Luha), 1930, ni F.A. Respicio; Magdalena ken Boanerges (Magdalena at Boanerges), 1932, ni Mariano N. Gaerlan; at Sion , 1932, ni Alberto Gruspe y de Veyra. Ang unang nobelang nabanggit ay tungkol sa pangingibang-bayan ng mga Ilokano.

Sa naturang dekada, may apat pang nobelang sinulat si A. Centeno, ngunit ang mga ito'y nilimbag bilang buong aklat ng Fajardo Press noong siya'y nagtrabaho roon mula 1920 hanggang 1923. Ito ay ang mga sumusunod; Cuton a Nalabaga (Pulang Langgam); Dayaw ti Naganak (Karangalan ng Magulang); Bullalayaw (Bahaghari); at Ing-ing Ken Cinco-Cinco (Biyolin at Lima-Lima).

Dumating ang dekadang 1930, at sa mga kalagitnaan nito'y nanguna si Leon C. Pichay sa larangan ng nobelang Iloko. Sa panahong iyon, may kakaibang pagbabagong nangyari sa nobelang Iloko. Nag-iba ang konsepto ni Pichay tungkol sa nobela sa konsepto nina Gaerlan at Crisologo. Ang mga nobelang sinulat ni Pichay tulad ng mga nobela ng dalawa, ay pang-aklat rin, at hindi para sa seryeng pamperyodikal. Ngunit taliwas sa layunin ng dalawa, sumulat si Pichay ng mga nobela di lamang para sa mga edukado at aral sa sining, kundi para din sa masa. Dahil dito, ang mga tema ng kanyang nobela ay yaong tinaguriang “pambakya” ng mga nag-aakalang sila'y nakakaintindi ng sining. Ilang halimbawa ng tinaguriang “bakyang” tema ni Pichay ay ang pag-iibigan ng isang mayaman at isang dukha, ang pag-ibig ng ina sa kanyang anak, ang pagkamasunurin ng isang anak sa mga magulang at iba pang mapangaral na tema. Kabilang sa mga ganitong nobela ang mga sumusunod: Pagulidan nga Ayat (Huwarang Pag-ibig), 1934; Apay a Pinatayda ni Naw Simon? (Bakit Nila Pinatay ang Kagalang-galang na Simon?), 1935; atPuso ti Ina (Puso ng Ina), 1936. Ang huling akdang nabanggit ay sinerye rin saIlocos Times noong 1938.

Batay sa mga datos na ito, masasabi nating marami-rami na ang nailathalang nobelang Iloko hanggang sa dekada ng 1930, ngunit kaunti pa lamang ito kung ihahambing sa dami ng nalathalang maikling kuwento. Ang biglang pagdagsa ng maikling kuwento ay dala ng kalikasan ng mga peryodikal na naglabas ng ganitong mga akda. Alalahaning mula nang sulatin ni Isabelo de los Reyes ang unang maikling kuwento sa Iloko, ang Ti Langit ti Inanamatayo (Langit ang Ating Pag-asa), kakaunti lamang ang mga nalathalang maikling kuwento sa pagtatapos ng nakalipas na siglo hanggang sa unang bahagi ng ikalawang dekada ng ikadalawampung dantaon. Karamihan ng mga peryodikal noon ay sektaryan, kung kaya't mas maraming nalalathalang tungkol sa relihiyon at moralidad. Mayroon ding paminsan-minsang lumalabas na maikling kuwento, ngunit ang mga ito'y hindi pinapansin ng mga mambabasa. Saka lamang sila nagkainteres simula noong 1925 sa pagkakatatag ngEl Norte (Ang Hilaga), Timekmi (Aming Tinig), The Intelligencer , at Amigo del Pueblo . At noong itinatag ang Ilocos Times at Bannawag sa kalagitnaan ng mga taong 1930, biglang nagkainteres ang mga mambabasa sa maikling kuwento hanggang sa ito'y maging pinakapopular na babasahin ng masa. Gayunpaman, ang nobela ay di naisantabi na lamang, sapagkat patakaran ng Bannawag sa panahong iyon na iserye ang dalawa o tatlong nobela samantalang naglalabas rin sila ng tatlo o apat na maikling kuwento bawat isyu. Dumami ang nailalathalang nobela kaysa noong wala pa ang Bannawag , at dumami ang mambabasa nito.

Kung kalidad ang pag-uusapan, maaari nating sabihing ang mga nalathalang nobela sa Iloko pagkatapos ng Mining ay higit na mababang klase. Gayunpaman, mayroon din silang sariling katangian. Ayon kay Yabes:

None of these works have the elements of great literature… Most of them are ephemeral production reeking with mushy, sticky romance. If a future critic or literary historian, however, should want to get a faithful picture of the life portrayed by these novels, these second rate productions would be most helpful; because it has been truly said that minor authors express the spirit of an age more faithfully than the major writers.

At hindi nga nagkamali si Yabes sapagkat ang mga kasalukuyang pananaliksik sa kritisismo ay sumusuporta sa pagkamakatwiran ng mga obserbasyong ito.

Maraming kritikong kagaya ni Yabes na pumupuna sa mga naturang nobela dahil sa kanilang pagiging sobrang sentimental. Hindi ganap na makatarungan ang ganitong pagpuna sapagkat kung ang nobela ay naglalarawan sa tunay na buhay ng mga Ilokano, sadyang hindi maiiwasan na ito'y maging romantiko't sentimental. Unang-una, ang mga Pilipino ay romantiko't sentimental; ikalawa, ang uri ng nobelang sinulat ng mga nobelistang Pilipino sa naturang panahon ay melodramatikong kuwento ng pag-ibig. Ikatlo, ang tradisyong kinabibilangan ng mga manunulat noon ay ang domestiko, sentimental, at romantikong paksain ng panitikang Victorian ng ika-19 na dantaon. Ganyan din ang tradisyon ng awit at korido, komedya at sarsuela?mga pangunahing babasahin sa Iloko sapul noong mga huling dekada ng ika-19 na dantaon. Ikaapat, dahil din sa unti-unting pagtanggap natin sa rehimeng Amerikano, hindi naglaon ay naglaho ang makabayang kalikasan ng nobela, at ito ay pinalitan ng mga temang romantiko at sentimental.

Tipikal na Halimbawa

Tipikal sa ganitong uri ng nobelang Iloko ang nobela ni Leon C. Pichay na pinamagatang Puso ti Ina (Puso ng Ina). Ang akdang ito ay tungkol kay Lola, isang inang nagsakripisyo ng kanyang kaligayahan, pag-ibig, at dangal para lamang sa kapakanan ng kanyang anak. Dito'y ginamit na naman ang tradisyunal na motif?ang pag-iibigan ng mayaman at mahirap. Si Amado'y isang maralitang makata at si Lola naman ay anak ng mayamang si Don Gorio. Itinakwil si Rosa ng kanyang magulang pagkatapos malaman ng ama nito na ang anak niya ay buntis na pala at ayaw ipalaglag ang bata. Si Amado naman ay ipinabilanggo sa pamamagitan ng pag-akusa sa kanya sa kasalanang pagnanakaw pagkatapos mahuli siya isang gabi na nakikipagtalik kay Lola sa hardin nito.

Makalipas ang mahigit na labing-anim na taon, si Amado ay lumaya na. Nagtungo siya sa Amerika at doon ay yumaman sa pamamagitan ng kanyang pagsusulat, lalong-lalo na ng mga iskrip ng pelikula. Doon ay inaruga niya ang isang matandang pulubing kamukha niyang nasagasahan, at ang matandang ito ay walang iba kundi ang dating Naw Simon. Sa panahong ito ay nalustay na ni Don Gorio ang lahat ng dapat niyang kayamanan. Ngunit hindi alam ng dating Don kung sino talaga itong umaaruga sa kanya.

Ang wakas ng nobela ay napakamelodramatiko: punong-puno ng iyakan ngunit iyakang bunga ng kasiyahan at taimtim na pagsisisi. Bumalik sina Amado at Gorio sa Pilipinas at humingi si Gorio ng patawad kay Lola. Malaki na ang anak ni Lola, si Amante, at ipinakilala siya sa kanyang ama, at pagkatapos ng mahabang iyakan at yakapan, ay nagkabalikan din at nagpakasal ang matagal na nagkawalay na magkasintahan.

Ang iba pang nobelang sinulat ni Pichay ay nagsasaad ng kaparehong tema maliban sa isang nobela?ang Apay a Pinatayda ni Naw Simon? (Bakit ba Nila Pinatay ang Kagalang-galang na Simon?). Ito ay itinuturing na unang kuwentong detektib sa Iloko. Umiikot ang nobelang ito sa buhay ng Kagalang-galang na Ginoong Simon, isang mayaman at ganid na tao. Katulad ng karamihang sa mga kuwentong detektib, ang kontrabida ay pinakamalayong pinagsususpetsahan, at ito'y walang iba kundi ang Hepe ng Pulisya, ang taong naatasang mag-imbestiga sa kasong ito. Malinaw na malinaw na bagama't ang akdang ito ay isang kuwentong detektib, ang tradisyonal na domestiko, sentimental, at mapangaral na gawi ng panitikang Iloko ang lumilitaw.

Ang pagkakatatag ng Bannawag noong 1934 ay matinding nagpalakas sa pagsulat at paglathala ng iba't ibang anyo ng panitikang Iloko, kasama na rito ang nobela. Gayunpaman, ang karamihan sa mga nobelang inilathala sa Bannawag noong taong iyon hanggang sa magsara ito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay mga salin lamang ng mga nobelang Tagalog na isinerye sa Liwayway . Kabilang sa ilang nasulat sa orihinal na Ilokano at nailathala sa Bannawag ang mga sumusunod na nobelang sinulat ni Arturo Centeno sa dapithapon ng kanyang buhay bilang kuwentista: Sabidong a Makabiag (Lasong Ikabubuhay), Margarita at Taga-Aw-Away (Si Margarita at ang Taga-baryo) 1935.

Marami ring nobelang Iloko ang nalathala sa Hawaii noong panahong iyon. Mula pa noong 1906, ang mga obrerong Ilokano ay nandoon na sa mga plantasyon ng tubo sa Hawaii, at pagdating ng 1930, sila na ang naging pinakamalaking grupong dayuhan doon. Ang pagdagsa ng mga imigrante sa panahong ito ay bunga ng pagsasabatas ngImmigration Act ng 1924, na nagsasaad na ang mga Pilipino ay di itinuturing na mga dayuhan sa Amerika at buong laya silang maglabas-masok doon. Ang mga Ilokanong ito ay napakaraming sarisaring uri ng panitikang naisulat. Kaya naman hindi ganap ang pag-aaral ng kasaysayan ng literaturang Iloko kung kakaligtaan ang mga akdang ito. Sa Katotohanan, ang GUMIL (Gunglo Dagiti Manunurat nga Ilokano), ang samahan ng mga manunulat na Ilokano na itinatag noong 1934, ay may sangay sa Hawaii at ito ay higit na produktibo kaysa punong organisasyon kung ang nailimbag na akda ang pag-uusapan.

Noong 1935, lumabas sa Ilocos Times ang sumusunod na listahan ng mga nobelang nasulat at nalathala sa Hawaii sa panahong iyon: Sungdo ni Ayat (Katapatan sa Pag-ibig) ni Marcos Baguinon; Sudi ni Ayat (Kadalisayan ng Pag-ibig) ni Francisco Farinias; Bileg ni Ayat (Kapangyarihan ng Pag-ibig) ni Francisco Gamboa; Victor ni Franco Manuel; Ti Ranggasmo Kaniak Lak-amemto (Magbabayad Ka sa Kalupitan mo sa Akin) ni Jose Murillo; Balligi ni Ayat (Tagumpay ng Pag-ibig) ni Agapito N. Patacsil; at Nasged a Nammama (Alab ng Pag-asa) ni F. A. Respicio. Ang mga nobelang ito ay sadyang mapang-aliw na mga kuwento ng romantiko at sentimental na pag-ibig sa tradisyon ng awit at korido, at ang mga ito'y nagsisilbing “mekanismo ng pagtakas” para sa mga Ilokanong manggagawa sa Hawaii, mga epektibong paraan na pampalimot o pampamanhid sa kanilang kahirapan at kalungkutan sa mga plantasyon.

Ang lahat ng mga naturang nobelista sa Iloko noong mga dekadang 1920 at 1930 ay nagpatuloy sa kanilang pagsusulat hanggang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang halos walang nasulat dahil sa mapanganib na sitwasyon. Natigil ang lahat ng uri ng pagsusulat at nagsara din ang mga limbagan at ganoon din ang mga lathalaan.

Pagbalik ng mga Amerikano, maraming bagong pangalang lumitaw sa eksenang pampanitikang Iloko at marami ring pangalan ang hindi na lumitaw. Maliban sa mangilan-ngilang katulad ni Pichay, ang mga nobelista bago dumating ang digmaan ay huminto na sa pagsusulat. Ngunit sa panahong ito ay ibinaling na ni Pichay ang kanyang atensyon sa pagsusulat ng tula. Sa mga peryodikal na pinaglalabasan naman, ang Bannawag lamang ang muling nagbukas. At magpahanggang ngayon, monopolisado ng babasahing ito ang paglalathala ng produksiyong pampanitikan ng mga manunulat na Ilokano.

Sugat ng Digmaan

Ang mga nobelang lumabas sa Bannawag pagkatapos ng digmaan ay malinaw na nagpapakita kung gaano kahapdi't kalalim ang naging sugat natin sa naturang kabanata ng atingkasaysayan, at kung gaano ito nakaapekto sa ating sosyal at moral na kamalayan, at samalikhaing sensibilidad ng ating mga manunulat. Humigit-kumulang sa labing-walong nobelang Iloko ang nalimbag sa Bannawag mula 1936 hanggang 1950. Kabilang sa lalong kilalang nobelista sa panahong iyon sina Mateo Cruz Cornelio, Hermogenes F. Belen, Jose P. Acanse, Salvador Nilo, David Campañano, Juan B. Quimba, Maximo Tavernas, at Marcelino A. Foronda. Ang mga nobelistang ito ay may kanya-kanyang paraang ng paglalarawan kung paano tayo naapektuhan ng nakaraang digmaan.

Ang nobelang Daguiti Balud (Ang mga Preso) ni Hermogenes F. Belen, halimbawa, ay naglalarawan ng labis na kalupitan ng mga Kempetai sa mga nahuhuli nilang gerilya. Damang-dama ng mambabasa ang kakila-kilabot na pangyayari sa digmaan. Sabi nga ni Encarnacion, ang paglalahad ng karanasan sa digmaan ang nag-iisang layunin ng may-akda.

Sa isa pang nobela ni Belen na pinamagatang Datu Hiram , bumalik ang may-akda sa kinagigiliwang tema ng romantikong pag-ibig. Ang tagpo ay ang mga taong 1740, nang madalas ang pananalakay ng mga pirating Moro. Bilang isang “thriller” na kuwento, ginamit ni Belen ang mga melodramatikong elemento ng moro-moro kagaya ng pandurukot, pangangamkam at patayan. Walang anumang nabanggit tungkol sa nakaraang digmaan ngunit ang pananahimik ng may-akda sa paksang ito ay isang paraang ng pag-iwas sa alaala ng nasabing karanasan. Sapagkat ang nobela sa pangkalahatan ay kuwentong aksyon, hindi gaanong napag-ukulan ng pansin ang pag-unlad ng mga tauhan.

Ang nobelang Gapu ta Ay-ayatenka (Sapagkat Mahal Kita) ni Salvador Nilo ay bumalik din sa kinagigiliwang tema ng pag-iibigan ng dukha at mayaman. Sa nobelang ito, iniwan ng mayamang babae ang mahirap niyang kasintahan at nag-asawa ng mayaman. Ang masama rito'y napabayaan siya ng kanyang asawa dahil sa pagkakasubsob nito sa trabaho bilang doctor. Sa bandang huli ay binalikan niya ang una niyang kasintahan. Bagamat ang nobelang ito ay isang melodrama, ito ay makatotohanan din. Sa mamagitan ng masipag na doctor, nailalarawan ang tumitinding pagkamanhid ng modernong Ilokano bunga ng digmaan.

Sa mga taong 1940, naging lubhang mabilis ang pagdami ng produksiyong pampanitikan. Kabilang dito ang nobela, at nauso rin ang mga nobelang salin mula sa Pilipino at Ingles. Inaliw ng mga nobelista ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paggamit ng pangalan ng babae bilang “pen name” (e.g., Ester Aragon para kay Efren Abueg sa mga isinaling nobela niya mula sa Pilipino, at Rube Peña Rosal at Julieta Zamora para kay Juan S.P. Hidalgo, Jr. sa mga nobela niya sa Iloko).

Immigrasyon at Realismo

Noong 1980, gumawa si Lorenzo Tabin ng pag-aaral tungkol sa tema ng imigrasyon sa mga maikling kuwento at nobelang Iloko mula 1960 hanggang 1978. Natuklasan niyang may humigit-kumulang sa tatlumpung nobelang Iloko ang lumabas noong 1951-1957. At kabilang sa mga lalong kinikilalang nobelista sa panahong yaon ay ang mga sumusunod: Felix A. Abalos, Benito de Castro, Iliodoro P. Lorenzo, Salvador P. Nilo, Lorenzo Tabin, J.C. Corpuz, Felipe Lagon, Constante C. Casabar, Arsenio L. Ramel, Gregorio C. Laconsay, at Mauricio Valdez.

Karamihan sa mga nobelang nasulat ay umiikot pa rin sa tema ng karanasan sa digmaan, romantikong pag-ibig at pangingibang-bayan. May ilan na rin sa mga nobelistang ito ang nagpamalas na ng realismo sa pamamagitan ng kanilang pagtuligsa sa lipunan, at kabilang dito si Constante C. Casabar, ang may-akda ng Dagiti Mariing iti Parbangon (Silang Nagigising sa Madaling Araw), Puris iti Barukong(Tinik sa Dibdib), at Iti Imatang ti Langit (Saksi ng Langit). Kabilang din dito si Marcelino A. Foronda na siyang sumulat ng Nasudi nga Agnanayon (Tapat Magpakailanman).

Ang mga kilalang-kilalang nobelang pumapaksa sa pangingibang-bayan na nalimbag pagkatapos ng digmaan ay ang Daguiti Maingel iti Cabambantayan (Ang mga Bayaning Kabundukan) ni Arsenio Ramel at ang Nasudi nga Agnanayon ni Marcelino A. Foronda, Jr. Ang totoo'y napakarami na ng mga lumabas na nobelang Iloko na tungkol sa pangingibang bayan at dahil dito, maaaring sabihing ang ganitong nobela'y isang natatanging uri ng pagkukuwento sa panitikang Iloko. Gayunpaman, hindi pa rin nakawala ang mga ito sa kumbensiyon at tradisyong pinagmulan ng nobelang Iloko. Ang totoo, napakalaki nga ang papel ng mga ganitong kuwento sa buhay ng mga nangingibang-bayan, sapagkat ang mga nobelang ito ay sinulat upang higit sa lahat ay magbigay-aliw at magpalakas-loob sa mga kababayang lugmok na sa lungkot at hirap na dinaranas sa bansang dinayo. Kaya nga ba't punong-puno ng melodrama ang mga nobelang ito.

Matagumpay ang mga nobelang Ilokong pumapaksa sa pangingibang-bayan, at ito'y di mahirap ipaliwanag. Alam nating ang mga Ilokano ang pinakasabik sa pangingibangbayan bunga ng kanilang pagnanais na iahon ang sarili at mahal sa buhay, at ito'y isa na sa prinsipal na katangian ng “psyche” at pamumuhay ng Ilokano.

Ang Nasudi nga Agnanayon ay isa na naming kuwento ng pag-iibigan ng mayaman at dukha. Ito ay umiikot sa karanasan ni Rosa, isang dalagitang taga-baryo. Ang dalagang ito ay nagtungo sa syudad upang takasan ang sapilitang pagpapakasal sa matandang balikbayang si Frank. Malaking kamalasang dumanas siya sa syudad ng maraming panganib at kaapihan bilang isang katulong. Sa bandang huli, ang kanyang kasintahang si Bernardo, isang sundalo na buong akala ng iba'y namatay sa giyera sa Korea, ay umuwi nang walang kapansanan. Ang magkasintahan ay ikinasal at nabuhay nang matiwasay.

Bagamat ang banghay ng nobelang ito'y napakaromantiko, nandiyan din ang makatotohanang paglalarawan ng mga tauhan ng kuwento, tulad ni Tandang Frank na binigyan ni Foronda ng kaunting “stature” ngunit ginamit din para sa kanyang mapatuligsang puna sa mga Pilipino sa ibang bansa. Pinuntirya ang mga nagpapanggap na nakapagkolehiyo dahil may kaunti silang naipong salapi, na ang totoo'y nangagpaalila lamang pala bilang tagahugas ng pinggan, tagapitas ng mansanas, hardinero, dyanitor, at manggagawa sa pabrika. Mahalagang malaman ng sinumang babasa sa “satire” na ito na sa kultura ng mga Ilokano, isang karangalan ang magpakasal sa isang Pilipinong naging American citizen na o sa isang balikbayang galling sa America o Hawaii. Sa pagpili ng mapapangasawa, hindi importante ang edad, itsura, at kung anong klaseng pamilya ang pinanggalingan nito. Ang mahalaga ay may pera siya at mayroon na siyang “immigrant status” upang maisama niya ang kanyang asawa sa Amerika o Hawaii, upang ito naman ay maging U.S. immigrant din at American citizen, o di kaya'y pensiyonada. Ang totoo, ang pagtungo sa Hawaii ay tiningala ng mga Ilokano bilang pinakarurok ng kanilang kaligayahan.

Si Constante C. Casabar at ang

Silang Nagigising sa Madaling Araw

Pagdating ng mga taong 1950, lumitaw ang isang matalino, masigasig, at batang-bata pang kuwentista sa panitikang Iloko, si Constante C. Casabar.

Si Casabar ay ipinanganak noong 29 Hulyo 1929 sa Narvacan, Ilocos Sur. Nagtapos siya ng sekondarya sa Narvacan Provincial high Scholl, at ng batsilyer sa journalism sa University of Santo Tomas (UST). Nabuksan sa kanya ang panitikang klasikal at kontemporanyo, lalong-lalo na ang mga sinulat ng mga nobelistang Amerikano't Ingles. Diumano'y ang mga ito ang nakaimpluwensya sa kanyang estilo. Noong nasa ikaapat na taon na siya sa kolehiyo, naging pangalawang patnugot siya sa Varsitarian , ang pahayagang opisyal ng mga estudyante sa UST.

Noong sumama siya sa staff ng Bannawag , ginawa siyang pampanitikang patnugot. Hindi nagtagal ay naging managing editor at pagkatapos naman ay editor-in-chiefsiya. Noong siya'y pampanitikang patnugot ng magasin, inumpisahan niya noong 1961 ang taunang paligsahan ng maikling kuwento. Marami sa mga kilalang-kilalang manunulat sa Iloko ang dumaan sa kanyang pamamatnubay, tulad halimbawa nina Pelagio Alcantara, Jose Bragado, Manuel Diaz, Fredelito A. Lazo, Antonio Sanchez, Salvador A. Espejo, Edilberto M. Angco, Meliton Gal Brillantes, at Lorenzo Tabin.

Nag-umpisa si Casabar sa pagsusulat noong 1954 bilang kuwentista. Naglabas siya ng mga maikling kuwento sa isang koleksiyong pinamagatang Punasemon Dagita Luam (Pahirin mo na ang Iyong Luha). Sa taon ding iyon, sinulat niya at ipinalathala ang kanyang unang nobela, Maiwaksinto Dagiti Ulep (Mahahawi Rin ang mga Ulap). Nalathala ito sa Bannawag mula 3 Mayo 1954 hanggang 20 Setyembre 1954. Ang panahong ito'y kinikilalang umpisa ng pinakamasigasig niyang produksiyon bilang manunulat.

Pagkatapos malathala ang Maiwaksinto Daguiti Ulep , sumulat pa si Casabar ng 18 nobela (lahat ay nalathala sa Bannawag ). Ito ay ang mga sumusunod : Iti Imatang ti Langit (Saksi ang Langit), 27 Set. 1954 – 8 Agosto 1955; Puris iti Barukong (Tinik sa Dibdib), 5 Agosto 1955 – 13 Agosto 1956; Punasemon Dagita luam (Pahirin Mo na ang Iyong Luha), 22 Agosto 1956 – 3 Set. 1956;Palaspas (Mga Unang Dahon ng Tabako), 18 Marso 1957 – 8 Abril 1957; Puon ti Bullalayaw (Dulo ng (Bahaghari), 9 Set. 1957 – 21 Okt. 1957; Darundon (Mga Huling Bunga), 29 Abril 1957 – 1 Hulyo 1957; Dagiti Mariing iti Parbangon(Silang Nagigising sa Madaling Araw), 24 Set. 1956 – 11 Marso 1957; Iti Panggaw-awatan iti Bulan (Sa Pook na Abot-Kamay ang Buwan), 22 Hulyo 1957 – 19 Agosto 1957; Awis ti Puro Sawi (Tawag ng Isang Sawi), 4 Nob. 1957 – 11 Agosto 1958; Ti Bessang iti Bantay Bakes (Ang Bulaos ng Bundok Bakes), 8 Dis. 1958 – 2 Nob. 1959; Timek ti Pawikan (Tinig ng Pawikan), 23 Peb. 1959 – 9 Marso 1959; Balitok, Insiyenso, ken Lua (Ginto, Insenso, at Luha), 14 Dis. 1959 – 4 Enero 1959; Pangngaasim (Para Mo nang Awa), 6 Peb. 1951 – 1 Mayo 1951; Bit-ang (Bangin), 7 Agosto 1961 – 28 Agosto 1961; A kas met Pammakawan Mi (Gaya ng Aming Pagpapatawad), 22 Peb. 1961 – 30 Enero 1961; Balangkantis (Huwad), 20 Abril 1964 – 20 Hulyo 1964; at Umuna a Bukel(Unang Butil), 14 Dis. 1964 – 7 Hunyo 1965.

Bukod sa mga akdang nabanggit, sumulat pa siya ng sampung nobela at 25 maiikling kuwento na kung saan ginamit niya ang “pen name” na Conrado Camacho.

Noong 1965, nangibang-bayan si Casabar at ang kanyang buong pamilya sa Canada. Isang dahilan ay ang madalas na pagtanggap ng pamilya ng banta sa kanilang buhay dahil sa pagsusulat niya ng mga mapanuligsang kuwento. Ang mga ganitong banta'y nagsimula pa noong panahon ng perseserye sa Bannawag ng Dagiti Mariing iti Parbangon . Sa Canada, nagtrabaho siya bilang “copy editor” saWinnipeg Free Press hanggang 1967. Sa taon ding iyon, lumipat ang kanyang pamilya sa Iowa sa U.S. Doon ay nagtrabaho siya sa Des Moines Registrar . At kamakailan lamang ay lumipat na naman sila sa California.

Ang uri ng edukasyon ni Casabar at ang kapaligirang panlipunan sa Ilocos ang naging malakas na impluwensya sa kanyang pagsusulat at sa uri ng bagong direksyon na ibinigay niya sa pag-unlad ng nobelang Iloko.

Ang Dagiti Mariing iti Parbangon (Silang Nagigising sa Madalang-Araw) ay isang kuwentong katamtaman lang ang haba tungkol sa pakikibaka ni Salvador, laban sa naghaharing moral at panlipunang katiwalian sa bayan ng Guilang, at sa karahasan ng kalikasan doon. Ang bayan ng Guilang ay kathang-isip lamang ni Casabar, ngunit para sa mga nakakaalam ng Ilocos “milieu,” lalo na sa kapanahunan ng may-akda, di mahirap kilalanin na ang Guilang ay kumakatawan sa Narvacan, Ilocos Sur, ang mismong bayan ni Casabar.

Sa nobela, nagtagumpay ang kabutihan, ngunit napakalungkot pa rin ng kuwento kung tutuusin; sadyang napakabigat ang trahedyang tinutungo ng daloy ng kuwento. Lamang ay pilit itong lumabnaw at naging melodramatiko, bunga ng hindi maiwasang kumpromiso sa pangangailangan ng sining at pangangailangan ng Bannawag bilang negosyo, ibig sabihi'y ang pakikibagay ng kuwento sa tradisyunal na panlasa ng masa ng Ilokanong mambabasa. Kabilang sa pangangailangan ng tradisyunal na panlansang pampanitikan ng mga Ilokano ang mga sumusunod: romantikong pag-iibigan, matinding paglalarawan ng kulturang Ilokano, mahiganting katarungan o “poetic justice,” at malinaw na mensahe.

Sa wakas ng nobelang ito, malinaw ang mensaheng moral: ang dugo'y sadyang higit na matimbang kaysa sa tubig, at ang kabutihan ay sadyang magtatagumpay laban sa kasamaan gaano man ito kabigat at kalakas, sapagkat tulad ng nangyari sa nobela, ang kasamaan ay parang halimaw na habang nabubuhay para sa sarili'y kinakain naman nito ang kanyang sariling katawan hanggang ito'y lubusang maubos.

Maraming kahulugan ang pamagat ng nobela. Sa mga nakakaintindi ng kulturang Iloko ang pamagat ay tumutukoy sa nakasanayang gawi ng masisipag na Ilokano na magising nang maagang-maaga upang gumawa sa bukid o asikasuhin ang iba pang gawain. Nakagawian na ito ng mga tao sapagkat masarap bumangon at magtrabaho sa umaga, hindi mainit, at maraming di hamak ang natatapos nilang gawain. Ngunit ang totoo'y hindi ito ang inilalarawan ng nobela kundi ang epekto sa mga Ilokano ng karahasan ng kalikasan sa Ilocos at ng mas marahas pang kapaligirang panlipunan.

Sa simbolikong antas, ang pamagat ay tumutukoy sa kadahupan sa kapayapaan ng mga Ilokano, bunga ng naghaharing katiwalian sa kanilang rehiyon. Sa nobela, ang karahasan ng kalikasan ay makikita sa matingkad na paglalarawan ng napakapobreng baryo ng Sabangan, at ito ay makikita natin sa ikalawa at ikatlong kabanata ng nobela. Dito'y masasaksihan ng mambabasa ang matingkad na paglalarawan ng kakila-kilabot na nangyayari sa mga pobreng mangingisdang walang kalaban-laban sa puwesa't bangis ng kalikasan sa dagat?ang bagyong bigla na lamang sasalakay sa mga mangingisdang nasa laot; ang mababagsik na pating na nainibasib sa mga tumapon sa dagat nang tumaob ang kanilang bangka; ang mga nakaligtas ngunit duguan at putol ang paa't brasong sumadsad na lamang sa dalampasigan; ang panangis ng biglang nagkakagising sa madaling-araw dahil sa aksidenteng sinapit ng kanilang mahal sa buhay habang naghahanapbuhay sa laot' at ang mga nagigising na hindi na makatulog hanggang sa kinaumagahan.

 

Ngunit kung ganito kalala ng kawalang-kapayapaan ng mga taga-Sabangan dahil sa kaharasan ng kalikasan, higit pang malala ang kalagayan ng buong bayan ng Guilang dahil sa naghaharing katiwalian at kabulukan dito. Ang masasamang tao sa lipunang ito na diumano'y kasabwat ng malalakas na pulitiko, mga impluwensyal na mayayaman at pulis, military at namamamahala sa gobyerno ay walang humpay na gumagawa ng sarisaring krimen nang walang takot sa kaparusahan. Araw-araw ay may nangyayaring kabi-kabilang patayan; o di kaya'y lantarang pangingikil atpambubugbog sa mga inosenteng mamamayan sa mga lansangan, tindahan at palengke. Ito ang kanilang paraang ng pagsasabi sa madla na sila ang diyos-diyosan sa bayan, at sinumang magtangkang pumigil sa kanilang ginagawa'y maghanda na sa kamatayan. Kung gabi'y pangkaraniwan na lamang ang biglang pagkagising ng mga tao, lalong-lalo na sa madaling araw, sa putok ng baril at matinis at kakila-kilabot na hiyawan. Ito'y nangangahulugang may pinatay na naming biktima ang mga walang kinatatakutang kriminal. Nagigising gabi-gabi ang mga tao at puyat na puyat na sila dahil sa ganitong mga pangyayari. At ito ang tinutukoy ng salitang “nagigising” sa pamagat ng nobela.

 

 

 

Ngunit may higit pang malalim na kahulugan ang naturang salita: ang pagkagising ng pangunahing tauhan sa isang masakit nakatotohanang kaugnay ng kanyang binabalak na misyon sa kanyang nabubulok na lipunan. Matapos niyang saksihan ang nakaririmarim na sabwatan ng mga awtoridad at mga kriminal, natuklasan niyang wala palang silbi ang pakikipagtuos sa masasamang tao sa bayan sapagkat gaano man kalinaw na sila ang may sala, sila pa rin ang kinikilingan ng mga awtoridad.

 

Sa simula, si Salvador ay isang batang napakataas ng hangarin sa buhay, ang maging isang lider sa paglilinis ng nakaririmarim na lipunan. Hindi lamang siya nababahala; nanggigigil rin siya sa galit dahil sa mga katiwaliang nangyayari at sa pagwawalang-bahala ng mga lider sa lipunan. Ang mga pulitiko, halimbawa, aymagaling lamang mangako ng kung anu-anong proyekto para sa kabutihan ng madla tuwing eleksiyon; ngunit apag nasa puwesto na sila, wala nang ibang aatupagin kundi ang sarili nilang ikayayaman at ikabubuti. Ang nabubulok na mga bahay, ang maruruming plasa't palengke, ang maaalikabok at butas-butas na kalsada, at ang iba pang tanda ng pisikal na kabulukan, bukod pa sa mga abusadong pulis at iba pang tiwaling maliliit na upisyal sa munisipyo?ang lahat ng ito ay nagpapatunay sa kriminal na pagwawalang-bahala ng alkalde sa kanyang tungkulin. May isa man lamang sanang mamamayang magkaroon ng sapat na tapang upang punahin at labanan ang ganitong kabulukang naghahari. Iyan ang madalas na naiisip ni Salvador, ngunit walang sinumang may kahandaang gumawa ng hakbang.

 

Hindi mapigilang ihambing ni Salvador ang kasalukuyang bulok na kalagayan ng kanyang bayan sa naaalaala niyang kaayusan nito noong siya'y batang-bata pa, bago sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig. Ang bayan ng Guilang ay napakalinia noon at napakaganda: punong-puno ng mabulaklak at ornamental na halaman ang kapaligiran ng munisipyo at plasa. Nabigyan pa nga ang bayang ito ng gantimpala bilang pinakamalinis at pinakamagandang bayan sa buong rehiyon ng Ilocos. At ito'y sadyang ipinagmamalaki noon ng mga taga-Guilang.

 

Wala na ang panahong iyon. Ngayon, ang buong bayan ay nangangamoy, hindi lamang dahil sa napakaruming kapaligiran kundi dahil rin sa mga nakasusulasok na pangyayari sa lipunan. At tulad ng nabanggit na, ang lahat ng ito'y bunga ng pagwawalang-bahala ng mga mamamayan sa nangyayari, lalong-lalo na ng mga namumuno sa lipunan tulad ng alkalde at ng pari na dapat sana'y mga ulirang huwaran sa tuwid na pamumuhay. Kung ang simbolo ng kriminal na pagwawalang-bahala ng alkalde sa kanyang tungkulin ay ang nabubulok nang munisipyo at iba pang gusaling-bayan at ang marurumi't butas-butas na daanan, ang pagwawalang-bahala naman ng pari sa kanyang tungkuling ispirituwal sa bayan ay sinasagisag ng lumang simbahang nabubulok na rin, na hindi man lamang niya maibalik-balik sa dating ayos nito bago sumiklab ang digmaan. Ang bahagi ng plasa sa malapit sa simbahan ay napakarumi at napakapangit tingnan, tulad ng bahagi nitong sakop ng munisipyo. Sarisaring gumagalang hayop, katulad ng kambing, aso, manok, baboy, kabayo, baka't kalabaw, ang palaging nandoon at nagkakalat ng dumi. Sinusudsod ng mga baboy ang lupa at ito'y napakapangit tingnan.

Ang mga nagsisimba naman tuwing araw ng Linggo ay nasa simbahan lamang upang makipagsosyalan at magtsismisan, at hindi upang sumamba sa Diyos. Walang nakaliligtas sa tsismisan, pati pari ay biktima, ngunit ang karamihan sa biktima ay ang mga taga-baryo na madalas ay wala sa uso o ayos ang pananamit. Palibhasa'y sinasamantala ng baryo ang pagsisimba sa Linggo upang magtinda ng kanilang produkto o di kaya'y mamasyal, hindi nakakapagtakang kakaiba sa mga taga-poblasyon ang pagdadamit nila sa ganitong okasyon.

Matalim ang pamumuna o satira dito ni Casabar; at ang pinatatamaan niya ay iyong mga taga-poblasyon na diumano'y laging nangmamata sa mga taga-baryo. Inaakala ng mga ito na mababa sa kanila ang mga taga-baryo, gayong kung tutuusin ay mainam na di hamak ang buhay ng taga-baryo kaysa buhay ng mga nasa poblasyon. At ang higit na kinasusuklaman ni Casabar ay ang mga taga-poblasyong tapos sa kolehiyo na may ganitong ugali ngunit nangakaistambay lamang, walang trabaho?mga abogadong walang kliyente,mga doctor na walang pasyente, mga inhinyerong walang itinatayong gusali o ginagawang konstruksyon; at mga maestrong walang puwesto sa pagtuturo.

Sa malaking inis ni Salvador sa ganitong sitwasyon, nag-isip siya nang malalim upang alamin ang ugat ng maghaharing kasamaan sa kanilang lipunan. Ang unang nakita niya ay ang pulitika. Para sa kanya, ang pulitikang umiral ay napakarumi, at lahat ng mahawahan nito'y sadyang nagiging bulok hanggang mangamoy. Ang hirap nito'y walang bagay sa buhay ng mga taga-Guilang na hindi kasangkot ang pulitika. Ang pagkahayok sa kapangyarihan at pagtangkilik na pampulitika ang ugat ng pagkamanhid ng mga pulitiko sa mga usaping panlipunan at pangkagalingan. At dahil rito, ang mga tao'y napipilitan na ring maging manhid. Idagdag pa rito ang pagwawalang-bahala ng pari, at hindi nga magtataka ang sinuman kung ang mamamayan ay wala na ring nakialam sa mga nagaganap na kasamaan. Isang halimbawang magpapatunay sa ganitong kamalayan ng tao ang nasaksihan ni Salvador noong may mahulog na karpintero mula sa mataas na andamyo. Ang mga nagsitungo sa pinangyarihan ng aksidente ay naparoon upang makiusyoso lamang, hindi upang dumamay sa nasawi. Ang masama pa nito'y nagbibitaw pa sila ng maaaskad na parunggit tungkol sa nasawi: “lasenggero kasi”; “hambog kasi”; “iyan ang napala niya.”

Sa patuloy na pagmumuni-muni ni Salvador, napasok sa kanyang isip na kung may malaking kinalaman ang pulitika sa ganitong pagkamanhid ng mga mamamayan, may higit pang malalim na dahilan, at ito'y nasa karakter mismo ng mga tao. Inaalihan sila ng “psychological malaise” na dulot ng nakaraang digmaang pandaigdig. Para sa kanya, ang mga nabubulok na simbahan, gusaling-bayan, mga kalsada at mga katiwaliang naghahari sa bayan ay mga balantukang pilat ng mga sugat na likha ng digmaan. Dahil dito'y malalim ang ugat ng naghaharing kasamaan sa lipunan. Nakikita ito ngayon ni Salvador at batid niyang hindi ito agad-agad na mapangingibabawan. At pagkatapos ng nangyari sa kanya'y nagising siya sa mapait na masaklap na katotohanang hindi sapat ang idealismo at kagitingan sa matagumpay na pakikibaka laban sa umiral na kasamaan sa Guilang; kailangang haluan din ito ng sapat na katalinuhan at pag-iingat. At ito nga ang sinasabi sa kanya ng kanyang gurong si Manchos: “Hindi ka basta na lamang makahahanap ng solusyon sa problema. May mga paraang kapag siya mong ginamit, ay para mo lamang ibinangga ang ulo mo sa konkretong pader. Kailangan dahan-dahan ka, mag-ingat ka, at gamitin ang utak.” Masasabing ang katotohanang nagisnan ni Salvador ay isa pang dimension ng kahulugan ng pamagat ng nobela. Dahil dito, magiging maingat na maingat na nga si Salvador, at ang pagkamaingat niya'y dumating sa sukdulang parang nawala na ang kanyang dating komitment. At ang resulta nga'y pinagdudahan siya ng mga kasamahan sa unyong sinalihan niya.

Sa pagbuo ni Casabar ng ganitong dimension ng kahulugan ng salitang “mariing,” malayang ginamit niya si Manchos, ang matalino, matalisik, at respetadong guro ni Salvador sa Economics bilang isang “raissoneur” o tagapangatwiran, kung baga sa drama. Matalas ang pag-iisip ng maestrong ito. Pumupukaw sa malalim na kaisipan ang mga tanong niya tungkol sa anumang isyung pinapaksa sa diskusyon; at laging praktikal o pragmatiko ang iminumungkahi niyang solusyon. Sa madaling salita'y kinakatawan ng maestrong ito ang kabilang aspekto ng kaisipan ni Salvador na magagawa niyang punahin kung kailangan, ang pagiging praktikal, maingat, at pragmatiko gaano man katindi ang kanyang idealismo. Makikita ito noong magpasya siyang kalimutan na lamang ang kanyang pangarap na ligawan si Emerita at pakasalan ito, dahil nga sa napakalaking nakikita niyang agwat ng kanilang katayuan sa lipunan, lalong-lalo na noong hindi na siya makapagpatuloy ng pag-aaral. At makikita rin ito sa pasiya niyang tumiwalang sa lihim na unyong sinalihan, noong siya'y magkaroon na ng asawa't anak.

Kakatwang gaano man kalinaw ang mga isyung panlipunang pinagtutuunan ng nobelang ito, mayroon pang ilang mambabasang nagsasabi na ang Dagiti Mariing iti Parbangon ay isang romantikong kuwento ng pag-ibig lamang. Ang totoo, ang tinatawag na “love “plot” o paksang-banghay ng pag-iibigan ni Salvador at ni Emerita ay hindi ganap na nabuo sa kuwento. Sa kalakhang bahagi ng banghay at aksyon ng nobela, nakikita lamang ang dalawang ito bilang magkaibigang naghahangaan sa isa't isa. Ngunit walang nangyayaring relasyon sa dalawa bilang magsing-ibig. Ang relasyong ganito ay nag-umpisa lamang sa huling bahagi ng kuwento, noong malapit nang umalis si Ermita upang mag-aral sa Maynila, matapos nitong maakit si Salvador. At pagkatapos ng eksenang ito, ang aksyon ay hindi na uminog sa naturang pag-iibigan. Halos hindi na nababanggit ang paksang ito, maliban lamang sa madalang na sulatan ng dalawa. Ang pag-iibigan nina Emerita't Salvador ay kinasangkapan lamang ni Casabar upang makalikha ng kinakailangang “ironikong pihit” para magkaroon ng romantiko't melodramatikong epekto ang kuwento at mapagbigyan ang kumbensiyonal na panlasang pampanitikan ng mambabasa, at ang kapakanang komersyal ng Bannawag.

Sa nobelang ito, ginamit ni Casabar sa kauna-unahang pagkakataon ang kanyang galling bilang manunulat para ipadama sa mga mambabasa ang kanyang labis na pagkamuhi sa mga nangyayari sa Ilocos, lalong-lalo na sa pulitika. At gaya ng isang boksingerong nais manalo, hindi niya tinimbang ang kanyang mga suntok. Simple, siksik, deretsahan at realistiko ang kanyang estilo. Upang mapanatili ang interes ng mambabasa, hindi niya kinalimutan ang halaga ng suspense at ang teknik ng “palipat-lipat na impresyon,” habang ibinubukadkad ang kuwento at ang mga detalye ng mga pangyayari. Sa nobelang ito, iwinaksi na ni Casabar ang kumbensyonal na estilo ng mga nobelistang nauna sa kanya?ang mahaba at sanga-sangang banghay ng kuwento at ang madalas na paggamit ng mabubulaklak, sentimental, masalimuot at maligoy na pangungusap. Gayunpaman, makulay pa rin ang estilo ng nobelang ito, gawa ng matitingka na paglalarawang madalas ay ginagamitan ni Casabar ng pinahabang paghahambing at metapora. At kahit alam niyang inis na ang mga kabataang mambabasa sa masentimyentong pangungusap, gumagamit pa rin siya ng ganitong estilo kung may sapat na batayan. Ang matingkad na paglalarawan sa nobela ay madalas na pinatitingkad pa at pinayayaman di lamang ng malimit na paggamit ng metapora at paghahambing, kundi pati na rin ng madalas na paggamit ng salawikain at mga palasak na kaisipa't paniwala ng mga Ilokano.

Ang paggamit ng foklor sa nobelang ito ay lumilitaw na isang katangian ng estilo ni Casabar. Ang ganitong estilo ay nakakatulong nang malaki sa pag-ugnay ng kanyang kuwento sa karanasan ng mambabasang Ilokano. Isa pa, ang fauna at flora na nagpapayaman sa kanyang mga deskripsyon ay agad makikilalang Ilokano, at ang mga pook at kalupaang ginagalawan ng mga tauhan sa nobela ay hindi rin mapagkakamalang nasa ibang bayan. Lahat ng ito?pati na ang iba pang aspekto ng foklor at kinaugaliang buhay na nagpapatingkad sa saloobin, pagtingin, pagpapahalaga, at mga gawi o kinaugalian ng mga Ilokano (e.g., ang kanilang di matighaw napagkauhaw sa lupa, ang kanilang araw ng pagtitinda, atbp.) ?ay nagsama-sama sa nobela upang magbigay ng kulay, laman, lasa at amoy ng karanasang Ilokano. Gayunpaman, sa lalong malawakang perspektiba, ang naghaharing kabulukang moral at panlipunan na inilalarawan ng nobela ay siya ring naghaharing kabulukang moral at panlipunan sa buong bansa.

Mahusay ang paghawak ni Casabar ng tagpo sa nobela bilang isang prinsipal na kasangkapan sa pagbuo ng makulay, madula't makahulugang panloob na istruktura ng nobela. At sa mga nakakaalam, malinaw sa kanila ang posibilidad na si Casabar ay naimpluwensyahan ng mga binabasa niyang akdang galling sa Europa at Amerika na nagbibigay ng mahalagang papel sa dagat bilang sentral na tagpuan ng dula o nobela. Kabilang sa mga posibleng nakaimpluwensya sa kanya ang mga sumusunod: ang nobelang Moby Dick ni Herman Melville; ang maikling nobelang The Old Man and the Sea ni John Millington Synge ng Ireland.

Maigsi lamang ang Riders to the Sea ngunit napakalakas ng dating bilang trahedya dahil sa papel na ibinigay sa tagpuan nitong dagat sa pagbuo ng istrukturang panloob ng dula. Ang isinasadula rito ay ang mapait na kalagayan ng isang ina na si Tandang Maurya. Ang kanyang asawa, biyenan, at anim na anak ay isa-isang nalunod sa dagat. At ganoon na lamang ang kapangyarihan ng marahas na kalikasan sa pamilyang ito na di man lamang nabigyan ng kaunting pagkakataong makapag-isip-isip kung paano sila makalilipat sa higit na Mapayapang lugar. Wala silang kawala sa mapait nilang kalagayan, sapagkat sanhi ang kanilang pagiging mahirap ng kanilang kawalang-kakayahan o kapangyarihang lumipat na lamang mula sa kanilang kinasasadlakan. Ganitong-ganito ang sitwasyong isinasalaysay sa Dagiti Mariing.

Inilalarawan naman sa Moby Dick at The Old Man and the Sea ang dagat bilang mahiwagang puwersa na kung minsan ay malupit at kung minsan ay mapagtangkilik. At ang puwersang ito ay napakahigpit ng hawak sa mga mangingisda?walang iniwan sa higpit ng hawak ng kapalaran sa isang nilalang. Ganito rin ang relasyon ng dagat at ng mangingisda sa Sabangan. Ang dagat ang tanging pinanggagalingan ng pagkain ng mga taong ito, wala nang iba; at ang dagat din ang nagdudulot ng kasiphayuan. Ito ang libingan ng lahat ng mga pangarap.

Nasabi ni Casabar na ang mga sinulat nina Melville, Hemingway, at Synge ay kabilang sa mga obra-maestrang kinagigiliwan niya. Kasama na rin dito ang mga akda nina John Steinbeck, Mark Twain, William Faulkner, James Joyce, Somerset Maugham, Willa Cather, Leo Tolstoy, at Anton Chekhov. Ayon pa sa kanya, ang mga namumukod-tanging naging inspirasyon niya ay sina Hemingway dahil sa kakaibang estilo nito; Steinbeck dahil sa simple niyang pagkukuwento; at Faulkner dahil sa malalim na kamalayang ipinadadama nito. Lahat ng mga elementong ito ay makikita sa Dagiti Mariing iti Parbangon , at sa ilan pang mga kuwento ni Casabar.

Kapansin-pansin sa kanyang nobela ang impluwensya ni Hemingway sa paglalarawan kay Apo Binoy. Katulad ng matandang mangingisda sa The Old Man and the Sea , ipinagmamalaki ni Apo Binoy ang kanyang lakas at galing bilang mangingisda. Gustong-gusto niyang gunitain ang mga nakaraang pakikipagsapalaran niya sa dagat na kinakitaan ng kanyang lakas at galing sa dagat. Ngunit matanda na siya, at tulad ng matandang mangingisda ni Hemingway, di na niya tantiyadong mabuti ang kanyang nalalabing lakas at kakayahan.

Isa pang maaaring impluwensya ni Hemingway kay Casabar sa Dagiti Mariing ay ang pagmanipula sa lengguwahe. Sa nobelang ito, mahusay ang hawak o kontrol ni Casabar sa salita?sa unang pagkakataon sa buong kasaysayan ng nobelang Iloko, tahasang iwinaksi ang tradisyunal na estilo ng panitikang Iloko na mapalabok, mabulaklak, masentimyento, at maligoy na pangungusap. Sa halip, madalas na ginagamit ni Casabar ang mga pangungusap na parang nag-uulat lamang; deretsahan at simple ang konstruksyon. Pati ang ritmo ng mga pangyayari't diyalogo ni Hemingway ay madalas ding pumapasok sa estilo ni Casabar. Dapat ding banggitin ang paggamit ni Casabar ng masimbolong paglalarawan ni Hemingway sa ulan. Sa mga kuwento ni Hemingway, epektibo ang gamit ng ulan bilang pampatindi ng dating sa mambabasa ng paghihirap ng mga tauhang lugmok sa pagdurusa. Ngunit tahasan man ang pagwawaksi ni Casabar sa tradisyunal na estilo ng panitikang Iloko, hindi nangahulugang tinalikdan na niyang tuluyan ang paggamit ng mahahaba, makulay, mabulaklak, maligoy, at sentimental na pangungusap. Ginamit pa rin niya ang mga ito kung hinihingi ng daloy ng kuwento.

Nasabi ni Casabar na isa si Faulkner sa kinikilala niyang inspirasyon: hinangaan niya si Faulkner dahil sa kalaliman ng kamalayang ipinadadama ng mga kuwentong sinulat nito. Isa sa mga pamamaraang ginamit ni Faulkner upang mapalalim ang kamalayang ipinapadama ng mga kuwento niya ay ang karanasang-bayang naihayag sa folkor (e.g., ang motif ng isang “kulang-kulang” na siya palang may hawak sa karunungan at Katotohanan). Ganito rin ang ginawa ni Casabar sa kanyang Dagiti Mariing . Napakayaman ng nobelang ito sa tinatawag na buhay na karanasang-bayan?mga gawi, paniniwala, sawikain, at salawikaing Ilokano. At dahil dito, malapit na malapit ang diwa ng nobelang ito sa tunay na karanasan at kamalayang Ilokano.

Isa rin si John Steinbeck sa naging pangunahing huwaran niya. Simple at prangka ang estilo ng pagkukuwento ni Steinbeck sa kanyang obra maestrang The Grapes of Wrath , bagay na nagpatindi o nagpalalim sa dating nito bilang isang buhay at makatotohanang kuwento. Sa nobelang Dagiti Mariing , walang inaksaya si Casabar na panahon o espasyo sa tuloy-tuloy at tuwiran niyang paglaladlad sa banghay ng kuwento. Kung ang impluwensya ni Steinbeck kay Casabar ay damang-dama sa estilo ng pagsasalaysay, naroon din ang impluwensya nito sa tema ng nobela: ang kaunlaran ay ibinubunga rin ng karahasang nagdudulot ng pagdurusa sa maliliit, habang pinakakapal nito ang mga bulsa ng ilang maykaya at malalakas sa lipunan. Ang ideyang ito ang sentral na tema ng The Grapes of Wrath , at maaari ngang ito ay hiniram ni Casabar para gamitin sa kanyang nobela. Gaynman, may kaibhan ang pagdebelop ni Casabar sa temang ito. Sa kanyang nobela, ang kaunlaran ay nagiging sanhi ng karahasan, hindi dahil sa paraang ipinakikita ni Steinbeck kundi dahil sa pulitika sa paraang ipinakikita ni Steinbeck kundi dahil sa pulitika na laging sumisira sa takbo ng mga proyektong pangkabuhayang itinataguyod sa Ilocos.

Kung may malaking kaibhan ang Dagiti Mariing sa mga nobelang Ilokong inilalathala ng mga naunang nobelista, lalong-lalo na sa punto ng pagpili ng paksa ng kuwento at sa punto ng estilo ng pagkukuwento't pagmamanipula ng wika, malaki rin ang pagkakaiba nito sa punto ng kumbensyunal na paglalarawan sa mga tauhan. Halimbawa'y ipinakikilala si Emerita na maganda't batang-bata pang babae, na umano'y may kakaibang kilos at pagpapahalagang hindi angkin ng kanyang mga kapanahon, lalo na sa punto ng relasyon ng lalaki at babae. Siya at si Salvador ay humahanga sa isa't isa. Alam nilang sila'y lihim na umiibig sa isa't isa; ngunit hindi man lamang nabubuksan ang paksang ito sa kanilang mga usapan bunga ng malaking agwat ng kalagayan nila sa lipunan. Mayaman si Emerita ngunit dukhang-dukha si Salvador. Isa pa, pupunta na si Emerita sa Maynila upang pumasok sa kolehiyo. Sa kabilang dako, wala nang pag-asang makapasok si Salvador sa kolehiyo dahil na nga sa aksidenteng nangyari sa kanyang lolo. Mananatili na lamang siyang isang mangingisda sa Sabangan. Kung kaya't iwinaksi na niya sa kanyang isip ang mga dati niyang pangarap tungkol kay Emerita.

Ngunit kakaibang babae si Emerita. Kung ayaw buksan ni Salvador ang usapan tungkol sa lihim nilang pagtatangi sa isa't isa, si Emerita na rin ang nagbukas sa pamamagitan ng matagumpay na mapanuksong paraan. Nagplano siya ng isang piknik sa Sabangan na dinaluhan lamang ng apat?siya, si Salvador, at ang dalawa niyang kaibigan. Mabilis ang mga pangyayari. Nahikayat ni Emerita si Salvador na makipagtalik sa kanya. Nangyari ito bago pumunta ang dalaga sa Maynila. Di nagtagal ay naramdaman ni Emerita na buntis na pala siya. Dahil dito, di siya nag-atubiling umuwi, hindi sa bahay nila kundi sa bahay ni Salvador, upang tiyakin kung kayang panindigan ng lalaki ang pinasukan niyang responsibilidad, at tanggapin siya bilang asawa.

Dahil sa pangyayaring ito, itinakwil siya ng kanyang galit na galit na mga magulang; ngunit di niya ito alintana. Ang mahalaga'y nakuha niya ang kanyang nais: ang pag-ibig ni Salvador bilang asawa.

Upang mabigyang-diin ni Casabar ang indibidwalidad ni Emerita at ang kanyang progresibong disposisyon o mentalidad, lumikha siya ng dalawang karakter na malapit kay Emerita, si Fe at si Soling. Ang karakter ng dalawang ito ay taliwas sa karakter niya?mahinhin sila't walang sariling pag-iisip. Takot na takot sila sa ginawa ni Emerita sa piknik, at pagkatapos noon ay labis na nilang ikinahiya ang kanilang kaibigan.

Batay sa mga ganitong obserbasyon, malaki ang pagkakaiba ni Emerita sa karamihang babae sa mga naunang nobela sa Iloko?mga babaeng masyadong sentimental, masunurin sa magulang, labis na mahinhin, at sinasagisag ng kadalisayan.

Marami pang ibang interesanteng tauhan sa nobela bukod sa mga nabanggit na. At masasabing sa pangkalahatan, matagumpay ang paglalarawan ng mga tauhan saDagiti Mariing . Ipinakikita dito ni Casabar ang kanyang malalim at malawak na kaalaman sa kalikasan ng tao bilang nilalang na binubuo ng sariling pagkatao't kultura ng kapaligirang panlipunan.

Bilang pangwakas, masasabi natin na mula noong malathala ang Matilde de Sinapangan hanggang sa lumabas ang Dagiti Mariing iti Parbangon , mayroon nang ilang pagbabagong naganap sa nobelang Iloko?pagbabago sa paksa, tema, at estilo. Lamang, ang mga pagbabagong ito ay di pa gaanong marami at radikal upang masabing nakawala na ang nobelang Iloko sa pinagmulang kumbensyon at tradisyon sa nilalaman, diwa, porma at estilo, at patungo na nga sa kakaibang anyo at diskurso.

Sa pag-aaral na ito, nakita nating hanggang sa kapanahunan ni Constante C. Casabar noong mga taong 1950, nang ang mga puwersang panloob at panlabas ay nag-umpisa nang kumulo't magbunga ng gulo sa lipunan, nanatili ang nobelang Iloko sa kanyang mabigat na pagkiling sa pinagmulang tradisyon at kumbensyon. Nanatili itong napakasentimental, napakamelodramatiko at masyadong mapangaral, at ang tanging layunin ay bigyang-aliw ang mambabasang Ilokano at maipamalas sa kanila ang kultura nilang sinilangan at kinalakhan. Wala pang ipinakikitang nagproprotestang kamalayan, sapagkat nananatili pa rin ang lipunang Ilokano sa pasibong pagtitiis sa isang kalagayang hindi tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan, at ang panitikan ay nagsisilbi lamang sa pagtakas sa realidad ng buhay. Ngunit pagdating ng kalagitnaan ng dekadang 1950, mitsang umiikli ang pagtitiis ng mga Ilokano habang lumalala ang sitwasyon ng bayan. Nagsimula na rin silang mapuno sa mga di kanais-nais na pangyayari, at unti-unti na ring umusbong ang nagproprotestang kamalayan.

Hindi nga nakapagtatakang sa paglitaw sa piksyong Iloko ng isang matalino't sensitibong manunulat na gaya ni Constante Casabar, di naglaon ay nagkaroon na ng makabuluhang pagbabago ang nobelang Iloko. Sa kamay ni Casabar, ito'y naging makatotohanan sa nilalayon, diwa, at estilo, at pinagkaabalahan na nito ang mga isyung panlipunan. Bunga ng kanyang pormal na edukasyon sa panitikan, naging tunay na makasining ang piksyong Iloko lalong-lalo na ang nobela. Ang mga katangiang ito ay naging katangian ng nobelang Iloko sa mga dekadang 1960 hanggang sa kasalukuyan. Dahil dito, masasabing si Constante C. Casabar ang pangunahing nobelistang transisyunal sa Iloko mula sa romantikong tradisyon at kumbensyong pinagmulan nito, tungo sa realistiko at makabagong anyo na may malakas na kamalayang panlipunan.

Powered by Drupal