A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z

Simplicio P. Bisa

Si Simplicio P. Bisa ay tubong Taysan, Batangas. Isa siyang manunulat, tagapagsalin at guro ng panitikan sa Filipino.

Siya ay makapitong ulit na nagkamit ng Gawad KADIPAN sa pagsulat ng maikling kwento (nang estudyante pa ng FEU), at nagkagantimpala na rin sa patimpalak ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Dati siyang nagsusulat sa mga babasahing Liwayway, Aliwan, Akda at Free Press Filipino. Ang ilan sa kanyang mga nagkagantimpalang akda ay kasama sa maraming teksbuk sa Filipino. Siya ang awtor ng mga librong Lahing Kayumanggi at Diwa ng Lahi, co-awtor ni Efren Abueg sa Talindaw at Sandiwa; ni Bro. Andrew Gonzales sa Sangwikaan at kasamang editor sa Retorikang Filipino: Masining na Pagsulat na inilimbag ng DLSU Press.

Mga salin niya ang Kasaysayan ng Daigdig (World History nina Santos at Lopez ng Social Studies Publications) at ang Mga Tuntunin at mga Patakaran ng Sanggunian (batay sa Parliamentary Rules and Procedures ni Dr. Antonio Orendain). Inihahanda niya sa kasalukuyan ang apat na workbook sa pagsulat ng komposisyon, ang Magsulat Na, Magsulat Pa para sa apat na level sa haiskul, sa anyaya ng Educational Resources Corporation.

Si Bisa ay nagtapos ng doktorado sa wika at literature sa De La Salle University. Sa kasalukuyan, siya’y associate professor sa Departamento ng Filipino, Kolehiyo ng Malalayang Sining, at Koordineytor ng mga programang DALL/MALL Filipino sa Graduate Studies. Siya rin ang editor ng Daloy, jornal na pampanitikan ng nasabing pamantasan. Bago siya nakapagturo sa Pamantasang De La Salle, naging Puno siya ng Kagawaran ng Filipino sa Far Eastern University, ang pinagtapusan niya ng mga karunungang A.B., B.S.E. at M.A.

Kasapi siya ng UNTAP (Unyon ng mga Tagapagsalin sa Pilipino), KAPPIL, at Linguistic Society of the Philippines.

National Artist for Literature: 
No
Powered by Drupal