criticism
Awit ni Amai Sondak, Landas
ni Minayun, at ang mga Pamahiin ng Ating Panahon:
Tungo sa Filipinong Estetika sa Panitikang Pambata
ni Eugene
Y. Evasco
Sa isang lugar ng Pagadian,
ayon sa mga kuwento, naririnig pa ang awit ni
Amai Sondak, isang onor ng epikong Darangen. Naluklok
sa pagiging alamat ang nasabing mang-aawit. Sa
rikit ng kaniyang sining, nabighani niya ang mga
tonong. Dinakip siya ng mga ito para sa langit
siya makaawit. Inilalarawan ng alamat na ito ang
sagradong akto ng paglikha na magsisilbing pangkalahatang
talinghaga ng panukala sa Filipinong estetika
at sensibilidad ng panitikang pambata.
Sa pagsusulat ng mga akdang
pambata, nalublob ang karamihan sa Filipinong
manunulat sa estetika at katangianbuhat sa Kanluran.
Maipapaliwanag ito sa pagiging anyong banyaga,
bukod pa sa naging aparato ng mananakop, ng panitikang
pambata sa bansa. Sa pagsubaybay sa produksiyon
sa ibang bansa, nagkakaroon ng tendensiyang ikompara
ito sa pambansang produksiyon. Tuwina’y
nakapanlulumo ang ani ng mga aklat sa bansa. Hinahanap
ko ang sigasig ng manunulat at tagapaglathala
sa US at UK sa sariling pambansang produksiyon;
inaantabayanan ko kung nakasusunod sa pag-unlad
ang pagsusulat sa Pilipinas. Tinutugaygayan ko
ang mga katumbas ng partikular na autor sa aking
mga kapwa manunulat. Ang kapangahasan sa mga tema
ng nobelang pangkabataan ay malayong-malayo kung
ikukumpara ko sa ating produksiyon. Sa kanila’y
may mga nobelang nasa anyo ng tula (blank verse)
at dahil sa masusing dokumentasyon ng kanilang
panitikang-bayan, may baul silang mapagdudukalan
ng mga bagong akdang pantasya. Sa ulat din ni
Nicolas Tucker (“Children’s Literature
the next 20 years”), natukoy niya ang mga
pag-unlad ng kanilang panitikang pambata: (1)
pag-usbong ng fan fiction (o ang pagdurugtong
ng mga mambabasa sa nobela ng isang autor; paglikha
ng mambabasa ng baryasyon sa isang nobela); (2)
ang phenomenon ng cross-over na katha; at (3)
tuluyang pagwasak sa mga taboo sa panitikang pambata.
Sa kanila’y may konsepto ng “panitikang
pambatang pangmatanda” pero dito’y
pinalalawak pa ang mga depinisyon at anyo ng panitikang
pambata. Sa Kanluran, marka ng kahusayan ang pag-igpaw
sa depinisyon at parametro ng panitikan para sa
kabataan. Samantalang dito’y namimihasa
pa ang karamihan sa mga pormula at sa konsiderasyong
komersiyal.
Nito lamang mga nakaraang
buwan, saka ko napaglimi na ang wala sa konteksto
ang paghahambing sa produksiyon ng dalawang kultura.
Paano makaiigpaw ang panulat sa bansa, gayong
usapin para rin ang pagsasalehitimo ng anyong
ito? Paano mabibigyan ng pakpak ang sariling panitikang
pambata, gayong hindi pa ito nauugat sa tradisyong
pampanitikan? Tulad sa akda ni J.M. Barrie na
nanamamatay ang isang fairy kapag mayroong hindi
naniniwala rito, ang mga diwata at tauhang mitolohikal
sa bansa ay nasa bingit na ng kamatayan dulot
naman ng pagkakalimot.
Sa pagbabasa ng etnoepiko
ng bansa, matutukoy ang paraan na pagkukuwento
na maaaring magamit: ang pag-uulit at ng eksaherasyon,
ang paghahanay ng mga salitang magkakahawig ng
kahulugan, ang pagbibigay ng pangngalang pantangi
sa mga kagamitan, ang pagkakaloob ng mahiwagang
sasakyan at sandata ng tauhan, ang pagbabanyuhay
sa mga limot na diwata at bayani sa mga etnoepiko.
Maaaring sagot ang mga nabanggit sa namamayaning
estetika ngayon na minimal ang salita, halos walang
prosa, at walang deskripsiyon sa teksto. Pinaniniwalaan
na payak lamang ang maiintindihan ng mga bata
dahil maikli ang kanilang attention span. Sa ganitong
estetika ng kaiklian, nababansot ang naturang
anyo. Halimbawa nito ay ang pagsasalin ng epiko
at kuwentong bayan sa anyo ng picture book. Dakila
naman ang layon sa pagpapamalas ng kariktan ng
folklore ngunit suliranin itong maihahalintulad
sa pagsasalin ng lawa ng Laguna sa isang puswelo.
Maraming detalye at sinaunang teknik ang nawawaglit,
dahil pilit isinusunod ang katha sa pamantayang
Kanluranin. Hamon sa mga manunulat pambata sa
bansa na gawing kaiga-igaya ang panitikang-bayan
at ipamalas ang yamang taglay nito; hindi bilang
maputla, tila buod, nawalan ng sustansiya, at
dumaan sa liposuction na prosa. Kagyat na matutukoy
ang sagwil sa pag-usbong ng mahaba-habang akda:
ang limitasyon ng palimbagan, ang limitasyon ng
anyo ng picture book, at ang itinakdang tuntunin
ng mga paligsahan na lima o kaya’y sampung
pahina lamang ang kuwento.
Bukod sa paghahanay nga katangiang
naratibo ng epiko, napatunayan na ang poetika
ng pantasya sa Kanluran ay matatagpuan din sa
mga epikong-bayan ng bansa. May nagsasabing unibersal
naman ang pinanggalingan ng mga katha sa daigdig,
gaya ng ilustrasyon ni Salman Rushdie sa bukal
ng mga kuwento. Gayunpaman, hindi pa rin maitatanggi
ang pananaig ng fairy tales at mitolohiya ng Europa
sa imahinasyon ng mga mambabasang Filipino. At
sa pananaig na, nawawaglit sa kamalayang-bayan
ang sariling ugat ng pagkukuwento. Kasama na rito
ang pananaig sa mga imahinasyon ng mga manunulat
ng unibersal na bata, na itinakda ng pag-aaral
ng sikologo sa Kanluran. Maaaring sabihing lipas
na ang tanong na sino ang higit na kilala ng batang
Filipino: Mickey Mouse o Humadapnon? Pero seryoso
ang tanong kaugnay sa tinatawag na “cultural
Chernobyl,” lalo pa’t katatayo lang
sa Hong Kong Disneyland na pangarap na paraiso
ng mga batang Filipino.
Mahalagang teksto sa pagbubuo
ng sariling sensibilidad sa pag-akda ang tradisyong
naratibo ng mga Manobo. Sa kaniyang pag-akda,
malakas ang epekto ng kaniyang publiko. Sa kuwentong-bayang
“Mepiya Bawa at Meraat Bawa” matutunghayan
ang interaksiyon ng tagapagsalaysay at ang makikinig
at ang ambag ng publiko sa tradisyon ng pagkukuwento:
umaantabay kung umuunlad ang banghay, binabantayan
ang ugali ng mga tauhan, sinasabi ang nalilimutang
detalye ng tagapagsalaysay, kinakausap at naglalarawan
sa gagawin ng tauhan at ang ugali nito, nagpapakita
ng galak sa mga mahihiwaga at kapana-panabik na
eksena, tinutugaygayan ang moral ng salaysay,
at nagbibigay ng reaksiyon sa pagitan ng pagkukuwento.
Sa kabilang banda, may pamamaraan din ang talaulahingan
para maging kaiga-igaya ang pagsasalaysay: ang
paggamit ng retorikal na tanong tungo sa rurok
ng kuwento, ang pag-uulit ng pangyayari para hindi
makaligtaan ang mahalagang bahagi, ang paglihis
ng panauhan mula ikatlo tungo sa ikalawa para
mapagningas ang imahinasyon ng nakikinig, ang
paglalahok sa makikinig bilang kasama at kalahok
sa kuwento (Hazel Wrigglesworth 1993). Isang mahalagang
konsepto sa tradisyong pagsasalaysay ng mga Manobo
ang panlipunang silbi ng paggunita at pagkalimot.
Para sa talaulahingan, tinatandaan lamang niya
ang mga kuwentong may panlipunang nilalaman o
kabatiran. At ang walang kabuluhan ay ibinabaon
sa limot. Sa pamamagitan ng ganitong tungkulin,
maitatanong natin kung aling mga kuwento ang dapat
muling ikuwento. Sa isang dako, may hamon din
itong tuklasin ang mga kuwentong dapat muling
ipakilala sa henerasyon ng mga batang Filipino.
Sa pananaliksik ni Margery
Hourihan na Deconstructing the Hero: Literary
Theory and Children’s Literature, natuklasan
niya ang mga katiwalian ng dakilang katha (master
narrative) na lumalaganap sa pandaigdigang panitikang
pambata. Nakaangkla ito sa kamalayang Kanluranin
at nagsilbing batayan ng mga pinakamatagumpay
na produkto sa industriya ng kultura. Ito ang
peligro sa pananaig ng ideolohiyang Europeo sa
ibang lipunan. Patong-patong ang mga natukoy niyang
gahum—patriyarka, pagwasak sa kalikasan,
pangingibabaw sa mga di-Europeo, pagsasantabi
sa kakabaihan, pang-aabuso sa mga hayop, at ang
gamit ng puwersa at karahasan para magtagumpay
(Hourihan 1997: 233).
Para masagkaan ang ganitong
gahum ng master narrative, ipinapanukala ang pagbabanyuhay
sa mga etnoepiko ng bansa. Mainam itong kontragahum
sa kapangyarihang taglay ng banyagang poetika
ng panitikang pambata. Habang kinikilala ang mga
bata sa panitikang-bayan, bilang modelo ng modernong
pagsusulat at sagot sa laganap na cultural illiteracy
sa hanay ng kabataan, sisikapin ding buhayin ito
mula sa pagkakabura sa mga panahon ng kolonisasyon
at neokolonisasyon
Magsisimula ang kadakilaan
ng bata sa mga etnoepiko sa mahiwaga nitong pagkasilang.
Tinutukoy rito ang eksaherasyon sa biolohikal
na pag-unlad. Sabihin mang euphemismo sa pagtatalik
ngunit may kakambal na kadakilaan ang bawat pagsilang.
Buhat sa lumulutang na dayap na ikinikis sa buhok
ng dalaga si Damanaas, kilala ring Baybayan; sa
mahiwagang nganga naman nagmula si Banna ng Ullalim.
Si Sandayo’y isinilang buhat sa walong ulit
na pagsusuklay ng buhok ng sariling ina, at si
Dumalapdap ay buhat sa pinagsama-samang patak
ng dugo mula sa daliri ng kaniyang magulang at
kapatid. Kadakilaan naman ang ipinahihiwatig pagkakasilang
kay Tudbulul ng mga T’boli dahil kakambal
niya ang gamit-pandigma: sombrero, kalasag, mamahaling
agong, at isang kabayo.
Nagpapahiwatig ng kabayanihan
ang pisikal na kaayuan ng bayaning sanggol. Sa
paggamit ng mga paglalarawan, naitatangi ito hindi
bilang karaniwan kundi mahalagang tauhan. Sa Sandayo,
ang batang bayani ay napakarilag na maihahantulad
sa bulaklak at liwanag ng araw. Hindi rin pinupuri
ng kaniyang magulang si Sandayo; itinuturing itong
pangit at walang halaga. Paniniwala ng mga Suban-on
na kinaiinggitan ng masasamang espirito ang batang
pinupuri (Castro et al 1983: 374). Gayunpaman,
hiniling ng bata na bihisan siya ng ginintuang
damit para lalo itong naging maningning at maliwanag.
Lalo pa’t “Alipato’y lumagapak/
sa ulo ni Sandayo” at nagliwanag ang bata
“tulad ng araw na bagong sumisikat/ sa bukang-liwayway”
(Castro et al. 1983: 375). Ganito rin ang pagkakalarawan
sa batang si Labaw Donggon: “Siya’y
naramtan ng pilak/ Siya’y nabalot ng ginto./May
bandana sa ulo/ Panyong maningning at burdado”
(Castro et al 1983: 129).
Maikakategorya sa dalawang
uri ang pamanang maiaalay sa mga bata ng etnoepiko.
Iyong una’y mga materyal na bagay. Si Sandayo’y
binigyan ng mga ginintuang damit para maging datu
at magmistulang anak ng diwata. Si Labaw Donggon
nama’y biniyayaan ng mga yaman at damit
mula sa malaking baul na nagngangalang Barugbugan
Umbaw. Handog naman kay Lumalindaw ay ayoding,
isang instrumentong pangmusika na nagpapayo sa
sinomang may-ari. Sa simula ng paglalakbay, hinandugan
ng ina ang anak ng mahiwagang bolo na pag-aari
ng ama. Umaawit ito at ang kinang ay bumubulag
ng kaaway (Eugenio 2001: 71).
Kung si Taake’y pinamanahan
ng gamit-pangingisda ng yumaong ama; sa kuwentong
Darangen nama’y pinangalanan muna ni Linog
ang dalawang anak bago lumisan. Pagkaraan, hinandugan
niya ang mga anak ng dalawang agong na ginagamit
para manghamon ng digmaan at magbalita sa pagyao
ng pinuno. Kapansin-pansin sa halimbawa na mahalagang
ipamana ang makapangyarihang kasangkapan para
sa mga anak. Pinagtitibay rin ng epiko ang ugnayan
ng mga batang bayani sa kaniyang magulang, lalo
na’t ang ipapamana ay hindi lamang kasangkapan
kundi ang husay, ang talino, at ang magiging tungkulin
sa lipunan.
Ikalawang uri ng handog sa
mga bata ng epikong-bayan ay ang edukasyong kultural
at teknikal. Bagamat pinagpala sa kaanyuan ang
batang bayani, mahalaga pa ring maipasa ng magulang
ang kanilang kagalingan. Pinagtitibay nito ang
pakinabang ng bata sa lipunan. Pinalilitaw na
ang pagkabayani ay hindi lamang likha ng salamangka.
Mahalaga ang pagpapatalas ng utak, katwiran, at
pagkamalikhain. Halimbawa, sa Darangen, naghabilin
si Diwata Ndaw Gibon, ang kauna-unahang datu sa
Bembaran, sa kaniyang mga anak upang maging marangal
na datu. Pinakamahalaga sa habilin niya ang pagpapahalaga
ng mga materyal na kultura: ang mahiwagang sinturon
na gayuma, tore ng mga prinsesa, kanilang torogan,
at ang agong na nagmula pa sa ninuno ng kaniyang
asawa.
Pinakapopular ang pagkakasilang
ng pangkulturang bayani ng mga Iloko. Hirap sa
panganganak si Namongan. Isang matandang hilot
na may mapakalakas na daliri ang tumulong sa pagpapaanak.
Pagkaraang mailuwal, nagsalitang agad ang sanggol:
“Lam-ang ang nais kong pangalan.”
Pagkaraan ng binyagan, nag-usisa ng sanggol sa
ina, “Mayroon o wala akong ama/ kung anak
ako sa pagkakasala/ o anak akong marangal at sinisinta?”
Tinugon naman ni Namongan ang anak—ang ama
ng bayani ay nakikidigma laban sa mga Igorot.
Nagpasiya si Lam-ang na hanapin ang kaniyang ama,
gayong nag-aalala ang ina. Ang ikinakatakot ni
Namongan sa anak, “Ang paa mo’y tila
pamaling kawayan/ Mga bisig mo’y tila karayom
pa lamang.”
Sapagkat walang kinikilalang
edad ang kabayanihan. Sa mga etnoepiko ng Pilipinas,
ang paghulma sa mga batang mandirigma bilang tagapanggol
ng lahi ay patunay sa marangal na pagtingin sa
kapangyarihan ng bata. Tutol man ang amang si
Salaria, sinuong ni Sandayo ang larangan ng digma.
Katwiran ng ama, napakabata pa nito at hindi kaya
ang paglalakbay; may tumutulo pang gatas mula
sa kaniyang labi at hindi pa naawat sa pagsuso.
Gayunpaman, ang inang si Bae Salaong ang nag-alay
ng gintong espada sa sanggol na mandirigma.
Ganito rin ang kaso ni Anilaw
Mayun Anlaw o Nuti Manlag Diwata, isang di-kilalang
anak ni Agyu at may katangian ng araw. Naging
palatanong ito sa ina sa mga gamit-pandigma sa
kanilang tahanan. May pangitain hatid ang kaniyang
pagtangis: napahamak ang kaniyang di pa kilalang
ama. Aniya, “Ano’ng pangalan niyong/
sa dingding ay nakasandig.” Pero pinigil
ng ina sa pag-uusisa ng anak. Aniya, “Huminto
ka sa pag-uusisa/Manipis pa ang buhok mo/ maikli
pa’t malambot.” Hindi tumigil sa pagtatanong
ang bata, hindi pumayag na ituring siyang musmos
ng ina. Hanggang sa ipakilala ng ina ang mga sandatang
nakabitin sa dingding at ang pangalan ng maharlikang
ama. Pinagsuot siya ng akmang damit at binigyan
pa ng kalasag na lumilipad para para mailigtas
ni Minayun si Agyu at ang lupang pangakong Nalandangan.
Binaklas ng mga batang sina
Lam-ang, Sandayo at Minayun ang pamahiing ang
bata o sanggol ay walang-wala. Paniniwala ng marami,
iniluwal ang sanggol na blangko ang pag-iisip.
Ngunit may mga pag-aaral na nagpapatunay na habang
nasa sinapupunan pa lamang, umuunlad na ang isip
nito.
Bakit nakikidigma ang mga
batang bayani? Kagyat na matutukoy ang paghahanap
at pagtatanggol sa ama. Ito ang layunin nina Lam-ang,
Taake, Banna, Aliguyon, at Binembi. Pagkaraang
malaman ang sitwasyon ng magulang, magiting nilang
tutugunin ang hamon ng adbentura. Itinatampok
sa bahaging ito ang pagpapahalaga ng mga kultura
sa pinag-ugatan ng kanilang lahi.
Naiiba sa karamihan ang kuwento
ni Pikasa o Pikas Indahag. Nagsimula ang kaniyang
adbentura hindi lamang para hanapin ang ama kundi
upang alamin ang kaniyang tunay na pangalan at
pinagmulan. Kahawig ito ng buhay ni Tudbulul,
na ibig nalaman ang kasaysayan ng kaniyang pamilya—buhat
sa lahi ng mga panday at mula kay Benati, ang
pinuno ng kulog. Hindi man hayag, kumbensiyon
sa bayani ng etnoepiko ang pagbibigay-halaga ng
lahing pinagmulan ng bayani.
Buhat sa katalogong ito ng
mga batang bayani, mailalatag ang mga katutubo
at etnikong paniniwala ukol pagkabatang Filipino.
Kapansin-pansing katangian ng mga sanggol o batang
bayani ang kapangyarihang makapagsalita pagkaraan
ng kanilang pagkakasilang. Si Lumalindaw, halimbawa,
ay may mahiwagang tinig na kayang magpabagsak
ng mga ibong lumilipad at ng mga buko mula sa
puno. Malay man o hindi ang mga talaulahingan,
iginigiit nilang may tinig ang bata sa lipunan.
Marapat itong pakinggan dahil may angkin itong
kapangyarihan. Hindi dapat isinasantabi ang kabataan
sa mga usaping pangkomunidad o pambansa. Ang pagpapalamuti
o paghihiyas sa buhay ng mga bata ay nagpapahiwatig
na may kakambal itong himala. Sinasabi ring bawat
bata ay mahiwaga. Nakaatang sa lipunan ang pagpapayabong
ng himala at salamangkang taglay ng bawat sanggol.
Magugunita ring ang mga bata sa epiko ay binibihisan
ng kasuotang pilak at ginto, at inihahalintulad
sa liwanag ng araw at pambihirang bulaklak. Inihahatid
nito ang mensaheng nararapat iaalay sa mga bata
ang lahat ng pinakamainam para sa kanilang ganap
na pag-unlad.
Idinidiin ng mga etnoepiko
ang paghahasa sa katalinuhan at kaalaman ng mga
batang bayani. Ang pagpapamana ng mga kagamitang
mahalaga sa isang grupo tulad ng kalasag, sibat,
at balaraw ay sagisag sa karunungang maipapamana
sa pagpapatuloy ng isang lipunan. Inihahatid nito
ang mensaheng hindi lamang sa pagbubuntis at pagluluwal
natatapos ang pagiging magulang. Hindi natatapos
ang tungkulin ng magulang at lipunan sa pagpapangalan
sa bata.
Kahit sabihin ng mga magulang
sa epiko na may gatas pa sa labi ang kanilang
anak, ang paa ng bayani’y kawayan, manipis
at maikli ang buhok, o tila karayom ang kanilang
mga bisig, binabasag ng epiko ang paniniwalang
mahihina ang mga bata. Labis na kapangyarihan
ang iniuugnay sa batang bayani, higit pa sa kakayahan
ng isang karaniwang matanda. At naisisilang lamang
ang bayani kapag naihandog ang tamang patnubay,
pananalig sa kanilang kakayahan, at naipamana
ang karunungan. Sapagkat ang bayani ay isinisilang,
hindi ng kaniyang ina, kundi ng isang lahi.
May pamahiin ang mga Pilipino
ukol sa mga bata at pagkabata. At ang mga pamahiing
ito ang dahilan sa pagkakaduhagi ng mga akdang
pambata sa panitikang Filipino. May suspetsa ako
sa ugnayan ng panlipunang tingin ng bata at sa
pagkalehitimo ng panitikang pambata. Kaya muli
kong iginigiit na mahalaga sa mga tekstong pambata
na hindi titingnang paslit, musmos, at hindi pa
ganap na tao ang bata, kahalintulad ng paggigiit
ng mga bata sa epiko sa kabila ng mga agam-agam
ng kanilang magulang. Hindi dapat itinuturing
na walang muwang at dahop sa talino ang bata.
Dahil kung hindi, bakit pa magsusulat ng mga akdang
pambata? Ang awit ni Amai Sondak, bukod sa aliw
na hatid sa mga taga-langit, ay pagsamba sa kadakilaan
ng mga ninuno; gayundin dapat ang tunguhin ng
manunulat para sa bata: ituring na sagrado ang
kaniyang mambabasa. Dapat magtiwala sa talino
at kapangyarihan ng mga bata—maiintindihan
nila ang mga salita, matutukoy nila ang kubling
simbolo sa mga talata, matatanggap nila ang realismo
sa akda, at maliligayahan sila sa mga bugtong
sa pantasya.
May mga nababasa akong kuwentong
pambata na ganito ang ipinaparating sa mga bata:
“Bata ka pa, hindi mo pa maiintindihan.”
O kaya’y “Huwag ka rito, usapang matanda
ito.” O “Bata ka ngang talaga. Pagdating
ng panahon, malalaman mo rin.” O “batang-bata
ka pa at hindi mo alam.”Ang mga siping ito
ay nagpapatunay ng pagsasantabi sa mga bata na
umunawa at sumuri sa kanilang sitwasyon. Kung
gayon, napapanahon nang palayain ang mga bata
sa mga pamahiin. Marapat na gawing aktibong bayani
ang bata na lulutas ng mga misteryo, hamon, at
problema sa loob ng akda. Hindi dapat gawing biktima
ng sitwasyon ang mga bata, o tagatanghod at tagamasid
lamang sa mga nagaganap. Pinakamalaking kasalanan
sa pagsusulat ng mga akdang pambata ang gawing
salimpusa ang mga batang tauhan sa loob ng kuwento.
Dahil sa pagkakalaganap ng
mga pamahiin ukol sa pagkabata, nagiging mapanghamak
din ang pagturing ng ilan sa panitikang pambata.
Diumano, ang bansag na “juvenile”
ay may taglay na pag-aalipusta sa anyo. May mga
pagkakataon ring makaririnig ng mga punang “pambata
lang naman.” Dagdag pa rito ang pagturing
sa pag-akda ng panitikang pambata bilang tuntungang-bato
o pagsasanay tungo sa seryosong panulat. Dahil
sa pananaw na hindi pa ganap na tao ang bata,
ito rin ang kinamihasnang pananaw sa panitikang
pambata; tila isang yugtong mapaglilipasan ng
manunulat kapag siya’y humusay o lumalim
na. Sa pagsasantabi sa mga bata sa usaping pangmatanda,
lumiliit ang pagtaya sa kathang pambata na hindi
maaaring tumalakay ng seryosong paksa. Hindi ko
rin namam masisi ang paniniwalang ito dahil nagkalat
ngayon ang mahihinang uri ng aklat pambata. Gayundin
ang kawalan ng kapangahasan sa paglalathala ang
mga mahahaba at lagpas-sa-pormulang aklat.
Dagdag pa, nagiging marka
ng kahusayan ang pagiging matanda at pagkagulang.
Nagiging alimura tuloy ang bansag na bata, paslit,
musmos. Maging ang mga kasabihang “marami
ka pang kakaining bigas” o “papunta
ka pa lang, pabalik na ako” ay epekto ng
ganitong baluktot na paniniwala ukol sa pagkabata.
Umuusbong din ang isang pang
problema sa pagdulog sa kuwentong pambata. Itinuturing
ang akdang pambata bilang daluyan ng pagtuturo
sa bata. Mababakas dito ang arketipo ng matanda
bilang master at ang bata bilang apprentice. Wala
namang masamang magturo. Ang di katanggap-tanggap
ay magmistulang sermon at lektura ang tekstong
pambata, na suliranin ng mga panitikan sa textbook.
Malaki ang pagbabago ng mga
bata sa panitikang-bayan nang dumating ang mga
mananakop sa kapuluan. Sa pangunang suri, masasabing
ang bata ang pangunahing biktima ng kolonisasyon.
Ang mga bata ang naging ehemplo ng urbanidad batay
sa pagkakahulma sa kanila bilang sibilisadong
indio. Bata ang naging kasangkapan upang ipatanggap
ang mga aralin sa panlasa at kulturang Kanluranin.
Dahil dito, kabataan ang pangunahing sektor ng
lipunan na unang nahuhubog ang kamalayang kolonyal
at namamanipula ang mga ideolohiya. Bata ang naging
proyekto ng mga mananakop sa pagbibigay ng sibilisasyon
at aparato sa pagpapalaganap ng kolonyal na relihiyon
at edukasyon. Mangyari pa, sa tingin ng imperyalista,
ang bansa’y isang ring batang dapat bigyan
ng gabay. Sa panitikang Filipino, matutukoy bilang
biktima ng kolonisasyon ang mga batang sina Urbana,
Feliza, at Modesto, sina Crispin at Basilio, sina
Nena at Neneng, si Yeyeng na naging Miss Phathupats.
Ang mga natukoy ay magpapatibay sa paglupig ng
mga kolonyalista sa kapangyarihan ng mga batang
bayani sa panitikang-bayan. Sapagkat sa kolonyal
na panitikan ng bansa, ang mga bata ay pinatatahimik
at pinipipi. Bata ang binabansot habang binubura
sa kolektibong gunita ang kabayanihan nina Binembi,
Minayun, Sandayo, atbp.
Sinasabi ng ilang kritiko
at historyador na tatlong dekada lamang ang edad
ng panitikang pambata sa bansa. Ngunit batay sa
pagdukal ng mga epiko ng kapuluan, maaaring mahango
ang kumbensiyon ng panitikang pambata na may perspektibong
Filipino. Makatutulong ang muling pagsasabuhay
ng kuwento ng mga batang-bayani hindi lamang bilang
tugon sa misrepresentasyon ng bata sa mga kolonyal
na teksto kundi paggigiit ng pagka-Filipino sa
panitikang inaaakusahang hango lamang sa estetika
at impluwensiyang Kanluranin.
Mahalagang ibalik ang kapangyarihan
ng bata sa kasalukuyang produksiyon ng panitikan.
Mainam ring ituro sa mga batang mambabasa ang
tradisyon ng mga Filipino ukol sa ganitong uri
ng mga kuwento. Mahalaga itong kapanabay na babasahin
sa pagtalakay ng mga karapatang pambata—pagkakaroon
ng sariling pangalan, tungkulin, at lugar sa lipunan;
sapat na pagkalinga; tamang edukasyon; at payapang
pamumuhay. Mangyari, ang mga awit ni Amai Sondak
ay testamento sa pagkilala sa bata bilang lehitimong
bahagi ng isang lipunan. Sa pamamagitan nito,
napagtitibay na nasa pambansang kaugalian ang
pananalig sa kabataan bilang potensiyal na bayaning
magtatanggol ng lupang pangako, ang piraso ng
paraiso sa lupa. Kung gayon, napapanahon nang
bigyang-pansin ang yugto ng pagkabata sa mga epiko
dahil hitik ito sa kabayanihang magsusulong sa
pagpapanatili ng lipunan at kultura. Kailangan
ding tandaan na ang isang bayani, sa anumang panahon,
sa anumang kultura, ay dumaan sa napakahalagang
yugto—ang pagkabata.
back to criticism | home |