criticism
Panitikan
ng Pagsampalataya: Isang Paglitis/Pagtistis sa
Wika’t Retorika ng Pananakop
ni Virgilio
S. Almario
Unang dapat pagpakuan ng sipat
ang pangalan ng unang limbag ng makatang Filipino:
“Fernando Bagongbanta.” Isa itong
pangalang binyagan at may tatak ng dalawang nagtagpong
kultura sa panahon ng kolonyalismong Espanyol.
Ang unang ngalan ay hiram at maaaring isinunod
sa bantog na hari ng Espanya; ang apelyido’y
katutubo at may pahiwatig na mapangahas.
Isa ba itong tunay na pangalan
o isang sagisag-panulat?
Nalathala ang “Fernando
Bagongbanta” kaugnay ng isang diumano’y
romance sa bungad ng librong Memoria de la vida
cristiana en lengua de tagala (Maynila, 1605)
na sinulat ni Padre Francisco de San Jose.
Sa edisyong 1835 ng libro, lumitaw
ito sa walang-bilang na pahina pagkaraan ng “Dedicatoria.”
Si San Jose ang nagbinyag ng romance sa akdang
binubuo ng 112 taludtod sa salit na Tagalog at
Espanyol at napapangkat sa 11 saknong. Tinawag
naman ni San Jose na isang “ladino”
ang may-akda.
Hanggang ngayon, wala pang dagdag
na impormasyon hinggil kay “Fernando Bagongbanta”
ang mga saliksik. Naiwang kaisa-isang panuring
para sa kanya at sa kanyang akda ang bigyag na
“ladino” na ayon sa mga teksbuk sa
panitikan ay isang makata o tulang bilingguwal.
Sa mga kolonya ng mga Espanyol noon, tinatawag
na “ladino” ang mga katutubong “Latinisado”
o natuto ng wikang Espanyol, bagama’t isa
rin itong pangngalan para sa isang “matalino’t
tuso.”
Ang pangalan mismong “Fernando
Bagongbanta” ay ladino. Sagisag-panulat
ba ito, samakatwid, para ipanukala ang wika’t
pamamaraan sa kanyang tula? Hindi kaya isang laro
ito ni San Jose mismo at ang tula ay isinulat
niya o ng isang kasabwat na Dominiko at kailangang
kathain ang ladinong si “Fernando Bagongbanta”
bilang balatkayo sa nangyaring pagpuri-sa-sarili
sa loob ng aklat?
Ang huling tanong ay maaaring
isudlong sa haka ni Bienvenido Lumbera na ang
romanse ni “Fernando Bagongbanta”
ay higit na dapat ituring na tulang Espanyol dahil
higit na may kalidad ng pagkatula ang mga taludtod
sa Espanyol kaysa mga taludtod sa Tagalog. May
ulat na “Francisco Blancas de San Jose”
ang buong pangalan ng may-aklat at matutuwa ang
mga manghuhula kapag nasilip na kapwa nagsisimula
sa “F” at “B” ang mga
pangalan ng pari at ng ladino.
Ngunit bakit “Bagongbanta”?
Isang “bagong banta” sa panulaang
Tagalog? Sa paanong paraan?
Si Julian Cruz Balmaseda ang unang
bumanggit noong 1938 nang may himig pasaring na
noong bagong datal ang mga Espanyol, ang “ipinalalagay
na pinakamagandang uri ng tulang tagalog ay ang
magkahalong kastila’t tagalog, upang ipakilala
na ang may-akda ay isang ‘ladino’
na nakababatid ng dalawang wika.”2
Diumano’y unang pinasukan ng mga Espanyol
ng salita nila ang mga katutubong sawikain at
sinundan mismo ng Tagalog bilang pagpaparangalan
sa kanilang kakayahan. Narito ang isang halimbawa
ni Balmaseda ng gayong pagkikisa:
ang uika ng castellano
ay tantoin mong totoo:
pag ang bata,i, retobado
tumanda ma,i, tarantado
Mangangailangan ng higit na mahahabang
salungguhit ang romanse ni Fernando Bagongbanta.
Hindi ito pagbubudbod lamang ng salita o pariralang
Espanyol sa taludtod. Manapa, bawat saknong ay
tila tambalang tinig sa dalawang wika, tulad sa
madalas sipiing unang taludturan:
Salamat nang ualang hanga
gracias se den sempiternas
sa nagpasilang nang tala
al que hizo salir la estrella
macapagpanao nang dilim
que destierre las tineblas
sa lahat na bayan natin
de toda esta nuestra tierra.
May pahiwatig ang unang malaking
titik sa unang taludtod at ang bantas na tuldok
sa huling taludtod na dapat itong basahin bilang
iisang pangungusap. Ngunit isang bitag ito sapagkat
kapag binasa, dalawa itong magkasalit na pangungusap.
Maaaring basahin nang hiwalay ang mga taludtod
na gansal sa tagalog:
Salamat nang ualang hanga
sa nagpasilang nang tala
macapagpanao nang dilim
sa lahat na bayan natin
at maaaring ituring na alingawngaw
sa diwa ang mga taludtod na pares sa Espanyol:
gracias se den sempiternas
al que hizo salir la estrella:
que destierre las tineblas
de toda esta nuestra tierra.
Kapag iwinalay ang mga taludtod sa Tagalog, mapapansain
sa unang saknong na may anyo itong nahahawig sa
katutubong dalit — isang saknong na may
apat na taludtod at may sukat na waluhan bawat
taludtod. Magpapatuloy ang aapating taludtod sa
ibang saknong maliban sa ikalima, na may tatlong
taludtod, ikawalo, na may limang taludtod, ikasiyam,
na may labing-isang taludtod, at ikalabing-isa,
na may siyam na taludtod. Ang sukat na waluhan
ay masisingitan ng siyam na taludtod na may tig-sisiyam
na pantig at dalawang taludtod na may tig-pipitong
pantig. Hindi na masama kung iisiping isang pari
na bagong aral sa Tagalog ang maytula. Gayunman,
sadyang kahina-hinala ang kahinaan ng tainga niya
sa tugma. Halos aksidente ang sintunugan sa dulo
ng ilang pareado at may mga pagkakataong tila
pagbuo lamang ng pangungusap ang nasa isip ng
maytula, gaya sa ikasampung saknong:
Si, galing aya nang palad
o grande, ventura, y buena
nang tauong nanasa nito
del que goza esta legenda:
mapopono ang caloloua
quedara su alma llena
nang cayamanan sa langit
de celestials riquezas
Parang hinalong calamay ang dulong
tunog ng “palad,” “nito,”
“caloloua,” at “langit”
at lalong tumitingkad, sa kabilang banda, ang
tila higit na pinaglimiang sintunugan sa mga katambal
na linyang Espanyol.
Sinulat nga ba ito ng isang di-Tagalog?
Maaari namang sinulat ito ng isang
Tagalog ngunit hindi makata. Samantala, ang mga
taludtod sa Espanyol ay maaaring naisaayos ni
San Jose kaya, wika nga ni Lumbera, at higit na
matulain ang anyo.
Titigan pa natin ang mga taludtod
sa Tagalog sa ibang saknong.
May layunin ang romanse ni Bagongbanta
na magbigay-puri sa aklat ni San Jose. Anupa’t
pagkatapos magpasalamat sa pagkalimbag ng Memorial
na ikinumpara sa isang maningning na “tala”
na pumawi sa “dilim” sunod-sunod na
inihanay ni Bagongbanta ang iba pang talinghaga
para idiin ang silbi ng libro sa mga babasa. Tinawag
niya ang aklat na “sulat na lubhang mahal”
sa ikalawang saknong at nagging simula ito ng
litanya ng panawagan sa tinig ng panambitan hanggang
sa ikawalong saknong. Narito ang ikatlo hanggang
ikapitong mga saknong:
Ycao ang napoponong caban
Tu eres cual arca llena
Nang manga taloqueng mahal
De todas preciosas sedas
Ipagbubuting totoo
que en galanan ay hermosean
sa banal na caloloua
al alma que es justa, y Buena.
Ycao ang mahal na gamay
joya linda, rica, y bella,
macabuti sa Christiano
que al pecho Christiano arreas
sampon talicalang quinto
y de oro rica cadena
na di co din cacalaguin
que no te sufrire suelta.
Ycao ang sandatang matibay
tu eres arma fuerte, y cierta,
na aquing ipagbabaca
de que usare yo en la guerra
cun tinotocso nang diablo
cuando el mal diablo me tienta.
Ycao ang matigas na toncod
bordon de estrana firmeza
icalilicsing di ualas
ay dara gran ligereza
dito sa paglalacaran
mientras ando en esta tierra
hangan di maquita ang Dios
hasta que al mismo Dios vea.
Ycao ang oguit na matibay
eres timon que no quiebra
cahimat binabagyohan
aunque haya tempested recia
sa iyo aco nananalig
mi esperanza en ti esta puesta
sa aquing paglalagayan
en aquesta mi carrera.
Bilang tula, ang mga saknong na
tio ang puso ng pagpuri sa aklat ni San Jose.
Ito rin ang pinakamatulaing bahagi ng romanse.
Makinis ang retorika at dumadaloy na tila isang
walang patlang na batis ang buong pahayag. Nasaliksik
ng pananalinghaga ang iba’t ibang hambingan
sa panulaang-bayan upang itampok ang birtud ng
libro: hitik sa diwang mataas ang uri (“napoponong
caban” at “taloqueng mahal,”
“mahal sa gamay” at “talicalang
guinto”) at mahusay na patnubay sa buhay
(“sandatang matibay,” “matigasna
toncod,” at “oguitnamatibay”).
Kung baga sa isang book review, isang pumpon ito
ng pariralang nasa antas pasukdol. Hangang-hanga
si Bagongbanta sa galling ng aklat ni San Jose.
Ito naman ang katwiran upang pagkatapos
pagsalitaan ni Bagongbanta ang mga mambabasa,
ang mga “capoua co Tagalog,” sa ikasiyam
at ikasampung mga saknong. Sa bahaging ito, nagbago
ang tinig ng panawagan mula sa panambitan tungo
sa nangangaral na patalastas:
Ay capoua co Tagalog
o la gente de mi tierre
payiin ang catamaran
vaya fuera la pereza:
lalaqui man at babayi
los varones, y las hembras
at ang manga batang munti
y los niños edad tierna:
nag si pag-aral din nito
aprended aquesta letra
totoong di ualang liuag
muy poco trabaho cuesta:
bago,y, ang daming paquinabang
mucho es lo que se interesa
dudunong na di sapala
seremos hombres de ciencia
at maguiguing banal din
y de ajustada conciencia
na ualang pagcaibhan
que no haya ya differencia
nang Castila,t, nang Tagalog
del de España al de esta tierra
Si, galing aya nang palad
o granda ventura, y buena
nang taoung nanasa nito
del que goza esta legenda:
mapopono ang caloloua
quedara su alma llena
nang cayamanan sa langit
de celestials riquezas.
Inirerekomenda ni Bagongbanta
sa kanyang mga kababayan na una’y igpawan
ang iwing katamaran at magbasa upang pakinabangan
ang libro ni San Jose. Kung baga sa gamut, parang
isang mahiwagang panlunas ang libro sapagkat ikagagaling
ng bata ma’t matanda at ng lalaki ma’t
babae. Hindi lamang din ito isang aklat pangkaluluwa
sapagkat nagdudulot din ng di-maulatang karunungan
(“dunong” sa Tagalog ngunit may diin
sa “ciencia” sa Espanyol) bukod sa
isang hadgan upang maipantay ng mga Tagalog ang
kanilang sarili sa mga Espanyol.
Sa dulo, parang baliw na muling
dinalit ni Bagongbanta ang panambitan at pagsamba
sa libo:
Aaquin aquinin cata
tu seas mi propia hacienda
sumaaquin aquin ca
siempre estes junto a mi cerca
cun acoy datnan nang lumbay
si me llegare tristeza
icao ang tantong pangaling
darme has consuelo de versa:
at cun may pagal at hirap
si bubiera cansancio, o pena
icao ang pagpapahingahan
en ti el corazon alienta
sasang anong paquinabang
los provechos son sin cuenta,
ang magmomola sa iyo
que de ti mi alma espera
gracias pati pa nang gloria
la gracia, y la gloria eterna.
Halos isigaw niya ang ganap na
pagtitiwala ng sarili sa libro (“Aaquin
aquinin cata/ sumaaquin aquin ca”) upang
sumakanya ang lahat ng pakinabang mula dito (“gracias
pati pa nang Gloria”).
Kailangang kathain si “Fernando
Bagongbanta” o kaya’y kailangang ilimbag
ang tulang “ladino” bilang bahagi
ng paggigiit sa nagaganap na transplantasyon ng
kulturang Kristiyano at Kanluranin sa lahat ng
pook na sakop ng mga Espanyol sa kapuluan. Ang
may-akda at ang akda ay maaaring basahin bilang
sagisag sa pag-iral ng pananakop sa katawan at
katauhan ng katutubo. Tingnan muli ang apelyidong
“Bagongbanta.” Ngayon ang salitang
“banta” ay karaniwang may kahulugang
“babala” (malimit na panganib) at
“sapantaha” o “suspetsa.”
Sa matandang bokabularyo, mangangahulugan din
itong “banghay,” “pakana,”
“panlilinlang” kaya’t ang apelyido
ay maaari nating basahin na isang talinghagang
palayaw sa “malikhaing pakana” ng
tekstong ladino.
Bago pa lumabas ang aklat ni San
Jose, isang malaking bagabag sa panig ng Simbahan
at mga misyonero ang pagbibigay ng “katwiran”
at “katarungan” sa isinagawang pagsakop
ng Espanya sa Pilipinas. Noong 1582, tumawag ng
isang pagtitipon ng mga tagapayo si Obispo Domingo
de Salazar sa Maynila upang harapin ang naturang
suliranin at kardo de konsiyensiya. Dito idineklara
ng Unang Sinodo ng Maynila ang hustipikasyon sa
kolonyalismo sang-ayon sa etikang Kristiyano:
Mapaiiral ang kapangyarihang Espanyol at mapasusunod
ang mga katutubo sa loob ng layuning imulat ang
mga tao sa Kristiyanismo. Ang ibig sabihin, ang
pagtupad ng katutubo sa kanyang tungkulin bilang
sakop ay dapat magmula sa kanyang boluntad na
pagkilala sa biyaya ng gayong relasyon at hindi
dahil sa takot at pang-aabuso. Ang pagbabayad
ng buwis at serbisyo ng katutubo sa Hari at pamahalaang
kolonyal at dapat nakaalinsunod sa mga aral ng
Diyos.
Nakatimo sa pangalan at akda ni
Fernando Bagongbanta ang “pangangatwirang”
ito sa pananakop. Isa siyang halimbawa ng “binyagan”
— ng katutubong nakakita ng “liwanag”
bunga ng banal na gawain ng mga misyonero at inihahandog
ang buong katauhan bilang kapalit ng kanyang nakamtan
na biyaya.
Sa akda ni Bagongbanta nangangasiwa
ang aklat ni San Jose bilang metonimiya sa buong
makinarya ng pagsakop sa kapuluan. Nagsisilbi
ang aklat na isang pagsasa-estetika sa naganap
at nagaganap na pagsikil sa katutubong katawang
panlipunan — ang teksto bilang “malikhaing
pakana” at kublihan sa buong manyubrang
pampulitika ng mananakop, mula sa rekonsentrasyon
ng mga baranggay sa lilim ng Kampana hanggang
sa sapilitang pagmimemorya ng katekismo. Taglay
ng teksto ang alindog panretorika — na lalong
tumitingkad sa pangyayaring isinulat sa wika ng
katutubo — upang bumighani sa sakop na kamalayan,
iwalay ito sa makamundong alalahanin (“kasalanan”
sa wikang misyonero; “pagsusuwail”
o “sedisyon” sa wikang gobyerno),
at ganap na lamuyutin itong tumingin sa “pakinabang”
at kagandahan lamang ng bagay-bagay sa loob ng
kinalalagyang panahon at kairalan.
Bahagi rin ng buong manyubrang
pampulitika ang pagtatanghal sa akda ni Bagongbanta
bilang salamin ng isang ganap nang simuno. Sa
halip na itanghal ang isang tauhang kalahok sa
dula ng pananakop, ang simuno ng akda ni Bagongbanta
ay isa nang sakop, isang bihag na kamalayan, kaya’t
walang maibulalas kundi apirmasyon ng “grasya”
at “gloria” sa kanyang kalagayan.
Saanmang tunggalian, hindi interesado ang mananakop
sa pagsisiyasat ng proseso ng pagsalungat; manapa,
higit nitong niluluwalhati ang palakpak ng tagumpay
at ang tinig ng pagsuko ng sinasakop.
Batbat ang wika ni Bagongbanta
sa malalim na sugat ng pagkaduhagi. Bilang reaksiyong
pampulitika, isinasadula ng kanyang 11 saknong
ang iba’t ibang antas ng “kusang-loob”
na pagtanggap sa pananakop. Pangunahin dito ang
pagkilala ng simuno/sakop sa kalagayang kolonyal
bilang isang mistikal na karanasan, tulad ng pagsilang
ng “tala” sa laganap na “dilim”
sa buong bayan, kaya’t walang kakayahan
ni dahilan para mag-usisa sa motibong pampulitika
at saligang kolonyalista ng kapangyarihang Espanyol.
Nakapaloob ang lahat sa bias ng pagsampalataya
— ang pagtanggap sa Awtoridad (“Diyos”)
bilang simula at wakas — na malimit humangga
sa pagpipikit ng mata sa kahit malalaking katiwaliang
nangyayari sa ngalan at bunga ng pagsampalataya.
Sinisilaw ng pagsampalataya ang binyagang kamulatan
kaya’t halos di maaninag ang kaalinsabay
at nasa likod na dahas ng dominasyon.
Bilang isang hibas (eufemismo)
sa pananakop, nagtatatag ang pagsampalataya ng
isang aparatong hirarkikal at may bisang mula
itaas pababa sa pagsasalin ng kapangyarihan. Nasa
taluktok ng orden ang isang bukal ng Kapangyarihang
labas sa anumang paglilitis at pag-uusisa at nagsasalin
ng poder na sumakop sa isang despotikong tagapamagitan,
na sa kabilang banda’y nagpapalaganap ng
kapangyarihan sa mga disipulo’t sakop.
Bukal ng Kapangyarihan
Tagapamagitan
Sakop
Sa loob ng sistemang piyudal at
kolonyal na pinairal ng mga Espanyol sa Pilipinas,
ang Simbahan ang sagisag ng tagumpay ng pagsampalataya
bilang instrumento ng pagsupil sa kalooban ng
mga katutubong sakop. Magkasukob ang Simbahan
at Gobyerno bilang tagapamagitan — na may
angkop na metonimiya sa kambal na lakas ng “krus
at espada” — at may tadhanang “binyagan”
ang buong lupain at ikalat ang Banal na tipan
ng Diyos.
Kaakibat ng pagtatatag sa “banal
na karapatang” sumakop ang pagwasak sa dinatnang
sinaunang kodigo sa kapuluan. Naganap ito sa pamamagitan
ng pagpapatanaw sa sarili ng katutubo bilang isang
nilikhang nangangailangan ng “liwanag”
at katubusan. Pinupulbos ng pananakop ang katauhan
ng sakop, inaalisan ng dangal at maipagmamalaking
kaakuhan, sa pamamagitan ng ulit-ulit na pagsilip
at pagpapakirot sa anumang sugat o lamat ng kaakuhan
dili kaya’y sa pamamagitan ng sapilitang
pagpapatanggap sa isang hakang kaakuhan. Malinaw
ito sa pag-amin ni Bagongbanta na pinaghaharian
dati ng “dilim” ang “hahat na
bayan natin.” Muli itong susungaw sa pangangaral
sa mga kapwa Tagalog na “payiin ang catamaran”
sa ikasiyam na sakong. Nagtutulong ang “dilim”
at “kamangmangan,” isa pang mukha
ng “katwiran” sa pananakop, kaya’t
lumiliwayway ang pagsampalataya bilang isang malaking
utang na loob na dapat ipagpasalamat at ang mga
dayuhan bilang tagapagdala ng “dunong”
(sibilisasyon).
Anupat’t mula sa pananaw
ng bihag na kamalayan, ang pagsampalataya sa “bagong”
kapangyarihan ay bumibighani bilang isang mapagpalayang
karanasan. Maaaring isang tanikala ito ngunit
isang “tanikalang ginto” kaya’t
dapat ingatan sa halip na kalagin. Tatak ng talamak
na hapdi ng pananakop ang pagkasupil pati ng mga
lunggati. Nagiging pangunahing layunin, samakatwid,
ng buhay ng katutubong sakop ang ganap na pagsampalataya,
ang “kabanalan” ng sarili, upang makaigpaw
ang sarili sa dating hamak na kalagayan ay maging
kapantay ng mananakop (“na ualang pagcacaibhan/
nang Castila,t, nang Tagalog”). Sa halip
managinip ng kalayaan, ipinapalit ng sikil ng
lunggati ang layuning maging katulad ng mananakop
(sa “dunong” — kasama na ang
pagsasalita sa wikang Espanyol — at “kabanalan”),
isang programang pang-edukasyon na nakapasan hanggang
sa balikat ng Kilusang Propagandista nitong ika-19
siglo.
Sa larangang pangwika, mababanaag
ang bihag na kamalayan sa paghuhunos ng kahulugan
ng mga salita mula sa mga taal nitong gamit tungo
sa isinasaling dalumat na Kristiyano’t Kanluranin.
Nakatudling na rin sa wika ni Bagongbanta ang
pumasok na mga angkat na salita, tulad ng “Christiano,”
“Diablo,” “Padre,” “Castila,”
“gracias,” at “gloria.”
Maliit pa ang bilang ng naturang panghihiram ngunit
mahihiwatigan ang bukas na kalooban ng wika upang
tanggapin ang banyagang bokabularyong ito para
sa mga konseptong Kristiyano — na higit
na malilinang sa wika ng pasyon at sinakulo —
ngunit higit na kakapal habang tinatamnan ng pananakop
ng mga angkat na halaman at punongkahoy ang Paraisong
kayumanggi at pinakikialaman pati pananamit at
pagkain ng mga katutubo.
Ang pagkamkam at paghalay sa wika
ng katutubo ay masisipat kahit sa pagkasangkapan
ng mga talinghagang-bayan tungo sa layuning sumasampalataya
ni Bagongbanta. Muling titigan ang imahen ng “caban,”
“gamay,” “sandata,” “toncod,”
at “oguit.” Sa loob ng aparato ng
pagsampalataya, dumudulas ang mga ito at nabubulid
ang pakahulugan tungo sa mga lunggating kristiyano.
Halimbawa, ang “caban” ay hindi na
isang karaniwang sisidlan ayon sa sinaunang gamit
nito. Naghuhunos ito bilang isang sagradong bagay,
tulad ng susunod na gamit dito sa isang litanya
bilang “kaban ng Tipan, at kakatawan sa
banal na Arka — ang lalagyan ng testamento
ng Diyos. Anupa’t hindi rin mamahaling sutla
(“talogueng mahal”) ang laman ng kaban,
sapagkat Salita ng Diyos, kaya nakapagdudulot
ng “ipinagbubuting totoo” ng kaluluwa.
Ganito rin ang transpormasyong
“gamay” — isang matandang salita
para sa alahas. Naglalaro ang talinghaga mula
sa lumang lunggating material tungo sa “tunay”
na layunin at lunggating espiritwal. Lilinaw ang
subersiyon kapag inisip na asetiko ang dulong
lunggati ng pagsampalataya — ang pagdudulot
ng aliw na dinalisay sa aliw ng katawang-lupa.
Binibighani, samakatwid, ng akda ang katutubong
kamalayan tungo sa “aliw” na higit
kaysa alinmang aliw na alam nito sa buhay kaalinsabay
ng pagtatanggal ng luma’t material ng kabuluhan
ng “caban,” “gamay” at
“taloque.”
Samantala, ang “sandata”
ay isang daglat sa kapangyarihan ng pagsampalataya.
Titigan muli ang anyo ng “krus at espada”
bilang kambal na hugis at instrumento ng pananakop.
Kung lilimiim ang nangyaring mga digma sa kasaysayan
sa ngalan ng relihiyon, angkop ang krus bilang
hibat sa inililingid nitong dahas at lagim ng
pananakop. Sa kabilang dako, ipinatatanaw sa akda
ang krus bilang isang sandatang higit na mabisa
kaysa anumang sandatang alam ng katutubo sapagkat
ito lamang ang maaaring ilaban sa tukso ng demonyo.
Dapat alalahanin ang tunglod ni
Moises sa muling pagbasa sa “matigas na
toncod.” Ang totoo, nakapaloob mismo sa
ikaanim na saknong ang buong episodyo ng pagsalunga
ni Moises sa bundok upang makaharap ang Diyos.
Mababanaag naman ang Delubyo sa Bibliya sa saknong
hinggil sa “oguit na matibay” bilang
sagisag sa sasakyan at pananalig ni Noe sa gitna
ng bagyo at lintik — isang sitwasyon na
umuungkat din sa naunang paglalarawan ng karimlan
sa buong bayan. Kahit ang “tala” sa
unang saknong ay dapat din ngayong iugnay sa mahimalang
senyas ng pagsilang ng Manunubos sa Bethlehem.
Hindi rin dapat kaligtaan ang
naganap na pagkamkam sa mga katutubong salita
upang pagsidlan ng “Kristiyanong kabuluhan.
Ang totoo, sa ngayo’y hindi na magagamit
ang mga salitang “banal,” “kaluluwa,”
“biyaya,” at “bait” nang
hindi sumasangguni sa kodigong Kristiyano. Ang
“pakinabang” ay nagkaroon ng ikalawang
kahulugan bilang komunyon sa ritwal ng Misa gayundin
ang “langit” na naging lunan at paraiso
para sa mga anghel at santo. Sa naganap na naturalisasyon
ng mga konseptong Kristiyano, nagsanga at yumaman
ang pakahulugan sa katutubong salita ngunit halos
ibilanggo sa tinanggap na “liwanag,”
katulad ng naganap na pagsakop sa katawan at katauhan
ng binyagang katutubo.
Sa loob ng aklat ni San Jose ay
nalimbag din ang isang tula (nasa mp. 451-452
ng edisyong 1935) na sinulat diumano ng isang
di-kilalang Tagalog (una persona tagala). Binubuo
ang tula ng limang saknong at bawat saknong ay
may anim na taludtod na may sukat na pipituhin
at tugmang isahan. Narito ang tula:
May bagyo ma,t, may rilim
ang ola,y, titiguisin
aco,y, magpipilit din:
aquing paglalacabayin
toloyin cong hanapin
Dios na ama namin.
Cun di man magupiling
tocsong mabaomabaoin,
aco,y, mangangahas din:
itong libro,y, basahin,
at dito co hahangoin
aquing sasandatahin.
Cun dati mang nabulag
aco,y, pasasalamat,
na ito ang liuanag
Dios ang nagpahayag
sa Padreng nagsiualat
nitong mabuting sulat.
Naguiua ma,t, nabagbag
daloyong matataas,
aco,y, magsusumicad
babagohin ang lacas;
dito rin hahaguilap
timbulang icaligtas.
Cun lompo na,t, cun pilay
anong di icahacbang
naito ang aacay
magtuturo nang daan:
toncod ay inilaan
sucat pagcatibayan.
Tulad ng akda ni Bagongbanta,
ang tulang ito ng isang di-kilalang Tagalog (isang
makatang-bayan?) ay isinulat at inilimbag para
magbigay-puri sa aklat ni San Jose. Maraming sabang
ng pagkakatulad ang dalawang tula sa tayutay,
tinig, himig, at maging sa kinasangkapang talinghagang-bayan.
Ngunit kapag idinikit pa ang akda ni Bagongbanta
sa “May bagyo ma’t may rilim”
(nakagawian na ngayong itawag sa tula), halimbawa’y
sa una hanggang ikawalong saknong ni Bagongbanta,
uusling parang mahabang kamison kaysa laylayan
ng saya ang mga sangkap na di-kanais-nais na pagkatula
ng taludturan ni Bagongbanta. Bukod sa makinis
na tugma’t sukat, na mahigpit na hihingi
noon pa sa kahit na panulaang-bayan ng mga Tagalog,
higit na dramatiko’t malinis ang salansan
ng mga saknong sa huling tula.
Unang titigan ang paggamit ng
pasakaling “kung” (“Cun”)
at “ma’t” sa bawat pangungusap
ng ikalawang tula. Hindi lamang ito isang kasangkapang
panggramatika’t panretorika upang bigkisin
ang buong limang saknong. May bias rin itong magpaliwanag
sa lohika’t daloy ng mga pangungusap at
nakatutukoy sa mga particular na sitwasyon pinaggagamitan
ng hambingan.
Sa ganito, higit na malinaw ang
panukalang hambingan para sa silbi ng libro ni
San Jose. Ikinumpara ang pagbasa sa aklat sa isang
paglalakbay sa gitna ng mga panganib — may
bagyo’t may dilim, nagkalat ang tukso, madaluyong
ang alon — kaya’t kailangan ang aklat
bilang “sandata,” “liwanag,”
“timbulan,” at “tungkod.”
Sabi nga sa isang akdang panrelihiyon, at mula
sa Bibliya: “maliuag cang mapasoc sa langit,
at marali pa ang anuang sa butas ng kayayom”
(na ang ibig sabihin, mahirap makapasok sa langit
at madali pa ang pagpasok ng kalabaw sa butas
ng karayom).
Kapwa malakas at madamdamin ang
tinig ng dalawang papuri kay San Jose ngunit higit
na lohikal at mapaglimi ang sa di-kilalang makatang
Tagalog. Itinuituro mismo ng katwiran at sisteng
katutubo sa panulaang-bayan ang gayong disiplina.
Maitatanong: Bakit kaya isinaksak
sa gitna ng aklat ang “May bagyo ma’t
may rilim” samantalang pambungad ang “Salamat
nang walang hangga?” Hindi kaya isang imitasyon
lamang ng: “May bagyo ma’t may rilim”
ang akda ni Bagongbanta na dinagdagan ang tindi
ng madamdaming papuri bukod sa bilang ng taludtod
at saling Espanyol para higit na tumangos ang
ilong ni San Jose? Bahagi kaya ito ng mahihinalang
sabwatan upang higit na itampok ang tulang “ladino?”
Kapag sinipat pa ang “May
bagyo ma’t may rilim” masisilip sa
estratehiya ng pasakaling retorika ang pailalim
na pagsalungat ng saloobing katutubo sa nagaganap
na aparato ng pananakop. Tumitibok sa taludturan
ang higit na praktika na pagtuturing sa silbi
ng sinulat ni San Jose, iniuugnay pilit sa mga
tiyakang suliranin at karanasan sa buhay, kaya’t
nasusubhan ang eksaheradong pananalig at “pakinabang”
na binigkas ni Bagongbanta sa kanyang ikasiyam
na saknong. May iwing resistensiya ang di-kilala
o di-ipakilalang (?) makata sa maalindog na “liwanag”
ng pagsampalataya at mula sa pananaw ni San Jose,
isang dahilan para hindi ito isamang pambungad
sa piling ni Bagongbanta. Anu’t anuman,
ang naging pagganap ng ladino at ng makatang-bayan
bilang mga tagasambit ng pagsampalataya o mga
simunong sakop ay magpapabanaag sa atin ngayon
sa iba’t ibang tindi o antas ng bias ng
pananakop sa mga katutubo. Ang naging lunan ng
mga tula sa loob ng aklat ay maaaring basahing
sagisag sa balorasyon ng mga akda sang-ayon sa
panukatan ng mananakop.
Kapag binalikan ang tinig sa akda
ni Bagongbanta, mauulinigan ang kirot at hapdi
sa bihag na kamalayan.
Sa loob ng aparato ng pagsampalataya,
ang tinig ay nagmumula sa saray na pang-ibaba
at sakop. Gayunman, masigasig itong ibukod ang
sarili bilang isang natatanging sakop, bilang
“binyagan” at tumanggap ng “liwanag”
na dapat ihiwalay sa nakararaming di-binyagan
at nasa “dilim.” Gumagawa samakatwid
ito ng bagong saray sa pagitan ng tagapamagitan
(mga dayuhang pari at pinuno ng gobyerno) at ng
mga sakop (“mga capoua Tagalog”) at
may uring deboto at disipulo, isang pribilehiyadong
tinig na maaaring tagapagpauna ng mga lunggati
at posisyon ng maginoo’t principales sa
lipunang kolonyal noon sa Pilipinas.
Malakas ang simbuyo ng tinig na
gayahin ang himig at anyo ng tagapamagitan. Maaaring
ito’y mataginting, tulad ng tinig sa pulpito,
at nagpapanukala ng pagkilala sa natamo nang pakinabang
ng sarili sa “dilang magandang aral.”
Taglay ng tinig ang parikala sa sariling katayuan.
Mataginting ito ngunit hungkag na gaya ng batingaw;
matapat ngunit puro alingawngaw ng hinuhuwad at
orihinal na tinig. Hindi nito mabubura ang gawang
at pagkakaiba ng dayuhang tagapamagitan (ang misyonero/prayle)
at ng simunong sakop. Gaya ng pangyayaring, sa
kasaysayan, hanggang noong 1841 ay itinuring pang
rebelde at binitay ang katutubong si Apolinario
de la Cruz dahil sa ambisyong maging pari. Isang
tinig itong dahil sa pagtatakwil sa katutubong
sarili ay nawawalan ng awtensidad. Mananatiling
isang sagisag-panulat ang mga tulad ni Fernando
Bagongbanta — isang “ladino,”
ngayo’y sa pakahulugang alanganin, hindi
banyaga, hindi katutubo o kaya’y isang katutubong
binabakla ng banyagang lunggati, ng lunggating
huwad at ipinasarili ng dayuhan,
Ang sidhi ng pagtatanghal sa halaga
ng sarili’t tungkulin (bilang tagapuri sa
aklat ni San Jose at bilang halimbawa ng isang
tumanggap ng “liwanag”) ang siya ring
nagiging sanhi ng opasidad ng kanyang tinig. Hindi
sapat ang wika ng simunong sakop upang ganap na
maipaliwanag (maibahagi ang “liwanag”)
ang mistikal na karanasan. Kaya kinakailangan
ang konstelasyon ng mga talinghaga sa unang anim
na saknong upang maturol ang layon, upang maging
kongkreto ang pagsampalataya, na lalo namang nagiging
mistikal, plural, at walang issang kabuuan. Ang
pagsisikap ay parang literal na pagsuong sa ningas
ng gamugamo sa kuwentong-bayan na binulag ng liwanag.
Kasalungat nito sa kasaysayan ang kasawian ni
Tamblot, isang babaylan, at umabot sa 2,000 kapanalig
sa Bohol dahil sa patuloy nilang pagsamba sa mga
sinaunang anito at diwata noong 1621. O kaya’y
ni Sumuroy, anak ng isang babaylan sa Samar, na
nanguna sa mga manggagawa noong 1649 laban sa
sapilitang pagtatrabaho sa pagawaan ng barkong
pandigma sa Cavite.
Para sa atin ngayon, tulad ng
ipinahihiwatig ng komentaryo ni Lumbera sa pagkatula
ng akda ni Bagongbanta, bigo ang wika upang isatula
ang pagsampalataya. Sa kabilang dako, maaaring
sipatin ang mga patlang sa taludtod bilang siwang
na pinaghaharian ng sumusupil na kamalayan, na
para bang nangingibabaw ang pagsampalataya kung
saan nauudlot ang katutubo’t sakop na wika.
Si Bagongbanta ang unang Abraham
sa panulaang Tagalog, nakahandang isakripisyo
ang sariling dugo’t laman alang-alang sa
pananalig. Bilang isang pagbabalik-sipat, maaaring
lingunin ang gantimpala sa gayon pagpapasakit
kalakip ng malasakit sa mga sinasadya’t
di-sinasadyang biyaya ng kolonyalismong Espanyol.
Ngunit higit na kagila-gilalas basahin ang kanyang
teksto bilang larangan o sityo ng paggahis at
paggahasa sa wika’t katawang katutubo. Mayaman
sa pahiwatig ang kanyang teksto tungo sa wastong
pagkilala ng Mahal na Passion ni Gaspar Aquino
de Belen at Urbana at Feliza ni Modesto de Castro
bilang mga kaganapan ng lunggati’t mithiing
tila bulyos na inihahampas ngayon sa sarili’t
penitenteng katawan kapag Semana Santa.
Malalim ang tinamong sugat ng
katawan ng wika sa tarak ng “krus at espada.”
Naghilom man ang mga ito’y balantukan at
kumikirot sa dapyo ng tunay na damdaming mapagpalaya.
Nakapagbibihis si Bagongbanta at maaaring isa
sa matatabil na kaaway ng katutubong wika ngayon
o isa sa mga pumipetisyong maging estado ng Estados
Unidos ang Pilipinas. Maaari din namang matuklasan
natin siyang isa sa mga nangangayupapa sa krus
na kawayan sa kung sang sulok ng Bundok Banahaw.
Mga Tala:
1 Bienvenido L.
Lumbera, Tagalog Poetry: 1570-1898 (Quezon City:
Ateneo de Manila University Press, 1986), p.
37.
2 Julian Cruz Balmaseda, Ang Tatlong Panahon
ng Tulang Tagalog (Surian ng Wikang Pambansa,
1938), p. 15.
back to criticism
| home |