fiction
Mula sa kopi teybol dedbol buk
ni Eros S. Atalia
Nang Lapastanganin Sina Asyang Aswang at Minyang Manananggal
Magkatabing nagpapahid ng langis sina Asyang at Minyang sa pusod ng sagingan.
Nagkubli na parang nahihiya ang buwan sa nasasaksihan.
“Peste… talaga oh, akalain mo bang sa ganitong paraang pa
tayo mabubuntis?” habang hinihimas ni Asyang ang tyan ng langis,
“hanggang ngayong buwan na lang tayo pwede makapanila… masyado
ng malaki ang tyan natin, mahihirapan na tayo.”
“Bwaka ng anghel na buhay talaga ‘to. Eh, akalain mo bang
may magkainteres pa sa atin?” habang unti-unting humihiwalay ang
pang-itaas sa pang-ibabang katawan ni Minyang na binibitbit ng kanyang
malalapad na pakpak.
“Kasi ba naman… bakit ba naman eh. Nung iwan ko itong kaputol
ko sa kamalig nina Mang Ute, di ko akalaing pakikialaman ito ng anak niyang
sinto-sinto. Lapain ko tuloy sa galit.”
“Buti ka nga at kahit sinto-sinto eh tao ang ama ng anak mo. Eh
ako?” gigil ang tinig ni Asyang samantalang lumilitaw na ang makakapal
nitong buhok at balahibo, mahahabang mga pangil at matatalim na mga kuko.
“Ha? Bakit… sino ba ang ama nyan?” ang nguso ni Minyang
sa sinapupunan ng kaibigang aswang.
“Noong hinahabol ako ng ronda, nagsa-aso ako at agad na pumasok
sa bakuran ni Kapitan… Akalain ko bang sangkatutak ang mga Doberman
doon?”
back to fiction | home |