poetry

Pagbalik sa Tubig
ni Zosimo Quibilan, Jr.

Itong pagbalik. Itong pagsasariwa
sa pamilyar na pinagtahanan. Madilim.
Malalim. Walang makakapitan, kahit lumot
kahit kumot o labadang ikinula kamakalawa pa
sa lawak ng paglalawa sa palanggana. Pangaraping
kusot-kusotin ang bawat hibla, ang damit na hindi yari
sa tela. Ang suot sa ibabaw ng mismong balat
bago pa isilang sa unang umaga.

Huwag,
magkakawag. Hintaying magpahiwatig
ang pamimitig ng bisig, binti. Sa bagang
unti-unti nang humihiyaw huminga, lumunok.
Lumunok. Ang pamamantal sa talampakan matapos
ang hindi matapos-tapos na sandali ng pagbulusok.
Nang sinalubong o sumalubong sa tumilamsik na hamog.

Itong pagbabanlaw sa anumang natitirang tapang,
sa paglaktaw sa natitirang hangin, sa paninging
kinurtinahan ng maalong buhok. Suminghap-
singhap, ngayong tapos nang lumagpak. Tarantang paghablot
lumulusot sa mga pagitan ng daliri.

Itong huling pagtangging
pumisan sa mga bato, suso, gurame, laksa-
laksang bula. Pumapanaw ang haraya ng mga kamay
ng kaibigan, kalanguyan. Pagpadyak ng mga paang
sumisipa sa dumi. Pumapalo sa mukha. Pumipiga,
pumipiga.

Itong pagbabalik. Itong pagbabagong-anyo, nilikhang
panlupa na nakayapos sa pagkapangkatubigan. Luray-
luray at kinupasan ng buhay. Ang pinagmulan bilang
katapusan, ipinaghehele ng malalambing na pagkibot.

Dalawang pusong
tumitibok-tibok. Minsan
magkasabay, minsan sinisinok.

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive