Summary: Arbeen Acuña’s Tala sa Babala ng Balang Araw

Summary: Arbeen Acuña’s Tala sa Babala ng Balang Araw

Summary
Arbeen Acuña’s Tala sa Babala ng Balang Araw 
Moderator, Rolando Tolentino

Bilang panimula sa talakayan ng manuskrito ni Arbeen Acuña, binaybay ni Rolando Tolentino ang kasaysayan at naging paunlad ng modernistang kilusan sa maikling kuwento sa Filipino. Inilarawan din niya ang ilan sa mga pangunahing tendensiya sa pagsusulat ng mga batang kwentista sa kasalukuyan: maiksi, fragmented, eksperimental—mga katangian na tumutukoy sa postmodernong pagkiling ng kanilang mga akda. Aniya, sa ganitong parametro niya sinisipat ang proyekto ni Acuña. Para naman kay Acuña, ang pagsusulat ay isang uri ng paggawa (labor) na nakapaloob sa isang partikular na moda ng produksyon. Ipinaliwanag din niya ang kanyang (pag)posisyon at ng kanyang mga akda sa mga pangkulturang institusyon na nagbibigay basbas (at kung gayon, kapangyarihan) sa mga akdang pampanitikan.

Ang manuskrito ni Acuña ay isang kalipunan ng mga abstrak para sa isang academic conference na ginugunita ang ika-200 taon na kapanganakan ni Ferdinand Marcos. Gamit ang isang dystopian na Pilipinas bilang tagpo, inilalahad ng kanyang mga piyesa sa isang absurdo at pakutya na paraan ang mga bagahe at kontradiksyon sa kasaysayan ng Pilipinas at lipunang Pilipino.

Positibo para sa karamihan ng panel ang naging pagtanggap sa proyekto. Bukod sa itinatanghal nitong diskursong pulitikal, may dating para sa kanila ang pagpapaloob ng nilalaman sa isang animo’y bago at ‘di-kumbensyonal na anyo. Para kina Wilfredo Pascual at Luna Sicat-Cleto—na parehong may matingkad na alaala sa mga artifact na may kaugnayan sa Martial Law (hal. Nayong Pilipino)—may kakaibang danas na ipinababatid ang teksto dahil sa isinisiwalat nitong masalimuot na pagkakawing ng nakaraan, kasalukuyan at hinaharap, ng kasaysayan at pulitika.

Sa kabilang banda, lumitaw din ang agam-agam ng panel hinggil sa wika at estilo ng paglalahad ng mga akda. Para sa iba, nagkakaroon ng limitadong mambabasa ang proyekto sapagkat malaki ang hinihingi nitong atensyon mula sa mambabasa. Ani Tolentino, maaaring lumikha ng sariling elitismo ang isang akdang avant-garde. Kay Enrico Melendez, maaari itong tingnan bilang  positibong bagay. Para sa kanya, ang paglinang sa isang uri ng mambabasa (na maaaring tanging makauunawa ng isang akda) ay isa ding paraan ng pagdidiin sa isang uri ng ideolohiya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *